Share

Chapter 1

Masaya at malayang tumatakbo ang batang babae sa puting buhanginan malapit sa dalampasigan. At habang ginagawa niya iyon ay nangingibabaw din ang malakas na hagikgik nito na tila ba labis itong natutuwa at nag-eenjoy sa kanyang ginagawa. Ilang sandali pa nang hindi ito makuntento at maisipan naman nitong magpahabol sa tila banayad na paghampas ng alon ng tubig-dagat sa dalampasigan.

“Patrisha Mae! Please be careful!” malakas na sigaw ng isang matandang babae sa batang babae, habang nakatayo ito sa may hindi kalayuan at tila binabantayan at pinagmamasdan ang paglalaro ng batang babae. May kasama itong isang babae na nakaalalay at nagpapayong sa kanya. Bukod sa kanila ay may dalawang lalaki din ang naroroon at nakabantay din sa batang tuwang-tuwang naglalaro doon.

“Don’t worry, Lola! I can handle myself here!” ganting sigaw ng batang babae sa lola nito.

“Mahal, bakit pinababayaan mo na naman ang apo mo na maglaro doon? Kapag nalaman ito ni Pablo at ni Sharon ay tiyak akong mag-aalala ang mga iyon. Sasabihin na naman nila na pinababayaan natin ang kanilang anak,” saad ng isang matandang lalaki na lumapit sa matandang babae.

“Huwag na lang natin sabihin sa mag-asawa. Isa pa ay minsan lang naman makapaglaro ng ganyan ang apo natin dahil palagi nilang kinukulong lamang sa kanilang bahay sa siyudad,” tugon ng matandang babae.

“Alam mo naman na nag-iingat lamang ang dalawang iyon sapagkat nag-iisang prinsesa nila si Patrisha.”

“Sabi ko naman kasi sa kanila ay dagdagan pa nila ng isa ang anak nila para magkaroon din ng kasama at kalaro si Patrisha. Masyado kasi silang abala sa kompanya kaya nawawalan na ng panahon para sa anak nila.”

Umakbay ang matandang lalaki sa matandang babae saka ito mahinang nagsalita sa tapat ng tainga nito, “Kung sana ay dinamihan din kasi natin ang anak natin noon, eh ‘di sana ay madami tayong apo ngayon.”

“Eh hindi ka naman kasi tumutulong sa pag-aalaga noon.”

“Hindi bali at baka pwede pa naman tayong humabol ngayon.”

“Ikaw talaga, Carlo! Matanda na tayo ganyan pa ang mga naiisip mo,” pinamumulahanang tugon ng matandang babae sa asawa nitong si Don Carlo.

Natigilan sandali ang batang si Patrisha sa kanyang paglalaro at sandaling napatitig sa kanyang lolo at lola na masayang naglalambingan. Lumawak ang ngiti sa kanyang mga labi. Masayang-masaya siya sa tuwing nakikita niya ang dalawa na masayang naglalambingan. Ganito lagi ang dalawang matanda sa tuwing umuuwi siya dito sa probinsya nila upang magbakasyon.

“Bakit mo sila tinitingnan?” Mabilis na napalingon si Patrisha mula sa kanyang likuran. Nakita niya ang isang batang lalaki na nakatayo doon at kinakausap siya.

“Bakit? Masama bang tingnan ko ang lolo at lola ko?” masungit niyang ganting tanong sa batang lalaki.

“Lolo at lola mo sila?” Mabilis na tumango si Patrisha. “Buti ka pa may lolo at lola pa.”

“Bakit ikaw? Wala na?”

“Wala na.”

“Kawawa ka naman.”

“Pwede ko ba silang maging lolo at lola din?” pagkuwan ay tanong muli ng batang lalaki kay Patrisha.

“Hindi pwede.”

“Ang damot mo naman.”

Napadako ang tingin ni Patrisha sa laruang hawak ng batang lalaki na kumakausap sa kanya. Kuminang ang kanyang mga mata sa nakita. Isang magandang manika ang hawak nito. “Ang ganda naman niyan. Pahiram ako.”

“Hindi pwede,” pagdadamot ng batang lalaki sa kanya.

“Pwede mo nang maging lolo at lola ang lolo at lola ko, basta pahiramin mo ako niyan.”

“Hindi nga pwede.”

“Bakit naman?”

“Hindi kasi sa akin ito.”

“Kanino ba iyan?”

“Doon sa kaibigan ko.”

“Eh bakit ikaw ang may hawak?”

