Share

CHAPTER 4

NAPALUNOK si Gabrielle lalo pa at nag-init ng husto ang katawan niya. Hey, Gabrielle, kung lahat na lang ng magandang babae papatulan mo, ano pang ipinagkaiba mo sa hayup? Anang utak niya.  Umayos siya ng upo at huminga ng malalim, “Pinaiimbestigahan ko na ang nangyari. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan ang sarili ko kung bakit ko ginawa iyon, pero gusto kong humingi ng sorry sa naging kapangahasan ko.”

Hindi siya umimik.  Nakatungo lang siya habang nakatitig sa kanyang tinapay at kape.  Nagising na lang siya isang araw na hindi na siya virgin at ni wala siyang maalala sa mga nangyari.

At ngayon ay kara-karakang nalagay siya sa ganitong sitwasyon.  Parang gusto niyang mapaiyak.

Gustong ma-guilty ni Gabrielle dahil kasabwat siya sa pagsasamantala sa kainosentehan ni Millet.  Para tuloy nawalan na siya ng ganang tapusin ang kanyang pagkain.  Tiningnan niya ito ng matiim, “Talaga bang hindi ka marunong bumasa at sumulat?”

Hiyang-hiyang tumango si Millet.

“Ikukuha kita ng tutor, sa ganitong paraan man lang ay makabawi ako sa. . .sa gulong idinulot ko saiyo at sa pamilya mo. By the way, gusto ko ring makausap ang mga magulang mo.  Pero hinihiling ko sana saiyong huwag nang makarating pa sa kanila ang naging kasunduan natin.  Kapag nagtanong sila, sabihin mo na lang na nainlab tayo sa isa’t-isa,” sabi ni Gabrielle sa kanya.

May pait sa mga labing napangiti siya, “H-hindi naman po kapani-paniwalang magugustuhan ninyo ang isang kagaya kong ni hindi marunong bumasa at sumulat.”

“Will you please drop the ‘po’ kapag kinakausap mo ako?” sabi ni Gabrielle sa kanya. “At saka bahala na sila kung anong iisipin nila.  Ang mahalaga ay makita nilang nagsasama tayo bilang mag-asawa, okay?”

GULAT NA GULAT SI MANG SOLOMON nang mapanuod sa tv ang anak kasama ni Gabrielle Dizon.  Ni hindi niya nabalitaang nagpakasal ang mga ito.  Pagkatapos ng balita ay mabilis niyang tinawagan ang anak.

“Naka-jackpot ka pala, ni hindi mo man lang ipinapaalam sa amin?” Sita nito sa panganay, “Sabi ko na nga ba at ikaw ang magdadala ng swerte sa amin.”

“T-Tay. . .uuwi kami dyan sa makalawa, k-kasama ng asawa ko.” Sagot ni Millet sa ama, “G-gusto niya kayong makilala.”

“Aba’y dapat lang. . .napakayaman ng asawa mo kaya dapat lang na mamahagi ka ng biyaya dito, hindi iyong sa tv ko pa malalaman ang nangyayari saiyo.” Sabi nito sa kanya, “Nga pala, siguro naman mabibilhan mo na ako ng sasakyan ngayong nakapag-asawa ka ng mayaman?”

Nagulat si Millet sa sinabi ng ama.

“Tay, hindi naman bangko ang pinakasalan ko.”

“Uy, alam kong isa sa pinakamayaman ang mga Dizon kaya barya lang sa kanila ang isang milyon!”

“Tay, saka na tayo mag-usap. M-marami pa ho akong ginagawa,” mabilis nang pinatayan ni Millet ng telepono ang ama.  Para tuloy natatakot na siyang ipakilala si Gabrielle sa pamilya niya.  Alam kasi niyang hindi ito titigilan ng tatay niya hangga’t hindi ito nahuhuthutan ng pera.

Minsan nga ay pinagdududahan na niya ang ama kung ginagastos ba talaga nito sa pagpapagamot ang perang ipinapadala niya buwan-buwan.  Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin naman ito humihinto sa mga bisyo nito.  Na parang hindi nito pinapahalagahan ang pagtratrabaho niya, matustusan lamang ang mga pangangailangan ng mga ito.

