Share

2. P2: WILLOW

2016

ISAGANI

“Ilan daw ang kailangan?” tanong ko kay Poyong na kausap ko. Sinadya ko siyang puntahan dito sa kanto kasi nakita ng mga tropa na umiiyak. May problema raw. 

“Isandaan.” 

“Isandaang libo?” pagkaklaro ko. 

“Alangan naman isandaang piso,” humikbing sabi nito. “Tanga ka ba, Gani? May operasyon ba na isandaang piso lang? Kung mayroon ay bakit pa ba ako mamomroblema rito…”

Siraulo kausap nitong si Poyong. Napailing na lang ako. Ang totoo ay wala rin naman akong pera na maitutulong sa kaniya pero may alam akong pwede naming lapitan. 

“Tara!” aya ko. 

“Gani naman… nakita mo na problemado ako ngayon sa nangyari sa kapatid ko tapos yayayain mo pa ako gumala. Wala akong panahon diyan.” 

“Sumama ka sa akin, gago! May lalapitan tayong tao na baka makatulong.”

Agad na dumiretso ng upo si Poyong sabay punas sa basa niyang pisngi. Niyakap ako at pinokpok pa ang likod ko. “Salamat, Gani. Kung ibebenta mo man ang kidney mo para sa kapatid ko ay hindi kita makakalimutan talaga.” 

Inis ko itong itinulak. “Tangina ka… ano akala mo sa akin? Bayani? Siraulo. Anong kidney pinagsasabi mo? Ang sabi ko may lalapitan tayo na baka makatulong.” 

Napakamot ito sa batok. “Akala ko kasi—”

“Gago! Kapatid mo ang ooperahan hindi sa akin kaya bakit ako ang magbebenta ng kidney? Ikaw dapat! Ulol!” Umiiling kong sabi at dinampot ang kaha ng sigarilyo, kumuha ng yosi at sinindihan. Binugahan ko pa ng usok si Poyong na nakatingin lang sa akin. 

“Sino ba ang pupuntahan natin?”

“May kikitain akong tao. Doon sa bar na Bright Night ang pangalan.”

“May mga sumasayaw ba roon na n*******d?” nanlalaki ang mga mata na tanong nito. Excited na.“Iyong mga nasa tubo? Pole dancer ba?”

“Tarantado…” nailing na naman na sabi ko. “May problema ka at nadadamay ako mag-isip paano kita tutulungan tapos mga n*******d na dancer pa ang alam mo!”

“Sabi mo kasi Bright Night…” Kumamot na naman ito sa bumbunan. "Baka may ‘bright’ tayong makita na alam mo na…"

“Sasama ka ba o ano?” asar kong tanong. 

“Sasama. Pero Gani… sino ba kikitain natin doon? Naalala ko pa kasi na galit sa ‘yo ang grupo ni Spencer at lagi sila roon.” 

“Ako ba ang dapat matakot sa amin ni Spencer?” badtrip kong tanong. 

Pakialam ko kay Spencer at sa kakupalan niya. Hindi ko kasalanan kung naglandi sa akin ang babae niya. Pasalamat nga siya at hindi ko pinatulan ang babaeng 'yon. Ganito lang ako pero hindi ako pumapatol sa p****k. Kaniyang-kaniya na ang Rosanna niya. Gago!

Pagkatapos namin mag-usap pa ng mga walang kwentang bagay ay sumama na rin si Poyong sa akin. Nilakad na lang namin ang hanggang Bright Night. Wala kaming panggastos pamasahe at wala akong raket isang linggo na. Kaya nga papatulan ko ang alok ni Jojo, dahil kailangan ko na rin ng pera, para sa pagkain at pambayad ng renta sa boarding house na tinutuluyan ko. Ayoko naman makituloy kina Poyong na kahit alam kong welcome naman ako roon ay mas gusto ko pa ring magsolo. 

Nahihiya rin kasi ako sa pamilya nila. Mahirap lang din sila gaya ko. Ang sikip pa ng bahay nila na isa lang ang kuwarto na gamit ng nanay ni Poyong at kapatid niyang babae. Sa maliit na sala kami natutulog ni Poyong noong nando'n ako, at alam kong nakakadagdag istorbo ako. Kaya nga ako nagsisikap tanggap ng mga raket ay para lang mabuhay at may maibayad sa malit na kuwarto, na tama lang matulugan. 

Nakarating naman kami sa Bright Night nang maayos. Agad ang pagsalubong ng mga usok sa amin, at pagbati ng ilang babae sa akin, na kilala na ako sa kakatambay roon kapag may usapan kami ni Jojo. Maingay ang paligid dahil bar ang lugar at hindi simbahan. May nagsasayawan sa isang maliit na dance floor at may nagbi-billiard sa isang area. 

