Share

5

Two months later..

UMIIKOT ang kanyang paningin ng umagang iyon. Masakit na masakit ang kanyang ulo. Ilang araw na niyang nararamdaman ang kakatwang pakiramdam. Madalas na rin siyang nagsusuka, na kahit wala ng ilalabas, todo duwal pa rin siya.

Kumabog ang kanyang dibdib. Mabilis iyon, biglaan lang siyang kinabahan. Napatingin siya sa kanyang mga napkin sa may vanity mirror. Sa pagiging abala niya, hindi na niya napagtuunan ang maliit na detalyeng iyon ng kanyang buhay.

Bumalikwas siya ng bangon kahit masama ang kanyang pakiramdam. Walang kabawas bawas ang lagayang iyon. Sumigid ang kirot ng kanyang ulo..

“No!! No! This can’t be!” napapaluha niyang sabi sa sarili. Bawal sa kanilang opisina ang mabuntis ng walang asawa dahil iniingatan nila ang image ng kumpanya.

Kahit ang pakikipagrelasyon sa may mga asawa na, ay sinasaklawan doon. Ayaw nila ng imoralidad. Kapag may asawa na, sila lang ang maaaring mabuntis under their company. Mahigpit sila pagdating sa core values.

Sa loob ng dalawang buwan niyang pananatili sa kumpanya, malaki na ang naiambag niya doon. Ilang deals na ang naiclose niya, at ang kita ay kaya ng makaafford ng isang kotse. Natatakot siyang mawalan ng trabaho. Ngayon pa naman ang awarding ng biggest sales, at sigurado siyang siya iyon. 

Iisipin ng mga katrabaho niya na may extra job talaga siyang ginagawa.

“CONGRATULATIONS Miss Salvador, you did it again!” kinamayan siya ng kanyang boss habang iniaaward sa kanya ang incentives niya ng umagang iyon. Limang deal ang naisara niya sa loob ng isang buwan. Magiging supplier sila ng construction supply sa malalaking construction site sa Davao.

“Salamat sir,” nakipagkamay siya sa matandang boss niya, na nanlalamig ang kamay.

“Are you okay?” Nag aalala nitong tanong, “you look so pale, and parang nangangayayat ka.”

“Okay lang po ako,” nakangiti niyang sagot dito. Ngiting alanganin na alam niyang pinagdududahan nito dahil nakakunot ang noo ng matanda.

“Siya na naman..”

“Oo nga, bago pa lang siya pero ang dami na niyang nakaka deal.”

“Balita ko nga hindi man lang daw humingi ng discounts ang mga inofferan niya.”

“Baka naman may extra job na ginagawa..”

Madalas ganoon ang bulung bulungan ng mga katrabaho niyang medyo may inggit sa kanyang pag- angat! Malaki na kasi ang naging ambag niya doon. Noong una, ay marketing staff lang siya, ngunit sumugal siya sa may mas thrill na trabaho, at iyon ay mag- alok ng kanilang serbisyo at produkto. Nagamit niya dito ang kanyang charm. 

Lahat na naririnig niya, ay pinapalabas niya rin sa kanyang kabilang tenga. Sanay siya sa ganito kahit noong naroroon pa lang siya sa kanilang bahay. Ika nga, well trained na siya. May mga kaibigan din naman siya dito, ngunit karamihan ay bashers.

Subalit ngayon, hindi na niya alam kung paano isasalba ang sarili sa kahihiyan, dahil sa kanyang kalagayan. Bago siya pumasok ng opisina ay nagtest na siya, at positive iyon. Natatakot siyang malaman iyon ng karamihan, at mapalayas siya sa opisina ng wala sa oras!

“Ang galing mo dzai, congrats!” niyakap siya ni Siren, “iba ka talaga friend.”

“Oo nga, turuan mo naman kami diyan,” biro ni Vohn.

“Para ito sa gusto ng challenge sa buhay,” napangiti siya sa hirit ng mga kaibigan. Pinilit niyang pakalmahin ang kanyang sarili sa kabila ng kanyang kaba.

“Mukhang ang galing mong magbenta, Danica ah,” si Layda iyon, kasama ang mga galamay na sina Ryza at Jona.

“Baka sanay na sanay sa bentahan,” parunggit naman ni Jona, “mukhang dati niyang trabaho.”

“Ano bang sekreto mo, Danica?” tanong ni Ryza, “bakit madali lang sayo ang magbenta?”

