"O mga lodicakes look at this beauty", energetic kong announce ala host sa tv habang i mino-model ang suot kong ukay-ukay na aking in-upgrade. "Hindi niyo aakalain na noon ay isa tong malawlaw at napaka-chaka na jacket dahil ngayon", I run my hands starting from my hips then put it down in my small waist to emphasize how this dress could fit your curves seamlessly, "isa na itong elegante at stylish outfit na pwede niyong ipangsabayan sa mga branded dyan", sabay ikot para mabigyan ko ang aking mga viewers ng 360 look kung gaano kaganda ang aking gawa.
Noon pa man, hindi na talaga ako kumportable sa harap ng camera pero nilulon ko lahat ng aking hiya at pinipilit na magmukhang may kumpiyansa magmula nung dumating ang virus na nagpabago sa buhay ng sangkatauhan. Kung wala pa sanang pandemya, isa ako ngayong high school teacher sa isang maliit na pribadong paaralan at nagtuturo ng agham sa mga kabataan. BS Biology ang natapos ko at plano sanang magpatuloy sa kursong medisina para matupad ko na ang matagal kong pangarap na maging isang doktor, isang neurologist. Pero dahil sa hirap ng buhay, masakit man ay tinanggap ko na na hanggang pangarap lang ito, siguro babawi na lang ako sa next life, hahay.
Tanggap ko na sana, napagkakasya ko rin naman kahit papaano ang maliit na sweldo sa pagiging pampribadong guro pero nagsara ang paaralang pinapasukan ko dahil kaunti na lang ang nag pa-enroll sa aming institusyon. Lumipat na sa mga pampublikong paaralan ang mga dati naming estudyante dahil naapektuhan ng pandemya ang kabuhayan ng kanilang pamilya. Kaya heto ako ngayon, nagpapakapal ng aking mukha habang nag la-live selling ng mga in-upgrade kong ukay-ukay at nagluluto rin ng chicken wings at iba pang pagkain para mabuhay kaming mag-ina.
"But here's the catch, unlike sa mga branded diyan na sobrang mahal, ang pangrampang ito ay makukuha niyo lang sa halagang 250 pesos. Yes you heard it right, 250 pesos lang tong beauty na to!", at nagposing ala vogue model na pinag-aralan ko sa youtube ng ilang araw. So, mine na mga lods a-
Naputol ang pag la-live selling ko dahil sa nakakabahala na pag-ubo ng aking ina na wari bang may nakabara sa kanyang lalamunan at hinahabol niya ang kanyang paghinga.
"Uy mga lods, saglit lang ha, mag comment lang kayo diyan kung saan sa mga inirampa ko ang ima-mine niyo at pag-umabot sa 500 pesos ang order niyo, may libreng isang serving ng napakasarap kong chicken wings na tiyak na hahanap-hanapin niyo" dali dali kong paalam sa aking mga viewers para asikasuhin ang pinakamamahal kong ina.
Matagal ng may asthma si Mama, pero nitong mga nakaraang araw ay lumulubha ang kondisyon ng kanyang paghinga. May nebulizer naman siya, pero minsan hindi iyon sapat para pahupain ang kanyang nararamdaman. Halos maubos ang savings ko pambili ng gamot ni Mama, pero wala paring talab at lalo lang na sumasama ang kanyang kondisyon.
Nakita ko siyang nasa sahig, sapo-sapo ang kanyang dibdib at makikita sa kanyang mukha ang labis na paghihirap. Agad akong pumunta sa kanyang puwesto at gusto kong himatayin noong makita ko na unti-unti nang nangingitim ang kanyang balat. Maiyak-iyak ko siyang inakap at pinatayo, alam kong malala na ang kalagayan ni Mama ngayon at kailangan na niya ng agarang tulong medikal. Agad kong kinuha ang aking selpon, wala na akong pakialam sa naudlot na live selling, at ang aking pitaka at dali-daling pumara ng tricycle papunta sa pinakamalapit na pampublikong ospital.
----------
Panginoon, Diyos ko, tulungan niyo po si Mama, paulit-ulit kong dasal sa aking isipan habang akap-akap ko ang aking Mama na patuloy pa rin ang pag-ubo at paghahabol ng hininga sa waiting area. Ilang minuto na kaming naghihintay dito na asikasuhin at magamot pero parang damo lang kami kung lakad-lakaran ng mga staff. Conscious pa kasi si Mama, kaya hindi maituturing na emergency kaya kahit anong makaawa ko na papasukin na kami at tulungan na, ay sinasabihan lang ako na mag-intay muna. Banayad kong hinaplos-haplos ang kanyang likod para matulungan kahit papaano ang pagdaloy ng hangin sa kanya, pero kahit kaunting kaginhawaan ay hindi parin makikita, patuloy pa rin ang naghihikahos niyang paghinga na para bang nawala lahat ng hangin sa kapaligiran.
