Share

Chapter 3

Kahit na hindi pa ako pwedeng lumabas ng ospital sinundan ko si Mama. Pinakiusapan ko lang ang nurse na tanggalin ang mga nakakabit sa akin pagkatapos mabilis na akong tumakbo palabas.

Sinubukan pa akong pigilan ng mga nurse pero dahil maliit ako, mabilis ko silang nalusutan. Hindi ako pwedeng magpaiwan sa ospital. Kailangan kong masundan si Mama. Hindi niya ako pwedeng iiwan. Kahit na magmakaawa ako gagawin ko.

Pagkalabas ko ng gusali sakto namang paghinto ng taxi napinara ni Mama.

"Mamaaaaa!" Malakas kong sigaw pero nagmamadali syang pumasok sa taxi.

"Mamaaaaaa! Please sama ako. Wag mo akong iiwan sama ako, Ma." Nagmamakaawa kong sigaw pero hindi niya ako pinakinggang.

Alam kong narinig niya ako dahil nakita kong tumingin sya sa akin. Nagpang-abot ang mga mata namin. Tumakbo ako palapit sa kanya pero iniwas nya ang tingin sa akin. Pagktapos nagsimula nang tumakbo ang taxi na sinasakyan niya.

Umiiyak akong tumakbo habang humahabol sa kanya. Kahit na nanginginig at nanghihina ang mga paa ko, kahit wala pa akong tsinelas pinilit kong tumakbo.

"Ineng wag kang humabol, masasagasaan ka!"

"Hoy ang bata!"

"Jusko! Ang bata! Ineng tumigil ka!"

Maraming sumubok na pigilan ako pero hindi ko sila pinakinggan. Tuloy lang ako sa pagtakbo.

"Mama, sama ako. Ma! Sama ako Ma!"

Tinatawag ko ang pangalan niya habang umiiyak at nagmamakaawa. Nakita kong lumingon sya ulit sa akin pero hindi huminto ang sinasakyan niya.

"Maaaaa!" Binilisan ko ang pagtakbo. Iyak ako ng iyak. Pilit ko pari ang sariling humabol sa kanya pero wala na talaga. Kahit anong habol ko lumalayo na ang sinasakyan niya.

"Mamaaaaa!"

Hindi ko kayang mag-isa. Natatakot akong mag-isa. Hindi ako pwedeng mag-isa. Hindi ako pwedeng iwan ni Mama.

Kahit na bugbugin niya pa ko araw-araw. Kahit na pahirapan niya pa ako, ayos lang. Basta wag niya lang akong iwan. Hindi ko kayang mag-isa. Hindi ko kaya.

"Mamaaaaa! Parang awa mo na wag mo na wag mo akong iwan."

Halos hindi ko na makita ang dinadaanan ko sa dami ng aking luha.

"Magpapakabait ako Mama. Hindi na ako magpapasaway. Wag mo lang ako iiwan please. Mamaaaaaa please!"

Maraming tao na ang napapatingin sa akin. Sineserbatuhan na ako ng mga sasakyan pero patuloy pa rin ako sa paghabol sa sinasakyan ni Mama.

Nakita ko itong huminto, akala ko babain niya ako at isasama pero saglit lang pala dahil humarurot na ito. Hanggang sa hindi ko na makita ang taxi na sinasakyan nya.

Hindi ako tumigil sa paghabol sa kanya. Takbo lang ako ng takbo kahit hindi ko na sila nakikita. Hindi ako tumigil sa pagtawag ng pangalan nya. Nagbabasakaling baka marinig niya ako at maawa sya sa akin pagkatapos isasama niya ako. Pero hindi yun nangyari, hindi ako binalikan ni Mama.

Hindi ko alam kung gaano kalayo ang tinakbo ko pero nahinto ako dahil nanginginig na ang mga tuhod ko. Hanggang sa napaluhod nalang ako sa tabi ng kalsada.

Iyak ako ng iyak. Namamaos na ako at nahihirapan na akong huminga. Hindi alam kung ano ang aking gagawin. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Tuluyan na akong iniwan ni Mama. Tuluyan na akong mag-isa.

