Share

THE BILLIONAIRE'S NAUGHTY WIFE
THE BILLIONAIRE'S NAUGHTY WIFE
Author: iamsimple

Chapter 1

Amber's Pov

"Uy, tiba-tiba ka ngayon, Amber. Ang daming customers na nagbigay sa'yo ng tip ngayon, ah," nakangiting puna sa akin ni Mildy na kasamahan ko bilang waitress sa pinapasukan kong night bar. Hindi naman bar na may nagsasayaw na mga GRO ang pinapasukan kong bar kundi mga babaeng kumakanta at sumasayaw sa stage na maayos ang mga kasuotan ang nagpe-perform sa stage. Pero siyempre, kapag naririnig ng mga tao ang salitang night bar ay iniisip nilang mga naghuhubad na babae ang sumasayaw sa stage kahit naman hindi lahat ng bar ganoon. Ngunit alam ko na may mga kasamahan akong waitress na pumapayag na mailabas sila ng mga customer ng bar. Nasa aming mga waitress na ang desisyon kung papayag kaming "mag-all the way" at walang kinalaman ang management ng bar. Ngunit kung ang ibang mga waitress ay pumapayag sa ganoon para mas malaki ang kanilang kitain ay hindi ako. Kuntento na ako sa kakarampot na kinikita ko bilang waitress basta sa malinis na paraan nanggaling ang aking pera.

Ang pera na natatanggap ko mula sa pagiging waitress ay ginagamit ko panggastos sa aking pag-aaral. Nineteen years old na ako pero nasa fourth year high school pa lamang ako. Nahinto kasi ako sa pag-aaral dahil kulang ako sa pinansiyal para masuportahan ang aking sarili. May ina naman ako ngunit may pangalawang pamilya na siya. Bata pa lamang kasi ako ay namatay na ang aking ama kaya hindi ko naranasan ang lumaki na may amang nagmamahal sa akin. Ayokong iasa kay Tito Roman ang aking pag-aaral dahil hindi ko naman siya kasundo. Siya at ang kanyang malditang anak na si Ruby.

Sa bahay ni Tito Roman ako nakatira ngayon ngunit nag-iipon ako para may maipang-upa ako sa kahit na maliit na kuwarto lamang. At kahit sa isang squatter's area pa ang mahanap kong paupahan ay tatanggapin ko basta makaalis lamang ako sa poder ni Tito Roman. Halos araw-araw na kasi kaming nag-aaway ni Ruby. Masyado kasi siyang m*****a at ako naman ay palaban kaya palagi kaming nagka-clash. At sa tuwing mag-aaway kaming dalawa ay siya ang kinakampihan ni mama. Isa iyon sa dahilan kung bakit gusto kong bumukod ng tirahan. Sa halip kasi na ako ang kampihan ni mama dahil ako ang anak niya ay si Ruby na kanyang stepdaughter ang pinapanigan niya. Pakiramdam ko ay excess baggage lamang ako at nakakapuno na sa bahay nila kaya aalis na lamang ako kaysa ang palayasin pa nila ako kapag hindi na sila makatiis sa akin.

Lunes-Huwebes ay night shift ako since nag-aaral ako sa araw. Pagdating naman ng Friday ay dayoff ko. Sinasamantala ko ang day off ko para magawa ko ang lahat ng mga kailangan kong gawin sa school. Sabado at Linggo naman ay two o'clock ng hapon hanggang seven ng gabi ang shift ko. Okay sa akin ang schedule ko na ito dahil nagagawa ko pang makapagpahinga pagkatapos ng aking trabaho. Minsan matumal ang bigayan ng tip kapag mga kuripot ang mga customers ngunit minsan naman ay gaya ngayon na puro galante ang mga nagbibigay ng tip basta maayos ang serbisyo namin. Tiba-tiba tuloy ako ngayon at napansin iyon ni Mildy.

"Binabawi lamang ang ilang gabi na matumal ang tip sa akin," nakangiting sagot ko sa kanya. Nagtawanan kami at nag-high five. Katulad ko ay tiba-tiba rin siya ngayong gabi.

