Share

Chapter 5(Umalis Ka Na)

Bawat araw palagi kong nakikitang nag aaway si mama at papa. Palaging wala si kuya kung umaga at may gig sa gabi kaya hindi niya ito alam. 

Palagi rin niyang dinadalaw si ate Anna. Nagpapagaling ito sa bahay nila. Bawal ito sa mausok, kaya minsan lang makalabas. 

Alas otso nang gabi nasa sahig ako at nakatakip sa magkabilang tainga ang kamay. 

"Bakit Alfonso?! Bakit?! Hindi ka ba naawa sa pamilyang ito? Mahal na mahal kita Alfonso! Huwag!" 

Naririndi ako sa sigaw ni mama habang pinipigilan si papa. Tumayo ako at sumilip sa pinto at nakitang buhat buhat ni papa ang dalawang maleta. 

Iiwan na niya kami. Dinudurog ang puso ko na makita ang ina na nakalambitin sa hita ng ama. Paano ba nangyari ito? Nasan na iyong perpekto at tahimik na pamilya namin noon?

"Ano ba Mona! Bitawan mo'ko!"

"Alfonso hindi! Huwag mo kaming iwan!"

Tinakbo ko ang ina at hinila sa pagkakayakap kay papa. Sinamaan ko ng tingin ang ama kahit puno ng luha ang aking mga mata. 

"Umalis kana! Huwag na huwag ka nang bumalik! Sa oras na lumabas ka ng pamamahay na ito wala ka nang babalikan papa!" 

Hindi ito makapagsalita. 

"At ito ang huling pagkakataon na tatawagin kitang papa. Dahil simula ngayon wala na akong ama."

Namumuot ang puso ko ng maalala ang mga nakalipas na gabing sinasaktan niya si mama at ang madalas na pag away nila kuya dahil doon. Lumayo ang loob ko sa kanya. 

"Ara! huwag kang magsalita ng ganyan!"

"Hindi ma! Dapat lang! para atleast, kahit sa salita makaganti tayo diba? kasi kulang na kulang pa ang ilang libong mura sa pambabae niya mama. Kung hindi ka naawa sa sarili mo maawa ka sa amin."

Tinalikuran ko sila. Parang gusto ko nalang umalis at kalimutan ang mga nangyari. Parang isang masamang panaginip na gusto kong magising. 

Kinabukasan hindi maaga akong nagising. Ramdam ko ang mabigat at namamaga kong mata. Nabungaran ko si ate Anna sa sala. 

Napangiti ako. "Hello ate! Sinong kasama mo?" 

Ngumiti siya sa akin. "Ang kuya mo. Nag-uusap sila ni mama mo ngayon e."

Natahimik ako at tila alam rin ni ate. Mukhang hindi lang siya kundi ang buong barangay namin.

"Ara, kung may gusto kang sabihin puwede mo akong kausapin ha? Nandito lang ako."

"Salamat ate, pinipilit ko maging matibay para kay mama."

"Dapat lang kasi alam mo kayo kayo lang rin ang makakatulong sa isa't isa. Basta kung kailangan mo ng kausap nandito lang ako."

Mula sa itaas nakita kong bumaba si mama at kuya. Si kuya malamig lang ekspresyon niya at tila hindi apektado sa paglayas ng ama namin. Pero alam ko na galit siya pero piniling maging tahimik.

Hindi kasi masusolbar ang isang problema kung dadagdagan pa ng isang problema. 

"Ara." Umupo sila mama at kuya sa harapan namin ni ate. 

"Sasama ka sa kuya mo sa probinsya."

Nangunot ang noo ko. 

"Ikaw ma?"

Nagkatinginan sila kuya. Si kuya nakatingin lang sa akin. Hindi ko matantiya ang iniisip niya.

"Mananatili muna ako dito. Ang daming gagawin sa school ngayon bago magpasukan. Tsaka, sandali lang kayo doon at kailangan mo pang mag enrol sa Unibersidad na pinapasukan ni kuya mo. Kaya kailangan kong magtrabaho."

"Pero ma-"

"Makinig ka nalang Ara." Naputol ang sasabihin ko dahil kay kuya. Dahan dahan akong tumango. 

Hinatid ni kuya si mama sa school at kami ni ate Anna ang naiwan dito. 

"Ate, anong gusto mong kainin? Wala na palang laman ang fridge. Puro karne e." Napakamot pa ako sa ulo.

Ngumuso ito at nag-isip. "What if pumunta tayong mall at doon kumain?" Nakangisi ito sa akin. 

Humalakhak ako. "Puwede ka bang maexpose sa mall ate?"

"Oo naman. Tsaka, sige na please. Puro ako bawal kay mama pate kay Santi e."

''Puro bawal? bakit bawal? Tulad ng ano?"

"Ayaw niya akong igala sa mauusok kasi baka hindi raw ako makahinga. Alam mo, ayaw niya rin na pinapakealam yong cellphone niya."

Naisip ko yong video ni kuya. Alam kong noon pa yon e. Yong petsa kasi hindi pa sila noon ni ate Anna. 

"Ate, kahit sa amin ayaw papakealaman ni kuya ang mga gamit niya."

"Oo nga mula pa noon. Sige na! Alis na tayo!"

