Share

Chapter 1

"Pakihanda si Emerald para sa kasal sa susunod na linggo," sabi ni Jace Higginson na ikinagulat ng pamilya Morgan. Hindi nila inaasahan na pipiliin niya ang nakababatang anak na babae kaysa sa edukada at napakasopistikadang panganay.

Sa suot niyang maluwang na damit, tiningnan ni Emerald ang pinaka-guwapong lalaki na nakita niya sa buong buhay niya. Hindi rin siya makapaniwala na ang lalaking pumasok sa kanilang mansyon kanina ay siya ang pipiliin.

"Sigurado ka ba, Mr. Higginson?" tanong ni Emerson Morgan, ama ni Emerald, na halatang nagulat.

"Mas bagay sa'yo ang panganay naming anak. Siya ay edukada, maganda, at napaka-kaakit-akit. Sigurado akong magugustuhan mo siyang ipakilala sa mga kasosyo mo sa negosyo," dagdag pa ni Merly Morgan.

Hindi maintindihan ni Emerald kung bakit ganito ang sinasabi ng kanyang mga magulang. Parang ipinahihiwatig nila na wala siyang halaga at hindi karapat-dapat na mapangasawa ng isang tulad ni Jace Higginson. Wala siyang magawa kundi yumuko sa hiya habang pinipigilan ang kanyang mga luha na bumagsak.

"Final na ang desisyon ko. Siya ang pinili ko para maging asawa ko," sagot ni Jace na nagpatibok ng puso ni Emerald.

"Dad, Mom, tama na. Huwag niyong pahirapan si Mr. Higginson. Sigurado akong pinag-isipan niya ito at wala namang masama sa kapatid kong bunso," sabi ni Emerose habang tinititigan ng masama si Emerald.

Si Emerose ay ang panganay na anak nina Mr. at Mrs. Morgan. Lumaki siyang isang napakagandang babae na palaging pinupuri ng lahat, dahilan upang maging proud ang mag-asawang Morgan. Itinuturing nilang suwerte si Emerose.

Sa kabilang banda, si Emerald, ang bunso, ay isang mahiyain na babae. Nang ipanganak siya, nabiktima ng isang scam ang kanyang ama na muntik nang magdala ng pagkabangkarote sa kanilang negosyo. Kahit na walang kinalaman ang dalaga sa nangyari, naniniwala ang mag-asawang Morgan na siya ang dahilan ng kanilang kamalasan at tinuring siyang malas ng pamilya.

Ginawa ni Emerson Morgan ang lahat para maisalba ang kanilang kompanya. Naniniwala siyang ang kanyang panganay na anak ay suwerte kaya lagi niyang sinasama si Emerose sa bawat business gathering na pinupuntahan niya.

Kalaunan, hindi lang nailigtas ni Emerson ang kanilang negosyo kundi napalago pa niya ito. Sa loob ng maraming taon, naging nangungunang grocery store sa bansa ang kanilang negosyo. Ngunit sa kasalukuyan, kinakaharap nila ang mga problemang pinansyal at kailangan nila ng isang investor upang mailigtas ang kompanya.

Pumayag si Jace Higginson, ngunit sa kundisyong papakasalan niya ang isa sa mga Morgan sisters. Agad na pumayag si Emerson, sa pag-aakalang si Emerose ang pipiliin ni Jace.

Hindi makatingin o makapag-react si Emerald, kaya yumuko na lamang siya at nagsimulang mag-isip tungkol sa kanilang magiging buhay mag-asawa. Iniisip niya na nagustuhan siya ni Jace, kaya siya ang pinili. Nagsimula siyang mag-isip kung paano niya pagsisilbihan si Jace at kung ilang anak ang palalakihin nila.

Kilala na ni Emerald si Jace bago pa ito pumasok sa kanilang mansyon. Alam niya na siya ang CEO ng SoftWare Group, isang kompanyang kilala hindi lang sa bansa kung hindi sa buong mundo. Ang lahat ng computer sa buong mundo ay software niya ang laman. Alam din ni Emerald na palaging napapalibutan si Jace ng mga babae, mga naggagandahang babae. Subalit iniisip ng inosenteng si Emerald na nagbago na si Jace dahil siya ang pinili.

Makaraan ang isang linggo, bumalik si Jace sa Morgan Mansion dala ang isang papel. Nagulat si Emerald nang malamang pipirmahan lamang nila ang mga dokumento at walang magaganap na seremonya ng kasal.

"Wala akong oras para sa mga seremonya, kaya hindi na ako nag-abala. Pirmahan mo na lang, at ang aking assistant ang bahala sa iba pang kailangan," sabi ni Jace, na ikinagulat ni Emerald habang palihim namang napangiti sina Emerose at kanilang mga magulang. Iniisip nila na hindi mahalaga kay Jace si Emerald.

Nanatili si Jace sa Morgan mansion ng buong araw hanggang sa bumalik ang kanyang assistant dala ang kopya ng kanilang marriage certificate. Legal na silang mag-asawa kahit na walang seremonya o tradisyunal na kasalan. Matapos nito, pinirmahan na rin ni Jace ang investment contract para sa mga Morgan bago sila umalis ng mansion.

