Share

Kabanata 0005

Yakap-yakap ko ang dalawang tuhod habang sinasariwa ko ang lahat ng alaala sa kung paano ako napadpad sa mansyon na ito. Di ko mapigilan ang sarili sa paghikbi dahil parang bulang naglaho ang pag asa kong makaahon kami sa kahirapan at mapatuloy ang gamutan ni Lola Cita hanggang sa gumaling siya.

Magda-dalawang buwan pa lang ako sa pamamasukan dito ngunit heto ako, nasisidlak sa nakakapanghilakbot na sitwasyong ito. Sa sitwasyong wala akong ideya kung bakit nangyayari at kung paano ako makakatakas para muling makapiling ang Lola Cita ko.

Hanggang ngayon blangko pa rin ako sa lahat dahil naging maayos naman ang pamamasukan ko. Na kahit nagpanggap ako bilang isang lehitimong caregiver ay naalagaan ko namang maayos ang butihing Don at nagampanan kong mabuti ang aking trabaho.

Sadyang di ko lang alam at wala akong ideya kung bakit biglaan iyong inatake dahilan ng pagkasawi niyon.

At lahat ng tao sa mansyon ay alam kung gaano ko inalagaang mabuti si Don Vivencio. Na maski isa sa kanila ay walang nagduda na hindi talaga ako totoo at rehistradong caregiver. Kaya wala talaga akong maisip na dahilan para ikulong ako ng mga walanghiyang lalaki na yon. At kung sino ang nag utos sa kanila para gawin ito sa 'kin.

"Gusto ko ng umuwi lola. Miss na miss na kita."

Usal ko sa sarili habang patuloy sa pag agos ang aking mga luha.

Nangangapa pa rin ako sa sobrang kadiliman. Ni hindi ko alam kung anong oras na at kung ilang oras na akong umiiyak. Nanghihina na ang katawan ko dahil sa kumakalam na sikmura. Pakiramdam ko rin kakapusan na ako ng hininga. At kahit sumigaw ako ng malakas, alam kong walang makakarinig sa akin.

Panay ang dasal ko na sana may milagrong mangyari para makayanan kong mabuhay pa rito. Ayaw ko pang mawala dahil paano nalang ang lola Cita ko. Paano nalang ang buwanang gamutan niya. Wala na ring ibang makakatulong pa sa 'min dahil magmula ng makapasok ako rito ay wala na rin akong naging balita kay Ma'am Ara. Minsan napapaisip ako kung bakit ni minsan ay hindi ko naman nakitang bumisita ang ginang gayung ang sabi niya ay kamag anak niya ang mga Villaroman.

Sadyang di ko nalang iyong binigyan ng malalim na kahulugan dahil may sariling buhay rin namang inaasikaso si Ma'am Ara. Tsaka hindi na dapat ako umasa pa na makakatanggap ulit ako ng tulong dahil siya ang nagpapasok sa 'kin dito. Maayos na sana ang sweldong natatanggap ko. Nakapagpadala na rin ako kay Lola Cita kaya sobra sobra akong nagpapasalamat.

Pero biglang naging ganito ang lahat. Sa isang iglap lang ay napalitan ng isang bangungot ang akala ko'y liwanag na daan para makamit ko ang pangarap na di lang para sa 'kin kundi para sa nag iisang taong nag aruga sa 'kin.

Ngayon paano na? Hindi ko na alam ang gagawin ko. Tanging taimtim na panalangin lang ang naging sandata ko ngayon.

At sa kalagitnaan ng pag iisip at pagiging emosyonal ay napatda ako nang bigla na lamang tumunog ang pintuan senyales ng pagkakabukas nito. Kasunod ay ang maliit na ilaw ng liwanag na nagmumula sa isang flashlight. Agaran akong napatayo at humahakbang papalapit kahit pa man nangangapapa ako sa dilim.

"Thalia! Thalia iha!"

Boses ni Manang Sonya ang naririnig ko kaya nabuhayan ako ng pag asa at napaluha.

