Share

Her Indecent Love
Her Indecent Love
Author: KheiceeBlueWrites

Prologue

Malakas ang bawat pagkabog ng dibdib ni Patrisha habang papalapit siya nang papalapit sa isang private room sa isang hospital. Mula nang mabalitaan niya ang masamang nangyari kay Ethan ay hindi siya nagdalawang isip na lumipad mula sa ibang bansa pabalik ng Pilipinas, kasama ang kanyang bagong silang na anak. Hindi iyon maaaring malaman ng kanyang mga magulang kaya inilihim niya lamang ang kanyang biglaang pag-uwi kasama ng anak at ng tagapangalaga nito.

Nang makarating na si Patrisha sa harapan ng kwarto na kanyang sadya ay sumilip muna siya sa salamin ng pintuan nito. At mula doon ay nakita niya ang isang nurse at ang isang babaeng nasa tabi ng nakahigang si Ethan. Bahagyang kumunot ang noo niya sa babaeng iyon na ngayon niya lamang nakita. Ngunit base sa kilos nito ay para bang may malalim itong ugnayan at relasyon kay Ethan na siyang bahagyang nagbigay ng kaunting kirot sa puso niya.

Maya-maya pa ay lumabas na ang nurse at sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakita siya ng babaeng nagbabantay kay Ethan, kaya naman nilapitan at nilabas siya nito. Nagulat si Patrisha at hindi niya napaghandaan ang biglaang paglapit ng babae sa kanya, pero agad din naman siyang nakabawi at mabilis na ngumiti dito.

“May… kailangan po ba kayo?” marahan at magalang na tanong sa kanya ng babae.

“Uhm…” Napatikhim si Patrisha. “Gusto ko lang sanang… makita si Ethan. Kumusta siya?”

“Uhm… a-ayos naman siya. Hindi pa rin siya nagkakamalay hanggang ngayon pero… ayos naman na siya,” naiilang na tugon sa kanya ng babae.

“Ganoon ba? Gaano katagal na siyang… hindi gumigising?”

“Mag… mag-iisang buwan na.”

Malungkot na binalingan ng tingin ni Patrisha si Ethan. Wala siyang kamalay-malay sa mga nangyari dito at kung hindi pa nadulas si Nathan sa kanya ay hindi niya malalaman ang sinapit ng lalaki.

“P-Pwede ko bang… malaman kung… anong pangalan mo?” pagkuwan ay tanong ng babae sa kanya. “Kaibigan ka rin ba ni Ethan?”

“I am Patrisha Cruz,” pagpapakilala niya dito. “Trisha for short.”

Magaan na ngumiti ang babae sa kanya. “Gusto mong pumasok para mas makita siya?”

“Sure!”

Pumasok silang dalawa sa loob at mabuting pinagmasdan ni Patrisha ang natutulog na si Ethan. Lumapit siya dito at hindi niya napigilan ang sarili na marahang haplusin ang buhok nito. Na-miss niya ang lalaki. Halos isang taon din ang lumipas mula nang huli niya itong masilayan. Ang buong akala niya ay hindi na niya ito magagawang makita pang muli. Pero matapos niyang malaman ang nangyari dito ay labis na pag-aalala ang naramdaman niya. Dahil kahit matagal nang natapos ang ugnayan nila sa isa’t isa, ay hindi niya maitatago habang buhay ang katotohanan na si Ethan ang ama ng batang isinilang niya kamakailan lang.

Ilang sandali pa ang lumipas nang bigla namang dumating si Nathan.

“Trisha?” manghang usal ni Nathan pagkakita sa kanya.

Si Nathan Flores ay isa sa mga kaibigan at kakilala niya sa showbiz industry. Kababata ito ni Ethan na siyang naging dahilan din kung bakit naging malapit sila ni Ethan noon sa isa’t isa. Isa kasing modelo si Patrisha noon na ngayon ay huminto na dahil sa biglaang pagdadalang-tao niya.

“N-Nathan…”

Mabilis siyang nilapitan ni Nathan saka siya hinawakan sa braso. “What are you doing here?” mahinang tanong ni Nathan sa kanya.

“Bakit? Masama bang puntahan ko siya? I just want to see him,” mahinang tugon din naman niya kay Nathan.

Napalingon si Nathan sa babaeng nagbabantay kay Ethan saka siya nito marahan na binitiwan. “Uhm… this is Trisha, Sydney. Kaibigan namin ni Ethan—”

“Hindi ko kaibigan si Ethan,” putol ni Patrisha sa sinasabi ni Nathan. “Alam mo iyan.”