Habang palabas sina Emerald at Jace, nanatili sina Emerson kasama ang kanyang asawa at panganay na anak sa sala upang pag-usapan ang kasal. "Sa tingin mo ba ay may ibang dahilan si Jace Higginson kaya pinakasalan niya ang malas na iyon?" tanong ni Merly.

"Sa tingin ko nga. Pinili niya siya bilang asawa, at inaasahan ko na magkakaroon na ng engrandeng kasalan. Pero pagkatapos ng araw na ito, sigurado akong walang nararamdaman si Mr. Higginson para sa malas na iyon," sagot ni Emerson na nagpasimangot kay Emerose na nag-isip kung paano niya aakitin si Jace Higginson.

Hindi alam ng kanyang mga magulang at ibang tao, naiinggit si Emerose kay Emerald dahil sa natural na kagandahan nito na hindi napapansin dahil palagi siyang nakayuko. Sa suot na maluluwag na damit ni Emerald, marami ang nag-aakala na siya ay isang pangit na babae. Pero para kay Emerose, nakita niya kung paano lumaking maganda ang bunsong kapatid. Ito ang dahilan kung bakit palagi niya itong sinasabihan na hindi ito kaakit-akit at walang magmamahal sa kanya.

"Ang mahalaga, maililigtas na natin ang kompanya ngayon," sabi ni Emerson, na ikinatango ng mga babae. Ayaw nilang mabankrap ang kanilang negosyo dahil nasanay sila sa marangyang pamumuhay at hindi nila kayang makita ang kanilang mga sarili na nasa lansangan.

Samantala, tahimik sa loob ng kotse ni Jace, kung saan naroon si Emerald. Nag-aalangan ang huli na kausapin ang kanyang asawa, iniisip na ayaw nito sa kanya. Sa klase ng kasal na ibinigay sa kanya, tiyak niya na pinili lamang siya ni Mr. Higginson dahil sa kapritso. Narealize niyang hindi mahalaga kung sino ang pipiliin nito sa kanilang masgkapatid. Ngunit kahit na ganito, umaasa pa rin si Emerald na magugustuhan siya ni Jace in the long run.

"Nandito na tayo," biglang sabi ni Jace, dahilan upang silipin ni Emerald ang labas ng bintana. Bumaba siya ng kotse nang makita niyang naglalakad ang kanyang asawa papunta sa porch. 'Hindi man lang niya ako pinagbuksan ng pinto,' sabi niya sa kanyang sarili habang sinusundan ang asawa.

Mas malaki pa ang bahay kaysa sa Morgan mansion, at tinignang mabuti ni Emerald ang paligid, na hindi nakaligtas sa mga mata ni Jace. "Ano ang hinahanap mo?" tanong nito.

"Wala, namangha lang ako. Ang laki kasi ng bahay mo," sagot ni Emerald ng may pag-aalinlangan, kahit na ang totoo ay naghahanap siya ng ibang tao sa paligid.

"Tiyakin mong malilinis mo ang lahat; ayoko ng maruming bahay," sabi ni Jace na ikinagulat ni Emerald.

"Ako lang ang maglilinis dito?"

"Bakit, may problema ka ba doon?"

"Ang laki kasi, at sa tingin ko—"

"Tama na! Ayoko ng anumang pagsuway. Asawa na kita, kaya mas mabuti pang gawin mo ang sinasabi ko. Wala tayong katulong dito, at gusto ko ng full-time na asawa." Sagot ni Jace, na pinutol ang kanyang mga salita. Yumuko si Emerald at kahit gaano man niya pag-isipan, hindi niya alam kung paano lilinisin ang malaking bahay na mag-isa. "Maghanda ka na ng hapunan natin," dagdag pa ni Jace bago umakyat sa hagdan, na iniwang gulong-gulo ang ang isipan ng batang Morgan.

Muli siyang tumingin sa paligid ng mansion bago niya napagpasyahan na hanapin ang kusina. Kailangan niyang magluto kung ayaw niyang lalong magalit si Jace sa kanya. Dahil sanay na siyang tumulong sa mga katulong sa kanilang mansyon, natutunan ni Emerald ang lahat ng gawaing bahay mula sa kanila. Minsan, naaawa na rin sila sa kanya tuwing kailangan niyang gawin ang trabaho ng mga ito dahil gusto ni Emerose na maghirap siya.

Pagkalabas ng Morgan mansion, inakala ni Emerald na pupunta sila sa kanilang honeymoon. Inaasahan niya iyon dahil hindi siya binigyan ni Jace ng maayos na kasal. Hindi niya maiwasang magtaka kung bakit ganito ang trato sa kanya ng kanyang asawa, samantalang wala naman siyang maalalang nagawa upang magalit ito sa kanya mula pa sa simula.

'Lahat ng inaasahan ko sa kasal na ito ay hindi nangyari. Bakit kaya ako ang pinili niya kung ganito lang ang gagawin niya sa akin? Hindi ba niya ako talaga gusto?' tanong ni Emerald sa sarili. 'Hindi, sa tingin ko magbabago siya kapag ipinakita kong mabuti akong asawa. Marahil, katulad ko, hindi rin siya sanay sa ganitong kakaibang sitwasyon. Makakapag-adjust din kami habang tumatagal,' sabi ng batang Morgan sa sarili, umaasang matutupad ang kanyang iniisip sa hinaharap.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status