Share

The Billionaire's Contract Bride
The Billionaire's Contract Bride
Author: shining_girl

Chapter 1: Hiling

“Tiyo, bakit ako?” mangiyak-ngiyak na reklamo ni Lara sa tiyuhin na si Berto nang sabihin nito sa kanya na nakapili na raw ng aasawahin ang intsik na amo nito sa grocery store. At ang malas na babae, siya.

“O e alangan namang ako? Alam mo naturingan kang gradweyt pero may pagkatanga ka rin minsan.  Ikaw lang naman sa atin dito sa bahay ang puwedeng ialay kay Bossing. At saka ayaw mo no’n, tiyak na yayaman tayo, Lara. Kahit hindi ka na magtrabaho, mahihiga ka sa kwarta!” anang tiyuhin, nagsalin ng gin sa baso, humithit muna ng sigariylo bago uminom ng alak. “Matagal ka nang kursunada no’n ni Boss Chino e. ‘Di ba nga palagi kang may regalo sa kanya tuwing Pasko at birthday mo. Seryoso ‘yon sa ‘yo, kaya ‘wag mo nang tanggihan. Minsan na nga lang ako mag-utos sa ‘yo, nagrereklamo ka pa. Parang wala kang utang na loob a,” patuloy pa ni Berto, muling tumungga ng alak.

Nakagat ni Lara ang kanyang pang-ibabang labi, yumuko. Noon pa man ay masakit nang magsalita ang kanyang tiyuhin. Asawa ito ng kanyang Tiya Linda, nag-iisang kamag-anak ng kanyang yumaong ina na si Melissa.

Mula nang pumanaw si Melissa noong anim na taong gulang pa lamang ang dalaga ay sa poder na siya nina Berto at Linda tumira. Mabait si Linda kay Lara, maalaga ito gaya ng isang tunay na ina. Subalit si Berto ay sadyang mabigat ang dugo kay Lara, ang tingin nito sa dalaga’y pabigat at walang kwenta.

Nang ma-stroke si Linda dahil sa labis na pagtatrabaho, lalong naging hindi naging maganda ang turing ni Berto kay Lara. Nang hindi makatiis si Lara ay lumuwas ito ng Maynila pagka-graduate ng high school at nakipagsapalaran. Na nagbunga naman dahil nakakuha ito ng scholarship sa isang kolehiyo. Iba’t-ibang part-time jobs ang pinasukan ng dalaga para lamang maitawid niya ang kanyang pag-aaral at pang-araw-araw na gastusin. Idagdag pa na regular din ang pagpapadala niya sa tiyahin para sa mga gamot nito.

Nang makapagtapos ang dalaga at nakapasok sa isang magandang trabaho sa siyudad, lalong naging palahingi si Berto. Kesyo raw kailangan ng pinsan niya ng project sa school, may tulo ang bubong ng bahay kahit na tag-araw, ubos na raw ang gamot ng kanyang tiyahin kahit na libre naman sa center ang gamot nito at kung ano-ano pang dahilan. Madalas, gustong-gusto ni Lara ang tumanggi sa demands ng tiyuhin. Subalit… sa tuwing sinusubukan niya’y nakakatikim ng masasakit na salita ang dalaga sa tiyuhin.  Gaya ngayon.

Naisip ng dalaga na kung alam lang niya na ‘yon ang sasabihi ng tiyuhin sa kanya, hindi na lang sana siya bumiyahe ng higit isang oras mula sa siyudad pauwi.

“Ano, hindi ka na umimik. Tatanggi ka ba talaga, Lara?” si Berto ulit, humithit ng sigarilyo bago ibinuga ang usok patungo sa kisame ng kanilang maliit na tahanan. “Kapag hindi mo ginawa ang gusto ko, ipaparemata ko na lang kay Boss Chino itong bahay nang sama-sama na lang tayong maghirap.”

Kumurap si Lara. “P-po?”

“Matagal nang nakasanla kay Bossing itong bahay, Lara. Wala e, laging kapos. Hindi ka naman kasi marunong magkusa,” ani Berto, muling humithit sa sigarilyo nito.

Muling natahimik si Lara, pinigilan ang sariling sumagot. Paanong hindi siya marunong magkusa gayong halos kalahati ng suweldo niya buwan-buwan ang napupunta sa mga ito?

“O ano, nakukunsensiya ka na ba? Dapat lang. Wala kang utang na loob e,” ani Berto, tumipa sa kanyang cellphone. “O ‘yan. Puntahan mo raw si Boss Chino bukas d’yan para makapag-usap kayo. Gustong-gusto ka na niya ulit makita, tinatago lang kita.”

