(Thalia's POV)
"Saan niyo ako dadalhin? Parang awa niyo na po! Bitawan po ninyo ako!"
Panay ang pagpupumiglas ko habang buong pusong nagmamakaawa sa tatlong malalaking lalaki na kumaladkad sa akin. Sa laking bulas ng mga ito ay halos mabali na ang mga buto ko sa higpit ng pagkakahawak ng mga ito sa braso ko.
"Ang ingay tang ina! Patahimik nalang kaya natin 'to pre?" Mas lalo akong nahintakutan sa pahayag ng isa sa mga ito. Sa histura nito ay parang nauubusan na ng pasensiya. Labas pa ang dila habang nakatingin sa akin na puno ng gigil.
"Gago! Baka gusto mong ikaw ang patahimikin ni boss habang buhay?" Saway naman ng isa na bahagya pang binatukan sa ulo ang una kaya tumahimik ito.
"Magandang dalaga pa naman sana ito. Sayang lang. Kung pwede nga lang idiritso ka nalang namin sa quarters para makatikim ka naman ng langit bago mo maranasan ang impyerno!" Umiiling at dismayadong sabat naman ng isa na ikinatawa ng mga kasamahan niya kaya mas lalong nanginig ang buong kalamnan ko sa takot.
Kahit balot na balot ang katawan ko sa suot na luma at maluwang na bestida ay napagdidiskitahan pa rin ako ng mga walanghiyang manyakis na 'to.
"Utang na loob po, ano bang nagawa kong kasalanan?" Pilit pa ring ang pagpupumiglas ko kahit alam kong malabo akong makatakas. Nanghihina na ako at sumasakit na rin ang buong katawan ko.
Bigla ko nalang naramdaman na may tumakip sa bibig ko gamit ang panyo. "Ayan para tumahimik ka na! Palibhasa dalawa ang bibig ninyong mga babae kaya ang iingay niyo!" Irritableng singhal ng isa kaya tanging pagtulo ng mga luha nalang ang nagawa ko.
Hindi ko alam kung saan kami patungo pero alam kong nasa loob pa rin kami ng malaking mansyon na ito. Hanggang sa napansin ko ang isang mahabang hagdanan na tinatahak namin pababa sa basement na ayon dati sa mga kasamahan kong katulong ay abandonado na raw.
"Uhmmmmm!"
Mas lalo akong nilukob ng takot nang dalhin ako ng mga ito papasok sa loob. Sobrang dilim ng paligid. Wala akong makita maski isang liwanag.
Pabagsak akong itinulak ng mga ito kaya napaupo ako sa sahig.
"Pasensiya na Ms. Ganda pero diyan ka na muna. Huwag kang mag alala, wala namang multo diyan kaya walang kakain sayo." Rinig ko pa ang hagikhikan ng mga ito hanggang sa marinig ko ang tuluyang pagsarado ng pintuan.
Nanginginig ang mga kamay ko habang tinatanggal ang panyong nakatali sa bibig ko. Humahagulhol kong niyakap ang sarili. Hindi ko alam kung anong ginawa kong mali at kasalanan! Napuno ng kaguluhan ang isip ko sa kung bakit ginagawa ito ng mga lalaking iyon. At sinong boss ang tinutukoy ng mga iyon na nag utos sa kanila?
Tatlong araw magmula nang mawala si Don Vivencio ay pinagtipon tipon lahat ng kasambahay ng mansyon at mga tauhan ng hasyenda. Yung maski isa sa amin ay pinagbawalang lumabas na malabo rin namang mangyari dahil napakahigpit ng mga bantay na pawang mga armado pa.
Tapos kanina ay isa isa ng pinapalabas ang lahat hanggang sa ako nalang mag isa ang natira na labis kong ipinagtataka.
At ngayon ikinulong pa ako rito sa loob ng napakadilim na basement.
"Ahhhhhh! Palabasin niyo ako rito! Kailangan pa ako ng lola ko." Nagsusumigaw ako kahit alam kong wala namang makakarinig sa akin.
Takot na takot ako. Pakiramdam ko hindi ako makakahinga sa sobrang dilim ng paligid. Kumakalam na rin ang sikmura ko dahil kaninang tanghali pa ako hindi kumakain.
Ano kayang gagawin nila sa 'kin? Papatayin ba nila ako? Ngunit bakit? Ano bang nagawa kong kasalanan? Nagtrabaho lang naman ako ng marangal para sa amin ng lola Cita ko, para makabayad na rin sa taong tumulong sa pagpapaopera sa kanya.
Mas lalo lang pinipiga ang dibdib ko sa sakit nang maalala ang lola kong bukod tanging naging karamay ko sa lahat. Ang kaisa isang taong nag aruga sa 'kin magmula ng iwanan ako ng nanay ko at hindi na kailanman binalikan.
Matagal ng yumao ang lolo ko at nag iisang anak niya naman ang nanay ko na ayon sa kwento ni lola ay napariwara ang buhay dahil sa pagbabarkada. Nagtrabaho raw iyon sa bar bilang entertainer na mahigpit niyang tinutulan ngunit sadyang matigas ang ulo. Hanggang sa nabuntis ng isang foreigner na customer at ako ang naging bunga. Na di naman maipagkakaila dahil kahit laki sa hirap ay natural pa rin ang kaputian ng aking balat, matangkad at may matangos na ilong.
Sobrang hirap man ng buhay namin ay napalaki ako ng lola ko at naitaguyod ang pag aaral kahit hindi man nakagraduate ng highschool. Basta marunong lang akong magbasa at magbilang ay sapat na iyon sa isang kagaya kong dukha.
Kaya noong nagkakomplikasyon si lola sa baga at naospital ay halos mabaliw ako kakahanap ng pera pambayad sa operasyon niya. Labis labis ang pagdarasal ko nun para lang maisalba ang buhay niya.
At agad namang binigay ng Maykapal ang kahilingan kong iyon nang taimtim at umiiyak akong nagdarasal sa loob ng simbahan at doon ko nakilala ko si Ma'am Ara, ang babaeng nag alok sa akin ng tulong pinansyal kapalit ng paninilbihan at pag- aalaga ko sa namayapang si Don Vivencio Villaroman.