Share

Chapter 6 "nasisiraan ng bait"

"ILANG ARAW ka na raw na hindi pumapasok sa chemistry subject mo, according to Mrs. Dolor," mommy ni Zarah.

Napatingin si Zarah sa kanyang mommy. Kasalukuyan silang naghahapunan nang gabing iyon. At kararating lang din nito mula sa pakikipagsosyalan. Makapal pa ang make- up nito sa mukha at kumikinang ang mga suot nitong alahas sa katawan. Mula nang maging successful sa negosyo ang Daddy niya ay hindi na ito nagtrabaho.

"Sinabi po niya 'yon?" painosente niyang tanong dito. "Nagkita kami kanina sa bahay ng friend kong si Vangie," wika ng mommy niya. "Kaibigan siya ni Vangie, eh." sabi pa nitong tinukoy ang professor niya sa chemistry.

"Dalawang meetings pa lang naman po ang hindi ko napasukan eh, dahil nahilo ako no'ng isang araw at sumakit naman ang ulo ko kanina," palusot niya.

Agad namang umarko ang tattooed kilay nito. "Napapadalas naman yata ang pagkakaroon mo ng sakit?" anitong tila hindi kumbinsido. "Baka naman ay may boyfriend ka na at nagde- date kayo?" pagdududa nito.

"Hindi pa po ako sinasagot ng nililigawan ko, eh," kusang lumabas sa bibig niya na hindi man lang inisip ang sinabi.

"What did you say?" sabad naman ng Daddy niyang kanina lamang ay maganang kumain na halos walang pakialam sa pinag- uusapan nila ng Mommy niya. Mahigit sisenta anyos na ito at malapit nang umabot sa pagiging obese condition dahil hindi nito makontrol ang kahiligan sa pagkain.

Wala silang ibang kamag- anak sa lugar nila. Binata pa ang Daddy niya nang mapadpad ito doon. Doon na nito nakilala ang Mommy niya na kaya rin lang napadpad sa lugar na iyon ay dahil sa trabaho nito sa isang patahian ng mga damit. Naging supervisor pa nito roon.

Sentro kasi ng kalakalan ang kanilang lugar. May lahing Chinese rin ang papa niya kaya mahilig ito sa negosyo. At doon rin sila sinuwerte.

"H-ha? w-wala po," mabilis niyang bawi. "A-ang sabi ko wala naman pong nanliligaw sa akin kaya wala talaga akong boyfriend."

"Huwag na huwag kang magpapabola sa mga lalaki, hija," babala ng kanyang ina. "Mabait lang sa umpisa ang mga 'yan. "Sumulyap pa ito sa Daddy niya nang sabihin nito ang mga salitang iyon. Pagkatapos ay umirap. "Tingnan mo na lang ang Daddy mo. Wala ng panahon sa akin iyan , dahil nagpakasasa na masyado sa pagkain."

"Sa negosyo kamo ang sabihin mo!" asik ng kanyang ama na tumingin sa kanyang ina. "Habang ikaw naman ay nagpapakahibang sa mga sosyalan at mahjong." dagdag pa nito na nanatiling madilim ang titig dito.

"Nililibang ko lang ang sarili, Antonio," angal ng mommy niya. "Kung hindi, baka nasiraan na ako ng bait sa bahay na 'to."

"Mas maigi pa sigurong umibig ka sa isang lalaking mahirap. Sa isang lalaking mahirap na may panahon sa'yo at sobra kung magmahal." dagdag pa ng mommy niya.

Napakislot naman siya sa kanyang kinauupuan. Lihim siyang nagdiwang sa sinabi ng ina. Mukhang hindi siya magkakaproblema sa mga magulang niya kung katulad ni Luke ang kanyang iibigin at ipapakilalang boyfriend sa mga ito.

"Really, Mom?" nakangiting tanong niya na tiniyak kung tama ba ang kanyang narinig.

"Oo, hija," sagot nito. "Dahil ang dati kong naging nobyo ay hamak na laborer lamang sa isang construction noon at minsan ay naging kargador ng mga saku- sakong palay. Pero sobra itong maasikaso. Palagi itong naglaan ng oras para sa akin. Nagsisisi nga ako kung bakit ako napunta sa Daddy mong saksakan na ng taba--"

Ibinagsak ng kanyang ama ang nakakuyom na kamao sa ibabaw ng mesa kaya natigil sa pagsasalita ang mommy niya. Pagkatapos ay galit nitong iniwan ang mesa. Paika- ika itong lumakad dahil sa sobrang laki ng tiyan. Agad naman siyang nakaramdam ng awa sa ama.

