Share

CHAPTER 2

CHAPTER 2

SHEN SHENGLING

Lubog na ang araw nang matapos ang biyahe namin mula sa palasyo.

"Malapit na ba tayo?" Tanong ko kay Xue dahil sa ingay ng mga paputok at mga nagkakasiyahang tao na naririnig ko.

"Opo. Mukhang nakarating na po agad dito ang balita, Lady Shen," masayang tugon nito.

Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa tapat ng mansion at inalalayan ako ni Xue na bumaba. Bumungad sa akin ang mga nagkakasiyahang mga tao na naghihintay sa pagbabalik ko. Nakita kong masaya nilang binabati ang aking ama at ang aking mga kapatid.

"Ama," pagtawag ko sa kaniya na masayang nakikihalubilo sa mga tao.

Nang mapansin nila ako ay nabalot ng katahimikan ang kaninang maingay na paligid. Naunang lumuhod ang aking ama, kasunod ang aking mga kapatid, at maging ang mga tao na nakapagpabigla sa akin.

Naguluhan ako sa mga kinilos nila. "Anong ginagawa niyo? Tumayo po kayo."

"Ama, tumayo po kayo," pagsusumamo ko nang hindi pa rin sila gumalaw. Kahit ang totoong Shengling ay mukhang ayaw din na makitang lumuluhod ang kaniyang ama. Hindi ko maintindihan kung bakit sila lumuluhod sa'kin.

"Hindi, anak. Kasapi ka na ngayon ng imperyong angkan. Hayaan mong lumuhod kami," tugon ng aking ama.

"Naiintindihan ko po," usal ko. "Ngunit tumayo po kayo."

Sa huling pakiusap ko ay sumunod na rin siya sa akin. Tinulungan ko siyang tumayo. Nang makatayo si ama ay nagsitayuan na rin ang iba.

"Ama, Shenru Gege, Shenjin Didi, at Shenjing Didi. Pumasok po tayo sa loob," magalang kong tugon.

[Gege = Older brother. Didi = Younger brother.]

Pagkapasok namin ay ako naman ang lumuhod sa kanila.

"Lady Shen, tumayo ka," wika sa'kin ni Shenru Gege.

"Hindi," tugon ko. "Hayaan n'yo 'kong lumuhod ngayon. Hangga't wala ako sa palasyo ay ako pa rin ang anak at kapatid n'yo. Hayaan n'yo 'kong gawin 'to bilang paggalang."

"Tumayo ka, anak ko," naluluhang tugon ng aking ama. "Natutuwa akong kahit hindi ko nakapiling ang inyong ina habang kayo ay aking pinapalaki ay naging mabubuting anak kayo. Lalo ka na, Shengling."

Dahil sa madamdaming tugon ng aking ama ay hindi ko na rin napigilan ang mapaiyak. Naiiyak ako sa tuwa dahil may ama pa ako sa mundong na mahal na mahal ako, ngunit nalulungkot din ako dahil sandali lang kaming nagkasama at kailangan na agad naming magkahiwalay.

"Ama, sa pagpasok ko sa palasyo ay sisiguraduhin kong pagpapalain ang ating angkan bilang kabayaran sa lahat ng ginawa niyo para sa akin. P-pinapangako ko po 'yan," lumuluha kong tugon.

"'Wag mong sabihin 'yan. Sapat na sa akin ang mabuhay ka nang payapa sa loob ng palasyo. Hindi namin kakayanin kapag may nangyaring masama sa'yo," wika ni ama.

"Tama si ama, Shengling. Mas nanaisin namin na mabuhay ka kaysa magkar'on ng walang hanggang kayamanan. Mapanganib ang harem at kailangan mong mag-ingat. Hangga't maaari ay umiwas ka sa gulo," sabi naman sa akin ni Shenru Gege.

"J-Jiejie, mag-iingat ka," sabay na tugon ng umiiyak na kambal.

Napangiti ako at niyakap sila para tumahan.

"Mag-iingat ako. Mag-aral at magsanay kayo nang mabuti."

"Makakasunod din kami sa'yo sa palasyo, Jiejie," sabay nilang tugon.