Tumunog ang cellphone ng dalaga. Nang tignan niya, isa iyong text message na naglalaman ng pangalan ng restaurant at oras kung saan sila magkikita ng boss ng tiyuhin kinabukasan.

“Ano, pupunta ka ba?” untag ni Berto kay Lara nang nanatiling tahimik ang huli.

“O-opo,” mabigat ang loob na sagot ng dalaga bago naglakad papasok sa silid ng kanyang Tiya Linda.

Tulog na ito at mas nangayayat nang huli niyang makita. Kumuyom lalo ang kamay ni Lara, sinisisi ang sarili kung bakit ba siya ipinanganak na mahirap.

Magaang hinawakan ni Lara ang kamay ng tiyahin. Iyon ang mga kamay na nag-aruga sa kanya nang kailangang-kailangan niya ng kalinga. Ngayong malakas na siya at ito naman ang mahina, tatalikuran na lamang ba niya ito nang basta-basta?

Nakagat ni Lara ang pang-ibabang labi, tuluyang lumuha. “P-para sa ‘yo, Tiya. Gagawin ko, para sa ‘yo.”

--

Nagmamadaling pumasok sa CR si Lara, mabilis na inilabas ang cellphone mula sa kanyang bag at idinial ang numero ng kaibigang si Erin.

“Hindi ko talaga kaya, Erin. Hindi ko talaga kaya,” reklamo agad ng dalaga nang sagutin ng kaibigan ang kanyang tawag.  

Naroon na sa restaurant ang dalaga  kung saan sila magkikita ni Chino, ang instik na boss ng kanyang tiyuhin. Subalit malayo pa lang, nang makita ng dalaga ang may edad na at matabang instik,  hindi na siya tumuloy sa table na ini-reserve ng lalaki para sa kanilang dalawa. Ang banyo na agad  ang tinumbok niya.

“E bakit ka ba kasi pumunta-punta pa d’yan. Sabi ko naman sa ‘yo, dedmahin mo na lang ang pangungunsensiya ng tiyuhin mong lasenggero!” gigil naman sa sagot ni Erin sa kaibigan.

Katrabaho ni Lara si Erin sa isa sa pinakamalaking kumpaya sa siyudad, ang Lagdameo Development Corporation o LDC. Palibhasa’y magkakilala mula college, alam na alam na rin ni Erin ang kwento ng buhay ni Lara.

“P-Paano si Tiya at si Coco?”  Si Coco ang anak nina Linda at Berto na graduating pa lamang sa high school.

“Hay naku, Lara. E ‘di ba sinabi ko sa ‘yo noon pa, na dalhin mo na dito sa Maynila ang tiyahin mo at si Coco. Iwanan mo na ‘yang tiyuhin mong lasenggo! Paulit-ulit na ‘ko sa ‘yo, girl. Sa susunod ire-record ko na lang talaga ang sasabihin ko.”

Humikbi si Lara, lalong naguluhan. “Hindi ko talaga kayang magpakasal sa boss ni tiyo, Erin. Kahit sinong lalaki na d’yan, basta h’wag lang si Boss Chino,” anang dalaga.

“Uy, umiiyak ka na? Was I too harsh? Kasi naman e, bakit ba kasi masyado kang mabait, Lara Veronica! Aba, lumaban ka rin kasi.”

Sasagot pa sana ang dalaga nang biglang bumukas ang pinto sa isang cubicle sa banyo. Agad napasinghap si Lara nang makita na isang lalaki ang naroon. At hindi lang basta lalaki, kundi ang cold, ruthless at allergic sa ngiti na CEO at big boss nila sa LDC na si Jason Timothy Lagdameo o Sir Jace.

“W-wrong CR ka p-po, S-Sir,” wala sa sariling sambit ni Lara, tulala.

“You’re the one who’s in the wrong place, Miss,” anang lalaki, dumiretso sa sink at naghugas ng kamay

Lumipad ang tigin ni Lara sa pinto, naroon ang nga  MEN sign! Namutla agad ang dalaga, nagkumahog na naglakad patungo sa pinto. Subalit bago pa man tuluyang makalabas ang dalaga’y nagsalita si Jace.

“I heard you need husband?”

Agad natigilan si Lara, muling pumihit paharap sa lalaki.

“S-Sir?”

Kumuha ng tissue si Jace at nagpunas ng kamay. “I am in need of a bride,” seryosong sabi ng binata.

Kumurap si Lara. Wala pa ring maintidihan sa sinasabi ng lakaki.

“P-po?”

“Be my bride. Marry me.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status