Share

Kabanata V

"GOOD AFTERNOON, SIR. Good afternoon Ma'am. My name is Lucas, and I'll be your porter. I'll be looking after you for the duration of your stay," magalang na bati ng unipormadong banyaga sa mag-asawang Guinto. May hawak itong isang kahon. "This is a little gift from the hotel, and here's a message card," anito habang inilalapag sa mesa ang hawak. Samantala, iniabot niya ang card kay Vivien na kaagad naman nitong tinanggap.

"Wow naman!" Mula sa pagkakahilata sa malambot at mahabang upuan ay bumangon si Raymund upang tingnan ang kamo'y regalong iniabot sa kanila. "Yown!" Masiglang nitong sambit nang tuluyang mabuksan ang kahon na naglalaman ng mga mamahaling tsokolate at dalawang bote ng wine. Kaagad nitong binuksan ang isang kahon ng tsokolate at sinimulang kainin. "Ayos 'yang relos mo brad, ah. Ang gara!" puno ang bibig na wika nito nang mapatingin sa kumikinang na wrist watch ng porter.

Walang naging tugon ang porter dahil wala rin naman itong naintindihan sa kaniyang mga sinabi. Sa halip ay tahimik lang siya nitong tinitingnan.

Samantala, si Vivien naman ay walang ekspresyong pinanonood ang asawa. Napagtanto nitong sadyang wala na nga talaga siyang magagawa upang baguhin ang asta ng lalaki. Ipinaikot nito ang kaniyang mga mata at saka ibinaling ang tingin sa porter. "Lucas, is there a wig store that's nearby?" pambaling niyang tanong.

"The nearest store I would recommend is Selfridges in Oxford Street which is like five minutes distance walking from here," magalang namang tugon ng lalaki.

Muling ibinaling ni Vivien ang tingin kay Raymund na abala sa pagkain ng tsokolate. "We're going to a party tonight," anito at sabay na umismid.

-

"WOW!" HINDI MAPIGILAN ni Raymund ang mamangha habang natatanaw ang napakalaking puting bahay na mistulang isang mansyon. Simula nang makasal sa isang CEO ay halos araw-araw ito kung mamangha sa mga bagay na noon lamang niya nakita at naranasan. Bagay na kailanman ay hindi niya inaasahang mararanasan. Mistulang isang napakagandang panaginip ang mga pangyayari.

Heto't lulan silang mag-asawa ng Limousine patungo sa bahay ng isang kakilala na kamo'y magdiriwang ng kaarawan. Sa labas pa lamang ng bahay ay mayroon nang mga nakaabang na unipormadong lalaki upang sila'y paunlakan.

Samantala, mula sa malaking double door ay pinagbuksan ng dalawang unipormadong lalaki ang birthday celebrant na lumabas pa upang sila'y salubungin. 

Kaagad na sumama ang mukha ni Raymund nang makita ang lalaki na papalapit sa kanila. Nakaramdam ito ng pakla dahil hindi mapagkakaila na mas angat ito sa kaniya. Maliban sa mas matangkad ito ng dalawang pulgada ay higit na malinis itong tingnan dahil sa makinis at maputing balat, idagdag pa riyan ang clean-cut nitong buhok. Higit ding lumitaw ang angkin nitong kagwapuhan sa suot na puting tuxedo'ng bumagay sa matikas nitong katawan. Maihahalintulad ang itsura nito sa isang K-pop artist.

"Hello gorgeous," bati nito kay Vivien nang pagbuksan niya ito ng pintuan ng sasakyan. Ikinapantig ito ng tainga ni Raymund ngunit pinili na munang huwag mag-salita.

Inilahad ng lalaki ang palad kay Vivien upang kunin ang kamay nito't alalayang bumaba ng sasakyan. Kaagad naman itong iniabot ng babae.

Nanlaki ang mga mata ni Raymund sa nakita. Sa puntong ito ay hindi na siya nakapagpigil at kaagad na inagaw ang kamay ng asawa sa lalaki. "H-hey, that's mine! Don't touch if not your property, understand me?!" singhal nito sa lalaki.

"Will you stop acting like a kid," bulong ni Vivien sa asawa, saka muling hinarap ang lalaki. "I'm sorry Marco..." paumanhin ni Vivien ngunit kaagad siyang pinigil ng lalaki.

"No, no. It's alright. I should be the one apologizing," anito at sabay na natawa. Ibinaling nito ang tingin kay Raymund na matalim ang pagkakatitig sa kaniya. "I'm sorry, Bro. I totally forgot, kasal na pala si Vivien. Hindi rin kita kaagad nakita," nangingiti nitong paumanhin.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status