"Ngunit mukhang masisira ang gabi mo dahil nandito na naman ang mayabang na customer na palaging ikaw ang hinahanap para mag-serve sa kanya ng inumin," bulong sa akin ni Mildy sabay nguso sa pintuan kung saan pumapasok ang taong nakasalo yata ng lahat ng kayabangan na isinaboy ni Lucifer sa mundo. 

"Mayabang na manyakis pa," nakasimangot na sagot ko kay Mildy. Akala yata ng Santi na iyon na ubod siya ng guwapo kaya ang lakas ng loob niyang magyabang. Eh, kung hindi nga lang siya galante magbigay ng tip ay tiyak walang waitress na lalapit sa kanya para mag-assist sa sobrang lakas ng hangin niya at kamanyakan.

"Sinabi mo pa," nakangiwing sang-ayon ni Mildy sa sinabi ko.

"Pero malas niya dahil mag-out na ako ngayon," nakangiti nang sabi ko kay Mildy. At bago pa ako tawagin ng Santi na iyon ay mabilis ko nang iniwan si Mildy para mag-time out sa logbook. Balak ko sanang mag-overtime ngayon dahil nga halos lahat ng mga customer ay galante ngunit dumating naman ang asungot na ito. Sayang lamang ang kikitain ko pa sana hanggang mamaya. Nakakabadtrip talaga ang Santi na ito. 

Pagkatapos kong magbihis ng damit ay mabilis na akong naglakad palabas ng bar. Bago ako umuuwi sa bahay ni Tito Roman ay dumadaan muna ako sa aking suki na karinderya kung saan ako palaging kumakain ng hapunan. Kumakain na ako bago pa ako umuwi dahil alam ko na wala naman akong madaratnang pagkain sa mesa at kapag meron naman ay katakot-takot na panunumbat ang maririnig ko sa mag-ama. Pandagdag daw sa ulam ko ang sumbat nila sa akin.

Isang sakay ng tricycle lamang mula sa pinagtatrabahuhan kong night club pauwi sa bahay ni Tito Roman kaya naman hindi ako nahihirapang mag-commute pauwi. Pagbaba ko sa tricycle ay agad napakunot ang aking noo nang makita kong may magarang kotse na nakaparada sa tapat ng gate ng bahay ni Tito Roman. Mukhang may mayamang bisita ngayon si Tito. O di kaya ay manliligaw ni Ruby? Ang suwerte naman ng impaktang iyon kung manliligaw nga niya ang may-ari ng BMW na nasa labas.

Para masagot ang curiosity ko ay agad na akong pumasok sa loob ng bahay. Naabutan kong nasa sala sina Mama, Tito Roman at Ruby na kausap ang dalawang lalaki na parehong nakasuot ng bussiness attire. Ang isang lalaki na nakasuot ng salamin ay nasa late forties na yata samantalang ang isa naman ay mukhang nasa early thirties lamang. At ang guwapo. Ang guwapo niya kahit na seryoso ang kanyang mukha. Mukha rin itong matangkad kahit na nakaupo. Hindi ko nga lang mahulaan ang kanyang height dahil nakaupo nga siya. Sa totoo lang ay marami itong patataubin na mga artista at model mapa-local or international dahil sa hitsura nito. Medyo malago ang mga kilay nito ngunit bumagay naman sa mga mata nitong medyo pahaba. Maitim ang mga mata nito ngunit sa tingin ko ay hindi talaga itim ang kulay niyon kundi ibang kulay. Gabi kasi kaya parang itim ang kulay ng kanyang iris ngunit kapag natatapat sa ilaw ay bahagyang nagla-light ang kulay niyon kaya ang hula ko ay light brown ang kanyang mga mata sa araw. At mas nakadagdag pa sa ganda ng kanyang mga mata ang mahahaba niyang pilikmata. Matangos ang ilong nito na tila ilong ng mga Kastila. Siguro may lahing Kastila siya dahil may pagka-mestizo. Manipis at mapupula ang mga labi nito na siyempre ay natural red. Alangan namang nag-lipstick ito bago nagpunta rito sa bahay ni Tito Roman. Sa isiping iyon ay hindi ko naiwasang mapangiti. Nai-imagine ko kasi ito na namimili ng lipstick na i-aapply sa mga labi nito.