May mga taong lumapit sa akin, tinatanong nila ako kung ano ang nangyari sa akin pero nakatulala lang ako sa kanila. Pakiramdam ko naubos ang lakas ko.

"Taga saan ka Ineng? Gusto mo ba ihatid ka namin?"

"Walang puso naman ang mga magulang ng batang 'to, basta nalang iniwan."

"Tumawag nalang kaya tayo ng pulis, baka kung ano pa ang mangyari sa batang 'to dito eh."

Pulis? Na naman?

Hindi ko alam kung gaano ako katagal na natulala sa tabi ng kalsada. Nakatingin lang sa mga sasakyang dumadaan, sa mga taong nagtatanong sa akin. Napapalibutan nila ako.

Isa-isa ko silang tiningnan, pagkatapos dahan-dahan akong tumayo at pinagpagan ang tuhod ko bago ako naglakad palayo sa kanila. Ilang tao pa ang sumubok na pigilan ako pero diritso lang ako sa paglakad.

Walang direksyon, walang patutunguhan. Lakad lang ako ng lakad. May mga tumatawag sa aking nag-iinuman sa tabing daan pero diritso lang ako ng lakad. Malalim na ang gabi, kaunti nalang ang mga tao sa paligid.

Nanunuyo na ang lalamunan ko sa uhaw. Tumutunog na ang tyan ko sa gutom. Sugatan na ang paa ko sa paglalakad nang nakapaa pero tuloy pa rin ako. Hanggang sa matagpuan ko nalang ang aking sariling nakatayo sa harapan ng bahay namin.

"O ba't andito ka Selene? Gabing-gabi na. Di ka ba sinama ng Mama mo?"

Isa sa mga kapitbahay ang nakakita sa aking nakatayo sa labas ng gate namin. Nanginginig na ako sa gutom at uhaw. Para na akong nahihilo.

Tumingin ako sa loob ng bahay namin. Wala itong ilaw ngayon, madilim kahit sa labas.

"Si Mama po?" Mahinang tanong ko. Kahit narinig ko na ang sinabi niya sa akin, nagbabakasali pa rin akong nagkamali lang ako ng dinig.

"Nagmamadaling umalis si Chona kanina. Akala ko pinuntahan ka nya sa ospital."

Gusto kong sabihing pinuntahan niya ako sa ospital dahil totoo namang pinuntahan nya ako dun. Pero pinuntahan nya ako hindi para sunduin ako kundi para sabihin lang sa akin na tinatapos nya nya kung anuman ang ugnayan naming dalawa.

"Jusko kang bata ka. Bakit ka nandito? Nanginginig ka pa." Lumakas ang boses nito dahilan para magsilabasan din ang ibang kapitbahay namin.

"Si M-mama ko po?" Nagsimula nang mag-unahan ang mga luha sa aking pisngi. Hanggang sa napahagulhol na ako.

"Sino yan, Narsing?"

"Si Selene, nandito. Tumakas pa ata sa ospital ang batang 'to."

Nagkagulo ang ang mga kapitbahay. Pinapalibutan na nila ako. Nagtatanong kung ano ang nangyari sa akin pero wala akong sinagot ni isa sa kanila.

"Ma! Andito na ako Ma!" Nanginginig at basag ang boses kong tawag kay Mama.

Lumapit pa ako sa gate para buksan ito pero bago ko pa yun magawa biglang nagkailaw sa buong bahay.

Nabuhayan ako ng loob, hindi ako iniwan ni Mama. Hindi totoong umalis na ito.

"Ma! Si Selene 'to Ma. Andito na ako Ma. Promise hindi na ako magpapasaway sayo, Mama."Umiiyak kong tawag sa kanya.

Bumukas ang aming pintuan pero hindi si Mama ang nakita kong bumungad doon kundi yung lalaking nagngangalang Ramon na kainoman ni Mama. Wala itong suot na t-shirt at pupungas-pungas pa. Mukhang nagising lang dahil sa ingay ng mga kapitbahay.

"Ano ba! Anong oras na ah! Hindi niyo ba alam na may natutulog dito?" Galit nitong sigaw mula sa pintuan. Nasisilawan pa kaya hindi niya ako naaninagan.

"Hoy Ramon, andito ang anak ni Chona. Hinahanap ang nanay nya! Papasukin mo!" Sigaw ni Aling Narsing sa kanya.