Hindi ko na napigilan ang pagdaloy ng mga luhang kanina ko pa tinatago sa pamamagitan ng pagngiti at pagsasabi kay Mama na magiging okey lang ang lahat. Ang sakit-sakit na makita mo ang nag-iisang taong mahalaga sayo na nag-aagaw buhay sa iyong kanlungan at wala kang magawa para maibsan man lang kahit kaunti ang pagdudusang nararanasan niya. Mas gugustuhin ko pang ako ang nasa situwasyon niya at hindi ganitong nagmamakaawa ako sa mga nurse na asikasuhin siya.
Sa gitna ng aking tahimik na paghagulhol, iniangat ni Mama ang kanyang mga palad at malamyos na idinampi ito sa aking pisngi para punasan sa mga nakatakas kong luha. Mas lalong dumaloy ang emosyon, ang sakit, at sa pagitan ng kanyang nahihirapang paghinga, sinabi sa akin ni Mama na magiging okey lang ang lahat. Hindi ko napigilan ang paghikbi, at yinakap si Mama at humingi ng kapatawaran dahil muntik na akong mawalan ng pag-asa.
Agad kaming nagbitiw dahil sa makapanindig na bulahaw ng isang babae na umalingawngaw sa loob ng hospital. Hawak-hawak niya sa kanyang kanlungan ang isang batang lalaki na nasa apat o limang taong gulang at halos maglupasay na siya sa sahig sa pagdurusang kanyang nararamdaman ngayon. Isa siya sa mga taong kasama ko dito na pinahintay din at ni hindi man lang binigyan ng paunang panlunas. Sa tingin ko ay may dengue ang bata, dahil sa napakataas na temperatura nito at sa mga pulang tuldok na bumabalot sa buo nitong katawan. Sinabihan ko ang babae tungkol dito at dapat painumin ang bata ng tubig dahil makikita na nag-babatak ang kanyang mga labi sa labis na kakulangan ng tubig sa katawan at ang may dengue ay prone na ma dehydrate na posible pang ikamatay. Umiyak ito at sinabing wala silang dalang kahit na anong pera para ipambili ng kung ano, wala pa siyang benta sa pangangalakal ng basura, kaya walang pag-aatubili ko siyang inabutan ng tatlong daan para makabili kahit kaunti ng kailangan nila. Umalis siya at pagbalik, eto na ang naging eksena.
Eksenang nakakadurog ng puso na nagpaiyak sa mga taong nakakasaksi at nagpawala na naman sa pag-asang bago lang ibinalik sa akin ni Mama. Nagsi-sisigaw ang babae at bokal na sinisi ang mga medical personnel na dinadaan-daanan lang kami sa nakapanlulumong kamatayan ng kanyang anak. Dumating ang mga guwardiya at puwersahan siyang kinuha dahil sa eskandalong ginawa niya, at ang kanyang pagpupumiglas ay napunta rin sa wala.
Nilapitan ako ng isang nurse, at may inabot sa aking dokumento para pirmahan at noong nabasa ko ito, ay doon na naging buo ang desisyon ko. Waiver ito kung saan nagsasaad na walang pananagutan ang ospital sa anumang mangyayari sa aking ina. Matiim kong tinitigan ang papel at pinunit ito, kinumpol, at itinapon sa basurahan, habang yakap ko si Mama palabas ng pampublikong ospital. F*ck our medical system, f*ck this societal discrimination, at kahit kumapit pa ako sa patalim para lang may maipambayad sa ospital na asisikasuhin ang aking ina, wala na akong pakialam kahit sarili ko pang buhay ang magiging kapalit.
------------
Matagumpay kong nailipat si Mama sa pinakamalapit na pribadong ospital at gaya na nga ng inaasahan, agad na naasikaso si Mama. Mabuti na lang at may sapat akong dalang pera pang downpayment, ang problema ay kung saan ko kukunin ang natitirang bayarin ngayong said na said na ako. Wala na akong ipon mula sa sweldo ko sa pagtuturo, at yung sa pagla-live selling ko naman ay yun ang pina-down payment. Nagpa swab test din kami dahil kailangang alamin at siguradohin na hindi COVID-19 related ang sakit ni Mama. Wala naman akong pangamba dahil simula nung nagkaisip ako, paminsan minsan ng atakihin ng hika si Mama, sadyang lumalala lang ngayon. Fully vaccinated na rin kaming dalawa at simula nung nagka pandemic, hindi ko na masyadong pinapalabas si Mama at napaka-ingat ko rin pag nagdedeliver ng mga paninda. Tatlong araw pa bago lalabas ang resulta, at gustohin ko mang manatili sa tabi ni Mama sa lahat ng oras, kailangan kong tiisin na malayo sa kanya para makahanap ng pera ng madalian.
Nag chat ako sa mga dati kong ka trabaho, pero walang sinuman ang may ekstrang pera na pwedeng utangin. Naiintindihan ko naman dahil parehas kami ng situwasyon, pareho kaming naghihikahos para makaraos sa araw-araw, kaya napapikit na lang ako sa pagka-dismaya nung mabasa ko ang pinaka-huling mensahe ng pag-tanggi. Mukhang wala na akong ibang mapupuntahan maliban sa mga taong ayaw kong lapitan- at ganun din sila sa amin. Buo kong nilunok ang aking dangal, at lakas-loob na nag desisyon na pumunta sa kapatid ni Mama kinabukasan.