Wala akong nagawa kundi bigyan ang gusto ni Ate Anna. Dinala ko siya sa mall at kumain kami ng mga gusto niya. 

Kumakain kami ng lasagna nang biglang mag ring ang cellphone niya. 

"Sino yan ate?"

Ngumisi siya. "Naku, si Santi hinahanap na ako."

Napakurap kurap ako at tiningnan ang sariling cellphone pero walang text at tawag. 

"Uwi na tayo?" 

"Wait lang, may gusto kasi akong bilhin sa labas. Yong mga cross na kwintas? Yong binebenta sa kalye. Dadalhin ko kasi sa simbahan at papablesingan ko."

"Alam ko yan ate pero matao doon at mausok hindi ka puwede."

"Naku malakas ang energy ko ngayon no. Ilang buwan rin ako nagpahinga. Sige na please!"

Wala na naman akong nagawa. Total, magbabakasyon narin naman kami kaya pagbigyan ko na. Minsan lang naman to e.

Siksikan kami sa daan papuntang bilihan ng mga rosaryo at mga bulaklak na sampaguita. 

"Ate sure ka na okay kalang?" Tanong ko dito at magkahawak kamay kaming lumalakad. 

"Oo naman. Naiinis ako sa mga lalaki kung makatingin."

"Hayaan mo na ate. Maganda tayo e."

Tumawa kaming dalawa. May isang lalaking nagmamadali at biglang inagaw yong bitbit ko na pouch. Maliit lang to pero makilatis talaga ang mata ng isang kawatan. Basta alam na may laman e gagawin ang lahat. 

"Magnanakaw!" Sigaw ko at naghilahan sa aking pouch. Kakabili lang ni kuya ng cellphone ko. Siya pa mismo nagpuyat sa gig niya para mabilhan ako ng cellphone kaya hindi puwede. 

Hinampas hampas ni ate Anna ang lalaki pero tinulak siya nito at hinila sa akin ang pouch ko na may lamang pera at cellphone. 

"Tulong! Magnanakaw!" Narinig kami ng isang ginang at bata pero maging sila ay natakot. 

"Bitawan mo o sasaksakin kita!?" Sigaw ng lalaking nakasumbrero. 

"Walang hiya ka! Ikaw ang bumitaw!" Sigaw ni ate at hinampas ulit ito ng bag. 

Biglang bumunot ang lalaki ng patalim at nanlaki ang mata ko ng saksakin nito si ate. 

"Ate!" Nanlaki ang aking mata at kumalat ang lamig sa aking katawan. Nakita kong naging pula ang suot nitong puting t shirt dahil sa dugo. 

Bigla itong hindi makahinga. Binitawan ko ang aking pouch ang siyang pag takbo ng lalaki. 

"Oh my god! Ate!" Nagsimula akong umiyak nang makitang bumilis ang paghinga nito at namilipit sa sakit.

Mabuti may tumulong sa amin. Naging mabilis ang pangyayari parang sasabog ako sa kaba. 

Sinisisi ko ang sarili ko kasi ayaw kong bitawan kasi mahalaga sakin yon. Pero wala na...

Nasa labas ako ng emergency room at walang humpay ang aking iyak. 

Tunog ng mga sapatos ang nagpaangat ng aking tingin at nakitang si Kuya iyon kasama ang mama ni ate Anna. Nadagdagan ang kaba ko. 

"Anong nangyari sa anak ko?" Umiiyak na tanong sa akin ng mama nito. 

Hindi ako makapagsalita. Nakatingin lang ako sa kanila at kinakabahan.

Ngayon ko lang nakitang galit si kuya at halos suntukin ako nito. 

"N-Nasa loob p-po siya ng emergency room.." 

Naluluha ako sa sobrang kaba na baka mapaano si ate. Biglang hinaklit ni kuya ang braso ko at kinaladkad ako palabas. 

"Ku-Kuya.." 

Hinila niya ako papuntang parking lot ng hospital at padarag akong binitawan. Nasa madilim na parte kami. 

Mula sa sinag ng buwan nakita ko ang marahas na pagsuklay nito sa kanyang buhok.

"Alam mo ba ang ginawa mo Ara?" Diin na tanong nito at hinawakan muli ang aking kamay ng mahigpit.

"K-Kuya hindi ko sinasadya.."

"Hindi mo sadya pero bakit pinayagan mong lumabas?!"

Halos mabasag ang tainga ko at tumagos yata sa aking puso ang sakit. 

"K-Kuya.." 

"Alam mo namang may sakit pero pinayagan mo parin?!"

"S-Sorry..sorry.."

"Ngayon tingnan mo ang nangyari!"

"Kuya sorry.." Umiyak ako ng walang humpay.

"Mabuti pa umalis kana.."

Kinapitan ko ang braso nito pero marahas niyang winaksi ang aking kamay.

"Umalis ka na!"

Sunod na sunod na tango ang aking ginawa at takot akong tumalikod. Hindi ko siya sinulyapan muli dahil sa takot. 

Umuwi ako mag isa at walang kasama.

Comments (3)
goodnovel comment avatar
Mary Rose Inocente
Unlock plzz
goodnovel comment avatar
Mia Catubig Minao Samar
unlock plss
goodnovel comment avatar
Mitch Fanga
unlock plsss
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status