Share

Kabanata 5

Corvus’ POV

Alas sais palang ng umaga ay nandito na kami ni Geronimo sa flower shop ng ate niya. Malaki pala nito at ang daming mga iba’t ibang bulaklak at dahon. Ang sabi ni Geronimo sa akin ay marami raw pa-order ang ate niya ngayong araw kaya kailangan naming maging masipag. Limang flower bouquet daw ang naka-assign na gagawin ko at limang bulaklak na pangpatay. Ang nakakakaba lang dito ay wala akong experience sa pag-aayos ng bulaklak. Natatawa tuloy ako kung bakit tinanggap ko pa itong trabahong ito. Sinabi pa kanina ni Geronimo sa ate niya na magaling kaming mag-ayos at marami ng karanasan sa pag-aayos ng bulaklak kaya lalo akong natatakot. Kung bakit kasi hindi ko rin naisip na kung minsan, gago rin itong si Geronimo.

“Oh, bakit nakanganga ka pa diyan? Ang dami mong kailangang gawin, mag-umpisa ka na,” dining kong bulong ni Alina. Hindi na ako nagtaka kung bakit pati dito ay sumama pa siya.

Halos hindi ako nakatulog kagabi dahil sa kakakuwento niya ng buhay niya. Ewan ko ba dito sa babaeng ito, feeling ko niyayabangan niya ako. Nilapag niya kasi sa akin lahat ang lahat-lahat ng yaman at business niya. Siguro ay para makumbinse niya ako lalo na tulungan siya. Oo, nakakalulala at nakakainggit ang buhay niya. Hindi na rin ako nagtaka kung bakit may nagtangkang kumitil sa buhay niya. Nag-iisang anak na lang pala siya tapos, may sakit pa na cancer ang ama niya. Siya lang talaga ang magmamana ng lahat-lahat ng yaman ng pamilya nila. At kung ako man si Alina, never kong gagawin ang magpakamatáy kung ganoon naman kalula ang yaman na mamanahin ko. Kaya lalo akong nagpursige na tulungan siya kasi, baka may chance na mabuhay pa siya tapos, bigyan niya talaga ako ng bahay at lupa.

“E, hindi nga kasi ako sanay gumawa o mag-ayos ng bulaklak,” sagot ko nang pabulong sa kaniya. Baka kasi marinig ako ng ibang staff dito, pagtawanan pa ako.

“Suwerte ka dahil nandito ako. Naranasan ko nang mag-ayos ng mga bulaklak, kaya sige, sundin mo ang mga gagawin ko para matapos ka na sa trabaho mo,” sabi niya kaya napangiti ako.

“Ganoon ba, ayos pala!” masaya kong sabi. Sa lakas ng boses ko, napatingin tuloy sa akin si Geronimo. Nagtataka siya kung bakit nagsasalita ako.

Gaya nang mga tinuturo ni Alina, sinunod ko lang ang mga sinasabi niya. Suwerte na lang din talaga at ako lang ang nakakarinig sa kaniya. Tinuruan niya akong magawa ang mga task na nakalagay sa papel na binigay sa akin ng ate ni Geronimo. Ang kagandahan pa kay Alina ay kilala niya rin ‘yung mga bulaklak na nakalagay sa papel. Kaya turo na lang siya ng turo sa mga bulaklak at dahon na kailangan ko sa pag-a-arrange. Pati mga gamit na kailangan ko ay tinuro niya rin sa akin. Nang handa na ang lahat ng mga kailangan ko, doon na ako nag-umpisang mag-ayos. Mayroon siyang mga pinapagupit sa akin na mahahabang tangkay ng dahon at bulaklak. Nung una, nahirapan ako kasi pinapagalitan din niya ako. Ang pangit daw kasi nang pagkakagupit ko sa mga bulaklak at dahon. Galit na galit din siya kapag mali ang pagkakatusok ko ng dahon at bulaklak sa floral foam. Pero, siyempre, natuto pa rin ako kasi hindi naman pala mahirap ang ganitong trabaho. Sa galing magturo ni Alina, nakagawa na agad ako ng isang flower bouquet.

“Uy, Corvus, napakaganda naman niyan! Ikaw ba talaga ang gumawa niyan?” puri sa akin ni Geronimo nung tignan niya ang unang gawa ko.

Ngumisi ako at tila naging  proud sa sarili ko. “Ako nga, bakit may iba ka pa bang nakikita sa tabi ko?”

Tumawa lang siya. “Kunyari ka pa kanina na hindi ka magaling mag-ayos ng bulaklak e, mas maganda ka pa palang mag-ayos sa akin. For sure, matutuwa si ate sa iyo kapag nakita ‘yang mga gawa mo,” sabi pa niya kaya lalo akong natuwa. Salamat kay Alina kasi nandito siya.