"Ipinapahiya mo naman si Dad, Mom," aniya sa ina na tila walang pakialam sa ginawang pag- walk out ng Daddy niya.

"Eh, bakit? Talaga namang mataba na siya, ah? Wala na siyang disiplina sa pagkain kaya't lumubo na siya ng husto. Tampuhan na ako ng mga tukso ng mga kaibigan at mga kumare ko nang dahil sa kanya."

Hindi na lamang siya nagkomento pa. Hinayaan na lang niya ito sa kakareklamo.

BUKAS ay araw ng linggo. Hinanda ni Zarah ang kanyang damit na susuotin sa pagsimba. Gaya ng nakasanayan ay mas pinili niya ang bestidang lampas tuhod ang haba. Kahit na puro croptop at fitted jeans ang palagi niyang isinusuot ngunit pagdating sa pagsisimba ay ipinagliban niya ang pagsusuot ng mga yon.

Malaki ang respeto niya sa itinuring na bahay ng Diyos; ang simbahan, kaya nagdadamit talaga siya ng naangkop doon. Naisip niya rin si Luke kung magsisimba ba ito bukas. Nais niya sanang tanungin ito ngunit rest day nito tuwing sabado at linggo sa pagiging hardenero kaya wala ito sa mansiyon ng buong araw.

Umaasa na lamang siya na makikita niya ito sa simbahan bukas, dahil pakiramdam niya na kahit isang araw lang niyang hindi nasisilayan ang binata ay sobrang namiss na niya ito.

Araw ng linggo. Wala sa sermon ng pari ang atensyon ni Zarah habang nasa loob ng simbahan. Nakatuon ang paningin niya kay Luke na naroroon din kasama ang nanay nito. Laki niyang pasasalamat ng nagkatotoo ang hiling niya kagabi na sana ay makita niya ang binata dito sa simbahan. Mas matandang tingnan ang nanay nito kesa mommy niya dahil sa losyang ang hitsura nito at maraming wrinkles sa mukha. Pero ang mommy niya ay alagang- alaga ang mukha nito sa mga mamahaling beauty products na palaging binili nito.

Tapos na ang misa ngunit naroon parin sa loob ng simbahan ang mag- ina. Nagrorosaryo pa kasi ang nanay nito.

"Tara na ma'am," yakag sa kanya ni Carmelita. Ito ang palagi niyang kasama sa tuwing magsisimba dahil wala namang panahon sa bagay na iyon ang mga magulang niya.

"Saglit lang Carmi," aniya nang sulyapan ito. Parating nakatali ang mahabang buhok ni Carmelita. Parati rin itong naka- headband upang itago ang malillit at kulot na bangs nito. Long sleeves na bestida ang parating suot nito kapag nagsisimba dahil iyon daw ang itinuro dito ng nanay nito. Kahit pa na mainit sa loob ng simbahan. Kung kaya'y hindi pa man nangangalahati ang misa ay gabutil na ang pawis nito sa noo.

"Naliligo na ako sa pawis, Ma'am," reklamo pa nito na di magkandauto ang mga kamay sa kakapunas ng pawis gamit ang maliit nitong panyo. "Umuwi na tayo, ma'am."

"H- ha? Ano.. mangungumpisal pa ako Carmi," pagdadahilan niya. Pero ang totoo ay iba ang pakay niya.

"Mangungumpisal o aabangan n'yo lang si Lucas?" sabi pa nito sabay tulis sa nguso na tinuro ang kinaroroonan ni Luke at ang nanay nito.

Siniko niya ito. "Huwag kang maingay." pinandilatan pa niya ito. Muli siyang tumingin sa kinaroroonan nila Luke. "Bakit ang tagal- tagal magdasal ng nanay niya?" di napigilang tanong niya na tila ilang minuto na silang naroon.

"Ganon po talaga yan, ma'am Ara. " Latin pa nga po ang dinarasal niyan, eh. Kapag napangasawa nyo po si Lucas, matuto po kayong magdasal ng Latin."

"Ganon?" Napangiwi siya. Nasa bagong henerasyon na sila ngayon ngunit parang nagpapaiwan ang mga ito sa dating katuruan.

Maraming alam talaga si Carmelita tungkol kay Luke at sa nanay nito. Palibhasa magkalapit lang ang mga bahay nito.

