Share

Chapter 5

Chapter 5

Amira

NAPASILIP AKO sa kwarto nila itay at inay ng maulinigan kong parang nagtatalo sila. Parehas silang nakaupo sa papag na kawayan nilang may kutson. Hawak hawak ni itay sa magkabilaang braso si inay at pilit pinahihiga.

"Hindi, kaya ko pa sinat lang naman ito." Sabi ni inay habang umuubo ubo pa at hinahawi ang kamay ni itay.

"Wag ka nang mapilit Esme, dumito ka na lang muna sa bahay at magpahinga. Sasabihan ko na lang si señorito na hindi ka makakapasok." Ani itay at pilit hinihiga si inay sa papag na may kutson.

"Ikaw ang wag ng mapilit Carlitos. Malakas pa ako at simpleng sinat lang ito." Ayaw paawat ni inay at akmang tatayo na. Pero agad din syang napaupo. Nakaramdam siguro ng hilo. Napapalatak naman si itay.

"Yan ang sinasabi ko eh! Hindi mo nga kaya. Dumito ka muna." Tila naiinis ng sabi ni itay.

Napabuntong hininga naman ako at ngumiti. Pumasok na ako sa loob ng payak nilang kwarto. Tumingin naman silang parehas sa akin. Umupo ako sa papag sa tabi ni inay. Nilapat ko ang likod ng palad sa noo pati na rin sa leeg nya. Medyo mainit nga sya. Kinuha ko ang thermometer sa ibabaw ng nightstand at nilagay sa kilikili ni inay at hinintay tumunog. 38.6 ang nakalagay, may lagnat nga sya.

"Nay, uminom na ba kayo ng gamot?" Malumanay na tanong ko.

"Hindi pa anak, ayos naman ang pakiramdam ko." Sagot ni inay at umubo. Hinagod hagod ko naman ang likod nya.

Sabay kaming napabuntong hininga ni itay. Napailing iling na lang sya sa kakulitan ni inay at napakumpas ng kamay.

"Nay, may lagnat po kayo kaya kailangan nyong uminom ng gamot. Wag na rin po muna kayong pumunta ng mansion at magpahinga muna." Sabi ko sa mahinahon na boses.

"Pero anak -- "

"Nay." Putol ko sa pagpoprotesta sana nya.

"Makinig ka na lang sa anak natin Esme, nurse yan kaya alam nya ang makabubuti sa'yo." Sabat naman ni itay.

Napangiti naman ako. Kaya gusto ko talagang maging nurse dahil sa kanilang dalawa. Gusto ko silang alagaan kapag may sakit sila kagaya ngayon.

"Oo sige na." Pag suko na lang ni inay. Inalalayan naman sya ni itay na humiga. Kung ano ano pa ang paalala sa kanya ni itay. Natatawa na lang ako sa kulitan nilang dalawa. Kahit may edad na sila at matagal ng nagsasama di pa rin nawala ang lambing nila sa isa't isa.

Lumabas na kami ni itay sa kwarto. Sya ay para maghanda na para pumunta ng bukid, ako naman ay kumuha ng paracetamol at tubig para kay inay. Bumalik akong muli sa kwarto nila at pinainom ito kay inay. Kinumutan ko sya at pinatay ang electric fan dahil giniginaw daw sya.

"Alis na ko, Esme magpahinga ka lang. Sasabihan ko na lang si señorito. Amira ikaw na ang bahala sa inay mo." Bilin ni itay ng sumilip sa pinto.

"Opo tay, mag ingat rin po kayo."

Tumango tango naman si itay at tumalikod na.

Tiningnan ko naman si inay. Nakapikit na sya at malalim na ang hinga. Mukhang nakatulog na sya. Napangiti na lang ako at hinalikan sya sa noo. Sabado ngayon at saktong wala rin akong pasok kaya mababantayan ko si inay..

"AMIRA ANAK."

Dinig kong tawag ni inay. Tinabi ko ang hawak kong tambo at pumasok sa kwarto nila. Nakaupo sya sa papag at may tinutuping mga mantel at nilalagay sa plastic bag na malaki. Mukhang bumuti na ang pakiramdam nya pagkatapos uminom ng gamot at makatulog.

"Ano po yun nay?"

"May ginagawa ka pa ba?" Tanong nya.

"Wala na po, tinatapos ko na lang yung walisin. May iuutos po ba kayo?" Tanong ko.

Ngumiti sya. "Ipapadala ko sana sayo to sa mansion. Nakilimutan ko kasing ipadala kanina sa itay mo. Mga mantel kasi ito na pinatahi kahapon. Gagamitin ito sa nalalapit na kaarawan ni señorito at kailangan nang labhan. Pwede bang pakidala anak?"