"Narsing baka mapahamak pa yang bata kung dyan mo patutulugin."

"Bat mas marunong ka pa sa akin? Gusto mo ba sa inyo?" Nagtatalo pa sila pero hindi ko na sila pinakinggan. Diritso ang tingin ko sa lalaking nasa aking harapan.

Lumabas ang lalaki sa pintuan nang nakapaa lang. Sinuklay nya lang ang magulo nyang buhok gami ang kanyang darili. Hindi na rin ito nag-abalang kumuha ng t-shirt para suotin kaya kita ko ang buong katawan nya na nabalot ng tattoo.

"Anak kamo ni Chona? Akala ko ba nasa ospital pa ang batang 'to? Ba't ka nandito? Alam mo ba na umalis na ang nanay mo dito?"

Sunod-sunod nyang tanong sa akin. Binuksan nya ang gate at pinasadahan nya ako ng tingin.

"Lintek na babaeng yun! Ninakawan na nga ako nag-iwan pa ng problema sa akin."

"Si Mama ko po?"

"Nilayasan ako na lintek mong nanay. Tinakbo pa ang perang hindi kanya." Sagot nito sa akin.

"Alam niyo po ba kung saan sya pumunta?"

"Kung alam ko ba sa tingin mo hindi ko sya hu-hunting-in?"

Di ako nakasagot. Tama. Sa klase ng pagkatao nya sigurado akong hindi nya tatantanan si Mama hanggat hindi nito mababawi ang pera nya.

Tumingin ako sa bahay namin. Ito siguro ang sinasabi ni Mama na binenta nya na ang bahay. Kung ganun saan ako pupulutin nito ngayon? Saan ako titira?

" Sa laki ng pera na ninakaw ng nanay mo sa akin kulang pa itong bahay nyo pambayad." Kapagkway sabi ng lalaki sa akin. Siguro nabasa nya kung ano ang nasa isip ko.

"Tangna talaga yung nanay mo, bata! Napaka walang hiya! Muntik pa akong nadamay sa katarantaduhan nya sa 'yo. Ngayon paano ko ibebenta tong bahay niyo kung nandito ka? Bwesit yung nanay mo nag-iwan pa ng problema!"

"Hoy Ramon hindi yan problema, alas mo yan! Hindi mo ba alam na hindi nakapangalan kay Chona ang bahay na yan. Kung gusto mo may panghawakan ka sa kanya, ampunin mo itong anak nya. Ito nalang ang hawak mo sa kanya. Sigurado akong kapag nalaman nyang nandito itong anak nya babalik yun." Si Aling Narsing.

Nag-uusap sila na para bang wala ako sa harapan nila.

Totoong hindi nakapangalan kay Mama ang bahay dahil nakapangalan ito sa akin. Narinig ko minsan si Mama na binanggit sa mga kainuman nya na itong bahay namin ay pinangalan daw sa akin ni Papa kaya hindi niya maibenta. Hintayin pa daw umabot ako sa tamang edad para maebenta nya ito.

"Babalik yun, babalikan nya yang anak nya. Wala namang ibang pupuntahan yun si Chona."

"Hindi niyo ba alam na may chikwa si Chona, Narsing, Ramon? Balita ko dadalhin nung hapon ang nanay nyan sa Japan eh. Naghahanap lang ng timing."

"Babalik yun, wag kayong ano."

"Anong babalik, Aling Narsing? Kita niyo naman ang ginawa ni Chona sa batang yan diba? Kung hindi ko nga lang yan naabutan baka malamig na bangkay na yan ngayon. Lintek na babae! Aanak-anak di naman pala kaya! Ngayon kargo ko pa ito." Muli niya akong tinapunan ng tingin. Hanggang sa dumako ang tingin nya sa madumi at sugatan kong mga paa.

"Saan ang tsinelas mo bata? Bat nakayapak ka?"

Hindi ako sumagot sa halip ay pasalampa akong naupo sa may lupa. Hindi na kaya ng katawan ko ang pagod, uhaw at gutom.

"Wag mong sabihin tumakas kalang ng ospital para umuwi dito?"

Hindi ako sumagot dahil yung ang totoo.