Nilapitan si Millet ng isa sa mga staffs ni Gabrielle, “Ikaw na ang next na sasalang sa stage.” Bulong nito sa kanya.

Para na namang babaligtad ang sikmura niya.  Kanina pa sila umiikot sa mga campaign rally and so far wala pa naman siyang nakakalimutan sa mga speech niya.  Huwag lang siyang kausapin ng English at sumasablay na siya.  Ngunit kailangan niyang gawin ito kung hindi’y mapapagalitan na naman siya ni Atty. Lianela Mendez.  Minsan nga, kahit pakiramdam niya ay wala naman siyang ginagawang mali ay tila mali pa rin iyon sa paningin ng abogado.  Ewan ba niya kung bakit mainit ang ulo nito sa kanya.  Ginagawa naman niya ang bawat sabihin nito.

Ngunit pagdating sa entablado ay nakangiti siya.  Ni hindi mahahalatang kinakabahan siya.  Siguro ay dahil kahapon pa sila umiikot sa kung saan-sang lugar kaya parang nasasanay na rin siya.

“Magandang hapon po sa inyong lahat.  Bago ang lahat, gusto ko pong ipakilala ang aking sarili sa inyo.  Ako po si Millet Dizon, ang may bahay ng ating susunod na pangulo ng bansang ito.  Kung hindi nyo po naitatanong, nanggaling po ako sa maralitang buhay.  At gaya ng marami sa ating kababayan, dama ko ang paghihirap ng mga nasa laylayan.  Naranasan ko iyong gumigising sa umaga na hindi alam kung saan kukuha ng makakain or paano itatawid ang maghapon. . .kung hindi nyo po naitatanong, isa po akong mangmang.  Opo, mangmang. . .at nakakahiya mang aminin, hindi po ako marunong bumasa at sumulat. . .”

Narinig ni Atty. Lianela Dizon ang nilikhang curiosity ni Millet sa mga tao habang nagsasalita ito.  Napangisi siya.  Ngayon pa lang ay naamoy na niya ang panalo ni Gabrielle.  Mukhang nakatulong ng malaki ang ginawang pananabotahe sa kanila ng kalaban.

Nilingon niya si Gabrielle na guwapong-guwapo sa suot nitong kulay asul na polo shirt.  Malapit na siyang maging first lady, sa loob-loob niya habang tinitingnan ito.

“PALPAK ang plano mo!” Galit na galit na sigaw ni Don Sebastian kay Nenita. “Sa halip na bumagsak ang ratings ni Gabrielle, mas lalo pa siyang naging popular ngayon sa masa dahil sa illiterate niyang asawa!”

“Which is alam naman nating nagpapanggap lang sila.  Ang kailangan lang natin ay ma-expose ang real score between them!  Kung kinakailangang tapatan ang ibinayad ng pamilya Dizon sa babaeng iyon para lang maexpose natin ang katotohanan. . .”

“Stop it.  Ayan ka na naman sa ideya mong yan!  Bakit hindi ka gumaya sa katalinuhan ni Atty. Lianela Mendez?” May sarcasm na sigaw ni Don Sebastian sa babae.

Nasaktan si Nenita sa sinabing iyon ng matandang don ngunit nanahimik lamang siya.  Mas lalo tuloy tumindi ang galit niya kay Atty. Lianela Mendez.

Nilingon ni Don Sebastian ang alalay nito, “Ikuha mo ako ng tubig!” Utos niya rito, kaagad namang tumalima ang inutusan.

“Billion na ang nagagatos ko sa kampanyang ito.  Hindi ko alam kung bakit ako nagpapaniwala sa mga palpak mong ideya!” Muling sigaw ni Don Sebastian kay Nenita.

NAGULAT SI MILLET nang pagdating nila ni Gabrielle sa kanila ay maraming bisitang kaibigan ang tatay niya at proud na proud itong ipaglandakan ang mayamang manugang sa mga ito.