Ilang minuto pa ang kanilang hinintay bago tuluyang tumayo ang nanay ni Luke. Sa wakas ay natapos ng magdasal ito. Mabilis naman siyang tumayo at agad na hinila si Carmelita.

"Let's go!" hila niya kay Carmelita palabas. Nakakita naman siya ng dirty ice cream paglabas nila ng simbahan. Bumili siya ng tatlong ice cream in cone. Binigay niya kay Carmelita ang isa at pagkatapos ay nakangiting nilapitan niya si Luke at ang nanay nito.

"Magandang umaga po, Nanay Lucia," bati niya agad sa nanay ni Luke.

Iyon ang sinasabi ni Carmelita sa kanya na pangalan ng matanda. Pinahawakan pa niya ang ice cream in cone kay Carmelita upang makapagmano siya ng maayos rito.

"Kaawaan ka ng Diyos, anak," saad ni Aling Lucia.

"Para po ito sa inyo." Iniabot niya rito ang ice cream. Kinuha niya kay Carmelita ang isa at iniabot naman kay Luke. Tila napipilitan lamang ang binatang tanggapin iyon. Samantalang ibinigay naman ni Aling Lucia sa paslit na dumaan ang ice cream na bigay niya.

"Pasensiya ka na, hija," pagkuwan ay sabi nito. "Matutunaw ang sorbetes pag hindi ko ipinakain sa iba. Hindi kasi ako kumakain ng kahit na ano pagkatapos kong magkomunyon."

Nais niyang sisihin ang sarili at hindi niya naisip iyon.

"Okay lang po yon, Nanay Lucia. Pasensiya na po na hindi ko agad naisip iyon," pag amin niya rito. Ngunit laking gulat niya nang ibigay rin ni Luke sa isang batang dumaan ang ice cream na ibinigay niya.

"Hindi ako mahilig sa ice cream," pormal nitong sabi. "Pasensiya na rin po kayo, ma'am. Mauna na ho kami, tara na, Nay." yakag nito sa ina na tila nais na nitong makaalis agad.

"Sandali, hijo," pigil ni Aling Lucia sa anak nang akmang hahakbang na sana. At tumingin ito sa kanya. "Siya ba si Zarah? Ang madalas mong ekuwento sa akin?"

Napamulagat naman ang kanyang mga mata sa narinig. Nais niyang lumundag sa sobrang tuwa. Hindi siya makapaniwala sa rebelasyong narinig mula sa nanay mismo ni Luke. "Ikinukuwento po ako sa inyo ni Luke, Nanay Lucia?" tila excited niyang tanong rito.

"Aba'y madalas niyang sabihin na may sakit ka raw."

"H-ha? May sakit ako?" naguguluhang ulit niya.

"Tara na, Nay," yakag muli ni Luke na tila nais nang iiwas ang ina sa pag uusisa niya. Ngunit hindi naman nagpapatinag si Aling Lucia, patuloy parin ito sa pagsasalita.

"Oo hija," nakangiting sagot ni Aling Lucia. "Pero pabiro lang namang sinasabi nitong anak ko na parang nasisiraan ka na raw ng bait."

"Nay!" matigas ang boses na awat ni Luke sa ina. Ngunit hindi pa rin nagpapapigil si Aling Lucia sa nais nitong sabihin sa kanya.

"Kaya naman niya nasabi yon ay dahil sa mukha raw na ayaw mong maging mayaman. Gusto mo raw na maging mahirap katulad namin."

Nagpipigil na binalingan niya si Luke. Halos sumabog ang puso niya sa sama ng loob. Akala pa naman niya ay may gusto na rin sa kanya ang binata kaya siya nito ikinuwento sa ina nito. Iyon pala ay nababaliw na ang tingin nito sa kanya.

"Hayaan nyo po, magpapa-confine na ako sa mental hospital," inis niyang sabi na sa kay Luke nakatuon ang matalim niyang tingin. "Pakisabi na lang po riyan sa anak nyo na magpapagaling na ako."

Pagkasabi niyon ay mabilis na niyang hinila paalis si Carmelita. Dere- deretsong lumakad siya palayo sa mag- ina.

"Hintayin mo ako, ma'am Ara," tawag ni Carmelita na halos maiwan dahil sa ginawa niyang lakad- takbo. Nais niyang makalayo agad sa lugar na yon. Masamang- masama ang loob niya sa nalaman. Siguro nga ay tama si Luke, nababaliw na siya. Nababaliw na ang puso at isip niyang ipinagpilitan ang sarili na magustuhan nito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status