Home / Mistery / Thriller / BLEEDING / PAGSISIMULA NG IMBESTIGASYON

Share

PAGSISIMULA NG IMBESTIGASYON

Kinabukasan,  maaga pa’y nagpuputak na sa karinderya niya si Aling Teysi…

“Kung kailan magpapasko, saka lumayas ang babaeng iyon! At ikaw, Cindy wala kang ginawa kundi maglakwatsa!”

Ang kinakausap nito ay isang maputing babae na nakasuot ng seksing damit habang nakangusong nagkukulapol ng make up sa kanyang mukha.

“Mama naman… mag-a-apply nga ako ng trabaho!”

“Ngayon pa? Nagtanan si Lolita, menopause na nagawa pang lumandi!

“At ang sinamahan, para na niyang anak! Ang landi-landi ng hitad!” 

Halos umuusok ang ilong ni Aling Teysi sa matinding galit. Nagdadabog habang naghahain ng order ng mga pagkain sa mga kostumer.

“Teysi, hayaan mo na kung saan siya maligaya. Natural lang naman na ipagpalit niya ang pagiging cook sa iyo, iba naman ang pakakanin niya!”

Hindi maipinta ang mukha ng 65-anyos na biyudang negosyante salubong ang ginuhitang kilay nito at lalong umalsa ang matulis niyang nguso.

“Hummmp! Walang matinong binatang papatol sa gaya niyang tuyot pa sa kamias na binilad sa araw!”

“Aling Teysi, madali lang iyang problema mo, eh! Humanap ka ng manugang na gaya kong masipag na, guwapings pa! Tiyak kaiinggitan ka ng marami!” 

Hindi umubra kay Cindy  ang pasakalye ng tindero ng yosi.

“Hoy, Pikoy! Tigilan mo ngang mama ko, hah! Kahit sa panaginip, never kitang pangaraping maging asawa! Amoy kambing ka!”

“Hahaha!” Hagalpak ang tawa ni Ka Ambo. 

Napapakamot naman ng ulo niya si Pikoy. “Dyok lang! Ito namang si Cindy, hindi nga nagalit sa biro ko si Aling Teysi…”

Hindi nga pinansin ng matanda ang pasaring ni Pikoy. Isa pa madalas niya itong napapakisuyuang magbuhat ng kanyang mga paninda at lulutuin.

Ang problema niya, wala siyang katulong sa tindahan. Kaya niyang magluto pero ang mamili, maghugas ng plato at magtinda pa ay pagmumulan na ng kanyang sakit.

“Maaga akong matitigok nito…”

Subalit natigil ang kanilang pag-uusap nang makita ang papalapit na magkakapatid. Ang magsasampaguitang sina Nena, Nene at Totoy.

“Aling Teysi, bili na po kayo ng sampagita…”

Gaya ng mga kapatid, gusgusin si Nena. Nasa 22-anyos na ang dalaga ngunit dala ng matinding kahirapan, hindi na lumaki sa limang talampakan.

Bigla, nangislap ang mga mata ng matandang babae. “Nena! Hindi ba’t nabanggit mong maliit lang komisyon mo kay Oneng sa pagtitinda ng sampaguita?”

“O-Opo…” 

“Dito ka na sa akin magtrabaho!  Tagahugas at alalay ko, dodoblehin kong sahod mo, libre ka pa sa pagkaing maiuuwi mo para sa mga kapatid mo!”

Nagkatinginan ang mga lalaki. Kilala nilang nakatira si Nena sa tabi ng riles, walang ama, may inang paralitiko kaya’t  sadlak sila sa matinding kahirapan.

Kumislap ang mga mata ni Nena. Kailangan niya ng maayos na suweldo para sa pamilya. Hindi makapag-aral ang kanyang 11 at 9-anyos na mga kapatid dahil sa kahirapan.  

Walang pag-alinlangang sumang-ayon ito, “O-Opo! Opo! P-Papayag po ako mamasukan sa inyo, A-Aling Teysi.”

Kimi ang dalaga, gaya ng mga kapatid na malamyang kumilos marahil sa kawalan ng sapat na makakain resulta ng pagiging malnourished ng mga ito.

Grade 4 at grade 2 lang sina Nene at Totoy sa pahinto-hintong pag-aaral. Gayundin si Nena na hindi nakatuntong ng high school dahil kailangan ng maghanapbuhay.

Iginagapang ni Nenang mapag-aral ang dalawang bata sa pagtitinda ng kung anu-ano pero hindi na niya kinaya dahil sa maysakit na ina.

“Tama lang ang desisyon mo, Ineng!” Singit ni Ka Ambo. “Mabait itong si Aling Teysi kaya’t hindi ka niya pababayaan.”

Namumungay naman ang mga mata ni Pikoy sa dalaga. Alam niya, kung maaalagaan lang ni Nena ang sarili, lalabas ang likas na ganda nito.

“Korek si Ka Ambo, Beyb! Este Nena! Ituturing kang anak nitong si Aling Teysi!” Sabay tingin ng tindero ng yosi kay Cindy. “ ‘Di ba, Ate Cindy?”