Ngumiti naman ako. "Opo naman nay, yun lang ba?"

"Oo anak, mag traysikel ka na lang para hindi ka mainitan." Ani inay at inabutan ako ng perang pamasahe. Kinuha ko naman ito at nilagay sa bulsa ng walking shorts ko.

"Sige po." Kinuha ko ang malaking plastic bag na hindi naman kabigatan.

Tinapos ko muna ang pagwa walis bago nagpaalam kay inay at umalis..

"Manong bayad ko po." Inabot ko ang bayad na pamasahe kay manong driver ng traysikel bago bumaba bitbit ang plastic bag. Binuksan ko ang dalang payong. Hindi naman ganun katirik ang araw pero masakit pa rin sa balat.

Sa likurang bahagi ng mansion ako dumaan kung nasaan ang kusina at nandoon din ang mga kasambahay.

"O Amira napasyal ka?" Bati ng isang kasambahay na si ate Flor habang nag pupunas ng kamay. Binati din ako ng ilang kasambahay na naroon. Mukhang naghahanda sila para sa pananghalian.

"Ipinadala lang po sa akin ni inay itong mga mantel para malabhan nyo na daw po." Sabi ko at nilapag ang plastic bag sa counter.

"Ay oo nga pala. Kamusta naman pala si Manang Esme?" Tanong naman ni ate Lita na naghihiwa ng gulay.

"Ayos naman, medyo nilagnat lang. Hindi na namin sya pinapunta rito ni tatay para makapag pahinga." Sagot ko.

"Oo nga sinabi sa amin ni Mang Carlitos."

"Ay teka! Bago ka umalis pababaunan kita ng nilagang baka para kay Manang Esme." Ani Ate Lita at kumuha ng tupperware para paglagyan ng nilaga.

"Salamat ate." Sabi ko at umupo sa isang stool. Nakipag kwentuhan din ako sa iba pang kasambahay na naroon. Close ako silang lahat. Lalo na noong maliit pa ako dahil lagi akong karay ni inay dito.

"Amira hija, ikaw ba yan?" Anang isang maawtoridad na boses ng isang matandang lalaki na pamilyar sa akin. Nilingon ko ito at napangiti. Si Señor Arsenio. Ang ama ng Hacienda Alejos.

Tumayo ako at sinalubong ang señor na papasok ng kusina akay ng kanyang tingkod. Hirap na kasi syang maglakad. Agad kong kinuha ang kanyang kaliwang kamay at nagmano.

"Magandang umaga po Señor Arsenio." Masiglang bati ko sa kanya.

Ngumiti naman sya at tinapik ako ng marahan sa pisngi. "Magandang umaga rin hija. Narinig ko ang boses mo mula sa sala kaya pumarine ako. Aba'y halos isang buwan ka ding hindi nagpapakita sa akin." Parang may halong tampo pang sabi nya.

Napakamot naman ako ng ulo. "Pasensya na po Señor Arsenio, busy lang po kasi sa school. Napadaan lang po ako para ihatid ang mga mantel, nakalimutan po kasi ni inay na ipadala kay itay kanina."

"Ganoon ba. Kamusta naman si Esme?" Kunot noong tanong nya.

"Ayos naman po, medyo nilalagnat. Kailangan lang po nya ng pahinga."

"O sige, sabihin mo na lang sa inay mo na pumunta na lang sya dito kapag maayos na ang pakiramdam nya. Ang inay mo kasi masyadong masipag. Teka uuwi ka na ba agad?"

"Opo, wala po kasing naiwan kay inay." Sabi ko.

"Ganoon ba. Akala ko ay mag tatagal ka pa. Hindi na tayo nakakapagkwentuhan." May halong lungkot na sabi nya.

Napakagat labi naman ako. Gustuhin ko man magtagal para makipag kwentuhan sa señor ay hindi pwede dahil walang kasama si inay sa bahay. Namimiss ko na ring kakwentuhan ang señor dahil marami akong nakukuhang aral.

"Sa susunod na lang po señor kapag wala akong pasok, pupunta po ako dito para makipag kwentuhan sa inyo." Nakangiting sabi ko.

"Talaga?" Nagliwanag naman ang mukha ni señor Arsenio sa sinabi ko. Alam kong sabik din sya na may makausap na ibang tao. Mula kasi ng magkasakit sya ay lagi na lang syang nasa loob nitong mansion at hindi nakakahalubilo sa ibang tao maliban sa mga kasambahay.

Tumango ako.