Natakot-takot pa ako sa kaniya nung una pero, ang totoo ay mabait naman pala siya. Actually, ngayon niya lang ako tinarayan. Parang galit ata siya sa mga tatanga-tanga, iyon ang napi-feel ko kanina habang gumagawa ako ng bulaklak. Pero dahil sa pagiging masungit niya, heto, naging maayos tuloy ang trabaho ko.

**

Nung hapon at tapos na ang trabaho ko, halos ramdam ko ang pagkangawit ng mga paa at kamay ko. Pero kahit na nakaramdam ako ng kaunting pagod, nag-enjoy pa rin ako kasi nakakalibang din pala ang mag-ayos ng mga bulalak. Tuwang-tuwa ako kasi kahit wala akong pasok sa pagiging gym instructor ko, may pera pa rin akong kinita ngayong araw dahil kay Geronimo at pati na rin sa instructor ko kanina na si Alina.

“Ngayon, binigyan na kita ng oras para tulungan sa naging trabaho mo, oras naman para ako naman ang tulungan mo bukas,” sabi niya sa akin habang naka-motor kami. Nakakatawang isipin na may kaluluwang naka-angkas sa likod ko. Kung sa movie ‘to, sobrang creepy na ang ganitong senaryo. Pero dahil mabait naman si Alina, okay lang.

“Bakit, ano ba ang gusto mong gawin natin bukas?” tanong ko naman sa kaniya.

“Kukuha tayo ng pera. Nang sa ganoon ay lalo mong sipagan ang pagtulong sa akin,” sabi niya kaya agad akong napa-preno ng motor ko.

“Hoy, Alina, hindi ata maganda ‘yang iniisip mo. Gagawin mo pa akong magnanakaw!” bulyaw ko sa kaniya. Nagulat ako kasi may mga tao pala sa paligid nang pinaghintuan ko ng motor. Takang-taka sila kung bakit sumigaw ako. Mabuti na lang at may helmet ako kaya hindi nila kita ang mukha ko. Tinuloy ko na lang ang pagmamaneho habang inuusap pa rin siya.

“Anong magnanakaw, bakit naman kita hahayaang magnakaw? Pupunta tayo sa isang condo ko. May pera ako doon, doon tayo kukuha ng perang ipangpapasuweldo ko sa iyo. Okay ba sa iyon?”

“S-sige, kung ‘yan ang gusto mo, go lang ako, ” sagot ko na lang. Kapag pera ang usapan, aba, sino ba ang tatanggi diyan?

Pag-uwi ko sa apartment, tuloy hubo ako ng mga damit. Nang tatanggalin ko na ang underwear ko, doon ko lang napagtanto na may kaluluwa nga palang nagmamatiyag sa akin. Hindi ko na nga pala puwedeng gawin ito. Kapag galing kasi ako sa work ay gusto ko ay hubu’t hubad na lang ako kapag nasa loob ng apartment ko. Ang init kasi dito kaya nasanay na ako sa ganito.

“S-sorry,” sabi ko na lang tuloy.

“A-ayos lang. May gagawin ka bang ano? Sige, lalabas muna ako. Mamaya na lang ako babalik kapag tapos ka na,” sabi tuloy niya kaya natawa ako.

“H-hindi, s-sanay lang din kasi talaga akong hubu’t hubad sa loob ng apartment ko kapag galing ako sa trabaho o sa labas. Mainit kasi dito,” paliwanag ko sa kaniya habang binabalik na ang mga suot kong damit.

“Ganoon ba, sige, bukas na bukas, kapag nakakuha na tayo ng pera sa condo ko, sige, bumili ka ng aircon para hindi ka na mainitan dito,” sagot naman niya kaya napangiti ako.

Mukhang dumating na rin talaga ang suwerte sa buhay ko. Pero hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa akin kung bakit tanging ako lang ang nakakarinig sa kaniya.

Ano nga kayang dahilan? Bakit ako lang ang nakakarinig sa kaniya?

LiaCollargaSiyosa

Start ngayong April 25, 2024 ay magde-daily update na tayo. Anyway, welcome sa akin dito sa Goodnovel. Sana ay marami akong maging kuwento dito. Sana rin ay marami akong maging readers.

| 49
Comments (7)
goodnovel comment avatar
Juvelyn A. Jacinto
Nakakatawa ung kwento ah
goodnovel comment avatar
Nelson Domanais
okay Po xa gusto ko kasi mahilig din Ako sa medyo may pag ka horror hehe
goodnovel comment avatar
A-lin Cueto
unique ung story nakakatawa talaga
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status