Pinili ko ang pwesto sa malapit sa dulo at malapit sa bartender. Iyon ang pwesto namin lagi ni Jojo kaya mabuti at walang ibang umukopa. Inikot ko ang paningin ko sa bar, naninigurado. Kahit naman alam kong walang panama sa akin si Spencer ay ayaw ko pa rin maunahan ng gago na iyon. 

Sa muling pag-ikot ko ng tingin sa paligid ay napadako ang paningin ko sa isang babae na umiinom mag-isa. Malamlam ang liwanag pero mukhang maganda siya. Nakasuot siya ng maong na jacket at maong na pantalon. Kulay puti ang sapatos na suot  niya at puti ang pang-ilalim na t-shirt niya o sando. Nakalugay ang buhok. Maganda ang babae kasi kahit nakatagilid ay nakikita ko ang kaakit-akit niyang itsura. Maganda pero sayang naman at mukhang nagpopokpok sa lugar na ito. 

Naramdaman ko ang pagkislot ng pagkalalaki ko. Nagulat ako sa sariling reaksyon ng katawan ko sa babaeng maganda. Hindi ko pa nakakausap pero mukhang tipo na agad ng katawan ko. Pero kagaya ng sabi ko dati pa, hindi ako pumapatol sa p****k kahit gaano pa kaganda.

Hindi ko na dapat pa pansinin ang babae kaso namangha ako sa alak na iniinom niya. Sa buong buhay ko ay hindi ko pa natikman ang alak na iyon. Tamang gin lang ang naiinom ko at swerte na ang makainom ng beer kapag naaaya at kapag may raket na maganda ang kitaan. 

“Sino ba kakausapin mo rito, Gani?” tanong ni Poyong kaya napatingin ako rito. 

“Si Jojo,” tugon ko at muling sinulyapan na naman ang magandang babae. 

Ano kaya ang pangalan niya? Ilang taon na? Kung p****k siya ay bakit ang mahal naman ng alak na iniinom niya? Baka naman babae ito ng isang bigtime na mafia boss? Wala akong kilala na mga nasa underground kasi pipitsugin lang mga nadidikitan ko. Pero si Jojo, sabi niya ang boss niya ay under ng isang mafia boss na nasa Italy.

“Kayo na ba ni Jojo?” tanong ni Poyong at masamang tingin ang iginanti ko nang lingunin ko siya. 

“Gusto mo bang tulungan kita o hindi?” asar kong tanong.

Bakla si Jojo na kaibigan ko at kadalasan ay nalalapitan ko sa mga ilang raket. Bakla pero madiskarte kaya nga may boss na nakadikit sa isang mafia boss. Madali lang naman kasi mga pinapagawa niya. Sa hirap ng buhay sa Pilipinas ay kapit-patalim talaga ako para mabuhay. Kahit magtrabaho bilang dispatcher sa mga malls ay hahanapan pa ng diploma. Nakakaasar. Kaya mabuti pa rumaket na lang at mabilisan pa ang kita. Kapag natapos ang trabaho ay bigay agad ang bayad. 

High school lang kasi ang inabot ko dahil hanggang high school lang may libreng aral. Mayroon din sana sa college kaso mahina ang utak ko, hindi ako magaling sa klase kaya malabo ako sa scholarship. Pasalamat ko na lang na maraming babae at bakla na tagagawa ko ng assignment at project noong high school kaya natapos ko pa. 

Ulila ako sa mga magulang. Hindi ko nga kilala ang tatay ko. Anak lang ako sa pagkadalaga, ang apelyidong dala-dala ko ay apelyido ng mama ko. Trinidad. Kaya ako si Isagani Trinidad at wala akong middle name, hindi uso sa gaya kong hindi kilala ang ama. At kung sino man siya ay gago siya.

Lumipas pa ang ilang sandali at nagsimula na magdrama si Poyong dahil sa kailangan niya nga ng pera. Nakinig lang ako at maya-maya ay nagkunwang antok na at sumubsob sa mesa para matigil na si Poyong sa kakakausap sa akin. Habang nakasubsob ako kunwari sa mesa ay tini-text ko si Jojo kung nasaan na siya. Naiinip na rin ako at para may madiskarte na ako na makakatulong dito sa kaibigan ko. Kahit naman nakakagago itong si Poyong ay mabait naman ito. 

Nagti-text ako kay Jojo nang may bumagsak na kung ano sa likuran namin at nilingon ko habang nakasubsob pa rin sa mesa. Si Spencer na mukhang ewan ang bumalandra sa mesa sa likod namin. 

“Gani, si Spencer may gulo na naman. Sumubsob ka lang. Mukhang may ibang kaaway, may bumato ng kung ano sa kaniya at—” 

Natigil si Poyong kakakuwento at napatingin din ako sa agaw atensyon na si Spencer at tropa niya. Hinahanap nila ang bumato at kung sino man iyon ay gusto kong tropahin bigla. 