Umismid ang pustoryosang anak ni Aling Teysi. Wala siyang gusto kay Pikoy pero ayaw niyang may ibang kinakandili ang kanyang ina lalo pa kay Nena.

“Hmp! Huwag mo sabi akong isama sa kalokohan mo, Pikoy! Kanina ka pa! Diyan na nga kayo!”

Nagdadabog na lumabas ng karinderya si Cindy. Namutla naman si Nena, halatang natakot agad ito sa masungit at nag-iisang anak ng kanyang magiging amo.

Pero agad na pinagtakpan ito ni Aling Teysi. “Ah! Huwag mong intindihin si Cindy. Mabait yan, me sumpong lang. Pwede ka na bang magsimula ngayon, Nena? Ituturo kong mga gagawin mo.”

“P-Pwede po bang uubusin ko munang ibenta itong mga n-natira po…”

“Babayaran kong lahat iyan!” Saka dumukot sa kanyang bulsa si Aling Teysi. “O, ito! Ilan ba iyan? Sampu? Sige ibayad mo ‘to at bumalik ka rito agad!”

Umalis ang magkakapatid. Tila nabunutan ng tinik sa dibdib ang may-ari ng karinderya. Naresolba agad ang pinoproblema niya.

Hinahabol pa ng tingin ni Pikoy si Nena. “Kyut pala ni Nena? Kung tititigan,  nahahawig siya kay Maui Teylor,  konting ligo lang at ayusan…”

“Maui Taylor?” Ulit ni Ka Ambo sa sinabi ni Pikoy. “Sabagay, tama ka. Maganda at seksi si Nena kung maayusan at mabibihisan!”

Sinalag agad ni Aling Teysi ang sinabi ng dalawa, “Huh! Ngayon palang pinag-iinteresan n’yo na agad ang magiging katulong ko rito, ikaw Ka Ambo, hah!”

“Nakow naman, Teysi! May mga apo na ako. At parang apo ko na iyang si Maui! Este si Nena! Ikaw, napakarumi agad ng utak mo!”

“Oo nga, Aling Teysi! Masama bang humanga? As saka ano’ng masama? Binata naman ako at siguradong dalaga pa si Beyb! Ay si Nena pala!”

“Ay naku! Babambuhin na kita, para kang balimbing! Mabuti pa’y  pakilabas na ang kaning baboy ko sa kusina at umaapaw na!”

“Areglado, Aling Teysi! Basta kayo, nanginginig pa!”

Samantala, sa investigation room…

Narinig ni Major Gonsales ang mga katok sa pinto kaya’t agad na tinugon ito, “Pasok! Bukas iyan!”

Bumungad ang tauhan nitong si P03 Mendez, agad sumaludo ito sa kanya. “Good morning, Sir! Kasama ko na siya, Sir!”

Tumayo sa upuan ang major at inabot ng kanyang kamay ang kamay ng babae. Sakto lang ang taas ng babae, at hindi pa lumalagpas sa 30 ang idad nito.

“Magandang araw sa iyo, Ms…”

“Tracy! Tracy Melendez po, Sir!”

“Okey, Tracy. Ipinahanap kita kay Mendez, siguro nasabi na rin niya sa iyo ang ilan sa mga dahilan?”

“O-Opo, Sir. Nabalitaan ko pong nangyari kay Andy…k-kay Mr. Balderama.”

“Well… di na ako magpapaligoy-ligoy pa. Malaki at mabigat ang kaso ng pamamaslang sa mga negosyante. May gusto akong malaman tungko sa inyo ni Mr. Balderama.

Namula ang modelo. Lihim ang naging relasyon nila ni Mr. Balderama, dahil kilala ito sa industriya bilang may-ari ng kilalang mga restaurant.

Bukod pa sa hindi pa annulled ang kasal nito sa legal wife.  

“Ah uhm… a-ano pong gusto n’yong malaman?”

Sinabi ng mga katulong ni Mr. Balderama na nagsama kayo sa bahay nito ng ilang buwan pero ‘di kayo nagtagal. Maaari bang malaman kung bakit?”

Ang pamumula ni Tracy ay biglang nauwi sa matinding pagkagalit!

Gumuhit sa magandang mukha ng modelo ang iba’t ibang emosyon. Halos gustong umiyak. “ ‘D-Di ko po natagalan ang ugali ni Andy…”

“Bakit? Sinasaktan ka ba ni Mr. Balderama? Sadista siya sa kama?”

Umangat ang ulo ng babae, nagtaka pa nang marinig na tila may alam ang chief investigator sa ex. Bagaman nahihiya, kailangan niyang magsalita.

“Noong una, ayaw ko siyang tanggapin dahil pamilyado pa siyang tao. Pero nahulog ang loob ko sa pagiging generous niya, inaamin ko po.”

Patuloy na nakikinig ang dalawang awtoridad sa ibinabahagi ng babae. 

“Maalaga siya, ibinibigay lahat ng kailangan ko at pamilya ko. Pero sa kalaunan, lumitaw totoo niyang ugali. Iginagapos niya ako, pinahihirapan!”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status