Share

Chapter 7: Brat

NANG muling pumasok sa master bedroom si Adeline ay saktong nagliligpit na ng gamit ang family doctor.

“Pinalitan mo siya ng bandage?” Puna niya nang mapansin ang itinapon nitong bandage.

Tumango ng marahan ang doktor, “Oo. Mrs. Velasquez…”

“Hm?” Ani Adeline bago nilingon ang doktor mula sa pagtitig sa nakaratay na asawa.

“Iyong pagmulat niya ng mata…”

“Oo, dok. Hindi ko sinasadya iyon. Nasaktan ko ba siya? Ayos lang ba siya?”

Humugot ng malalim na buntong-hininga si Gabriel, “Ang totoo niyan pang-apat na beses na niyang ginawa ito.”

Napaawang ang labi ni Adeline, “Totoo ba?”

“Ang mga unang beses na nagmulat siya ng mata ay dahil sa mga bagay na nagugustuhan niya. Katulad ng kapag nakarinig siya ng music na pamilyar sa kaniya. O kaya nakarinig siya ng boses na siguro ay namimiss niya…”

Napalunok si Adeline, “Ano sa tingin mo ang dahilan niya ngayon?”

Sinulyapan ni Gabriel ang kaibigan saka muling hinarap si Adeline, “Mukhang gusto niyang inaalagaan mo siya, Mrs. Velasquez.”

Mula sa peripheral vision ay nakita ni Gabriel na unti-unting kumuyom ang kamao ni Drake at naiwang nakaunat ang gitnang daliri.

“A-Ano, dok Aguilar?” Gulat na tanong ni Adeline.

Tumikhim si Gabriel, pinigilan ang matawa. “Well, Mrs. Velasquez. It looks like he’s interested in his wife.”

Nangunot ang noo ni Adeline at sinulyapan ang asawa bago tiningnan ang doktor na unti-unti nang naglalakad palapit sa pinto. Bago nito buksan ang pinto ay tumigil ito at lumingon sa kaniya.

“Mrs. Velasquez, I suggest na personal mong alagaan si Mr. Velasquez. Wala pa rin siyang malay pero kung palagi siyang magrereact kapag nagdidikit kayong dalawa…malaki ang chance na gumaling siya.”

Umiling si Adeline, “Pero may personal nurse siya, dok.”

“Malapit nang matapos ang kontrata ng nurse niya. Dinig ko ay mag-aapply ito abroad kaya malapit na siyang mawalan ng nurse.”

“Pwede naman sigurong mag hire ulit?” Alanganing sagot ni Adeline.

Lihim na ngumisi si Gabriel. Hindi siya papayag na hindi mapalapit sa isa’t-isa ang dalawa.

“Hindi madali na maghanap ng mapagkakatiwalaang nurse. Hindi mo lang naitatanong, Mrs. Velasquez, pero matinik sa babae ang asawa mo. Kahit saksakan iyan ng sungit ay pinipilahan pa rin iyan ng mapapangasawa kaya mahirap na basta nalang kumuha ng mag-aalaga. Mahirap na…baka may ibang hawak na magustuhan.”

Napasimangot ni Adeline habang nakatingin sa doktor na unti-unting nawala sa sumarang pinto. Hindi niya alam kung bakit pakiramdam niya ay tinutukso siya ng doktor.

Naglakbay ang isipan ni Adeline sa sinabi ni Doktor Aguilar. Hindi alam niya kung bakit magugustahan ni Drake na alagaan niya. Ayaw niyang paniwalaan pero doktor ang nagsabi niyon sa kaniya. Hindi naman ito magsisinungaling lalo na sa kalagayan ng pasyente nito.

Kagat ang labi ay dahan-dahang hinarap ni Adeline ang asawa. Marahan siyang lumapit at naupo sa kama sa tabi nito.

“Hindi ko maintindihan…” bulong ni Adeline. “Totoo bang gusto mong alagaan kita?”

Tinitigan ni Adeline ang asawa. Gusto niyang alisin ang benda sa mukha nito para makita niya any hitsura nito. Kanina nang magmulat ito ng mga mata ay may kakaiba siyang naramdaman. Napakaganda ng mga mata ng kaniyang asawa. Para itong isang malawak na karagatan–misteryoso at napakalalim. Nakakalunod pero hindi nakakatakot.

“Gusto kong makita ang mukha mo,” hindi napigilang bulong ni Adeline.

Napalunok siya habang nakatingin sa nakapikit nitong mga mata.

Sa kagustuhang mapagmasdan muli ang mga mata nito, marahan niyang inangat ang braso at idinantay ang palad sa dibdib ng asawa.

Hindi siya makapaniwala na nagrespond sa kaniya si Drake kanina. Gusto niya ulit iyon masaksihan kaya marahan niyang hinaplos ang dibdib nito, umaaasang makakakuha muli ng sagot mula rito ngunit wala.