"Gabi na at alam kong pagod ka na, anak ko. Kumain na muna tayo para makapagpahinga ka na," usal sa akin ni ama at nag-utos kay Xue ng, "Alalayan mo si Shengling."

"Opo," tugon nito at mabilis na sumunod sa utos nito.

___

THIRD PERSON

HALL OF MENTAL CULTIVATION

Yang Xin Dian

(The living quarter of Qing Emperors, located at Western part of the Imperial Palace.)

"Huang Shang, nandito po ang empress," wika ni Zhu Gonggong, ang head eunuch.

[Gonggong = Father-in-law/Grandfather. It's a term used before to addressed a eunuch, because it's considered rude to call them a "eunuch".]

Natigilan ang emperor sa ginagawa. "Papasukin mo siya."

"Opo, Huang Shang."

"Binabati ko ang emperor," wika ng empress at tumungo upang magbigay-galang.

"Tumayo ka. Anong nagdala sa'yo dito?"

"Narinig ko ang nangyari sa pilian kanina, at nalaman kong masaya ang emperor sa naging resulta. Pumunta ako rito para malaman mismo galing sa'yo, at mukhang masaya ka nga dahil abot hanggang langit ang ngiti mo," nakangiting tugon nito.

Lalong napangiti ang emperor dahil sa tugon ng empress.

"Huang Hou, ilang taon na ba kong namumuno?" Tanong nito.

[Huang Hou = Empress]

"Walong taon na po, Huang Shang," magalang nitong sagot.

Sumenyas ang emperor na tumabi sa kaniya ang empress at agad naman itong lumapit.

"Kada tatlong taon, may mga bagong babae na pumapasok sa buhay ko, pero ikaw, Huang Hou... prinsipe pa lang ako ay ikaw na ang kasama ko."

"At mananatili ako sa tabi mo hanggang sa dulo, Huang Shang."

"Alam ko, Huang Hou. Alam ko."

"Huang Shang, narinig ko ang tungkol kay Shen Shengling. Napapaisip lang ako kung anong posisyon ang ibibigay mo sa kaniya?"

"Gusto kong gawin siyang Gui Ren (Rank 6, Noble Lady), pero alam kong kapag ginawa ko 'yon, kailangan ko ring maging patas sa iba. Kaya gagawin ko na lang siyang Chang Zai (Rank 7, First-class Female Attendant)," sagot ng emperor.

"Gusto mo ba siyang bigyan ng titulo, Huang Shang?" Tanong ng empress.

"Oo. May naisip na ko."

"Pwede ko bang malaman, Huang Shang?"

"Zhen," nakangiting sagot ng emperor.

[Zhen means "precious". The emperors also used "zhen" to refer to themselves in third person.]

___

SHEN SHENGLING

"SHEN SHENGLING, TANGGAPIN MO ANG ROYAL DECREE!"

Sabay-sabay kaming lumuhod ni ama at ng mga kapatid ko.

"SA PAGPAPALA NG LANGIT, BINIBIGAY NG EMPEROR KAY SHEN SHENGLING ANG POSISYONG CHANG ZAI AT TITULONG ZHEN. TATAWAGIN KANG ZHEN CHANG ZAI!"

Natigilan ako. 'Zhen? Ibig sabihin...'

"MARAMING SALAMAT SA KABUTIHAN NG EMPEROR!" Sabay-sabay naming tugon.

"Tumayo na kayo."

"Binabati namin kayo Shen Buzhang," bati sa'min ni Jia Gonggong. "Ito nga pala si Yuan Momo. Siya ang magtuturo kay Zhen Chang Zai ng mga dapat malaman sa palasyo."

[Buzhang = Minister. Momo = Lead lady-in-waiting.]

"Zhen Chang Zai." Tutungo sana siya ngunit pinigilan ko na siya.

"Yuan Momo, hindi niyo na po kailangang gawin 'yan. Ikaw po ang magtuturo sa akin ng mga kailangan kong malaman. Ako pa nga po dapat ang tumungo sa inyo."

"Maraming salamat po, Zhen Chang Zai. Napakabuti n'yo."

