Share

Chapter 6

“’Nay?” pagbasag ni Bennett sa tahimik nilang hapunan.

“Hmm… bakit?” tanong ni Mariya pagkatapos ay uminom ng tubig.

“Kailan po uuwi si tatay?”

Biglang nabulunan si Mariya na ikinabaling naman ng atensyon ng mag-inang, Rosela at Nadine, sa isa’t isa bago tiningnan si Mariya na ngayon ay nagpupunas na ng kaniyang bibig. Napatingin si Mariya sa mag-ina bago bumaling sa kaniyang anak. Nakatingin na si Bennett sa kaniya, naghihintay sa magiging sagot niya.

Sirkulo ang hugis ng kanilang hapag-kainan. Kaya ang ayos ay tila magkakaharap lang silang lahat sa isa’t isa.

“Bakit mo naitanong, anak?” Ipinagtataka niya ang biglaang tanong na iyon ng anak. Dahil ang huli nitong pangungulit sa kaniya patungkol sa ama ay halos mag-iisang taon na rin ang nakalilipas.

“Hindi na po kasi ako makapaghintay. Miss na miss ko na po si tatay. Buti pa si Yanie nakita niya na ang daddy niya. Ako kaya kailan?”

Iba-iba ang emosyong nakikita ni Mariya sa anak habang sinasabi iyon. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang mararamdaman.

“Anak, mamaya na natin pag-usapan ‘yan, okay? Kumain na muna tayo,” pakiusap niya sa anak.

Tipid namang ngumiti si Bennett at tumango. Muli siyang napatingin sa mag-ina na kasama nila. Nangungusap na mga mata ang nakikita ni Mariya sa mga mata ni Rosela samantalang sa anak naman nitong si Nadine ay pagkadismaya. Nakuha pa ngang bumuntong-hininga ng kaibigan at umiling-iling. Alam niya kung ano ang gustong iparating ng kaibigan.

Inabala ni Mariya ang sarili sa pagtatrabaho kahit gabi na pagkatapos nilang kumain. Ginawa niya ang mga gawaing dapat sa susunod na araw pa niya gagawin. Isa lang kasi ang dahilan, ang makaiwas sa anak. Kanina habang kaharap ang laptop ay napapansin na niya ang ginagawang maya’t mayang pagsilip sa kaniya ng anak mula sa pinto, ng munti niyang opisina na nasa ‘baba ng kanilang bahay. Kapag nagtatrabaho kasi siya ay marunong makiramdam ang anak, hindi ito nangungulit o nang-iistorbo sa kaniya kahit pa may kailangan ito. Sobrang hinahangaan ni Mariya ang ugaling iyon mula sa anak.

Pero siya ay walang pakialam sa nararamdaman ng anak. Hinahayaan na lang niyang lumipas ang oras at araw na hindi nasasagot ang katanungan ng bata. Alam niya ang pakiramdam na marami kang katanungan na hindi nabibigyan ng kasagutan, at sa bawat araw na dumarating ay mas lalong dumadagdag. Masakit sa puso habang pinapanood ni Mariya ang anak na ngayon ay mahimbing nang natutulog.

“’Nay, kailan po uuwi si tatay? Uuwi po ba siya?”

Napaluha na lang si Mariya nang banggitin iyon ng anak sa gitna ng pagtulog nito.

“Sorry, anak. Sorry. Sana mapatawad mo si nanay dahil naging makasarili siya,” aniya sa kabila ng pagkirot ng kaniyang ngalangala. Hinawi niya ang hibla ng buhok na nakatakip sa mga mata ng anak at marahang hinagod iyon.

Pagpahid niya ng luha ay may napansin siyang bulto ng tao na nakatayo sa pinto ng kuwarto ng anak. Hinayaan kasi niya itong nakabukas kanina pagkapasok. Kahit hindi sapat ang liwanag na nagmumula sa lampshade para mapag sino ang taong iyon, ay kilala niya na. Hinalikan muna niya sa noo ang anak at tumayo mula sa pagkakaluhod.

“Alam mo bang kanina pa—”

“Alam ko,” kaagad niyang sagot kahit hindi pa tapos si Nadine na magsalita.

“At hinayaan mo,” may himig panunumbat pa nitong dagdag.

Tumingin siya sa kaibigan pero bago niya sagutin iyon ay isinara niya muna ang pinto ng kuwarto ng anak.

“Kailangan.” At naglakad siya.

“Kailangan ang ano, best? Iyan din kasi ang hindi ko maintindahan sa ’yo. Kailangang itago, kailangang huwag sagutin, kailangang ipagpaliban na lang o ano pa ang kailangan… kasi ayaw mong mawala ang anak mo. Best, ako ang naaawa sa bata. Kaunti na lang nga ang panahon na ibinibigay mo sa kaniya dahil halos abalahin mo na ang sarili mo d’yan sa pinapalago mong negosyo, tapos ito pa… baka mamalayan mo na lang sinusumbatan ka na ng anak mo,” mahaba nitong linyada habang sumusunod sa kaniya, na ngayon ay pababa na ng hagdan.

