Share

Chapter 05

It's been one week since I talked to Lucas. Hanggang ngayon hindi ko pa rin nagagawang isoli sa kanya yung coat na pinahiram niya sakin. Pumapasok naman ako at pumupunta sa madalas kong tinatambayan tuwing hapon pero hindi ko pa rin siya nakikita. Hindi ko alam kung iniiwasan niya ba 'ko dahil sa nangyari at nandiri siya sakin.

Wala talaga akong ideya na magkakaroon ako sa araw na 'yun. I always have my period every two months, minsan nga ay nakakalimutan ko na babae rin ako. My period is erratic, and I'm not sure what to do about it. Hindi ko naman gustong magpa-check up dahil natatakot ako.

Tulad dati, sa ilalim pa rin ako ng puno naghihintay. Baka sakaling makita ko siya ulit, baka kakaunin niya ulit si Ms. Paola, o di kaya baka sakaling maalala niya itong coat niya sa akin.

Katatapos lang namin magpinta ng mga kaibigan ko sa ibang section. Madalas namin itong ginagawa kapag masyado na kaming nalulunod sa mga gawain, pang tanggal stress lang namin. Dumidiretso kami sa studio dito sa campus para magpinta, para ma-relax. Kung tutuusin nga, mas madalas akong nagpipinta sa studio rito sa campus kaysa sa bahay dahil ayokong pag-awayan na naman namin 'to ni Mama.

"Nathalie," 

Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ang pamilyar na boses. Agad kong dinampot ang coat ni Lucas na nakapatong sa aking hita pati na rin ang bag ko. Tumayo ako at pinihit ang katawan ko paharap sa kanya.

"M-Ma?" utal kong sabi. "B-Bakit ka nandito?" dagdag ko pa.

Dahan-dahan siyang lumapit sa'kin at tinaasan ako ng kilay habang nagdikit naman ang mga kilay ko dahil sa pagtataka. Her eyes were starting to get red before she bit her lip, trying to stop her tears.

"M-Ma..." sambit ko.

"Ilang beses ko bang kailangan sabihin sa'yo na unahin mo ang pag-aaral mo kaysa sa lintek na passion na 'yan!?"

Umalingawngaw ang sigaw ni Mama sa buong paligid at nang mapagtanto niya iyon ay agad siyang lumapit sa akin at binaba ang tono ng kanyang boses.

"Ganyan na ba talaga katigas ang ulo mong bata ka?" bulong niya pero nanatili ang tensyon sa boses niya.

Natigilan ako at kahit mga daliri ko'y hindi ko magawang igalaw. Dahan-dahan muli niya akong nilapitan bago niya ako tinulak sa aking balikat dahilan para mapa atras ako at mabitawan ko ang gamit ko.

"Kailan mo pa balak sabihin sa'kin na sasali ka sa lintek na contest na 'yon? Ano bang mapapala mo sa pagpipintang 'yan? Sumagot ka."

Napalinga ako sa paligid at napansin kong naririnig ng ibang estudyante ang sinasabi sa akin ni Mama. Pinulot ko ang bag at coat ni Lucas at nilampasan si Mama pero hinigit niya rin ang braso ko pabalik.

"Ma, nakakahiya, pwede bang sa bahay na tayo mag-usap?" I almost shed a tear, pero pinigilan ko.

"I'm asking you, Nathalie, sagutin mo ang tanong ko. Ano bang mapapala mo sa pagsali-sali sa mga contest na 'yan?"

Kung kausapin niya 'ko, para lang niya akong isang estudyante. 

Parang isang estudyante na nagkaroon ng pagkakamali sa loob ng kanyang silid. 

She always talks to me like this. Walang lambing. Walang mahinahon na pag-uusap. Walang malasakit na nararamdaman. 

Dating guro si Mama sa eskwelahan namin noon kaya't hindi na 'ko magtataka kung bakit ganito ang pakikitungo niya sa akin.

I just want her to realize that I am her daughter, not her student.

Bumaba ang tingin ni Mama sa bag na hawak ko nang mapansin niya ang mga nakalabas na brushes sa zipper ng bag ko.

"Ano 'to?!" singhal niya sa akin bago niya hablutin ang bag ko, nabitawan ko iyon pati na rin ang coat na hawak-hawak ko.

"Ma..." Tinabig niya ang kamay ko at kinuha ang mga brushes na nakita niya.

"Sa halip na pag-aaral ang ginagawa mo, to maintain your grades for your scholarship program, ito ang ginagawa mo."

Hinawakan niya sa magkabilang dulo ang mga brushes ko at sabay-sabay itong pinutol sa harap ko. Hindi ko na napigilan pa ang mga luha ko at dire-diretso na itong bumagsak sa aking mga pisngi.