"Jia Gonggong, may oras ka ba para magtsaa?" Tanong ng aking ama sa kaniya.

"Paumanhin pero may kailangan pa 'kong gawin sa palasyo."

"Tanggapin mo na lang ito bilang regalo." Sabi ni ama at binigay kay Jia Gonggong ang ilang salapi.

"Maraming salamat, Shen Buzhang. Makakaasa kayo sa akin."

"Ihahatid na namin kayo sa labas," wika ni ama at hinatid si Jia Gonggong sa labas kasama ang mga kapatid ko.

"Xue, ipaghanda mo kami ng tsaa," utos ko rito. Nakangiti naman itong sumunod at umalis para ipaghanda kami ng tsaa.

"Zhen Chang Zai, sa magkakaibang araw pupunta sa palasyo ang mga Han, Manchu, at Mongolian. Bukas ang pagdating ng mga Han kaya dapat maaga tayo bukas. Pito kayong mga bagong napili para sa Hou Gong," paliwanag ni Yuan Momo.

"Sige po. Maupo po muna tayo."

Gaya ng sinabi ko ay naupo kami. Sakto namang bumalik si Xue dala ang tsaa.

"Si Emperor Ju-Long ang pangatlong anak na lalake ng dating empress na ngayon ay si Empress Dowager Lan." Pag-uumpisa ni Yuan Momo. "Sa ngayon ay dalawang babae ang namumuno sa Hou Gong, si Lihua Huang Hou at Ai Huang Gui Fei. Pareho silang makapangyarihan at maimpluwensiya, pero tulad ng ibang mga kwento sa harem, hindi sila magkasundo."

[Huang Gui Fei = Imperial Noble Consort.]

"Yuan Momo, pwede bang magkwento ka tungkol sa kanila?" Tanong ko.

" Si Lihua Huang Hou, ang princess consort noon ng emperor. Noong prinsipe pa lamang siya. Maraming nagsasabi na siya ang tumulong sa emperor para makuha ang trono sa tulong ng kaniyang ama na si Prime Minister Long. Nang makaupo na sa trono ang emperor, siya na ang pinakapinapapaboran na babae sa Hou Gong."

"Paano pumasok sa eksena si Ai Huang Gui Fei?"

"Pagkatapos maupo sa pwesto ang emperor ay isinagawa ang unang pamimili para sa mga bagong asawa. Maraming napili sa panahon na 'yon pero pinakakakaiba si Ai Huang Gui Fei. Nakuha niya ang atensyon ng emperor at maging ng buong Hou Gong."

"Bakit?"

"Dahil hindi siya takot sa kahit na sino, maging sa emperor. Pero lubos na ginagalang niya ang empress dowager na parang tunay niyang ina. Kaya siguro nagustuhan siya pareho ng emperor at empress dowager. Simula noon, sa kaniya naman nabaling ang atensyon ng emperor."

'Mukhang hindi magiging magandang kalaban si Ai Huang Gui Fei. Pareho niyang back up ang emperor at empress dowager. Sana lang ay hindi niya ako pagkainteresan.'

"Ngayon, ipapaliwanag ko ang mga posisyon sa Hou Gong. Kung hindi isasama ang empress dowager, ang empress ang pinakamataas. Kasunod ang imperial noble consort. Pangatlo ang mga noble consort (gui fei). Pang-apat ang mga consort (fei), at panglima naman ang mga imperial concubine (pin). Pang-anim ang mga noble lady (gui ren). Pampito ang mga first-class female attendant (chang zai), at huli naman ang second-class (da ying). Labas na sa sistema ng Hou Gong ang posisyong chosen maid (guan nuzi). Sila ang mga tagapaglingkod sa palasyo na pwede ring maglingkod sa emperor. Kung gusto ng emperor, pwede silang iangat sa posisyong da ying."

"Kung gan'on... pangalawa ang posisyon ko sa pinakamababa," tugon ko na kunwari ay ngayon ko lang narinig ang mga bagay na 'yon. Alam ko na 'yon dahil madalas na sa gan'ong posisyon nagsisimula ang mga bida sa mga story.