“Trisha, pwede ba?” mahinang pagsaway naman ni Nathan sa kanya. Iyon naman kasi talaga ang totoo. Hindi niya kaibigan si Ethan at hindi din naman niya ito naging ex-boyfriend.

Magsasalita pa sana siya nang bigla naman nilang narinig ang mahinang ungol at pag-ubo ni Ethan. Nanlaki ang mga mata nila nang makitang kumilos ito.

“Ethan!” sigaw no’ng Sydney saka ito nilapitan. Mabilis din na lumapit ang dalawa.

Marahan na nagmulat ng mga mata si Ethan na labis na ikinatuwa nila. Tumakbo ng mabilis si Nathan palabas upang tumawag ng Doktor. Nakita naman ni Patrisha na mahigpit na hinawakan ni Sydney ang kamay ni Ethan.

“S-Sydney…” mahinang usal ni Ethan sa pangalan ng babaeng alam niyang kasintahan na ngayon ni Ethan.

“Ethan… Ethan, nandito ako,” masayang wika ni Sydney.

Maya-maya pa ay bumalik na si Nathan kasama ang tinawag na Doktor. Tumabi sila upang matingnan ng maayos ng Doktor si Ethan. Pagkaraan pa ng ilang sandali ay bumalin ang Doktor kay Sydney. “He is in a good condition now. Kailangan na lang niyang magpalakas.”

“Salamat po, Dok!” masayang sambit ni Sydney saka nito muling nilapitan si Ethan.

Napalunok si Patrisha ay maliit na napangiti. Masaya siya na malamang okay na si Ethan ngayon. At sa tingin niya ay wala ng rason para manatili pa siya sa lugar na iyon. Kaya naman walang salita na lamang siyang lumabas ng silid na iyon at hindi na nagpakita pa kay Ethan.

Si Ethan Vego ang ama ng kanyang iniluwal na anak at walang kaalam-alam ang lalaki tungkol doon. Hindi naman kasi sila naging magkasintahan na dalawa at hindi niya inaasahan na ang pakikipaglaro nila sa isa’t isa ay magbubunga ng isang bata, na siyang naging dahilan din upang halos itakwil siya ng kanyang mga magulang. Sariwa pa sa alaala niya ang araw na iyon.

Malakas na sampal ang natanggap ni Patrisha mula sa kanyang ama pagkatapos nitong malaman ang tungkol sa pagdadalang-tao niya. Humapdi at kumirot ang pisngi niyang sinaktan ng ama at kitang-kita niya sa mga mata nito ang labis na pagkadismaya sa kanya.

“Hindi ko alam kung saan ako nagkulang sa iyong bata ka! Pilit naming inaayos ang buhay mo pero wala ka namang ibang ginawa kung ‘di ang sirain ito!” galit na singhal ng kanyang ama sa kanya.

“Tama na, Pablo! Huwag mong saktan ang anak natin,” awat ng kanyang ina sa kanyang ama.

“Kaya lumaking ganyan ang batang iyan eh! Masyado mong kinukunsinte!” galit na balin ng kanyang ama sa kanyang ina.

“Hindi ko siya kinukunsinte! Ang sa akin lang ay huwag mo siyang saktan. Buntis ang anak natin kaya hindi tamang pagbuhatan mo pa siya ng kamay!”

“Kung ganoon ay anong gagawin natin sa batang iyan? Paano kung malaman ng mga tao ang tungkol sa pagdadalang-tao niya? Ano na lang ang sasabihin sa pamilya natin ng mga investors natin?”

“Walang makakaalam nito dahil bukas na bukas din ay aalis siya papunta ng New York,” saad ng kanyang ina na siyang mabilis niyang ikinalingon dito.

“Ma? Ano pong sinasabi ninyo?”

“Kung hindi ka kayang panindigan ng ama ng batang iyan, mas mabuting doon ka na muna sa New York, Anak.”

“Ma…” dismayado at hindi makapaniwalang usal niya sa kanyang ina.

“Tama! Mas mabuti pa ngang umalis ka na lamang ng bansa,” pagsang-ayon ng kanyang ama.

Sumikip ang dibdib niya dahil sa naging pasya ng kanyang mga magulang. Buong buhay niya kasi ay palagi na lang siyang malayo sa kanyang mga magulang dahil sa pagiging abala ng mga ito sa kanilang mga negosyo sa labas at loob ng bansa. At ngayon na may pinagdadaanan siya, sa halip na damayan at suportahan siya ng kanyang mga magulang ay itinutulak lang din siya ng mga ito palayo sa kanila.

