Share

Chapter 2

JAYDEN

I wasn't expecting this at all.

Hindi ko alam na sa pag-uwi ko pala sa bahay ko, mayroon pala akong isang instant unexpected visitor.

Let me rephrase that, isang sugatan at duguang — hindi-inaasahang bisita.

What will I do now?

At first, sino bang hindi magugulat kapag nalaman nilang may taong nakapasok sa loob ng bahay nila — na halos maligo na sa sarili nitong dugo?

Syempre, natakot ako dahil hindi ko kilala ang tao na 'yon at kung anong nangyari sa kanya. Malay ko ba kung masamang tao pala siya kaya siya sinaktan nang gano'n? O hindi naman kaya ay involve siya sa isang pagpatay kaya marami siyang dugo sa katawan? Pwede ring siya ang pumatay sa biktima at nanlaban ito kaya pati siya ay nagtamo ng mga sugat?

Ewan! Napa-praning na ako ngayon. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa taong nasa loob ngayon ng pamamahay ko. Hindi ko alam kung tama ba na hinayaan ko siyang dumito at hindi na i-report sa mga pulis.

Kahit papaano, hindi ko rin mapigilang makaramdam ng awa dahil sa sinapit niya. Hindi ko rin mapigilang isipin na baka nalalagay siya sa matinding panganib at kailangan niya talaga ng tulong.

Kung totoo man 'yon, delikado na rin ang buhay ko kapag nagkataon. Ayoko naman ng gano'n. Ayoko pang mamatay!

Pasado alas tres na ng madaling araw at heto ako ngayon, nakaupo sa dining area habang umiinom ng kape.

Sige nga, paano ako makakatulog kung may taong sugatan na nakahiga sa may living room? Mabuti na iyong sigurado.

Oo, matapos siyang humingi ng tulong kanina ay nagpasya akong tulungan siya dahil sa sitwasyon niya. Ayoko namang may mamatay na tao sa pamamahay ko. Mamaya, ako pa ang maging culprit sa isang krimeng hindi ko naman ginawa.

What I did, sinubukan kong tumawag ng ambulansya pero agad niya akong pinigilan kahit hirap na hirap siyang magsalita. Hindi ko alam ang dahilan pero hindi ko nalang ginawa at minabuting akayin siya patungo sa may living room para ihiga sa may sofa.

Ayoko mang madumihan ng mga mantya ng dugo iyon, sinawalang-bahala ko nalang at doon siya nilapatan ng pa-unang lunas para sa mga sugat na tinamo niya.

Hinubad ko 'yong suot niyang damit at agad na tinakpan ang sugat niya na malapit sa tagiliran. May mababaw siyang saksak ng patalim at ang ilan naman ay mga gasgas na nakuha niya siguro sa pagsalpok sa kung saan. Ginamot ko rin ang di-gaanong kalaking sugat sa ulo niya, na kung di ako nagkakamali ay dahilan sa pagkaka-untog nito sa isang konkretong semento o pader. May mga sugat din siya sa kanyang mga braso na dinampian ko rin ng antiseptic at disinfectant alcohol.

Nilagyan ko ng mga band aids ang ilan sa mga sugat niya. Iyong sa ulo at sugat niya dahilan sa pagsaksak ay tinakpan ko ng puting benda para matigil sa pagdurugo ito.

Hindi ako nurse pero iyon lang ang kaya kong gawin sa ngayon. Kalunos-lunos ang sitwasyon niya ngayon at kung ako ang masusunod, gusto kong tumawag ng ambulansya para masigurong magiging okay na ang kalagayan ng taong ito.

Ano man ang dahilan niya kung bakit ayaw niyang magpadala sa ospital, hindi ko na dapat iyon pakealaman pa. Ang mahalaga ngayon, nalapatan na ng unang lunas ang mga sugat niya.

Kahit madaling araw na ay hindi pa rin ako nakakaramdam ng antok. Hindi dahil sa kape na ininom ko kanina, kung 'di dahil sa taong kasama ko ngayon sa bahay.

Hindi ako mapapalagay hanggang magising siya at malaman kung anong nangyari sa kanya, kung bakit siya nagkagano'n — at kung sino siya.

Nilapitan ko ang taong iyon na natutulog sa sofa. Pinagmasdan ko ang itsura niya.