Halos mapatigil si Mariya sa paghakbang nang marinig ang mga sinabi ni Nadine at napabaling sa kaibigan. Hinalukipkip ni Nadine ang mga braso at itinaas ang kilay.

“Hindi ko kaya, Nadine,” ang naging usal na lang ni Mariya. “Hindi ko kayang once na malaman niya ang totoo ay hahanapin niya ang kaniyang ama at iwan ako. Natatakot akong kunin siya ng kaniyang ama sa akin.” Pag-upo niya sa hagdang hinintuan at napatakip ng mukha. Napakahirap sa kaniya ang ginagawa. Ngunit mas gugustuhin niya ang ganito kaysa pati ang anak ay mawala sa kaniya.

“Ayan na nga ba ang sinasabi ko sa ’yo noon, e. Dapat noon pa lang ay binura mo na ang tiyansang hanapin ng anak mo ang lalaking iyon. Dapat sinabi mo na lang na namatay ito o ano at hindi mo na pinaikot pa, para wala na siyang dahilan para hanapin ang tatay niya. Ayan tuloy, ikaw ang nahihirapan ngayon.” Pagdamay sa kaniya ng kaibigan.

“Ayaw ko lang naman na kamuhian ako ng anak ko nang dahil sa pagsisinungaling ko.” At sinuklay ang kaniyang buhok gamit ang mga daliri sa mga kamay, na para bang gulong-gulo na sa sarili. Mabibigat ang mga matang tiningnan niya ang katabi.

Marahang napabuga si Nadine ng hangin. “Hindi naman sa magsisinungaling ka sa anak mo, best. Para naman sa ikabubuti n’yo iyon. Hindi ka naman siguro hahanapin ng lalaking iyon, ‘no? At paano siya makakasiguro na buntis ka, aber? Wala siyang ebidensya kasi wala ka na bago ka pa niya balikan o hanapin.”

“Hindi tayo sigurado d’yan, Nadine. Paano kung hinanap niya ako at hanggang ngayon ay hinahanap pa rin niya ako? He needs my son. He was eager at that time to have a son. Sinigurado niya ’yon,” pagpapaintindi niya sa kaibigan. Hindi kasi alam ng kaniyang kaibigan kung ano ang nangyari sa kaniya nang gabing iyon. Kung ano ang napagdaan niya sa mga kamay ng lalaking iyon. Kahit anong pilit niyang pagpapaunawa rito.

“Kung hinahanap ka pa rin niya hanggang ngayon hindi ba’t sana ay matagal na niya kayong nakita? Sabi mo isa siyang multibilyunaryong tao. Sa dami ng pera no’n paniguradong matutunton niya kaagad kayo. Sa liit ba naman ng Pilipinas, best.”

May punto ang kaibigan. Pero marami pa ring dahilan at ‘what ifs’ ang gumugulo sa kaniyang isipan. Hindi siya sigurado kaya ayaw niyang makampante sa mga bagay-bagay.

“GOOD MORNING, Bennett!”

“Good morning, Tita Nadine! Where's nanay?”

Bahagyang napahinto si Nadine sa pagkuha ng unipormeng susuotin ni Bennet sa aparador nito, nang kaagad ay hanapin ng bata ang ina. Ngumiti siya nang malawak.

“Maagang umalis ang nanay mo dahil sobrang aga rin kung bulabugin siya ng mga kasosyo niya, para asikasuhin ang project nila. Kaya ako na ang pumasok dito para asikasuhin ka. At ako na rin ang maghahatid sa ’yo. Sobrang busy kasi ng nanay mo.” Pagkatapos ihanda ang uniporme ay sinuri niya rin ang laman ng bag ni Bennett kung kumpleto ba ang mga gamit sa loob nito bago kinuha ang tuwalya at lumapit sa bata. Napansin niya ang gumuhit na kalungkutan sa mukha ng batang lalaki. Nakaramdam naman siya ng awa. “Tara! Ligo ka na. Gusto mo bang paliguan ka ng Tita Nadine mo?” pagpapatuloy niya lang upang pasiglahin ito. Kunwari ay hindi napansin ang pagsimangot ng bata.

Umiling-iling si Bennett. “No, Tita. Malaki na po ako. I can manage myself na po.” Kinuha ni Bennett ang tuwalya sa Tita Nadine niya at walang buhay na naglakad patungo ng comfort room.