" Hindi mo ba alam na wala ka nang aabutan dito? Wala na kayong mga gamit dito, binenta na ng magaling mong nanay dahil itutubos nya daw sayo. Mahanap ko lang talaga ang babeng yun, makakatikim sya sa akin."

"Tatanga-tanga ka rin kasi Ramon eh, alam mo namang swetik ang babaeng yun, pinatulan mo pa rin." Si Aling Narsing ulit.Hindi na sumagot ang lalaki at problemado lang itong tumingin sa akin.

"Saan ba kasi ang Tatay mo, bata? Bakit di ka nalang doon sa kanya pumunta?"

Iniwas ko ang tingin ko sa kanya at tumingin ako sa bahay.

"Sa tingin niyo po ba babalik ako dito kung alam ko nasaan si Papa?" Pumiyok ang boses ko.

Unti-unti nang nalalabo ang mga mata ko dahil sa luha. Binalik ko ang tingin ko sa kanila, nakatingin silang lahat sa akin ngayon pero ni isa walang lumapit para tulungan akong tumayo.

Wala lang, ganun lang, nakatingin lang sila sa akin na tila ba wala namang pakialam kahit na humiga pa ako sa lupa. Kahit pa kita nilang nanginginig ako. Pero ganun naman siguro talaga ang buhay. Aasa pa ba akong tutulungan nila ako kung sarili kong nanay tinalikuran na ako?

"Anong plano mo ngayon?" Tanong ng lalaki sa akin.

Napatanong din ako sa aking sarili. Ano nga ba ang plano ko?

Sa mura kong edad hindi ko alam na kailangan ko na palang magplano. Ganito na ba talaga ang buhay na tatahakin ko. Mag-isa na lang?

"Sino ba kasi ang Tatay mo? Bakit hindi ka doon pumunta."

"Kayo po ang madalas kasama ni Mama diba? Hindi niya po ba nabanggit sa inyo saan nakatira ang Papa ko? Dahil kung ako po ang tanungin niyo, hindi ko po alam. Ni hindi ko alam kung ano ang pangalan ng Papa ko." Tuluyan na akong umiyak.

Sa mga sandaling ito pakiramdam ko para akong hayop na walang gustong kumupkop. Mas maswerte pa nga siguro ang hayop dahil kahit papano may gusto pang umampon sa kanila samantalang ako, sarili kong mga magulang basta na lang ako iniwan.

Hindi ko naman ginusto na mabuhay dito sa mundo bakit pa nila ako inanak. Kung ayaw naman pala nila sa akin sana hindi nalang nila ako binuhay. Hindi yung ganito na buhay nga ako pero parang araw-araw naman akong pinapatay.

"Ngayon, kung tatanungin niyo po ako bakit ako nandito, ang sagot ko po ay wala na po akong mapuntahang iba. Dito lang ang lugar na alam ko." At alam kong dito ako babalikan ni Mama.

"Tangnang buhay naman 'to oh. Sa lagay ako pa ang bubuhay sa 'yo—"

"Kaya ko po buhayin ang sarili ko. Kahit ako lang po mag-isa dito sa bahay ayos lang po sa akin."

"Anong ayos lang sayo? Hindi pwede yan! May utang ang nanay mo sa akin at itong bahay niyo ang collateral nya. Ano, sa lagay ba ay thank you nalang yung tinakbong pera ng Nanay mo? Kung tutuusuin pwede kitang hindi papasukin tdito sa bahay niyo sa laki ng atraso ng nanay mo."

Hindi ako sumagot. Luhaan ang mga mata kong tumingin sa kanya. Pati ang mga kapitbahay ay tumahimik din. Alam kong sa pagkakataong ito talo ako. Kapag nagsumbong naman ako sa mga pulis sigurado akong kukunin nila ako at ibigay sa DSWD.

Ayoko doon, dito lang ako sa bahay. Aasa pa rin akong isang araw babalik si Mama sa akin. Babalikan niya ako dito. Dito sa bahay na 'to mismo.

"Tumayo ka na dyan at pumasok sa loob. Siguraduhin mo lang na hindi mo ako bibigyan ng problema kundi pare-parehas tayong malilintikan dito!"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status