Pinigilan siyang sumagot ni Siren, “let me handle this,” nginitian siya nito, “alam niyo girls, ang sekreto ni Danica, ay maganda siya, kaya marami siyang napapa- oo. Hindi niyo iyon maiintindihan, dahil hindi naman kayo magaganda.”

“Maputi ka lang Siren, kaya feeling mo, maganda ka,” asik dito ni Layda.

“Excuse me, maganda talaga ako, at saka kahit singit at kili kili ko, maputi, hindi gaya niyo! Tumigil na nga kayo pang iinis dito at baka mabadtrip ako sa inyo!” taboy sa mga ito ni Siren.

“At ano ang kaya mong gawin sa amin? tatlo kami, iisa ka lang!” sagot dito ni Jona, “wag kang mayabang Siren!”

“Hindi ako mayabang, kahit mag isang dosena pa kayo!” napailing na lang siya sa kanyang kaibigan, “hindi ko kayo aatrasan!”

“Black belter yan, nakapaglaro na yan sa sea games,” natatawang sagot sa mga ito ni Ian, “na banned lang, nanapak ng kalaban habang nasa dressing room.”

“Oh, ano? lalapit pa ba kayo?” hamon ni Siren sa mga ito, “game ako ngayon, gusto kong magpainit!”

“Let’s go girls! napaka war freak naman niyan!” inirapan pa sila nina Jona, bago sila talikuran.

“Ang yayabang tapos pikon at duwag,” napairap din si Siren bago maupo sa kanyang pwesto, “magtatrabaho muna ako, baka kailangang mag double kayod, para sa ekonomiya!”

“Back to work na nga tayo, para hindi ako pag initan ng mean girls,” yaya niya sa dalawa pang lalaking kaibigan niya, “sagot ko ang dinner niyo mamaya.”

“Yun ang hinihintay namin!” nag apir pa si Vohn at si Ian, “ikaw Siren? sasama ka?”

“Malamang, ako pa ba?” sagot nito na pumipindot sa sariling computer.

“BUNTIS ka?” Nagulat ang manager niya sa narinig, “paano? To-totoo ba na.. na nag i-extra service ka?”

Napaiyak siya habang nakatayo sa harapan ng manager, mahirap ipaliwanag, pero susubukan niya.

“Bago po ako pumunta dito sir.. at tumakas sa tatay ko.. ma-may.. may nakilala po akong lalaki. A–at..” hindi na niya maituloy ang kwento dahil naiyak na siya, “sir.. isang linggo pa lang po iyong nangyayari nung ihired niyo ako..”

Malungkot siyang tinitigan ng kanyang boss. Alam niyang maniniwala ito sa kanya. Hindi marahil makahanap ng salitang maaaring gamitin para icomfort siya.

“Hindi pa po ako under ng company noon sir. Hindi po ako nag aalok ng extra service. Hindi po ako ganoong klase ng babae ,sir..” hindi na niya mapigilan ang kanyang emosyon. Bumuhos ng todo ang kanyang luha.

“Danica, hija. Alam kong mabuti kang bata. Nung sabihin mo sa akin na gusto mong lumipat ng account, humanga ako. Kaya tinanggap kita sa sales dahil alam kong malaki ang maiitulong mo sa kumpanya. Pero hindi ko kasi hawak ang rules ng office. Susubukan kong ipaglaban ka sa ating CEO. Hindi ko iyon maiipangako, pero gagawin ko ang lahat. Baka maaari kang mag work from home or anything.” Sagot nito sa kanya. Malungkot ang mga mata nito, “kung hindi man sila pumayag, susubukan kong ihanap ka ng maayos na trabaho.”

“Salamat ho sir.. salamat ho,” daig pa nito ang kanyang ama na kaya siyang ipagbili ng dahil sa pera.

“Pero sa ngayon, wag ka na munang maingay. Ipapatawag na lang kita sa sagot ng ating boss, okay ba yun?” Medyo umaliwalas na ang mukha nito.

“Oho sir.. thank you ho,” kinamayan niya ito ng mahigpit.

“Oh, ayusin mo ang sarili mo at namumula ang ilong mo,” biro nito sa kanya, “baka isipin pa nila, pinaiyak kita..”

“DANICA, ipinapatawag ka ni sir Morales,” si Jona iyon na nakasimangot sa kanya.

Kahapon lang sila nag-usap. At mukhang may resulta na iyon. Nagmamadali siyang pumasok doon. Malungkot ang mukha nito.

“Si-sir?” Tawag niya dito pagpasok. Nakapikit ito at hinihilot ang sentido.