Kaya naman labag man sa kalooban niya ay sinunod na lamang niya ang kagustuhan ng kanyang mga magulang. Umalis siya ng bansa kasama ng kanyang tagapangalaga na si Nanay Lucy, upang tahimik na ipagbuntis at iluwal doon ang kanyang anak. Umalis din siya sa kanyang trabaho bilang isang modelo at pinutol niya ang anomang koneksyon at ugnayan niya sa kanyang mga kaibigan dahil utos din iyon ng kanyang mga magulang.

At pagkalipas nga ng halos isang taon, matapos niyang tagumpay na mailuwal ang kanyang anak, ay bumalik siya ng Pilipinas dahil nalaman niyang halos isang buwan nang walang malay ang ama ng kanyang anak na si Ethan. Ayon kay Nathan ay nabaril daw ito ng step brother nito na ngayon ay nagbabayad na sa bilangguan.

Wala talaga siyang balak na guluhin si Ethan at ang kasintahan nito. Pero sa tingin niya kasi ay may karapatan pa din si Ethan na malaman ang tungkol sa naging anak nila. Isa pa ay naging mabuti naman sa kanya si Ethan noong mga panahon na nagkikita pa sila. Pareho silang nagkasundo noon na magbigay lamang ng aliw sa isa’t isa. They just want sex. No strings attached. They only used each other for their sexual pleasure. At hindi niya alam na magbubunga pala ang pakikipaglaro niya sa lalaki.

Kaya naman nang sumunod na araw ay nagbalik siya sa hospital kung saan naka-confine pa din si Ethan upang sabihin na dito ang katotohanan. Tungkol sa batang iniluwal niya.

“Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin ang tungkol sa bagay na iyan?” malalim ang boses na tanong ni Ethan sa kanya.

“Actually, wala nga dapat talaga akong planong sabihin sa iyo ang bagay na ito. Nakita mo naman, umalis ako ng tahimik at hindi nanggulo sa iyo. Kinaya kong mag-isa kahit wala ka,” tugon niya sa lalaki.

“Pinili mong itago sa akin ang lahat, Trisha. Pagkatapos ngayon ay ano? Sasabihin mo sa akin iyon kung kailan paalis na kayo?” Kailangan na nilang bumalik ng New York ng kanyang anak dahil hindi naman alam ng kanyang mga magulang ang sandaling pag-uwi niya dito sa Pilipinas.

“Look, Ethan. Pinili kong itago sa iyo iyon dahil ayaw kong maramdaman mo na inoobliga kita. Isa pa, alam naman nating dalawa na ginawa lang natin iyon hindi dahil sa mahal natin ang isa’t isa—”

“Kahit pa, Trisha!” putol ni Ethan sa kanya. “May karapatan akong malaman ang totoo. May karapatan ako sa bata!”

“Hindi naman kita inaalisan ng karapatan sa kanya. Syempre may karapatan ka dahil anak mo siya. Ayaw ko lang ipaobliga sa iyo iyon dahil alam naman nating pareho na nabuo lang siya dahil sa tawag ng laman. At ayaw kong maging kontrabida at manggulo sa buhay mo.”

“Gusto kong makita ang bata,” seryosong pakiusap sa kanya ni Ethan.

“Kailangan na naming bumalik ng New York, pero huwag kang mag-alala dahil ipapakita ko naman siya sa iyo. Hindi ko siya ipagkakait sa iyo, Ethan. At ipapakilala kitang ama niya."

"Salamat, Trisha. And I'm sorry dahil... wala ako nang mga panahong... kailangan mo ng kasama at karamay."

Maliit siyang ngumiti sa lalaki. "Get well soon, Ethan. At sana ay maipaliwanag mo ng maayos ito kay Sydney. Ayaw kong makasakit ng iba,” saad niya at pagkuwan ay tuluyan na nga siyang umalis sa lugar na iyon.

Hindi niya nais kailanman ang makapanakit ng ibang tao. At mas gugustuhin niyang siya na lamang ang masaktan kaysa makasakit siya ng iba. At ngayon ay wala siyang ibang gustong gawin kung ‘di ang alagaan at mahalin ang nag-iisang bagay na mayroon siya—ang kanyang anak.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
KheiceeBlueWrites
hala ngayon ko lang po ito nakita ... hello po, ma'am Marly!
goodnovel comment avatar
Marly Higado
hi miss kheicee
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status