Mayroon siyang kulay itim na buhok pero halata rin ang hint ng pagiging blonde nito. Matangos ang ilong at maputi ang kulay ng kanyang balat. Malaki ang pangangatawan niya na kapansin-pansin ngayong wala siyang suot na pang-itaas. Matangkad din ang lalakeng ito na sa tantiya ko ay may taas na 5'11.

Sa itsura niyang iyon, mukha namang hindi siya iyong tipong gumagawa ng masama. Mukha rin kasi siyang anak-mayaman. Sa amo ng mukha niya, mukha naman siyang mabait. Sana lang talaga ay tama ako.

Pero kahit na. Hindi dapat ako ma-deceive dahil lang sa itsura niya. Tama. Wala sa itsura ng tao 'yan. Ayoko munang gumawa ng konklusyon sa utak ko lalo pa't wala naman akong alam sa istorya ng taong ito. Hihintayin ko nalang na magising siya at saka ako magtatanong.

Hindi rin nagtagal ay nagising na siya. Alas cinco na ng umaga. Iminulat niya ang kulay asul niyang mata at biglang dumaing nang makaramdam ng sakit, dulot ng mga sugat niya sa katawan. Napatingin ito sa akin habang ako nama'y nakatayo sa harap niya. I can see it in his eyes, kung gaano ka-sakit para sa kanya ang mga tinamo niyang paghihirap.

"T-Tubig..." Usal nito na animo'y nakikiusap ang mga matang nakatingin sa akin.

Agad naman akong pumunta sa kusina para kumuha ng isang baso ng tubig para sa kanya. Mukhang uhaw na uhaw siya.

"Salamat…" maikling tugon niya matapos inumin ang ibinigay kong baso ng tubig.

Alam kong nahihirapan pa siyang magsalita sa kondisyon niya ngayon pero hindi rin ako mapapalagay kung hindi ako magsisimulang magtanong.

"Sino ka? Anong pangalan mo?" Tanong ko sa kanya na ngayon ay nakahiga na ulit sa sofa.

Tumingin ito sa akin na hinang-hina.

"J-Johnson..."

"Paano ka nakapasok sa bahay ko? Anong ginagawa mo dito sa lugar na 'to? Anong nangyari sa'yo?"

Hindi ko na napigilan ang sunod-sunod kong pagtatanong dahil na rin sa curiosity ko.

"Pasensya na…" iyon ang una niyang sagot sa akin. Sinundan ito ng malalim na paghinga bago magsalita. "K-kailangan ko lang ng lugar na m-mapagtataguan kaya ako napunta dito. Ito lang yung kaisa-isang bahay na nakita ko...k-kaya kumatok ako para humingi ng t-tulong. Nang nalaman kong hindi nakasara ang pintuan...pumasok ako." Nauutal niyang sabi na halatang nahihirapan pa rin.

Napakunot ang noo ko nang marinig iyon sa kanya. Kailangan niya ng mapagtataguan? Nabuo tuloy ang konklusyon sa isip ko na may ginawa siyang masama kaya kailangan niyang magtago. Bigla akong kinabahan at nahalata niya yata iyon.

"H-hindi ako masamang tao..." tila nabasa niya ang iniisip ko.

"Kung hindi ka masamang tao, bakit nagka-ganyan ka? At bakit sinasabi mo na kailangan mong magtago?" Tanong ko sa kanya na naguguluhan pa rin.

Pumikit ito at huminga ulit nang malalim bago magsalita.

"Maniwala ka, hindi ako masamang tao!" Sambit niya. "M-May mga taong gusto akong patayin..." Dagdag niya na ikinagulat ko naman.

Kinabahan ako nang sabihin niya 'yon.

"P-Pero bakit? Anong atraso mo?" Nauutal ko na ring tanong sa kanya. "Paano ako makaka-sigurong hindi ka masamang tao, kung hindi ko alam kung nagsasabi ka ba talaga ng totoo?" Pagdududa ko sa kanya.

"Mahabang kwento..." Usal niya at tiningnan ako sa mata, "...pero nasisiguro ko sa'yong hindi ako masamang tao."

Nanliit ang mata ko. Naguguluhan pa rin ako sa mga sinasabi niya.

"Pwede ba kahit konti, ipaliwanag mo sa akin kung bakit ka nasa ganitong sitwasyon ngayon? Naguguluhan kasi ako at hindi rin kita kilala."