"Manang Sonya! Nandito po ako....." Garalgal ang boses ko.

"Iha! Jusko mahabaging langit!" Puno ng pag aalala ang boses ng may edad na babae. Kung saan saan pa dumako ang ilaw hanggang sa nailawan din nito ang mukha ko kalaunan.

Patakbo ako nitong nilapitan at humagulhol na naman ako ng iyak nang tuluyan ako nitong malapitan at agarang niyakap.

"Jusko iha, a--- anong nangyari? Bakit nandito ka? Narinig ko kanina na nag uusap ang mga tauhan sa labas kaya napag alaman kong nandito ka nga. Bakit ka nga ba nandito!?" Ramdam ko ang kaguluhan sa isipan ni Manang ngunit tanging pag iling lang ang naging sagot ko dahil kahit ako mismo'y walang alam na dahilan.

"Ano na bang nangyayari sa mundo! Pinagtripan ka ba ng mga loko lokong yon? Buti nalang at pinabalik ako dahil walang mag aasikaso sa mansyon!" Bulalas nito. Buti nalang talaga dahil sa naaalala ko'y lahat ng kasambahay at mga tauhan ay pinaalis na nga kanina maliban sa 'kin na siyang tanging naiwan.

"Hindi ko rin po alam Manang. Tulungan niyo po akong makalabas dito." Hingi ko ng saklolo.

"Aba oo! Oo naman. Hali ka na't bilisan na nating makalabas."

Ngunit humahakbang pa lamang kami nang umalingawngaw ang boses ng isang lalaki mula sa labas.

"Manang Sonya! Asan ka na ba? Gutom na kami!"

Irritableng tawag ng lalaki na sa tingin ko'y isa sa mga nagdala sa 'kin dito kanina. Muling sumibol ang kaba sa dibdib ko. Ngayo'y di lang sarili at kaligtasan ko ang inaalala kundi maging kay Manang na nagbalak na tulungan ako.

Saglit akong natigilan at naluluhang tinapik ang braso ng matanda.

"Iha bakit? Tara na! Bilisan mo ng maglakad." Natataranta na rin ang boses nito kaya mapait akong napangiti.

"Manang, mukhang napakadelikado po ng gagawin natin. Tiyak madadamay pa po kayo. Kailangan po nating pagplanuhang maigi ito." Puno ng kabang sabi kahit pa man gustong gusto ko na sanang makalabas.

Ngunit papaano? Sa rami ng mga tauhang nakakalat sa buong paligid ay napakalabong mangyari ng nais ko.

"Manaaaaaaang!" Sigaw muli ng lalaki kaya kapwa kami nahintakutan ni Manang.

"Tama ka nga! Mamaya nalang siguro kapag tulog na silang lahat. Eto, sayo na muna itong flashlight! Babalik ako rito mamaya para hatdan ka ng pagkain. Kailangang ipadlock ko ulit ang pintuan para hindi sila makahalata." Mabilisang salaysay ni Manang na buong puso kong ikinatango.

"Salamat po Manang, Salamat po." Ani ko bago nagmadaling nagpaalam si Manang at lumabas na.

Pagkasara ng pintuan ay nawala na ang masyadong kalungkutan na naramdaman ko kanina. Kahit papaano'y may pag asa na, malaking pag asa na makakaalis ako sa lugar na ito. Malaking tulong na rin ang ilaw ng flashlight kahit papaano. Pero sa takot din na maubusan ito ng baterya ay patay sindi ang ginagawa ko.

Kahit sobrang tamlay at antok ko na ay ayaw kong pumikit dahil sa pag aabang sa pagbabalik ni Manang Sonya. Tantiya ko'y higit isang oras din akong naghintay bago muling bumukas ang pintuan.

"Manang!"

Napatayo ako at lalapit na sana nang biglang nagsalita ang isang boses ng lalaki.

"Anong Manang? Oh pagkain mo!" Anito kaya napalunok ako ng ilang beses.

"Teka, ba't may flashlight ka? Paano ka nagkaroon niyan?" Biglang tanong nito sa nagtatakang boses.