Lumipad ang mga brushes na pinutol niya sa damuhan bago niya ako tapunan ng tingin.

"Kapag ba nanalo ka sa competition na 'yun, mababayaran ba ang tuition fee mo sa buong taon na pag-aaral mo dito? Sana man lang sinabihan mo 'ko bago ka um-oo sa mga taong 'yun, Nathalie."

"Ma, hindi pa naman po ako pumapayag." 

Sumbat ko sa kanya habang nakatingin ako sa mga putol kong brushes na nasa damuhan.

"Pa? So may balak ka." 

Umiling ako. 

"'Wag mo nga akong artehan, Nat. Pinatawag ako ng Professor mo at pinagpaalam ka niya sa'kin tungkol sa lintek na contest na 'yan. Para-paraan ka para nga naman mapilitan akong pumayag."

"Ma, hindi sa ganun." 

I tried to reach her hand pero tinabig niya lang iyon bago ako iwan.

Naiwan akong tulala. Kasi kahit ako, hindi ko alam kung bakit ayaw na ayaw niyang humahawak ako ng brotsa. Hindi ko alam kung anong rason ni Mama at hindi ko rin alam kung bakit ayaw niyang ipaliwanag sa'kin para hindi ako nagmumukhang tanga kakaisip kung bakit ayaw niya sa bagay na mahal na mahal ko.

Pagpipinta lang ang bagay na pinagkakaabalahan ko bukod sa pag-aaral. Sa tuwing humahawak ako ng brotsa at nagpipinta, pakiramdam ko ay malaya ako, pakiramdam ko ay nabubusog ang puso ko. 

Lumaki kasi akong hindi nakukuha ang gusto ko at kung mayroon man akong bagay na gustong-gusto kong mapasakin, kailangan kong paghirapan para makuha ko iyon.

Madalas na magulang ko ang nasusunod sa buhay ko, ultimo sa kurso na kinuha ko ngayong nag kolehiyo ako, magulang ko ang nasunod. Wala akong karapatan magdesisyon para sa buhay ko, 'yun ang madalas na sinasabi sa akin nina Mama. Dahil ang buhay, hindi yan parang pagsusulat sa papel gamit ang lapis na kapag nagkamali ka, may paraan ka pa para burahin gamit ang pambura. Para kasi sa kanila, kung anong nagawa mong pagkakamali, tatatak na iyon sayo habang buhay.

Sa pagpipinta na lang ako malaya, pinagbabawalan pa nila ako.

Hindi ko na nagawa pang hintayin si Quen pati na rin ang baka sakaling pagpunta ni Lucas sa campus. Matapos kong damputin ang mga sira kong brushes sa damuhan ay agad na rin akong umuwi ng bahay. Dumiretso agad ako sa kwarto ko dahil masama ang kutob ko matapos ang pagsasagutan namin ni Mama sa campus.

Nagmamadali kong tinahak ang hagdan paitaas at nang makita kong bukas ang pinto ng kwarto ko ay tila ba nanghina ang aking mga tuhod. Kung kanina ay halos madapa ako sa pagtakbo, ngayon ay parang hindi ko na yata kaya pang maglakad.

Dahan-dahan akong lumapit sa pintuan ng kwarto ko at pilit na sumilip sa loob.

Then I saw my paintings that used to be hung on my walls, but now they're on the floor, ripped, ruined, and I can't even recognize them anymore. My brushes are broken and my acrylic paints are spilled on my carpet.

Dahan-dahan akong pumasok at umupo sa tabi ng mga paintings na pinagpuyatan ko at pinagpaguran ko para lang matapos at maisabit dito sa kwarto ko. Pero lahat ng 'yun, wala, nawala na parang bula.

Kinuha ko ang nakatumbang kahon na nasa sahig kung saan nakalagay ang mga brushes at acrylics ko. Itinihaya ko iyon at dahan-dahan kong inilagay ang mga putol kong brushes at ang mga acrylic paint na nakakalat din sa sahig, 'yung iba ay kumalat na sa buong carpet at nag halo-halo na ang kulay.

Natigilan ako nang biglang tumunog ang telepono ko. Ngayon ko lang din napagtanto na habang ginagawa ko ang paglilinis, ay kanina pa pala tumutulo ang luha ko. Agad ko iyong pinawi bago ako huminga nang malalim at sinagot ang tawag.

Di na 'ko nag abala pang tingnan kung sino ang tumatawag. 

"Bakit hindi mo 'ko hinintay kanina?" boses ni Quen mula sa kabilang linya.

"Masama ang pakiramdam ko," walang gana kong sabi.

"O, ayos ka na ba ngayon? Puntahan kita?" Nanlaki ang mga mata ko nang sabihin niya iyon.

"Wag na, Quen, ayos na 'ko at uminom na 'ko ng gamot."