Tuluyan naman syang ngumiti at kinuha ang kamay ko at pinisil. "Aasahan ko yan ha."

Natawa naman ako sa sinabi nya. "Opo, promise po iyan."

"Ay teka, naalala ko may pinatabi akong chocolate sa refrigerator. Pinatabi ko talaga yun para sa'yo. Buti na lang pumunta ka dito, baka mabulok na ito sa katagalan." Aniya.

Binitawan nya ang kamay ko at tinungo ang double door na refrigerator. Kinuha nya ang isang pack ng assorted chocolate. Napakagat labi naman ako at biglang natakam. Hindi pa rin nagbabago ang señor  simula nung maliit pa ako. Hindi sya nakakalimot na bigyan ako ng chocolate. Ako nga yata ang nakaka ubos ng chocolate sa ref nila nung bata pa ako eh.

"O heto, para sa'yo yan hija." Nakangiting inabot nya sa akin ang pack ng chocolate. Masayang tinanggap ko naman ito.

"Salamat po señor Arsenio." Malapad ang ngiting sabi ko.

"Kuhh! Wala iyon. Wala namang kakain nyan dito. Itong mga kasambahay naman ay ayaw kumain nyan dahil tataba daw sila." Binuntutan pa nya ng tawa ang sinabi. Nagtawanan din naman ang mga kasambahay na naroon. Sobrang bait talaga ng señor sa lahat kaya mahal sya at sobrang ginagalang.

"Lo."

Sabay naming nilingon ng señor ang bagong dating sa kusina. Si señorito Yñigo na bagong ligo. Nakasuot lang sya ng t-shirt na puti at khaki pants. Ang gwapo ng itsura nya. Kunsabagay, gwapo na sya noon pa. Binati sya ng mga kasambahay na tinanguan lang nya.

"Yñigo apo, may kailangan ka?" Tanong ng señor kay señorito Yñigo.

"Wala naman ho, itatanong ko lang kung nakainom na kayo ng gamot." Sabi nya na ang mga mata ay nasa akin. Bigla naman parang kinabahan ako. Kakaiba kasi ang mga titig nya, parang nanunuot sa kaloob looban ko.

"Oo, kanina pa hijo." Sagot ni señor Arsenio.

Tumango lang sya at hindi pa rin inaalis ang tingin sa akin.

Alanganin akong ngumiti at binati sya. "M-Magandang umaga po señorito."

Ngumiti sya at may kung anong kislap sa kanyang mga mata na hindi ko mabasa. "Magandang umaga rin Amira." Buo, malaki at magaspang ang boses na bati nyang pabalik sa akin.

"Ah señor Arsenio, uuwi na po ako baka hinahanap na ako ni inay." Paalam ko. Hindi ko na rin kasi matagalan ang klase ng pagtitig sa akin ni señorito Yñigo. Parang kakaiba.

"O sige mag iingat ka hija." Tinapik pa nya ako ng marahan sa balikat.

Ngumiti naman ako at tumango. Kinuha ko ang maliit na eco bag na naglalaman ng nilaga para kay inay at ang nakatuping payong.

"Sumabay ka na lang sa akin Amira." Biglang sabat ni señorito Yñigo na ikinatigil ko.

"Aalis ka hijo?" Tanong ni señor Arsenio.

"Ah oho, may bibilhan lang ako sa bayan lo. Sumabay ka na lang sa akin Amira madadaanan ko rin naman ang sa inyo." Pormal na sabi ni señorito Yñigo.

"N-Naku wag na po nakakahiya naman. Sasakay naman po ako ng traysikel." Natatarantang sabi ko.

"Sige na hija, sumabay ka na para makatipid ka sa pamasahe." Segunda pa ni señor Arsenio.

Napakagat labi na lang ako at tumango. Baka magtampo pa ang señor kapag tumanggi pa ako.

Nagpaalam muna ako sa mga kasambahay bago sumunod kay señorito Yñigo. Kumaway naman sa akin ang señor na ginantihan ko naman ng kaway.

Nang malapit na ako sa sasakyan ay bukas na ang pinto ng passenger seat at nakaabang si señorito Yñigo.

"Hop in." Sabi nya.

Tumalima naman ako. Para akong nakuryente ng hawakan nya ako sa braso para alalayang makapasok sa loob. Kaya nagmadali ako sa pag upo. Nilagay pa nya ang kamay sa ibabaw ng ulo ko para hindi ako mauntog.

"S-Salamat po." Nauutal kong sabi.

Ngumiti lang sya at umikot na sa driver seat. Nang makapasok na sya at maisarado  ang pinto ay lumukob ang amoy ng pabango nya sa loob ng sasakyan. Hindi naman ito matapang at masakit sa ilong. Masarap pa ngang singhutin.