"Ah eh, na--- nahagilap ko lang po sa paligid." Kinakabahang sagot ko. Umaasang hindi sana ito magduda na galing ito kay Manang Sonya.

"Sana po kuya huwag niyo namang kunin 'to sa 'kin. Maawa naman po sana kayo." Naiiyak na pakiusap ko. Dahil di ko maaninag ang mukha nito ay narinig ko nalang ang paghinga nito ng malalim.

"Ano ka ba! Wala namang magiging problema basta..."

Ramdam ko ang mga yabag ng paa nito sa papalapit sa 'kin kaya mas lalo akong kinabahan.

"Basta ba papayag ka sa gusto ko." Anito nang tuluyang makalapit. Nanlaki ang mga mata ko at halos nagsitayuan lahat ng balahibo ko sa katawan nang maramdaman ko ang hininga nito sa bandang leeg ko. Amoy na amoy ko ang sigarilyo sa mabahong hininga nito.

"Po--- po?" Natataranta akong napaatras pero mas lalo lang itong lumapit.

"Huwag ka ng pumalag! Sa totoo lang, kanina pa 'ko gigil na gigil sayo. Sayang naman yang ganda at sarap ng katawan mo kung uod lang ang makikinabang." Rinig ko pa ang bahagyang tawa nito kaya buong lakas kong itinulak ang dibdib nito at saka buong lakas na sinipa ang bahagi ng katawan, ni hindi ko alam kung saan tinamaan.

"Manyak ka! Manyak! Ahhhhh! Tulong! Tulong po!" Sigaw ko at mabilis na tumakbo papalabas ng pintuan. Rinig na rinig ko ang dibdib na parang sasabog sa nararamdamang kaba at nerbyos.

"Bumalik ka dito! Walanghiyang babae ka!" Puno ng gigil na sabi nito.

Ngunit kung kailan kita ko na ang liwanag sa labas ng pintuan ay natigilan din ako agad nang makita ang isa pang bulto ng lalaki, nakapamulsa ito habang nagyoyosi na parang sobrang kalmado pa.

Humagulhol na 'ko nang mapagtantong kasamahan din pala ito ng manyak.

"Simon! Gago ka! Dinala mo pa talaga yang pagiging manyakis mo dito!" Asik nito sa kasamahang manyak kaya kahit papaano'y kumalma ang nerbyos at kabang nararamdaman ko.

"Eh, sayang naman kasi talaga!" Ani pa ng manyak kaya nilapitan na ito ng isa at sinikmuraan.

"Alam mo na ang bilin ni boss di ba? Na walang ibang makikinabang sa babaeng yan hangga't hindi pa niya napaparusahan! Gusto mo bang malagutan ng hininga? Darating na siya mamaya kaya umayos ka!" Ngayo'y rinig ko ang galit sa boses nito. Kinuwelyuhan nito ang manyakis na kasama at itinulak papalabas.

"Ikaw naman Miss kumain ka na! At huwag na huwag kang magtangkang tumakas kung gusto mo pang mabuhay." Banta nito kaya wala na rin akong nagawa kundi pumasok ulit. Rinig ko pa ang muling pagsarado nito ng pintuan.

Napahawak ako sa dibdib ko pagkatapos. Muntikan na! Kung hindi pa dumating ang isang iyon ay baka hinipuan o mas malala pa ay hinalay na ako ng lalaking manyakis.

At ang bumagabag sa isipan ko ay ang boss na tinutukoy nun na darating na raw mamaya. Sino ang lalaking boss na may pakana ng pagkakakulong sa 'kin dito? At ano ang ibig sabihin ng isang lalaki kanina na wala raw ibang makikinabang sa akin hangga't hindi pa ako napaparusahan?

Parang biglang nanginig ang buong katawan ko sa magkahalong takot, kaba at nerbyos. Bakit? Bakit iyon gagawin sa 'kin? Anong motibo niya? Anong kasalanan ko?
Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Ash Coleen
Nice story
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status