Share

Chapter 4

Sa mga sumunod na araw ay palaging late na kung unuwi si Papa at minsan ay nadadatnan ko siya sa may sala na lasing at doon na rin siya natutulog. Palagi rin silang nag-aaway ni Mama dahil sa kalasingan niya. Ngayon ko lang nakikita si Papa na palaging lasing at hindi ko alam ang dahilan. Hindi na rin siya masaway ni Mama. 

"My God, Harold. You're always like this. Dapat ay tutukan mo ang kompanya at hindi alak ang sagot sa problema natin." Rinig kong sabi ni Mama nang minsan ko silang naabutan sa sala. 

"K-kahit anong g-gawin ko, Irene ay h-hindi ko na maisasalba ang kompanya." Sagot ni Papa. Bumuntong hininga ako dahil sa sinabi ni Papa. 

"Baka pwede pa nating pakiusapan si Mr. Saavedra. Baka maawa siya sa atin, Harold." Ang bigat din para sa akin na marinig mula sa kanila na hirap na hirap na sila upang isalba pa ang kompanya. 

"Iba ang hinihingi niyang kapalit. At hindi ko kayang ibigay iyon sa kaniya, Irene. Hindi ko kaya." Napakunot ang noo ko sa sinabing iyon ni Papa. Anong kapalit ang hinihingi ni Mr. Saavedra? Nagkaroon ba ng utang ang Papa ko sa kaniya? 

"A-anong kapalit ang hinihingi niya, Harold?" Tanong ni Mama. Ilang sandali ring nanahimik si Papa. At halatang nahihirapan siyang sabihin iyon kay Mama. 

"Hija, bakit gising ka pa?" Napatingin ako kay Manang Ghie nang magsalita siya mula sa likuran ko. Napahawak pa ako sa aking dibdib dahil sa gulat. 

"Manang, ginulat mo naman ako." Mahina kong sabi. 

"Bakit ka narito at nagtatago? Hindi ka dapat nakikinig sa pinag-uusapan ng mga magulang mo, hija. Ayaw nilang marinig mo ang problema nila sa kompanya." Mahinang sabi ni Manang Ghie. 

"Pero, Manang, kahit itago pa nila sa akin ay hindi rin naman maipagkakaila na nalulugi na talaga ang kompanya. At naaawa ako sa kanila dahil halatang nahihirapan na sila." Malungkot kong sabi. 

"Hindi ko rin alam kung bakit ayaw nilang sabihin sa 'yo. Matulog ka na at maaga pa ang pasok mo bukas." Turan ni Manang. Tumango lang ako at agad na naglakad papasok sa aking kwarto. 

Nakahiga lang ako sa kama ngunit hindi ako dinadalaw ng antok. Iniisip ko kung paano ko ba makakausap si Mr. Saavedra. Baka sa akin ay maawa siya kapag nakiusap ako. Ngunit paano ko siya makakausap? Ayaw kong ipaalam sa mga magulang ko dahil siguradong magagalit sila sa akin kapag ginawa ko iyon. 

Kinabukasan, pagkatapos ng klase ko ay inutusan ko si Manong Kiko na ihatid ako sa opisina ni Papa. Nagdadalawang isip pa siya kung susundin ba niya ako o hindi. Ngunit sa huli ay sinunod rin niya ako. 

"Basta, hija, huwag ka magtagal. Baka hanapin ka na ng Mama mo." Sabi ni Manong Kiko. 

"Opo, Manong." Turan ko at lumabas na ng sasakyan. Binati pa ako ng mga nakakasalubong ko at mukhang kilala na ako rito. 

"Magandang hapon po, Ma'am. Hinahanap niyo po ba si Mr. Hovers?" Tanong ng isang babae na nakasalubong ko. 

"Hindi po. Narito po ba ang secretary niya?" Tanong ko. 

"Opo, Ma'am. Hindi pa po yata nakakauwi si Mark." Turan niya. 

"Sige, salamat." Sabi ko at ngumiti. Pagkaraan ay nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa makarating sa pwesto ng secretary ni Papa. 

"Ma'am Allianah, hinahanap niyo po ba si Mr. Hovers? Nasa meeting pa siya." Salubong sa akin ni Mark. 

"Hindi po. Ikaw ang sinadya ko rito." Turan ko. Halatang nagulat siya sa sinabi ko. 

"Ma'am Allianah, kung ano man po ang sasabihin mo ay huwag mo ng ituloy dahil sigurado akong lagot ako sa Papa mo." Sabi niya na ikinakunot ng noo ko. Ano ba ang pinagsasabi ng lalaking ito? 

"Ano bang pinagsasabi mo? Pumunta ako rito dahil gusto kong makausap si Mr. Saavedra. Pwede mo ba siyang tawagan at sabihing kailangan ko siyang kausapin." Turan ko. 

"Alam ba ito ni Mr. Hovers?" Tanong niya. 

"Hindi. At huwag mong sabihin sa Papa ko." Wika ko. 

"Hindi po pwede, Ma'am Allianah. Ako po ang malalagot kay Mr. Hovers kapag nalaman niya." Turan niya at halatang takot siya sa Papa ko. 

"Huwag po kayong mag-alala hindi ka madadamay rito." Pagsisiguro ko. 

"Pasensiya na po talaga, Ma'am. Pero hindi ko magagawa ang sinasabi mo. Ipaalam niyo po muna sa Papa mo at saka ko gawin ang inuutos mo." Sabi niya. 

Huminga ako nang malalim bago tumango. Mukhang hindi ko mauuto ang isang ito.

"Sige, salamat na lang. Pero sana ay hindi makarating sa Papa ko na kinausap kita tungkol dito." Wika ko. 

"Sige po, Ma'am." Sagot niya. 

Pagkatapos ng pag-uusap namin ay agad na rin akong naglakad palabas nh building. Nadatnan ko pa si Manong Kiko na nasa labas ng sasakyan at halatang hinihintay ako. 

"Tara na, Manong Kiko." Sabi ko at agad na sumakay sa loob ng sasakyan. 

Habang bumabiyahe pauwi ay iniisip ko pa rin kung paano ko ba makakausap si Mr. Saavedra. Mukhang wala rin akong ibang pakikiusapan kung hindi si Papa. 

Pagsapit ng gabi ay hinintay kong umuwi si Papa. At lihim akong natuwa nang umuwi nang maaga si Papa. 

"Allianah, bakit gising ka pa?" Gulat niyang tanong nang makita niya ako sa sala. 

"Hinintay po kita, Pa. May sasabihin po kasi ako." Wika ko. Halatang kumunot ang noo niya sa sinabi ko. 

"Ano 'yon?" Tanong niya. 

"Pwede ko po bang makausap si Mr. Saavedra? Alam ko po ang sitwasyon ng kompanya at halatang nahihirapan na po kayo. Gusto ko lang pong tumulong, Pa." Wika ko. 

"Anak, kaya na ni Papa ang problema sa kompanya. Hindi mo na kailangan pang kausapin si Mr. Saavedra, okay?" Turan niya at ngumiti sa akin. 

"Pero, Papa, narinig ko po kayo ni Mama na nag-uusap tungkol kay Mr. Saavedra. Baka po kapag sa akin ay maawa siya." Turan ko. Agad na umiling si Papa. 

"Huwag na, Anak. Atupagin mo ang pag-aaral mo at ako na ang bahala sa kompanya. Matulog ka na at lumalalim na ang gabi." Sabi niya at sabay kaming umakyat ng hagdan. 

"Good night, Anak." Wika niya bago isinara ang pinto ng kwarto ko. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status