Share

Chapter 1

J A Y D E N

Thirty thousand a month is a real blessing for me.

Para sa edad kong 'to, stable na sa akin ang ganon kalaking halaga every month.

I can easily distribute it to every thing I need to pay. Limang libo sa bahay kada buwan. Water and electricity bills. Plus, kumuha rin ako ng motor in contract that I need to pay every month.

Isama pa ang groceries at iba pang maliliit na bagay na unconciously consuming a bit large amount of money.

Sunday ngayon, second day-off ko after yesterday. Katulad ng ibang mga nagta-trabaho, gusto ko ang weekend day-offs. Mas feel ko lang yung pagpapahinga ko kapag weekends than weekdays.

Naisipan kong bumili ng mga stocks ng pagkain sa bahay. Every two weeks ko itong ginagawa or kung hindi naman, kapag naubusan na ako ng groceries at kung kinakailangan na. Besides, may motor naman akong nagagamit kaya hindi ako nahihirapang magpabalik-balik mula sa bahay hanggang dito sa parteng bayan.

Kumuha ako ng motor dahil may kalayuan ang lugar na kinatatayuan ng bahay ko.

So, naisip kong imbes na gumastos ako nang malaki sa pamasahe — bakit hindi nalang ako kumuha ng sasakyang magagamit ko palagi? Besides, marunong naman akong magmaneho dahil madalas kong ginagamit iyong motor ng kaibigan ko way back in college.

Nang makuha ko na lahat ng kailangan ko, diretso na sana akong pupunta sa may counter para bayaran ang mga 'yon pero natigilan ako nang makita ang isang pamilyar na mukha.

Hindi ko na sana siya pagtutuunan ng pansin pero napansin niya na rin ako. Alam kong hindi niya palalampasin ang pagkakataong ito kaya wala na ring rason para umiwas pa.

Hindi ito ang unang beses na nagkita kami ng stepbrother kong si Ben sa ganitong lugar.

Ilang beses na rin kaming nagka-salubong sa mga public places katulad nito at ni-isa, walang naging magandang resulta iyon.

Marahan siyang lumapit patungo sa direksyon kung nasaan ako. Hindi ako gumalaw o umalis sa kinatatayuan ko.

May angas sa bawat paghakbang niya at bakas ang pagka-inis nito sa pekeng ngiti sa mukha niya.

"Groceries, huh?" Mayabang nitong sabi na ibinaling ang tingin sa push cart na hawak ko. "Sino na naman kaya ang kinapitan mo para mabili ang mga 'yan? Mali pala, ang totoong tanong ay kung kanino mo kaya kinuha ang perang pambayad mo sa mga 'yan?" Ma-paratang niyang tanong na animo'y isang police na nag-iimbestiga sa isang kawawang suspect.

Napangiti ako, sarcastically. Hindi na ako nagulat sa mga sinabi niya. Kung ito ang unang pagkakataong narinig ko ang mga pangmamaliit niya, malamang ay hindi na ako nakapagpigil pa at sinuntok na ang kwadrado niyang mukha. Instead, isang pekeng ngiti lang ang ipinakita ko sa kanya at hindi ang pagka-inis dahil sa mga sinabi niya.

"Ikaw? Kamusta ka naman?" Panimula ko at sinulyapan din ang push cart na hawak niya. "Tambay ka pa rin ba sa bahay niyo at naghihintay sa allowance na ibinibigay ni papa sa'yo? Ilang taon ka na nga ulit? Bente-kwatro? 'Diba, umaasa ka lang naman sa kanila para punan ang mga luho mo?" Nakangiti ako nang sabihin ang mga iyon sa kanya. Ayoko mang sabihin pa iyon pero pinilit niya akong ipaalala sa kanya kung anong klaseng anak siya.

Halatang na-sapul ko ang kaloob-looban niya at kapansin-pansin din na nag-iba ang timpla ng mukha niya. Napa-kunot ito ng noo at nawala ang pekeng ngiti nito.