“Kakausapin ka daw ng CEO. Nakiusap na ako sa kanya, ipinaglaban kita, pero ayaw niyang pumayag. Siya daw ang magpapaliwanag sayo, kung bakit kelangan mong umalis,” malungkot nitong sabi sa kanya. 

“Thank you ho sir. Ang malaman kong sinusuportahan niyo ako, malaking bagay na iyon sa akin,” mapait siyang ngumiti. “May ipon naman po ako, at may bahay, kaya po makakasurvive pa ako hanggang manganak ako. Yun nga lang po, mauubos talaga ang ipon ko.”

“Tutulungan naman kitang makapaghanap ng trabaho sa labas, siguro matapos mo na lang manganak. Alam mo namang walang kumpanya  na tumatanggap ng buntis hindi ba?” Pagbibigay assuranve nito sa kanya.

“Salamat po sir. Saan ko po pupuntahan si Mr. Enriquez?”

“Sa 10th floor, may secretary siya doon. Tanungin mo na lang,”nginitian pa siya ng kanyang manager.

“Thank you ho sir..”

“MATANDA na siguro yung CEO dito. Napakailap magpakita sa mga tauhan eh. Kahit sa department namin, di pa siya nakikita..” bulong niya sa sarili. Ilang taon na kaya siya.”

Pagbukas ng elevator, parang sectioning ang mga opisina na may mga nakalagay na pangalan. Nasa pinakagitna ang kanyang target na office. Agad niyang nilapitan ang lalaking malapit sa opisina ni Mr. Enriquez.

“Sir, ako po si Danica Salvador..” pakilala niya dito. “Pinaakyat po ako ni sir Morales.”

“This way,” tumayo ito at binuksan ang pinto. Nakatalikod habang nakaupo sa swivel chair ang tao doon. “Sir, Miss Salvador is here,” isinarado na nito ang pinto, na hindi na hinintay na sumagot ang kanilang boss.

“Miss Salvador,” bungad nito sa kanya. “Aware ka ba sa company policy? Binasa mo ba ang agreement? Basta ka ata pirma ng pirma! Bawal dito ang disgrasyada.”

“Opo sir..” mahina niyang tugon.

“Kahit magaling ka pa, hindi kita maaaring i-retain. Hindi ko sisirain ang polisiya ng kumpanya, ng dahgil lang sa isang disgrasyadang gaya mo! Ngayon, kaninong kliyente ka nagpabuntis?” makahulugang tanong nito. Pinagbibintangan siya ng kanyang boss na nagbibigay ng extra service sa mga kliyente.

“Ho?” nawindang siya sa tanong nito.

“Sino ang ama niyang dinadala mo? Kerida ka ba? May karelasyon ka ba sa loob? Answer me!” Madiin ang tanong nito sa kanya.

“Si-sir… ba-bago pa po ako pumunta dito, a-ako na-nadisgrasya,” nahihiya na siya, nanliliit. Natatakot siya sa baritonong boses nito. Hi-hindi ako nagbebenta ng aliw! Nagkataon lang na- aksidente kaming nakabuo..”

“Aksidente? Ano yan? Disgrasya sa daan? Hindi ka naman aso,” sabi pa nito.

“Hi-hindi yun si- sir ang—”

“That’s bullshit!” Singhal nito sa kanya, “wag mo akong lolokohin Miss Salvador. Una, nasa marketing ka, tapos biglang nagpalipat ka sa sales, at napakadami mong nakoclose na deal kahit bago ka pa lang? Hindi ako naniniwala kay Mr. Morales na magaling ka. Ngayon, kaninong kliyente mo, ang batang iyan?!”

“Sir, maaari niyo akong paalisin, pero wag niyo akong huhusgahan! Hindi ako ganoong klase ng babae!” Inis niyang sagot dito. “Kung makapagsalita kayo, parang nakita niyo ako kung paano ako lumaki ah!”

“Talaga–” umikot ang upuan nito paharap sa kanya. Ang ngisi nito sa labi ay biglang nawala ng makita siya, “I-ikaw?”

Maging siya ay hindi nakakilos ng makilala ang lalaking kausap niya. Nanlaki ang kanyang mga mata.. Ang lalaking nakaniig niya dalawang buwan na ang nakakaraan!

Hindi na niya nakayanan ang kabang nararamdaman. Unti unting umikot ang kanyang paningin, at bago pa siya tuluyang bumagsak sa sahig, agad siyang naalalayan ng lalaki.

“Miss Salvador!” narinig pa niyang tawag nito sa kanya, habang tinatapik ang kanyang pisngi, bago siya tuluyang nawalan ng ulirat.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status