Napasinghap naman ako ng dumukwang sya at abutin ang seatbelt. Pigil ko naman ang hininga ko at iniwas ang mukha. Halos isang dangkal na lang kase ang layo ng mukha namin. Naaamoy ko pa ang mabango nyang hininga. Bigla namang kumalabog ang dibdib ko sa hindi ko malamang kadahilanan.

"There. Ayos ka lang?" Tumingala sya sa akin ng hindi nilayo ang mukha kaya mas lalo ko pang nalanghap ang mabango nyang hininga ng magsalita sya. Nag init naman ang pisngi ko at tumango na lang sa kanya.

Ngumiti naman sya at bumalik na sa pwesto nya. Kinabit na rin nya ang seatbelt sa katawan at binuhay ang makina.

Tahimik lang kami habang umaandar ang sasakyan. Kipkip ko naman sa kandungan ang chocolate na binigay ni señor Arsenio at ang eco bag na may lamang nilaga.

"Kamusta ka naman Amira?" Biglang tanong nya. Binigyan ko naman sya ng isang sulyap at lumunok. Bakit ba ako kinakabahan sa kanya?

"A-Ayos lang po señorito." Sagot ko.

Tumango naman sya at sumulyap din sa akin. Ayun na naman ang mga mata nyang malalim kung tumingin.

"Kamusta naman ang pag aaral? College ka na diba?" Tanong pa ulit nya.

"2nd year college na po ako sa kursong nursing."

"Oh, so gusto mo palang maging nurse." Nakangiting sabi nya.

Tumango naman ako. "Opo."

"Ayos yan, kapag rehistrado ka ng nurse, magpapaalaga ako sa'yo ha." Aniya na ngiting ngiti. Kanina sa mansion ang pormal ng mukha nya tapos ngayon ngiti ng ngiti.

"Po? Bakit po? May sakit kayo?" Pormal kong tanong.

"Wala naman. May sakit lang ba ang inaalagaan?" Natatawang tanong pa nya.

"Opo, may sakit lang ang inaalagaan ng nurse." Sabi ko.

"Sabi ko nga." Aniya sabay kamot nya sa pisngi at tinuon na lang sa daan ang tingin. Kagat pa nya ang labi at tila may sinusupil na ngiti.

Hindi na ako sumagot at namayani muli ang katahimikan ng ilang sandali. Itinuon ko na lang din ang tingin sa labas kahit puro puno at tubo lang ang nakikita ko.

"Amira may gagawin ka ba bukas?"

Napalingon ako sa kanya at napakunot noo. "Wala naman po. Bakit po?"

Tumingin sya sa akin at ngumiti. "Pwede mo ba akong samahan lumibot sa buong bayan? Sampung taon na rin kasi akong hindi umuwi dito at marami na ang nagbago, baka maligaw ako."

Napataas ang kilay ko sa sinabi nya. Maligaw? Paano syang maliligaw eh halos sakop ng hacienda ang buong bayan ng San Agustin?

"Eh, baka hindi po ako payagan ni itay." Pagdadahilan ko. At saka bakit ako? Marami namang iba dyan na pwede syang magpasama.

"Akong bahala, ipagpapaalam kita."

Hindi na ako sumagot at kumagat labi na lang. Malamang papayagan ako ni itay. Ang lakas ni señorito sa kanya eh. Bibilinan pa ako nun na magpakabait at wag makulit. Wala sa sariling napanguso ako.

"Mahilig ka pa rin pala sa chocolate." Aniya na nakatingin sa mga chocolates na nasa kandungan ko.

"Binigay po ni señor Arsenio kanina."

"I know. Lagi mong tinatanggap ang bigay nyang chocolates. Kapag ako naman ang nagbibigay lagi mo kong tinatakbuhan." Binuntutan pa nya ng tawa ang sinabi. Pero bakit parang may halong pait ang tawa nya? O praning lang ako.

Napakagat labi na lang ako. Naalala ko pa nung maliit pa ako. Lagi nya rin akong binibigyan ng chocolate noon. Naging mabait din naman sya sa akin. Pero simula noong sigawan nya ako at natakot sa kanya ay hindi ko na tinatanggap ang binibigay nya at kakaripas na lang ako ng takbo. Sobrang natrauma ako noon sa kanya.

"Siguro naman ngayon hindi mo na ako tatakbuhan."