"At least, may pamilya akong inuuwian. Ikaw, wala kang malapitan kasi ayaw nila sa'yo. Kasi pabigat ka lang!" May diin niyang sabi habang nakatitig nang diretso sa mga mata ko. "Tingin mo ba, kung may pakealam sa'yo si papa, bakit hindi ka niya hinahanap? Alam mo na ang sagot doon, brad." Nagbalik ang mga ngiti nito sa labi nang bitawan niya ang mga salitang 'yon sa harap ko.

Alam kong gagamitin niya iyong mga salitang iyon para mas lalo akong manliit sa sarili ko pero honestly, wala akong pakealam sa mga sinabi niya. Wala nang epekto sa akin lahat ng iyon.

Alam ko sa sarili kong hindi na ako yung dating kawawang talunan na kaya niyang asarin at maliitin sa mga simple't hindi niya pinag-isipang mga salita.

"Alam mo kasi, mas masaya ako ngayon kahit ako lang mag-isa. Na-realized ko kasi na ang sarap palang mabuhay na wala 'yong mga taong negatibo at hindi mo naman kailangan sa buhay mo. Malaya at nagagawa mo yung mga gusto mo." Tugon ko sa kanya nang nakangiti at buong pagmamalaki. "May trabaho na ako ngayon at kaya ko nang buhayin ang sarili ko. Marami nang nagbago mula noon hanggang ngayon. Eh, ikaw? Naiwanan ka na ng panahon!" Isang mapang-asar na ngiti ang ipinakita ko sa kanya nang sabihin ko iyon.

As I expected, nagulat siya at napahiya base sa expression ng mukha niya matapos marinig ang maikli kong tugon sa kanya. Hindi niya iyon ipinahalata matapos ang ilang segundo ng katahimikang namagitan sa aming dalawa. Wala siyang masabi o magawa kung 'di ang titigan ako nang masama. Malamang inis na inis siya.

Ilang saglit pa ay binitawan niya ang hawak niyang push cart at nagmadaling umalis sa loob ng department store.

Napailing nalang ako. May mga tao talagang hindi nagbabago at siguro, wala ng chance magbago.

Ayoko na sanang patulan siya kanina pero ilang beses na rin akong tumahimik nalang sa mga panglalait na sinabi niya noon. This time, wala naman sigurong masama na ipinagtanggol ko 'yong sarili ko 'diba?

Binayaran ko na lahat ng mga pinamili ko at umalis na rin doon.

Pagsapit ng alas otso ng gabi, naghanda na ako para sa isa ko pang trabaho — ang pagkanta sa isang resto bar.

Unlike being a resort manager, every Friday and weekend nights ko lang itong ginagawa.

Yes, I am a singer myself. Base sa mga naririnig kong compliments sa boses ko, I can say na may kakayahan ako sa pagkanta.Well, at least you have to believe in yourself sometimes.

Tatay ng isa kong kaibigan ang may-ari ng isang sikat na resto bar dito sa lugar namin. Estudyante pa lang ako noong una niya akong in-offer-an na kumanta para kumita ng extra income. Hanggang ngayon, kahit na may trabaho na ako ay hindi pa rin ako bumibitaw sa pagkanta doon. Extra income din naman iyon at isa pa, hobby ko na rin — to de-stress myself.

Nagkaroon ng problema sa gripo ng lababo ko kaya I had a hard time fixing it and covering it with electrical tape.

It took me more than 30 minutes siguro bago ko natakpan ang sirang gripo. I can't leave without fixing it kahit hindi ako gano'n kagaling sa mga gano'ng gawain. So, kahit papaano ay tinakpan ko muna.

Alam kong late na ako sa 9 o'clock sharp na performance ko sa bar pero itinext ko na si Roxanne kanina, ang anak ni Mr. Gatchalian na isa rin sa mga kaibigan ko. I told her na male-late ako ng konti. So, I did.