Agad akong tumayo para isara ang pinto ng kwarto ko. Ayokong may makarinig sa mga hikbi ko at ayokong may makakita sa ginagawa ko ngayon.

"Nakita ko nga pala 'yung pangalan mo sa mga list ng kasali sa contest kanina. Pumayag ka na pala? Hindi mo man lang ako sinabihan."

Pinawi ko ang luha ko at tinulungang iangat ang sarili sa pag upo sa kama. Narinig ko pero gusto kong marinig ulit mula kay Quen. Umayos ako ng upo, pinawi ang mga luha bago ako nagsalita.

"Anong sabi mo?" I asked, pretending I didn't hear what she just said.

"Ang sabi ko, nakita ko 'yung pangalan mo sa list na kasali sa contest. Akala ko ba hindi ka sasali ron dahil magagalit si Tita?" paguulit niya sa kanyang sinabi.

"Akala ko rin hindi ako makakasama sa list na 'yun dahil ilang araw ko nang iniiwasan si Sir Makatimbang, hindi ko naman inakala na ang pag-iwas ko pala ang makakapag palala ng lahat."

"What do you mean?" Quen asked.

"Pinatawag nila si Mama at sinabi nila ang tungkol sa contest. Syempre, Mom got pressured so she said yes."

Hinubad ko ang sapatos at medyas ko bago ko ibinagsak ang sarili sa kama. Tinapunan ko ng tingin ang mga gamit ko sa sahig bago ko ituon ang atensyon sa mataas kong kisame. Nilapat ko nang maigi ang telepono sa aking tainga at pinakinggan ang sinasabi ni Quen.

"That was a desperate move. Wala na siguro silang makuha na ibang student to represent our school. Pagpasensyahan mo na," ani Quen.

Pinahiya ako ni Mom sa harap ng ibang students kanina, sinira ang mga paintings na pinaghirapan ko, sinira ang mga brushes ko at sinayang ang mga acrylics ko. Pagpasensyahan ko na lang? Pagpasensyahan na lang.

"Hindi na lang ako a-attend sa competition, magdadahilan na lang ako. Bahala na, sasabihin ko na lang na may sakit ako at hindi ko kayang dumalo."

Gusto ko naman at matagal ko ng gustong bumalik sa paglaban, pero ayokong mag-away lang kami ni Mama. Ang tagal ko ring naghirap para lang mapatawad niya 'ko at ayoko ng maulit iyon ulit.

"Tanga ka ba, Nathalie? Pangalan ng school natin ang nakasalalay dun atsaka anim na taon ang sunod-sunod na panalo natin sa contest na 'yun tapos matatalo tayo this year dahil lang sa hindi mo pagsipot?"

"Ano, hahayaan kong magalit sa'kin si Mama para lang sa contest na 'yun? Quen naman." Nagbuntong hininga ako.

"Konting lambing lang naman ang kailangan ni Tita. Pero ikaw, bahala ka, ikaw pa rin naman ang magdedesisyon."

"May mga gagawin pa 'ko, Quen, tawagan na lang kita kapag natapos ko kaagad. Sabay na tayo pumasok bukas," aniko.

"O sige, tawagan kita bukas. Kung hindi ka pupunta sa contest, susuportahan pa rin kita at kung pupunta ka naman, hindi pa rin ako mawawala. Get some rest, bye!" napangiti na lang ako bago ko patayin ang tawag.

Sobrang swerte ko. Hindi ko alam kung saan ako pupulutin kung walang Quen sa buhay ko.

Pinilit ko ang sarili kong bumangon at bumaba sa sahig para ayusin ang ginawa ni Mama. 

Hindi pa rin ako makapaniwala na nagawa niya ang lahat ng 'to. Ganito ba katindi ang galit niya sa passion ko at kinakailangan pa namin umabot sa ganito? She used to be supportive as Quen, hindi ko alam kung anong nangyari at bigla na lang niya akong hindi sinuportahan.

Bukod sa nangyari sa'min ni Mama kanina, may isa pang gumugulo sa isip ko. Sa makalawa na ang sinasabing competition pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong matinong desisyon. Hindi ko talaga inakala na pangungunahan ni Sir Makatimbang ang desisyon ko. Sana man lang ay hinayaan nilang ako ang magpaalam kay Mama, they shouldn't have crossed the line.

Nang mailagay ko lahat ng acrylic ko sa kahon ay nanliit ang mga mata ko sa itim na tela na nasa carpet. Kumalat sa itim na tela ang mga iba't ibang kulay ng acrylic kaya agad ko iyong inangat.

Huli na nang mapagtanto kong... coat iyon ni Lucas!

"T*ngina!" sigaw ko bago ko iyon pagmasdan nang mabuti. "Sa lahat ng mamalasin ngayong araw, bakit ako pa?" 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status