NAPABUNTONG HININGA ako habang ngumunguya ng chocolate na binigay sa akin ni señor Arsenio kanina. Katatapos lang namin kumain ni inay. Pinainom ko na sya ng gamot. Nakapag hugas na rin ako ng plato. Si inay ay nasa kwarto na nya at natutulog. Ako naman nandito sa duyan na ginawa ni itay sa ilalim ng puno ng mangga habang malalim ang iniisip at sarap na sarap sa kinakaing chocolate. Imported ba naman kaya masarap talaga.

Muli akong bumuntong hininga. Ang isip ko ay okupado pa rin ni señorito Yñigo. Simula ng ihatid nya ako dito sa bahay ay tuliro na ako at malalim ang iniisip.

"Hays!" Ipinilig ko ang ulo at ibinaling sa ibang lugar ang paningin. Sinaway ko pa ang mga batang anak ng mga kapitbahay namin na naglalaro na wag maingay dahil natutulog si inay.

Sinubo ko ang kapirasong chocolate at mabagal na ngumuya. Bakit ba simula ng makita ko ulit si señorito Yñigo lagi na lang syang sumasagi sa isip ko. Medyo nakakainis na. Sana nga wag pumayag si itay na samahan ko sya bukas sa pamamasyal. Dahil hangga't maaari ayokong naglalalapit sa kanya. Kakaiba kasi ang dating nya sa akin. Parang ano.. parang.. ah basta! Hindi ko maintindihan.

"Hoy! Pahingi naman!" Panggugulat sa akin ni Tonio na di ko namalayang nasa harapan ko na. Hinablot nya sa akin ang plastic ng assorted na chocolates at kumuha ng isa.

Masamang tingin ang binigay ko sa kanya at hinablot pabalik ang plastic ng chocolates.

"Para kang tanga knows mo ba? Nakatulala ka dyan habang ngumunguya ng chocolate. Di mo nga namalayan na lumapit ako eh. Ano ba iniisip mo?" Tanong nya at tinapik ang mga binti kong nakaunat sa duyan para makaupo sya.

"Wala." Matabang kong sabi at umayos ng upo sa duyan para magkasya kami. Napakusot pa ako ng ilong dahil ang panghi ng amoy nya at amoy lupa.

"Anong wala? Para kang engeng kanina dyan! Knows kita girl. Ano? Iniisip mo naman si Alvin." Nakangising sabi nya at muling dumukot ng chocolate sa plastic.

"Wala nga! At saka ano ba yang amoy mo? Amoy lupa na amoy mapanghi ka!" Deny ko at asik sa kanya at bahagyang lumayo sabay takip sa ilong.

Inamoy amoy naman nya ang sarili sabay ngiwi. "Oo nga."

"Saan ka ba galing?" Tanong ko sa kanya. Sadya ko talagang inilihis ang usapan para hindi na nya ako kulitin.

"Sa pastulan. Sinilong ko yung mga kambing kasi naiinitan na sila. Kaso yung isa nagpahabol pa. Nang mahuli ko nagpasirit naman ng ihi." Nakangiwing sabi nya.

Tumawa naman ako at tinulak sya. "Tapos tatabi ka sa akin. Maligo ka nga muna!"

"Mamaya na, kapag naubos na natin tong chocolates mo." Sabi nya at muling dumukot ng dalawang piraso sa plastic.

"Anong natin? Ako lang ang uubos nito." Pagdadamot ko at dumukot din ng chocolate.

"Damot mo naman! Pero infairness ha, sarap nito." Komento pa nya at tiningnan ang nakasulat sa plastic.

"Masarap talaga yan, imported yan eh"

"Saan galing?"

"Kay señor Arsenio. Bigay nya sa akin kanina."

"Galing kang mansion kanina?"

"Oo, inutusan ako ni nanay eh."

Pinalo nya ako sa braso.

"Aray naman bakla! Ang bigat ng kamay mo!" D***g ko at sinabunutan sya. Akala mo ang gaan ng kamay eh. Kahit bakling sya pang lalaki pa rin ang bigat ng kamay.

"Bakit hindi mo ko sinama. Ang daya mo!" Aniya sabay irap sa akin.

"Kahit ayain kita hindi ka naman pwede dahil nagsisibak ka. Mamaya kurutin ka pa ng nanay mo sa betlog." Sabi ko.

"Basta madaya ka pa rin." Pagiinarte nya.

"Lakompake!" Sabi ko.

"Di ka maganda." Banat nya.

"La kang jowa." Bawi ko.

Muli nya akong inirapan. Tumawa na lang ako. Talo sya sa akin.

*****

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Missy F
natawa ako sa amoy mapanghi at amoy lupa..hahaha
goodnovel comment avatar
Jenifer Padallan Mendoza
penge chocolate hahahq
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status