Nagpalit ulit ako ng damit at pagkatapos no'n ay umalis na ako ng bahay with my motorcycle, without surely knowing if I lock the door — or not.

Bahala na. Babalik na rin naman ako mamaya. Isa pa, wala namang manloloob doon dahil malayo naman ito sa mga tao. May mga puno din sa paligid nito na tila isang palasyo sa gitna ng kagubatan. Kaya imposibleng may maligaw na tao doon.

What concerns me most ay ang trabaho ko ngayong gabi!

After a few minutes, nakarating na ako sa Cave of Wolves, pangalan ng resto bar na pagmamay-ari nila Roxanne — 20 minutes nga lang ako late.

"I'm sorry for being late. May inayos lang ako sa bahay. Pwede pa ba 'kong magperform ngayong gabi?" Tanong ko kay Roxanne kasama ang boyfriend niyang si Kiko.

"Of course, hijo!"

Napatingin ako sa likuran ko nang marinig ang boses ni Mr. Gatchalian. He's holding a bottle of beer, smiling and mukhang naka-inom na siya.

"Salamat po!" ngumiti ako sa kanya at bumaling ng tingin kay Roxanne. "Kukunin ko lang 'yong gitara, then I'll be on stage na rin."

"Galingan mo, Jayden ha! Manunuod kami don sa dulo nila Benj at Debie." Sambit ni Roxanne na nakakapit sa braso ni Kiko.

Thumbs up lang ang isinagot ko sa kanya at ngumiti, bago nagmadaling kunin ang gitara sa storage room ng bar.

I made sure na nasa tamang tono ang bawat string ng gitara bago ko ito gamitin. Nang masigurong okay na iyon ay umakyat na ako sa maliit na stage ng bar, kung saan nasa gitna nito ang mataas na upuan at isang mic na naka-set up naman sa isang mahabang stick.

"Magandang gabi po sa lahat! Pasensya na po sa paghihintay." Nakangiti kong bati nang makaupo na ako sa harap ng mga customers ng bar. "Ako po ulit si Jayden. Sana po ay magustuhan niyo itong kantang kakantahin ko ngayong gabi!" Pormal kong panimula na sinundan naman ng mga pagpalakpak galing sa kanila.

"Go, Jayden!"

"Galingan mo, ha!"

Napukaw ang atensyon ko sa mga kaibigan kong nagchi-cheer sa akin, na palagi naman nilang ginagawa tuwing magpe-perform ako. Ngumiti ako at kumaway sa kanila na nasa kabilang dulo ng mga table. Humiyaw pa ang ilan sa mga customers at binigyan ulit ako ng ilang palakpak.

Inilapit ko pa ang mic sa akin at sinimulan nang tugtugin ang intro ng kanta sa aking gitara.

Tonight, I'm going to sing Officially Missing You by Tamia.

Matapos ang ilang segundong intro ng kanta, I took a deep breath at nagsimula nang kumanta.

Habang kumakanta ako ay naging dim lalo ang mga ilaw sa loob ng bar. Ang mga gumagalaw na spot lights na kanina ay mabilis, ngayon ay mabagal na sumasabay sa ritmo ng kanta.

I can see it with their eyes na gusto nila ang kanta. Ang ilan ay sumasabay pa sa lyrics at ang ilan nama'y tahimik lang na nakikinig.

Ilang sandali pa ang lumipas ay natapos ko na ang kanta.

"Sana po nagustuhan niyo ang isang 'yon!" nakangiting sabi ko matapos magbow sa harapan ng mga taong nagpapalakpakan. "Maraming salamat po!"

Bumaba na ako sa stage habang nagpapalakpakan pa rin sila. I received some compliments habang papunta ako sa table kung nasaan ang mga kaibigan ko. I greeted them with a thankful smile. I always appreciate those compliments, maliit man o malaki. Iyong simpleng 'good job' lang o 'you're good' na natatanggap ko everytime na matatapos akong mag-perform ay malaking bagay na para sa akin.

