Share

Chapter 1

"Kawawa naman ang bata. Jusko! Sinong walang awa ang gumawa nyan sa kanya?"

"Oo nga kawawa. Walang malay nung nadatnan namin. Wala ding makapagsabi. Silang dalawa lang daw ng nanay ang nakatira sa bahay nila. Saan kaya ang tatay niya?"

Nagising ako dahil sa mga naulinigan kong boses. Pagdilat ko ng mga mata at puting kisame ang bumungad sa akin.

Nasa langit na ba ako?

Ay! Mali pala. Hindi pala dapat ganun ang tanong ko. Demonyo nga pala ako sabi ni Mama at ang mga demonyo ay hindi pwede sa langit. Ang mga demonyo daw ay sa impyerno napupunta. 

Si Mama, saan kaya siya ngayon? 

Bakit hindi ko naririnig ang boses nya? 

"Ang sabi ng kapitbahay baka nanay niya daw ang may gawa nyan. Madalas daw yan sinasaktan eh."

Swerte na ang isang araw sa buong linggo na hindi dumadapo ang kamay ni Mama sa akin. Pero sabi nila ganun daw talaga kapag mahal ka ng isang tao, dinidisiplina. Siguro yun ang paraan ni Mama ng pagdidisiplina sa akin para hindi ako lumaking katulad nya. 

Sige lang ayos lang sa akin. Kahit na sinasaktan niya ako naniniwala akong mahal ako ni Mama. Kahit hindi niya sabihin sa akin, umaasa akong mahal nya ako. Nadadala lang sya ng galit nya kay Papa kaya nagagawa nya akong saktan. Pero mahal niya ako, paniniwalaan ko yun. 

Mahal ako ni Mama. Anak niya ako. Walang magulang na hindi mahal ang anak. 

"Walang awa naman yung nanay nya. Wag na lang sana manganak kung di lang naman kayang alagaan."

Hindi ko alam kung ano ang dapat kung isagot dito. Simula kasi nung nagkaisip na ako wala akong maalalang inalagaan ako ni Mama. 

Ang maalala ko lang Nung nagtatrabaho pa si Mama may nagbabantay sa akin. Pero nung medyo lumaki na ako at kaya ko nang kumain mag-isa iniiwan niya na ako mag-isa sa bahay. Minsan sa kapitbahay pa ako naabutan ng gabi. Minsan sa kapitbahay na rin ako nakikikain at nakikitulog.

Ang paliwanag ni Mama sa akin, kailangan nya akong iwan dahil kailangan niyang magtrabaho para sa amin. Kung hindi daw sya magtatrabaho parehas kaming mamatay sa gutom dahil tumigil na daw sa pagpapadala si Papa sa kanya.

Kaya nga nung lumaki na ako at kaya ko na magtrabaho ako naman ang pinagtrabaho ni Mama. Para naman daw magkaroon ako ng silbi.  Pagod na daw sya sa kakatrabaho para sa akin. Kahit sa ganun paraan man lang daw magkaroon ako ng silbi sa kanya at makabawi sa lahat nang naging sakripisyo niya para sa akin.

"Sinabi mo pa. Itong si Ineng nasa anim o pito ang tantya ko sa edad nito pero kita mo ba yung mga kamay nya? Ang bata pa pero puno na ng kalyo. Ang dami pang kalmot at mga pasa, may paso pa sa likod."

Nagkakalyo ang mga kamay ko dahil kailangan ko kasing magbuhat ng mabibigat na bagay. Yung mga pasa, kalmot at paso naman ay nakuha ko kay Mama, parte ng pagdidisiplina nya sa akin lalo na kapag maliit lang kinikita ko. 

Kailangan ko daw magdoble kayod para maging sapat yung kita ko pambili namin ng pagkain at para pambili niya na din ng alak at sigarilyo. 

Nagkaisip akong yun ang nakatatak sa puso ko. Kailangan kong magtrabaho para maibigay ko ang gusto ni Mama at para hindi sya magalit sa akin. 

"Pag napatunayang Nanay nya ang may gawa nyan. Tyak ako sa kulungan ang bagsak nya. Hintayin na lang natin magising ang bata."

Nagpatuloy sila sa pag-uusap, nakikinig lang ako sa kanila. Hindi pa nila napansin na gising na ako. 

"Sugatan din daw ang nanay niyan, balita ko naglaslas. Nakalabas na ba? Baka sa sobrang kalasingan di na alam ang ginagawa nya. Nag-iinuman daw nung dumating ang mga tanod eh."

Dahan-dahan kong nilibot ang tingin sa paligid, kung hindi ako nagkakamali nasa loob ako ng ospital. Pagtingin ko sa aking kamay, may nakakabit na karayom na nakakonekta sa maliit na hose na may bote sa dulo at may tumutulong tubig. Meron ding nakakabit na hose sa ilong ko na hindi ko alam kung ano ang tawag. 

Marahan akong gumalaw, gusto ko sanang tumayo pero pakiramdam ko sobrang bigat ng buong katawan ko. Namamanhid pa ang aking ulo. 

"Gising na ang bata. Susan tawagin mo muna ang doktor."

Nagmamadali namang lumabas ang babae. Yung isang naiwan ay lumapit sa akin. Tiningnan ko ang damit na suot niya, katulad ito ng suot nung mga babaeng nagtatrabaho sa munisipyo. 

"Kamusta ka? May masakit ba sayo?" Magaan nitong tanong sa akin. 

Hindi ako sumagot, nakatingin lang ako sa kanya. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Masakit ang katawan ko pero sanay naman na ako sa ganito. Hindi lang naman ito ang unang beses na nangyari sa akin ang ganito. Ang kaibahan lang ngayon ay nadala ako sa ospital. 

