"Ako na ang bahala sa lahat ng gastusin ng lola mo sa ospital, sa operasyon niya hanggang sa ilang buwang maintenance ng gamot."
Parang hulog ng langit ang babae nang alukin ako nito ng tulong. Nasa chapel ako ng ospital, umiiyak habang taimtim na nagdarasal nang makita ako nito, nilapitan at nagpakilala sa isa't isa kaya nang magtanong ito kung bakit akong umiiyak ay kinuwento ko sa kanya ang malaking problemang kinakaharap namin ng lola ko.
Pinunasan ko ang luhaang mga mata at sumilay ang liwanag ng pag asa sa aking mukha.
"Talaga po ma'am? Sigurado po kayo?" Di makapaniwalang tanong ko dahil ngayon lang kami nagkakilala pero walang pagdadalawang isip siyang nag alok ng tulong na hindi basta basta.
Marahang ngumiti ang babae bago tumango. Sopistikada ang hitsura nito na halata namang nakakaangat sa buhay kaya di ko talaga inaasahan na lalapitan ako nito at tutulungan.
"Minsan din akong nakaranas ng hirap kagaya mo kaya alam na alam ko ang pakiramdam. Taos puso ang tulong na ibibigay ko sayo Thalia." Anito kaya napaluha ako hindi dahil sa lungkot kundi dahil sa saya.
"Salamat po! Salamat po!" Naluluhang sambit ko at tanging marahang pagtango lang ang naging sagot nito.
At tunay nga ang kanyang sinabi nang sinamahan ako nito papasok sa loob ng ospital. Siya pa mismo ang kumausap sa doktor at nagbayad ng halos isang daang libo para sa operasyon. Hindi pa rin ako makapaniwala. Pakiramdam ko anghel si Ma'am Ara na bumaba sa lupa para tumulong sa kagaya naming hikahos sa buhay.
Ilang araw matapos ang matagumpay na operasyon ng lola Cita ko at nakalabas na ito ng ospital ay muling nagpakita si Ma'am Ara. Inalok ako nitong magtrabaho sa malayong probinsiya ng San Fernando para mamasukang kasambahay sa mansyon ng isang Don Vivencio Villaroman na sa pakilala niya'y malapit na kamag anak daw niya. Kaya naman wala na akong pagdadalawang isip pa na pumayag dala na rin ng malaking utang na loob.
"Malayo ang probinsiyang iyon apo. Sigurado ka bang ayos lang sayo?" Nag aalalang tanong sa 'kin ni Lola Cita habang nag iimpake ako ng mga damit ko sa lumang pack bag. Ngayong araw ang alis namin at ihahatid ako ni Ma'am Ara.
"Oo naman la. Ako pa ba? Tsaka malaki raw po ang pasahod doon. Bukod sa makakapag ipon na po tayo para sa maintenance ng gamot niyo at sa pagpapaayos nitong kubo natin ay makakatulong pa po ako kay Ma'am Ara." Naiiyak na sambit ko dahil sa positibong kaisipan na makakaahon na din kami sa hirap.
Masuyo nitong hinaplos ang buhok ko bago ako niyakap. "Patawad dahil naging pabigat pa ako sayo. Kung ako lang ang masusunod, gusto kong dumito ka na, nang mabantayan kita. De bale
ng payak ang pamumuhay natin basta magkasama tayo." Naluluhang sambit ni lola kaya napayakap na rin ako sa kanya.
"Kahit kailan po hindi kayo naging pabigat lola. Mahal na mahal po kita at gagawin ko lahat tuluyan ka lang na gumaling. Wala ang lahat ng ito sa mga naging sakripisyo mo noon mapalaki lang ako ng maayos." Tuluyan na ring naglaglagan ang mga butil sa mga mata ko. Unang beses kasi kaming magkakalayo kaya mabigat din sa dibdib ang pag alis ko. Iniisip ko nalang na para din naman ito sa kanya at sa pagpapagawa nitong kubo naming sira sira na.
"Tsaka huwag kang mag alala la, kapag may sapat na po tayong ipon ay hindi na po ako lalayo sa tabi mo. Magpagaling ka po ha? Inumin mo palagi yung mga gamot mo." Emosyonal na bilin ko.
"Asus ang sweet talaga ng mag lola!" Biglang sambit ng kakarating lang na si Tiyang Miling, malayong kamag anak namin ni lola. Nakangisi ito pero halata ang naluluhang mga mata. Biyuda na si Tiyang Miling, may tatlong anak na pawang malalaki na rin at maagang nagsipag asawa kaya naging katuwang ko ito sa pag aalaga kay lola sa tuwing inaatake ito ng sakit niya. At ito rin ang pinakiusapan kong samahan si lola ngayong magtatrabaho na ako.
"Tiyang, kayo na ang bahala sa lola ha? Kapag nakapagsahod na po ako ay magpapadala po ako kaagad. Bilhin niyo po lahat ng gusto niyong kainin basta huwag lang po iyong bawal." Mariing bilin ko na ikinangiti ng ginang maging ni lola.
Ngayong magtatrabaho na ako at kikita na, ayaw kong tipirin sa pagkain si lola dahil nabuhay lang naman kami halos araw araw sa ulam na kung hindi tuyo ay mantika at asin. Na kapag minalas pa sa pangangalakal ay isang beses nalang kumain sa isang araw.
"Napakaswerte ko sa 'yo apo. Bukod sa napakaganda mo ay napakabuti mong bata." Ani lola na sinuportahan naman ni tiyang.
"Naman Lola Cita! Kaya talaga malakas ang pakiramdam ko na makakapag asawa ng milyonaryo itong si Thalia natin." Tudyo ni tiya kaya napailing nalang ako at napangiti.
Kung ito'y malakas ang pakiramdam, sa isip ko naman ay napakalabo. Sa realidad ay kahit pa gaano kaganda ang babae basta mahirap at walang pinag aralan ay malabo pa ring magustuhan ng lalaking mayaman, lalo na siguro kong milyonaryo pa.
Hanggang sa dumating na nga ang sasakyang sumundo sa akin kaya emosyonal na akong nagpaalam sa dalawa lalo na kay lola. Kapag nagkapera ako ay bibili ako ng mumurahing cellphone iyong de keypad lang para matawagan ko siya palagi dahil may cellphone naman si Tiyang Miling.
Baon ang lakas ng loob at determinasyon ay unang beses akong lilisan sa nakagisnang lugar. Para ito kay lola. Para ito sa simpleng pangarap ko para sa buhay naming mahirap pa sa daga.