Bitbit ang lumang bag ay emosyonal akong naglakad patungo sa isang pick up kung saan naghihintay si Ma'am Ara sa akin.
Sinalubong ako nito ng isang matamis na ngiti.
"Magandang umaga po ma'am." Magalang na bati ko sa ginang.
"Come in Thalia." Alok nito, nakaturo sa bakanteng upuan na nasa tabi niya kaya inalalayan akong pumasok ng isang bodyguard nito.
"Bueno, bago tayo umalis, you need to sign this documents. Requirements ito para makapasok ka sa mansyon." Anito sabay lahad ng ballpen at folder na hawak niya.
Walang pagdadalawang isip ko naman itong kinuha. Ganoon naman talaga kapag nag aapply ng trabaho, may mga papeles na kakailanganin. Pasalamat nga ako at si Ma'am Ara na ang nag asikaso ng lahat at tanging pirma ko nalang ang hinihingi nito.
"Here and there and there." Turo nito sa mga blangko na kailangan kong pirmahan. Dahil naman english ang nakasulat ay di na ako nag abala pang basahin lalo pa't di ko rin naman ito mauunawaan.
"Tapos na po ma'am." Masayang ani ko at ibinalik na sa kanya.
Binuhay na rin ng driver ang makina ng sasakyan.
Kita ang malapad na ngisi ni Ma'am Ara na tila ba nasisiyahan. "Very good Thalia. And by the way, nakalimutan kong sabihin sayo na ipapalit kita sa caregiver na si Isabel Dela Fuente. Hindi kasi natuloy ang babae na siyang inaasahan ni Don Vivencio kaya ikaw ang naisipan kong ipalit sa kanya." Salaysay nito na saglit kong ikinaisip.
Ibig bang sabihin nito hindi pagiging kasambahay ang magiging trabaho ko kundi maging isang caregiver?
"A--- ano pong ibig ninyong sabihin ma'am?" Malumanay na tanong ko. Gusto kong kompirmahin kong tama ba ang naiisip ko.
"Hindi tumuloy ang dapat sana'y magiging bagong caregiver ng Don kaya ikaw na ang papalit sa trabahong iyon. Hindi ka na magiging kasambahay kundi ang pag aalaga sa matandang nakawheel chair na ang magiging trabaho mo. Well infact, dapat magpasalamat ka pa kung tutuusin dahil mas malaki pa ang sahod ng caregiver keysa sa housemaid." Paliwanag nito na saglit na nagpamaang sa 'kin.
Nauunawaan ko naman ang ibig sabihin ni Ma'am Ara. Kung tutuusin nga ay mas nakakatuwa dahil malaki raw ang sahod ng ganoon kumpara sa pagiging kasambahay. Yun nga lang, ang pinoproblema ko ay hindi naman ako totoong caregiver. At hindi ko alam kung paano gampanan ang ganoon kaseryosong trabaho. Sadyang paglilinis, pagluluto, pagkukumpuni ng sira sira sa barong barong namin at pagsisibak ng kahoy lang ang alam na alam kong gawin, hindi ang tamang pag aalaga sa taong may edad na at may karamdaman pa. Kahit naman maalaga ako sa lola ko ay ibang iba pa rin kung gagawin ko iyon sa ibang tao lalo pa't di basta ordinaryong tao lang. Kailangan ko pa iyong matutunan at pag aralang maigi.
"Patawad po ma'am pero wala po akong alam sa trabaho ng isang caregiver. Ang alam ko lang po ay lahat na klase ng gawaing bahay." Matapat na salaysay ko. Na kahit nga gawaing panlalaki ay nagagawa ko. Ngunit wala akong karanasan sa tamang pag aalaga ng isang taong may sakit na may edad pa. Sa pagkakaalam ko kinailangan ng sapat ng training at pag aaral para doon.
"That's not a problem Thalia. Magtra- training ka muna ng dalawang linggo kung paano ang tamang pag aalaga ng isang may sakit na may edad. Kailangang makabisado mo kaagad ang trabaho para hindi tayo mapahiya." May diing sambit nito kaya napatango nalang din ako ng ilang beses kahit ang totoo'y nakakaramdam ako ng pag aalinlangan.
Kung may training naman pala ay kailangang pag aralan ko ngang maigi. Hindi ko rin kasi pwedeng biguin ang ginang na siyang pinagkakautangan namin ng utang na loob. Maiksi lang ang dalawang linggo na training pero gagawin ko ang lahat ng makakaya ko.