Dati kapag binubugbog ako ni Nanay nagpapagaling lang naman ako sa bahay. Ginagamot ko ang sariling sugat at mga paso nang mag-isa. Walang mga kapitbahay ang nagtatanong kung ayos lang ba ako o di kaya buhay pa ba ako. Kaya hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong isagot sa tanong ng babae sa akin ngayon. 

"Ayos ka lang ba? Sabihin mo sa akin kung may masakit sayo."

Ayos lang ba ako?

Ano nga ba ang kahulugan ng maayos? Yung humihinga pa? Kasi kung ganun ang kahulugan nito, opo ayos lang po ako. 

"Taga DSWD kami. Pinadala kami dito para maalagaan ka. Ako pala si Nora. Pwede mo akong tawaging Ate kung gusto mo." Tumango lang ako sa kanya.

Lumagpas ang tingin ko dahil nakita kong bumalik na yung isang babae at may kasama itong isa pang babae na nakasuot nang puting damit. 

"Kanina pa ba sya nagising?" Malumanay na tanong ng doktora sa babaeng kasama ko. 

"Ngayon lang po, Dok." Sagot naman nung babae. Tumango at ngumiti ang doktora sa kanya bago ito bumaling sa akin. 

Tumingin ako sa mukha niya. Maamo ito at may nakahandandang ngiti. 

"Selene, right? Kamusta pakiramdam mo, hija? May masakit pa ba sa 'yo?" Mahinahon niyang tanong sa akin. Hinawakan nya ang noo ko  at tiningnan niya yung tubig na tumutulo dun sa hose na nakakabit sa kamay ko.

Nakatingin lang ako sa kanya. Gaya nung tanong ng babae kanina hindi ko rin sya sinagot.

 "I'm your doktor, Dra. Hanna Marforri. Ako ang naka-assign na doktor para tingnan ang kalagayan mo. Masakit pa ba ang ulo mo?"

Marahan akong umiling sa kanya. "Hindi na po."

Namamanhid pa ang ulo ko pero mawawala din ito. Siguro dahil sa lakas ng pagkakasabunot ni Mama sa akin kaya ito sumakit. 

Hindi ako pwede magsabing masakit pa dahil hindi ako pwedeng magtagal dito sa ospital. Isa ito sa mga bilin ni Mama sa akin sa tuwing umaalis ako ng bahay. Bawal akong maospital kahit na mag-agaw buhay pa ako dahil wala kaming pera pambayad. Wala siyang perang pantubos sa akin at kahit na ebenta niya pa ang katawan nya wala din daw bibili. 

Hindi pa naman ako nag-aagaw buhay diba? Nawalan lang naman siguro ako ng malay? 

"Si Mama ko po? Ayos lang po ba sya?" Tanong ko sa halit na sagutin ang tanong ng doktora.

Nagkatinginan silang tatlo. Matagal bago may sumagot. 

"Ayos lang ang Mama mo, nagpapahinga na sya ngayon." Si doktora ang sumagot sa tanong ko. 

"Nagamot na po ba ang sugat ng Mama ko, Dok? Nakita ko po kasi kanina may dugo yung kamay niya. Baka po—"

Pero natigil ako sa pagsasalita ng may kumatok sa pintuan. "Magandang gabi Dok, mga pulis po kami sa presento uno. Pwede ba naming makunan ng salaysay ang bata tungkol sa nangyari?"

Hindi sumagot ang doktora sa halip lumapit ito sa akin at hinawakan ang kamay ko. Tumingin ako sa mga mata nya. Bigla, parang may mainit na kamay na humaplos sa puso ko. Mahina niyang pinisil ang kamay ko. 

"Sigurado ka bang wala nang masakit sa 'yo? Hindi ka ba nahihilo? Nakakahinga ka ba ng maayos?" Malumanay nyang tanong sa akin. Ayokong magsinungaling pero tumango ako. Ayoko talagang magtagal dito sa ospital dahil wala kaming pambayad. 

"Gusto ka daw kausapin ng mga pulis, may itatanong lang sila. Ayos lang ba sayo?"

Hindi ako sumagot. Natatakot ako na baka mali ang magiging sagot ko at malalagot kaming pareho ni Mama.

" Dito lang din ako pati ang mga taga munisipyo. Gusto lang naming malinawan sa nangyari sayo para maparusahan ang dapat maparausahan."

Maparusahan? 

Yun palang ang sinabi ng doktora natatakot na ako. Paano kung paparusahan nila si Mama? Sino na ang maiiwan sa akin? 

Dahil hindi ako sumagot muling pinisil ng doktora ang kamay ko. "Wag kang matakot. Nandito kami. Tutulungan ka namin. Sabihin mo lang kung sino ang may gawa nito sayo para mapanagot natin."

Kahit nahihirapan, pinilit ko ang sariling bumangon. Mabilis naman akong inalalayan ng doktora kaya napaayos ako nang upo. 

"Pwede ko po ba makita ang Mama ko, Dok?" Mahina kong tanong. Nakita ko ang pag-aalangan sa mukha ng doktora pero kapagkway tumango ito sa akin. 

"Oo naman pero nakalabas na ang Mama mo. Umuwi na sya sa bahay ninyo." 

Parang may karayom na tumusok sa puso ko. Muli ko na namang naramdaman ang paninikip ng aking dibdib. 

Umuwi na pala si Mama. Hindi niya man ba ako sinilip dito? Paano na ako nito ngayon? Sino ang magbabayad sa akin? Sino ang tutubos sa akin dito? 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status