Inakbayan pa nito si Gabrielle na parang matagal nang kakilala.  Siya tuloy ang napapahiya.  “Iho, inutang ko nga pala itong pinalitson kong dalawang baboy para sa inyo. Nagpakatay rin ako ng mga kambing. . .mahigit kumulang nasa isang daang libo ang babayaran mo.” Pabulong na sabi nito.

Pasimpleng lumayo si Gabrielle sa matanda, nagulat siya sa sinabi nito, “One hundred thousand ang ginastos ninyo at gusto nyong ako ang magbayad?”

“Kuu, mano ba namang maghanda tayo total hindi nyo naman kami inimbita sa araw ng kasal nyo. . .saka barya lang naman ito sa pamilya mo, hindi ba?”

Hiyang-hiya si Millet kay Gabrielle ngunit natatakot siyang pagsabihan ang ama dahil baka masampal na naman siya nito sa harapan ng maraming tao.  Ayaw niyang mapasama pa si Gabrielle sa paningin ng kanilang mga kabaranggay.

Hindi na nakipagtalo pa sa ama ni Millet si Gabrielle ngunit ngayon pa lang ay namarkahan na niya ang ugali ng matanda.

“GANYAN ba ang maysakit, parang takot maubusan ng alak?” Sita ni Gabrielle kay Millet habang nakalingon sa ama nitong haping-hapi at langong-lango na sa paglalasing.  Para tuloy gusto niyang pagsisihan na binisita pa niya ang pamilya ni Millet dahil ni hindi naman niya nakausap ng maayos ang mga ito dahil pagdating na pagdating pa lang nila sa bahay ay dinagsa na sila ng mga kababayan ng mga ito at kung anu-anong inuurirat.  May mga humihingi ng abuloy, donasyon etc.

Hindi alam ni Millet kung ano ang sasabihin kay Gabrielle.  Hindi naman kasi niya alam nag anito ang gagawin ng tatay niya.  Ang usapan nila, bibisita lang sila para makilala ang pamilya niya.  Hindi niya alam na magmumukhang piyesta ang mangyayari sa pagdalaw nila.

“Babayaran ko na lang po unti-unti iyong perang ibinigay nyo kay tatay.” Sabi ni Millet sa lalaki.

“Wala namang problema sa akin ang pera.  Sana lang, ginagamit sa tama hindi ganyang sinasayang lang sa bisyo,” sabi ni Gabrielle dito, “Alam mo bang kahit ganito na ang estado ng buhay namin, hindi ako basta-basta nagpapakawala ng pera kung walang pakinabang na babalik sa akin?  Yan siguro ang problema sa karamihan sa tiga-rito.  Inuuna ang pagyayabang kesa isipin ang pag-unlad.  I’m not only referring to your father. Ito ang isa sa mga sakit ng ating mga kababayan. . .”

Tumango siya dahil alam niyang totoo naman ang sinasabi nito.

“Anak, inihanda ko na iyong kuwarto ninyo.  Baka gusto nang magpahinga ni Sir Gabrielle,” timid na sabi ng ina ni Millet na si Aling Virginia.  Hindi gaya ni Mang Solomon, mabilis niyang nakapalagayang loob ang matanda dahil mabait ito at mukhang hindi concern talaga ito kay Millet.

Napatingin si Millet kay Gabrielle.  Sinabihan na sila ni Atty. Lianela Mendez na hindi sila pwedeng mag-check in sa hotel.  Kinailangang sa bahay nila sila tumuloy at dapat ring sa iisang kuwarto sila matulog.  Isang paraan raw iyon para ipakita ni Gabrielle na makamasa ito.

Kanina ngang kumakain sila ay sinubukan pa ni Gabrielle magkamay kahit halatang hindi naman ito marunong.  At alam niyang parte pa rin iyon ng palabas.

“Pasensya nga pala iho, wala kaming kama kaya sana maging komportable kang matulog sa lapag,” sabi pa ni Aling Virginia kay Gabrielle.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status