Binati agad ako ng mga kaibigan ko nang makaupo ako sa table nila.

"Jayden, pare. Sabihin mo nga sa akin, bakit ba ang ganda ng boses mo?" Tanong ng malokong si Benj kasama ang girlfriend niyang si Jinky.

Nagtawanan naman ang mga kaibigan ko dahil sa tanong na palagi niyang tinatanong sa akin. Mukhang may tama na rin ng alak itong si Benj kaya kung anu-ano na naman ang sinasabi.

"Benj, may mga tao lang talagang ipinanganak na magaling kumanta like Jayden. And of course, mayroon ring ipinanganak na hindi magaling." Sambit ni Debie at diretsong nakatingin kay Benj.

Nagtawanan naman ang lahat.

"Aba, ibig mo bang sabihin na hindi ako magaling kumanta?" Depensa ni Benj sa narinig.

"Wala akong sinabi. Sayo galing 'yan! Hahaha!" Tugon ni Debie sa kanya habang ka-akbay ang girlfriend nitong si Cheska.

Nagtawanan ulit ang mga kaibigan ko at napailing nalang ako sa mga kalokohan nila.

"Fair naman ang mundo," sambit ko habang hawak ang bote ng flavored beer na iniinom ko. "Kahit magaling akong kumanta, wala naman akong special someone katulad niyo. Is it fair enough?" Natatawang sabi ko sa kanila.

"Bakit ba kasi hindi ka maghanap?" Suggestion ni Roxanne. "Besides, pogi ka naman." Pagco-compliment pa nito.

"Oo nga naman, pareng Jayden." Pagsegunda ni Benj.

Kailangan ko na bang ma-pressure ngayon?

"Kayo naman, huwag niyo namang i-pressure ang kaibigan natin! Mas excited pa kayo sa love life niya eh."Nakatawang sabi ni Debie na sarap na sarap sa kinakain niyang chichiria.

Hays, mabuti naman at may isang taong i-dinepensa ako mula sa kanila. Muntik na akong ma-pressure, eh.

"Hindi naman ako nagra-rush sa love, guys. Kaya chill lang kayo dyan, okay?" Ngumiti ako at marahang nilaklak ang flavored beer ko. "Isa pa, kung darating man 'yong love life sa akin, edi darating. Sabi nga nila, love will find it's way." Matalinhaga kong dagdag.

Natahimik naman sila sa sinabi ko. Teka, may mali ba akong sinabi?

Maya-maya pa ay bigla silang nagtawanan, na sinundan ng mga hiyawan at pagkantyaw nang dahil sa sinabi ko.

“ Habang patanda nang patanda pala, pa-korni nang pa-korni ang tao!" Hirit ni Roxanne.

Nagtawanan ulit ang mga magagaling kong kaibigan dahil sa sinabi ni Roxanne. Hays. Napailing nalang ulit ako at ngumiti nalang sa mga hirit nila sa akin.

Tama naman 'yong sinabi ko, 'diba? Kung para sa'yo talaga ang love, darating 'yon at hindi hinahanap. Love will find it's way.

Nagpatuloy ang kwentuhan naming magkakaibigan. Random things lang, tungkol sa trabaho at sharing lang ng kung anu-anong thoughts. Nagke-kwento din sila tungkol sa mga ka-relationship nila at mga plano nila together. Ako naman ay nakinig lang kasi wala naman akong mai-se share sa kanila tungkol sa love.

Pasado 11 PM na noong nagpaalam ako sa kanilang uuwi na. May trabaho pa kasi ako bukas kaya hindi ako pwedeng mapuyat nang sobra.

Habang pauwi sakay ng motor ko, di ko maalis sa isip ko 'yong mga sinabi nila kanina. They're seriously pressuring me to get a love life. Hindi naman ako malanding tao, kaya paano ako magkakaroon ng gano'n?