Dismayadong inalis ni Adeline ang kamay sa dibdib ng asawa saka tumayo.

“Ano bang ginagawa ko?” Bulong ni Adeline saka sinapo ang noo.

Lumabas ng master bedroom si Adeline at dahan-dahang bumaba ng hagdan nang makarinig siya ng komusyon sa kusina.

Napasandal sa pader sa bungad ng kusina si Adeline nang madatnan ang isang batang lalaki na nagmumukmok sa dining table. Sa harap nito ay ang yaya ng bata na halos maiyak na habang kinukumbinsi itong kumain.

“Sige na, senyorito. Kumain ka na, please…”

“Ayoko sabi!” Tinabig ng bata ang kutsarang hawak ng yaya.

Pinagmasdan ni Adeline ang batang lalaki. Medyo makapal na ang buhok nito. Mataba ang pisngi at napakaguwapo pero ang mga mata nito ay tutok na tutok sa screen ng hawak na ipad.

“Senyorito…”

Bumuntong-hininga si Adeline at nagpasyang pumasok sa kusina.

Humugot si Adeline ng upuan at naupo sa tabi ng bata ngunit hindi siya nito tinapunan manlang ng sulyap.

Tumingin siya sa yaya ni Dylan. Nakatingin ito sa kaniya na may pagmamakaawa sa mukha. Alam niyang kagagalitan ito ng mayordoma at ni Don Alvaro kapag hindi nito napakain ang bata kaya ganoon nalang ang hitsura nito.

Ngumiti si Adeline, “Ako na dito. Ligpitin mo nalang ang mga laruan niya sa kwarto.”

“Salamat, Mrs. Velasquez.”

“Dylan…” malambing na tawag ni Adeline sa bata. “Kailangan mong kumain. Hindi pwedeng maglaro ka nalang palagi. Dapat kumain ka rin.”

“Anong pakialam mo?” Bulyaw ng bata.

Napangiti si Adeline sa kabila ng bulyaw nito dahil nilingon siya ng bata.

“Ano bang nilalaro mo?”

“Ayoko sayo! Ayokong magkaroon ng bagong asawa ang daddy ko!”

Binitawan ni Adeline ang kutsara. “Ayaw mo ba ng ulam?”

“Ikaw ang ayaw ko!”

Tumayo si Adeline at hindi pinansin ang sinabi ng paslit. Lumapit siya sa ref at kumuha ng bagong iluluto. Kunot naman ang noo ni Dylan habang pinagmamasdan ang madrasta.

“Ipagluluto kita ng ibang ulam.”

“Sinabi nang ayoko! Ayokong kumain! Ayoko sayo! Gusto ko lang ang daddy ko!”

Nagsimulang magluto si Adeline habang nagsasalita, “Five years old ka na, diba? Anong paborito mong pagkain? Paboritong kulay? Ano ang mga nilalaro mo?”

“Wala kang pakialam!”

Ngumiti si Adeline at sinulyapan ang bata. “May pakialam ako kasi asawa na ako ng daddy mo—”

“Sinabi nang ayoko sayo! Umalis ka dito! Ayoko sayo!”

Hindi na pinansin ni Adeline ang galit na galit na paslit. Nagpatuloy siya sa pagluluto at nang matapos ay inilapag nita sa harapan nito ang bowl na puno ng fried chicken.

Ngumiti siya nang mapansin ang panaka-nakang pagsulyap ni Dylan sa bowl. Minsan pa itong suminghot na tila nagustuhan ang amoy ng pritong manok.

“Kakain ako,” ani Adeline saka kumuha ng kanin at plato.

Hindi sumagot si Dylan pero patuloy ito sa pagsulyap sa bowl.

Mahinang natawa si Adeline. “Paborito ko ito kaya akin ito lahat.”

Suminghap si Dylan at tinapunan siya ng matalim na tingin, “Ayoko ng luto mo!”

“Hm? Sarap!” Patuloy sa pag kain si Adeline habang mabilis naman ang hinga ng paslit na tila ilang segundo nalang ay magtatantrum na.

“Bigyan kita ng isa,” sabi ni Adeline saka nilagyan ng isang fried chicken ang pinggan ng bata.

Bumagsak ang tingin ni Dylan sa pagkain saka marahas na umiling, “Hindi ako kakain ng luto mo!”

“Okay,” Sagot ni Adeline at akmang babawiin ang pritong manok nang paluin ng bata ang kaniyang kamay.

“S-Sandali…”

Ngumisi si Adeline, “Hm?”

“B-Bawal nang bawiin pag binigay,” masungit na sagot ng bata saka dahan-dahang ibinaba ang hawak na ipad. Ilang saglit pa ay magana na itong kumakain dahilan ng malapad na ngiti sa mga labi ni Adeline.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status