"Opo, pero pinakamataas 'yan na maibibigay para sa mga baguhan. Kailangan maging patas ng emperor. Kada isang beses lamang tataas ang inyong ranggo at 'yon ay kapag napaglingkuran na ninyo ang emperor at tataas pa kapag nagustuhan at nagkaanak kayo. Kapag tumaas na sa ranggong pin ang posisyon at may sarili na silang palasyong tinutuluyan ay tatawagin n'yo na silang 'niangniang' (ma'am)."

Tumayo na si Yuan Momo. "Hanggang dito na lang ang ituturo ko, Zhen Chang Zai. Mag-iingat ka sa Hou Gong, pero umasa kang tutulungan kita kapag kailangan mo 'ko."

"Xue, samahan mo si Yuan Momo sa tutuluyan niya ngayong gabi. Kailangan na niyang magpahinga dahil alam kong maaga pa kami bukas."

"Opo," sagot nito at lumapit kay Yuan Momo. "Dito po tayo."

"Maraming salamat, Zhen Chang Zai."

"Hindi po. Maraming salamat po, Yuan Momo."

Hinintay ko muna silang makaalis bago magsalita.

"Author, magpakita ka nga sa'kin."

Kung dati ay isang phoenix ang nagpakita sa'kin, ngayon ay isa na siyang leon. Kulay puting leon.

"Bakit?" Tanong nito.

"'Wag mo kong mabakit-bakit! Alam mo na 'to sa umpisa pa lang!"

Kanina ko pa kinikimkim sa loob ko 'to e. Bobo rin ako sa part na hindi ko 'yon napansin nang una pa lang. Pero bakit hindi niya man lang sinabi sa'kin?

Napangisi ito dahil sa naging reaksyon ko. Sa malamang ay nababasa niya rin kung ano ang nasa isip ko, kaya malamang ay mas lalo pa siyang natutuwa.

"Ano ngayon kung ikaw si Concubine Zhen sa istorya ko? Nasa sa'yo naman 'yan kung susundin mo ang isinulat ko o hindi. Wala ka pa ngang ginagawa, e."

"Ibig sabihin pwede kong mabago ang istorya? Hindi ako ang magiging dahilan ng pagkamatay ng empress?"

"Malamang."

Hindi pala ako dapat panghinaan ng loob. Hindi pa ako dapat ma-guilty na ako ang magiging dahilan ng pagkamatay ng empress.

"Pero mababago mo nga ba istorya o susunod ka sa mga yapak ni Zhen?" Nakangising tanong nito sa'kin bago tuluyang maglaho.

"Malamang ay hindi ko 'yon susundin! Ano bang tingin mo sa'kin?!"

___

THIRD PERSON

PALACE OF LONGEVITY AND HEALTH

Shoukang Gong

(One of the palaces in Western part of the Imperial Palace. In reality, it is a palace exclusively for Empress Dowagers.)

"Ano to?" Naiiritang tanong ng imperial noble consort habang hawak ang isang booklet.

"'Yan po ang listahan ng mga bagong concubine at kung saang palasyo sila titira, Niangniang," sagot naman ni Hui Gonggong, ang head eunuch niya.

"Zhen Chang Zai..." pagbasa nito sa isang pahina.

"Sa lahat po ng mga bagong concubine siya lang po ang nakakuha ng titulo, Niangniang," sabi ni Hui Gonggong.

"Tinatanong ba kita?"

Napayuko ito. "Hindi po. Patawad po, Niangniang."

Napangisi siya. "Nilagay siya ng empress sa Jingyang Gong. Ang layo nito sa Yang Xin Dian. Alam talaga ng empress kung saan niya ilalagay ang posibleng maging kaagaw niya."

PALACE OF GREAT BRILLIANCE

Jingyang Gong

(One of the palaces located in the Eastern part of the Forbidden City. It was used as the residence for imperial concubines in the Ming Dynasty. The empress of Emperor Shenzong lived here. It was called Longevity Palace in the Ming Dynasty and changed its name later in Qing.)

"Zhen Chang Zai..." mahina nitong tugon at muling ngumisi.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status