"W-Wala akong atraso sa mga taong 'yon pero alam ko ang motibo nila para patayin ako..." Tugon nito na nakatulala at ibinaling nito ang tingin niya sa akin. "Kailangan ko ng tulong mo. Pakiusap!"

Agad naman akong umiling sa sinabi niya.

"Hindi kita kilala at mahal ko ang buhay ko. Kung ano man ang nangyari sa'yo, masaya akong okay ka na. Hanggang dito lang ang kaya kong itulong sa'yo, pasensya na." Sagot ko at umiling sa kanya.

"K-Kailangan ko nang mapagtataguan..." Tila nakikiusap ito habang nakatingin sa akin. "Kahit pansamantala lang hanggang mabawi ko ang lakas ko," pakikiusap niya na dumadaing pa rin sa sakit na nararamdaman niya.

"Wala ka bang ibang mapupuntahan? Kamag-anak? Kaibigan? O kahit sino na pwedeng hingan ng tulong?" Pang-uusisa ko sa kanya.

"Hindi nila ako pwedeng makita. Hindi ko rin alam kung sino ang pagkakatiwalaan ko sa kanila." Tugon nito na tila may ibig sabihin. "W-Wala na akong ibang malalapitan pa..."

Natahimik ako bigla. Hindi ko alam ang gagawin ko ngayong mga oras na 'to. Nasa bahay ko lang naman ang isang taong delikado ang buhay dahil may mga taong gusto siyang patayin. Gusto ko siyang tulungan pero sa ibang paraan. Hindi pa ba sapat na ginamot ko 'yong mga sugat niya? Hindi naman na ako dapat ma-konsensya kung tatanggi ako sa gusto niyang pananatili dito sa bahay ko, 'diba?

Pero habang tinitingnan ko siya ngayon at ang sitwasyon niya, nakakaramdam ako ng awa at hindi ko mapigilang pag-isipan ang bagay na hinihiling sa akin ng estrangherong 'to. Ano bang gagawin ko?

Kapag pumayag ako sa gusto niya na tulungan ko siya, isa lang ang ibig sabihin no'n — malalagay na rin ang buhay ko sa kapahamakan dahil hangga't nandito siya ay delikado ang buhay namin pareho.

Pero naalala ko 'yong sinabi sa'kin ng lola ko dati noong nabubuhay pa siya. "Kapag may isang taong nangangailangan ng tulong, dapat itong tulungan nang bukal sa loob at walang pag-aalinlangan." Sa mga ganitong pagkakataon ay gusto kong kwestyunin ang kasabihang iyon na galing kay lola. Iba naman kasi ang sitwasyon ngayon. Pero still, may nangangailangan pa rin ng tulong.

Kaya ba ng konsensya kong hindi tulungan ang isang taong nangangailangan ng tulong?

Inipon ko ang lakas ng loob ko. Huminga ako nang malalim bago umusal ng mga salita.

"Sige, pumapayag na akong manatili ka dito ng ilang araw…" sambit ko sa kanya na tumango naman at kahit nahihirapan, pinilit na bumuo ng isang maliit ngiti sa kanyang labi.

"S-Salamat sa 'yo…" tugon niya. "Pwede bang malaman ang pangalan mo?" Marahang pagtatanong nito sa akin.

Tumango ako at pinilit suklian ang maliit na ngiti niya. "Ako si Jayden."

"Salamat, J-Jayden."

Tumango naman ako sa kanya at hinayaan na siyang magpahinga doon.

Pumunta ako sa kusina para uminom ng isang basong tubig.

Tama ba ang naging desisyon ko? Hindi ko na iyon mababawi pa kaya sana tama ang naging desisyon kong patuluyin siya ng ilang araw dito sa bahay ko. Ilang araw lang naman, eh.

Isa pa, si lola at 'yong kasabihan niya ang nagtulak sa aking tulungan ang lalakeng iyon. Ano ngang pangalan niya ulit? Jayson? Johnson?

Maya-maya, biglang nagring ang cellphone mula sa bulsa ko. Kinuha ko iyon at tiningnan kung sino 'yong tumatawag nang ganitong oras.

Meyer is calling you.

Nagflash iyon sa screen ng phone ko at napansin ko ang oras na nandoon. Pasado alas sais na pala.

Pumasok ako sa loob ng kwarto ko at sinagot ang taong tumatawag sa phone.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status