Napahawak na lang si Nadine sa kaniyang baywang at halos pagsabihan ang kaibigan sa isip. Pati siya ay namomroblema kung ano ang gagawin sa mag-ina.

“’Nay, hatid ko muna si Bennett,” pagpapaalam ni Nadine sa ina na ngayon ay may kausap na staff.

“Mano po, ’Nay Rosela.”

Nagulat ang matanda nang pagharap niya ay mabilis na kinuha ng batang si Bennett ang kanang kamay niya upang magmano.

“Kaawaan ka ng Diyos, apo,” tanging sambit ni Rosela, nang pagkatapos noon ay mabilis at walang kasigla-siglang naglakad si Bennett palabas ng shop.

“Anong nangyari doon?” Baling niya sa anak matapos sundan ng tingin ang bata hanggang sa makasakay ito ng kotse.

“Itanong n’yo d’yan sa isang anak n’yo.”

Sinundan ni Rosela kung saan nakatingin si Nadine at doon ay nakita niya si Mariya. Nakahalukipkip ito sa isang haligi kung saan mula rito ay tinatanaw ang anak na nakaupo na sa sasakyan. Bukas ang bintana ng sasakyan kaya nakikita nito ang malungkot na mukha ng anak. Napansin siguro nito na may nakatingin sa kaniya kaya napabaling si Mariya sa kanila. Nang makaramdam din ng hindi kanais-nais na atmospera ay naglakad ito pabalik sa sariling opisina.

“Sige, ’nay. Alis na kami at baka ma-late ang bata.” At nagmano si Nadine sa ina.

“Mag-iingat kayo,” habol ni Rosela.

“GUESS WHAT? I did not expect the person I will see today,” ngisi ni Bryan nang makita si Shane sa isang coffee shop.

Napairap na naman sa hangin si Shane. “Tss! Ang malas yata ng araw na ’to. If you're going to messed up with me, just walk away.”

“Ang taray naman. Looks like your face can't be painted. What happened?” At humigop si Bryan ng kape sa lagayan na bitbit. I-t-take out niya sana ito at sa byahe na lang magkakape nang may makita siyang kakilala.

“Hindi ka lang maingay. Tsismoso ka pa,” pagtataray ni Shane.

“Hey, nagtatanong lang naman ang tao… tsismoso agad? Hindi ba p’wedeng concern lang,” at itinaas-taas ang dalawang kilay na kinairita ni Shane.

“Yuck! Concern? Wala ka ngang ginawa kundi mambuwesit sa akin.”

Tumawa si Bryan. “So, ano nga?”

“Instead of asking me, just ask your best friend.” At sumimsim ng kape.

Dahil doon ay tumawa nang malakas si Bryan na ikinalingon naman ni Shane sa paligid. Binalingan niya ang kaharap at sinaway ito, “Umalis ka na nga lang. Nakakahiya ka,” halos singhal nito.

“Woah, Brylly! Kakaiba ka talaga, dude,” bigkas nito sa hangin. “Ano na naman ba ang ginawa sa’yo ng kakambal ko?”

“Kakambal? My ghad, Bryan. You really give me a headache.”

“Sagutin mo na lang ang tanong ko, ano na naman ba ang ginawa sa ’yo ni Brylly?” pangungulit nito kaya sa ilang ulit na pagkakataon ay napairap ulit si Shane.

“As usual. Ano pa nga ba ang bago?” puno ng sarkasmong sagot niya.

“Ow! Sabi ko sa’yo kahit anong gawin mo, wala ka talagang pag-asa sa kakambal ko. Mana ’yon sa akin e, pihikan.”

Dahil sa sinabi niya ay pinanlisikan siya ng mga mata ni Shane. Tumawa lamang si Bryan at maya-maya’y tumingin sa relos na nasa kaniyang palapulsuhan.

“Okay, time's up. I'm leaving now, I still have a meeting to be attend to. Just put in your mind what I advise to you, find another one. Don't make yourself be with someone who doesn't know the words love and woman.” Pagkindat ni Bryan.

“Whatever,” ayon na lang kay Shane at tumingin sa labas ng salaming dingding.

Muli, napabaling siya sa nilakaran ni Bryan. Hindi na iba sa kaniya ang mga sinabi nito. Noong nag-aaral pa lamang sila ay wala nang ginawa si Brylly kundi abalahin ang sarili sa pagpapakitang gilas sa ama. Wala itong panahon sa kahit anong bagay.

Pero isa lang ang nasa isip niya. Whatever it takes, sa huli makukuha rin niya ang atensyon ng isang cold and arrogant man na iyon. Wala siyang pakialam kung naging mas mailap sa kaniya ang lalaki ngayon. All she needs to do is to focus to get Brylly and make him feel in love with her. Kahit na na-busted na siya nito nang minsang umamin siya ng nararamdaman niya sa lalaki.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status