"O-- opo Ma'am Ara. Makakaasa po kayo ma'am." Tugon ko na ikinatango lang nito.
Napakalaki ng utang na loob ko sa kanya dahil sa laki ng nagawa niyang tulong sa amin ni Lola Cita kaya gagawin ko rin ang lahat upang makabawi. Hindi na nga dapat ako nag iisip ng kung anu ano pa at dapat sumunod nalang. Hindi ko na kailangang kwestiyunin ang gusto nitong mangyari dahil napakabuting tao ni Ma'am Ara. Kailangan ko lang pagsumikapang matuto agad para hindi ako pumalpak.
Habang nasa biyahe ay maraming pangaral sa akin si Ma'am Ara na lubos ko namang isinaisip at isinapuso. Wala ng atrasan ito kaya kailangan kong pagbutihin.
Inabot ng halos dalawang oras ang biyahe namin at hindi ko na alam kung nasaan na kami ngunit base sa natatanaw ko sa kapaligiran ay mukhang nasa isang probinsiya na nga kami dahil sa maraming punongkahoy at luntiang kapaligiran.
"Dito ka muna mananatili. May pupunta rito mamaya para magtrain agad sayo. Kailangang simulan na natin agad agad and don't fail me Thalia, malaki ang tiwala ko sayo." Mariing tugon ni Ma'am Ara at buong loob akong tumango kahit kinakabahan.
Pumasok kami sa loob ng bahay na sa tingin ko'y isang resthouse. Napakalaki nito na kahit native lang ay moderno naman ang kagamitan.
"Bahay niyo po ito ma'am? Ang ganda po." Manghang puri ko habang inililibot ang mga mata sa kabuuan ng paligid. Malaki pa ang balkonahe nila kumpara sa tinitirhan namin ni Lola Cita.
"Yeah it's fine. Feel at home. Mananatili ka muna rito para sa training mo. Gamot ng lola mo ang magiging kabayaran ng lahat ng ito, magpapadala pa rin ako sa kanya basta siguraduhin mong magiging maayos ang lahat Thalia." Anito sa seryosong pananalita kaya buong loob akong tumango.
"Maraming salamat po ma'am! Makakaasa po kayo."
Iginiya ako nito sa isang bakanteng kwarto na siyang tutulugan ko. Nakakahiya man dahil pakiramdam ko hindi bagay ang isang dukhang kagaya ko rito ay sumunod na lamang ako sa kagustuhan ni Ma'am Ara.
At gaya nga ng sinabi niya kanina, ilang oras lang ang lumipas ay may dumating na agad na isang babae na siyang magta- training sa 'kin. Buong puso akong nakinig at isinulat pa ang mahalagang gawain.
Mahirap at nalilito pa ako sa unang araw ngunit pinag- igihan kong maigi sa mga sumunod na araw at linggo. Bukod pa ang oras na inilaan para sa panonood ng mga tutorial videos sa isang site na siyang kagustuhan din ni Ma'am Ara.
"Ayusin mong maigi ang trabaho Thalia. Patunayan mo sa 'kin na karapat dapat kayo sa ginawa kong tulong. Na di ko rin iyon pagsisisihan dahil masunurin ka at madaling kausap." Seryosong tugon ng ginang na may kung anong dalang kaba sa akin.
Di ko alam kung bakit ganito siya magsalita ngayon o baka gusto lang niyang masigurado na gagampanan ko talaga ng maayos ang trabaho ko. Para di rin siya mapahiya sa tinutukoy niyang kamag- anak.
"O--- opo Ma'am Ara, makakaasa po kayo na magdodoble sikap po ako." Kinakabahan man ngunit gusto ko namang mapanatag ang loob niya.
Tama siya, kailangang gawin ko lahat para di siya magsisi sa ginawang pagtulong sa amin ng Lola Cita ko. Ito nalang ang magagawa ko upang makaganti sa kabutihang nagawa niya sa amin.
"Mabuti naman at nagkakaliwanagan tayo. Oh siya, maghanda handa ka na dahil mamaya lang ay tutungo ka na sa mansyon ng mga Villaroman." Mariing tugon nito.
Ramdam ko ngayon sa tono ng boses ni Ma'am Ara na hindi basta basta ang trabahong susuungin ko pero dahil buo ang loob ko at tiwala sa sarili na makakaya ko napawi nito ang kaba at pag aalinlangan na biglaan kong naramdaman.