"What's funny, Miss? Nag-enjoy ka bang bistahan ang hitsura ko?" nakataas ang kilay na kausap sa akin ng guwapong lalaki. 

"Siyempre naman," mabilis kong sagot habang nakangiti ng matamis. Ngunit mabilis ding napalis ang ngiti ko nang ma-realized ko ang aking sagot. "Ang ibig kong sabihin ay nagtataka lamang ako kung bakit may mga guwapong bisita rito sa bahay," palusot ko na ewan kung nakalusot ba. Guwapo nga siya ngunit mukhang masungit naman. Bawas pogi points siya sa akin.

"Puwede bang huwag mong dalhin dito sa bahay ang ugali mo sa pinagtatrabahuhan mong night club, Ruby?" nakataas ang kilay na kausap sa akin ni Ruby. Hindi ko napigilan ang mapakunot ng noo dahil sa itinawag niya sa akin.

"Night club?" biglang tanong naman ng guwapong lalaki na tila hindi nagustuhan ang kanyang narinig.

"Yes, Mr. Salvatore. Sa night club nagtatrabaho ang stepsister ko," sagot ni Ruby. "Ayaw nga namin siyang papagtrabahuin doon kasi marumi ang trabaho niya kaso ayaw naman niya kaming pakinggan. Madali at mabilis daw kasi ang trabaho at pera sa pinagtatrabahuan niyang night club lalo na kung galante ang mga customer niya," paliwanag ni Ruby na ikinataas ng mga kilay ko, to the highest level.

"Walang masama sa pagtatrabaho ko sa night club. Ang masama ay ang mga taong marurumi ang utak na kagaya mo," pagtatanggol ko sa trabaho ko. Ramdam ko na tila gusto ni Ruby na maging masama ang tingin sa akin ng lalaking tinawag na Mr. Salvatore. 

"Tama si Amber, Ruby. Huwag mong dalhin dito sa bahay ang ugali mo roon. Ang mabuti pa ay pumasok ka na sa kuwarto mo dahil may pinag-uusapan kaming mahalagang bagay rito," kausap naman sa akin ni Tito Roman. Lalo akong naguluhan sa kanilang ikinikilos. 

"Pumasok ka na sa kuwarto mo, Ruby at huwag ka nang makipagtalo pa kay Amber. May bisita siya at nakakahiya naman kung sa harapan pa niya ipapakita mo ang ugali mong iyan," wika naman ni Mama. As usual, si Ruby na naman ang kinampihan niya ngunit hindi na bago sa akin iyon kaya deadma na lamang ako sa ginawa niya. At napansin ko na Ruby rin ang itinawag niya sa akin kagaya ng mag-ama. Nakaramdam tuloy ako na tila may kakaiba sa paligid. Bakit ba parang ipinagtatabuyan nila ako na tila ayaw nilang marinig ko ang pinag-uusapan nila kasama ang dalawang bisita.

"Sorry kung naistorbo ko ang pag-uusap ninyo, Tito Roman," agad na panghingi ko ng tawad sa aking stepfather. "Pero kailangan pa kami nagkapalit ng pangalan ni Ruby? Palihim niyo ba akong bininyagan ulit habang natutulog ako kaya naging Ruby ang pangalan ko?" nakataas ang kilay na tanong ko sa kanya.

Ngayon ko nasiguro na may mali nga sa nangyayari nang mapakunot ng noo ang dalawang bisita at pinaglipat-lipat sa aming dalawa ni Ruby ang kanilang mga paningin samantalang tila namutla naman ang tatlong nakatira sa bahay na ito na ipinagpipilitang Ruby ang pangalan ko.

"Ano ba ang pinagsasasabi mo, Ruby? Saka huwag mo ngang kausapin ng ganyan ang mga magulang mo," kausap naman sa akin ni Ruby na siyang tila unang nakabawi sa pagkabigla.