Sa panahon kasi ngayon, kapag hindi ka nagpakita ng motibo ay hindi ka mapapansin. Iyong iba pa nga ay madalas tumambay sa mga bar at kung saan-saan, sa pag-asang doon nila makikita 'yong the one para sa kanila. Sadly, hindi ako gano'n.

Nang makarating ako sa bahay, pinark ko na iyong motor ko sa maliit na garahe nito.

Malayo pa lang ay tanaw ko na ang pintuan ng bahay ko. Napansin kong hindi ito nakasara. Nakita ko ang slight na pagka-bukas nito. Pero?

Sa pagkakaalala ko kanina, na-isara ko pa 'yon pero hindi ko nai-lock. Kaya paanong bukas 'yon?

Lumapit ako doon at habang palapit sa pinto, napansin ko ang maliliit na patak ng kung ano sa maikling sementong hagdan papunta sa pintuan. Madilim kaya kinuha ko ang cellphone ko para ilawan kung ano iyon.

"D-dugo?" Nagtatakang bulong ko sa sarili ko at hindi ko na napigilan ang pagbilis ng tibok ng dibdib ko dahil sa kaba.

Lalo pa akong kinabahan nang makita ang doorknob na may bakas rin ng dugo.

Malakas ang kutob kong may kung anong nakapasok sa bahay ko. Dalawa lang ang naiisip kong pwedeng makapasok dito.

Hayop na sugatan o isang taong duguan.

Malakas din ang kutob ko na tao ang nasa loob ng bahay ko dahil sa doorknob na may bakas ng dugo, pero sana mali ako.

Kahit natatakot, pinili kong pumasok sa loob at doo'y mas naging prominente ang mga bakas ng nagkalat na dugo sa sahig. Lalo akong kinabahan habang marahang sinusundan ang mga bakas nito papunta sa kung sino mang tao o hayop na nagtatago ngayon sa bahay ko.

Kinuha ko ang bread knife na nakalagay sa may living room at nagpatuloy sa pagsunod sa mga bakas ng dugo patungo sa may kusina. Sa mga ganitong sitwasyon, kailangan ko nang proteksyon. Sana lang talaga at ma-proteksyunan ako ng bread knife na hawak ko sa kung sino mang nanloob dito sa bahay.

Ilang hakbang pa ay malapit na ako sa loob ng kusina. Doon papunta ang mga bakas ng dugo at nararamdaman kong nandoon rin ang kung ano mang dahilan ng lahat ng 'to. Maingat akong humahakbang palapit habang nakaturo sa unahan ko ang hawak kong bread knife, kung sakaling biglang may umatake sa akin.

Ilang sandali pa, bago ako makapasok sa kusina ay nakarinig ako nang mahinang pag-ungol. Tila indikasyon iyon ng isang taong nasasaktan. Ngayon, sigurado na akong hindi na hayop ang nandito sa bahay ko kung 'di isang buhay na tao. Lalo akong kinabahan.

Natatakot ako para sa buhay ko pero kailangan ko siyang harapin para iligtas ang sarili ko mula sa kapahamakan.

Ilang hakbang pa ay nakapasok na ako sa loob ng kusina. Hinahanap agad ng mata ko ang taong dahilan ng maraming bakas ng dugo sa loob ng bahay ko.

Napa-baling ako ng tingin sa banyo na malapit sa lababo ng kusina at nagulat nang makita ang isang lalakeng halos maligo sa sarili nitong mga dugo.

"Sino ka?!" Sigaw ko nang dahil sa gulat. Itinutok ko sa kanya ang hawak kong bread knife kahit malayo ako sa kanya. "Anong ginagawa mo sa bahay ko?!"

Lubhang sugatan ang lalake na 'yon. Maraming dugo sa kanyang damit at kapansin-pansin din ang mga sugat nito sa katawan.

Kahit gano'n kalala ang kalagayan niya, nakuha niya pa akong tingnan at mag-usal ng isang salita.

"Tulong..."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status