Nang lapitan ni Spencer ang babaeng maganda na tinitingnan ko kanina ay doon ako nagtaka. Ang gago at pati babae ay mukhang dadamayin pa! Nakatayo kasi ang babae, baka paalis na. 

“Spencer!” tawag ko rito at pagkatapos ay kami na ang nagharap. Isang malakas na tadyak ang sinalubong ko sa kaniya bago pa makalapit na nagpabagsak na naman sa kaniya. Mukhang nakainom ang kupal kaya wala sa hulog. 

Binalingan ko ang kasama niya na sinuntok si Poyong at hinila ang kuwelyo para ilayo sa kaibigan ko sabay sipa naman sa isa na palapit sana. Tatlong sunod-sunod na suntok ang binigay ko sa lalaking hawak ko ang kuwelyo at saka ko binitiwan nang makitang tatayo na naman ang isa na sinipa ko kanina. May hawak na bote ng beer at ihahampas sa akin. Itinaas ko ang braso ko para salagin ang bote. Masyado akong guwapo at ayaw kong masira ang mukha ko. 

Mukha na nga lang mapagmalaki ko at ang k*rgada ko tapos sisirain pa ng gagong ito. Mukha nila matagal nang sira kaya okay lang dagdagan ko pa. 

At dahil sa braso ko tumama ang bote ay naagaw ko pa iyon at ginamit na rin pamalo sa ulo ng nanugod. Tapos na at mukhang wala na palang tao sa bar. Nagsialis na. Mabuti naman at aalis na rin kami ni Poyong. Kung may dapat hulihin ay sina Spencer at sila ang nanggulo. At nasaan ba ang mga bouncer dito? Puta… mga walang kwenta! 

Lalapitan ko sana si Poyong nang makita ko na naman ang magandang babae na nakatayo pa rin. Napakunot ang noo ko. Tanga ba ito? Nagkakagulo na ay hindi pa umalis.

Humakbang ako para lapitan siya nang…

“Gani!” malakas na sigaw ni Spencer na ikinalingon ko. Tumayo pa talaga ang gago… 

Ikinuyom ko ang kamao ko para isalubong sa kaniya nang— nang napaatras ang gago dahil sa pagtama ng baso direkta sa mata nito. Nilingon ko ang may gawa na mabilis na kumilos at hinampas ng bote ng alak ang ulo ni Spencer hanggang sa tuluyang mawalan na ng malay ito. 

“Wow!!! Gani, nakita mo ‘yon?!” tanong ni Poyong sa akin na palapit. 

Dahil napahiya ako, na ako pa ang tinulungan ng babaeng maganda, ay si Poyong napagdiskitahan ko. Hanggang sa lumabas kami ng bar ay nagtatalo pa rin kami ng kaibigan ko. Wala na ang babae nang hanapin ko siya at sabi ng floor manager ay pasalamat kami na ang babae na ang bahala sa lahat ng nasira. Akala pa nga chicks ko at sabi ko na lang ay oo. Ganda na no’n tatanggi ko pa ba? 

Malayo-layo pa kami ni Poyong sa kanto papasok sa amin nang mapansin ko ang kotse na sumusunod sa amin. Tangina… mukhang may bigtime na kaibigan si Spencer at reresbak pa yata. 

“Pasok tayo diyan,” ani ko sabay turo sa abandonadong building. 

“Tangina naman, Gani. May multo diyan!” 

Asar kong tinulak si Poyong kaya wala na siyang nagawa. Nasa loob na kami at nag-aabang sa manggagaling sa kotse. Laking pagtataka ko na lang na makita ang babae kanina sa bar na papasok ng building na luma, sumusunod sa amin, at walang katakot-takot sa itsura niya. Nag-iisip ba ito?

Kabisado ko ang lugar at ang dilim, kaya nakalapit ako sa kaniya ay hindi niya pa namamalayan. Hinila ko siya palapit sa akin sabay takip sa bibig niya.  

“Sino ka? Bakit mo ko sinusundan?” tanong ko. 

Ilang sandali na tahimik lang siya hanggang sa utusan niya ako na bitiwan ko siya. Pinakawalan ko naman at nagulat na lang ako nang suntukin niya ako bigla. Malakas sumuntok pala kahit wala sa itsura. Tumuwid ako ng tayo at saka natawa na lang lalo at tumakbo na siya pabalik sa sasakyan niya. 

Humakbang ako para sundan sana siya kaso naagaw ang pansin ko ng isang card na nalaglag niya. Kinuha ko iyon at binasa ang nakasulat na pangalan. Willow Esposito Ivanov.

Willow. Ganda ng pangalan. Kasingganda niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status