"Excuse me, isa lang ang magulang ko sa kanila at iyon ay si Mama lamang dahil papa mo naman ang isa. At saka bakit ka ba umaakto ng ganyan? Ganoon mo ba ka gusto ang pangalan ko para angkinin mo?" nang-iinis na tanong ko sa kanya. Muli itong namutla sa aking sinabi at tila nagpapasaklolo na tumingin sa mama ko.

"Sino ba talaga ang tunay na Amber Cruz sa inyong dalawa?" tila hindi na nakatiis na tanong ng lalaking nakasuot ng salamin sa mata. Kung susuriin ko ang kanyang porma ay iisipin kong isa siyang secretary. Mga katulad niya kasing maayos ang pagkakasuklay ng buhok na papunta sa kanan lahat, nakasuot ng salamin sa mata at may hawak na attaché case ang mga lalaking secretary ng isang CEO na napapanuod ko sa mga Asian drama. 

"Ako?" magkasabay na sagot namin ni Ruby. Lalo tuloy naguluhan ang hitsura ng lalaki samantalang biglang naningkit naman ang mga mata ng lalaking guwapo na tila hindi nagugustuhan ang nangyayari.

"Hindi ba hate mo ang pangalan ko, Ruby? Bakit ngayon ay inaangkin mo naman ang panget kong pangalan?" nakakunot ang noong tanong ko sa kanya. 

"Tama na, Ruby! Umakyat ka na sa kuwarto mo at magpahinga," mataas ang boses na utos sa akin ni Mama na biglang tumalim ang mga mata sa pagkakatingin sa akin. At katulad ng madalas kong maramdaman ay nakaramdam ako ng sakit dahil si Ruby na naman ang kinampihan niya na parang ito ang kanyang anak at hindi ako. Ano ba kasi ang masama sa tanong ko? Gusto ko lang naman malaman kung bakit inaangkin niya ang pangalan ko.

"Okay fine. Wala na akong pakialam kung gusto niyang angkinin ang pangalan ko," sumusukong saad ko bago sila tinalikuran. 

"Sandali," pigil ng guwapong lalaki nang akmang aalis na ako. "Ang sabi sa akin ni Lolo ay may kuwintas daw si Amber na may palawit na singsing."

Wala sa loob na napahawak ako sa kuwintas kong suot. Ang palawit ng kuwintas ko ay singsing. Ibinigay ito sa akin ni papa noong maliit pa ako. Ito raw ay galing sa mabait na boss ng papa ko at ipinabibigay sa akin bilang regalo ko dahil malapit na noon ang aking tenth birthday.  May connection ba ang kuwintas kong ito sa sadya ng dalawang bisita at kung bakit nagpapanggap na Amber si Ruby?

"Kuwintas ko 'yan, Ruby! Bakit nasa iyo ang aking kuwintas? Ibalik mo sa akin iyan ngayon din," ani Ruby na biglang napatayo at lumapit sa akin. Akmang hahablutin niya ang kuwintas kong suot ngunit mabilis kong naiiwas ito sa kanya.

"Angkinin mo na ang pangalan ko ngunit huwag ang kuwintas na ibinigay sa akin ni papa," mariing kausap ko kay Ruby.

"Ibalik mo sa akin ang kuwintas ko!" sigaw ni Ruby. Hinablot niya ang bag kong dala at itinapon sa lapag. Sa ginawa niya ay lumabas mula sa nakabukas ko palang bag ang aking school ID. Nanlaki ang mga mata ni Ruby nang makita ang ID ko at mabilis sana niya itong dadamputin ngunit naunahan ito ng guwapong lalaki sa pagdampot sa aking ID.

"Pauline Amber Cruz," basa nito sa buo kong pangalan pagkatapos ay seryosong tiningnan ako sa mata. "You're going to be my wife."

Muntik nang malaglag ang puso ko sa sinabi ng guwapong lalaki. Tama ba ang aking narinig? Magiging asawa raw ako ng estrangherong ito? Ano namang kalokohan ito?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status