“Bakit ang dami mong tanong?” pagsusungit ng batang lalaki sa kanya. Napalabi siya.

“Siguro bakla ka, ‘no?”

“Hindi ako bakla!”

“Wala. Bakla ka.”

“Hindi sabi ako bakla!” Bakas sa mukha ng batang lalaki ang pagkapikon nito sa kanya.

“Eh bakit ganyan ang laruan mo?”

“Sa kaibigan ko nga kasi ito.”

“Ayaw mo lang ipahiram kasi bakla ka!” patuloy naman niyang pang-aasar sa batang katulad niya.

“Isa pang tawag mo sa akin niyan, may gagawin na ako,” tila pagbabanta naman nito sa kanya.

“Bakla. Bakla. Bakla—” Agad na natigilan si Patrisha sa pang-aasar niya sa batang lalaki nang bigla siya nitong mabilis na halikan sa kanyang pisngi. “Bakit mo ako hinalikan?” naiinis na tanong niya dito.

“Ayaw mo kasing tumigil eh. Sabi mo bakla ako. Hindi ako bakla, lalaki ako.”

Agad na nag-ulap ang paningin ni Patrisha dahil sa mga luhang nagbabadyang tumulo mula sa kanyang mga mata. “Panagutan mo ako. Pakasalan mo ako!”

“Ayaw ko nga!” mabilis na sagot sa kanya ng batang lalaki.

“Bakit ayaw mo?!”

“Eh hindi naman kita crush eh,” mapang-asar na tugon ng batang lalaki sabay layo nito sa kanya.

Nagising si Patrisha mula sa mahimbing na pagkakatulog dahil sa malakas na pag-iingay ng alarm clock niya na nasa ibabaw ng bedside table niya. Pikit-mata niyang kinapa iyon at tamad na pinatay. Tamad na tamad pa siyang bumangon pero sa ayaw o sa gusto niya ay alam niyang kailangan niyang kumilos ng ganito kaaga para hindi sila mahuli sa flight nila.

Wala pang ilang segundo ang nakakalipas ay sunod-sunod na pagkatok naman sa kanyang silid ang kanyang natanggap.

“Trisha? Trisha, bangon na! Nakapaghanda na ako ng almusal, halika na,” pangigising sa kanya ni Nanay Lucy.

“Coming,” tamad na tugon naman niya dito saka siya marahan na bumangon mula sa kanyang pagkakahiga. Iminulat niya ang kanyang mga mata habang napapahikab-hikab pa. Pagkatapos ay bigla niyang naalala ang kanyang panaginip. Bahagya siyang natawa dahil doon. Palibahasa’y uuwi sila ng Pilipinas ngayon at masama pa rin ang loob niya nang sabihin sa kanya ng kanyang mga magulang na sa probinsya siya permanenteng titira kasama ng kanyang anak. Kaya siguro niya napanaginipan ang munting alaala niya sa lugar na iyon.

Wala naman siyang magawa kung hindi ang sundin na lamang ang kanyang mga magulang kahit pa labag iyon sa kalooban niya. She missed her friends and her old life. Hindi naman siya nagsisisi sa buhay na mayroon siya ngayon dahil masaya siya kasama ng kanyang anak. Pero, gusto niyang manirahan sa siyudad at doon sana magsimula ng isang bago at maliit na negosyo. Pero wala eh, dahil buong buhay niya, para bang naka-program na sa kanya na kailangan niyang sumunod lamang nang sumunod sa kung ano ang sabihin at ipagawa sa kanya ng kanyang mga magulang.

“Good morning, Mommy!” masiglang bati ng kanyang anak sa kanya pagkalabas niya ng kanyang kwarto. Nakaupo ito sa dining table katabi ni Nanay Lucy.

“Good morning, Baby!” bati niya pabalik sa kanyang anak saka niya ito mahigpit na h******n. Pagkatapos ay naupo na siya sa tapat nito. “Thank you po sa almusal, Nanay Lucy,” balin niya sa matandang babae na kasama niya.

Nakalakihan na niya si Nanay Lucy dahil mula nang magkaisip siya ay ito na ang nakagisnan niyang laging kasama at nagbabantay sa kanya. Matagal na itong nagtatrabaho sa pamilya nila at nang ipadala nga siya ng kanyang mga magulang dito sa ibang bansa, ay ipinasama ng mga ito sa kanya si Nanay Lucy.

“Wala iyon. Sige na, kain na tayo at baka ma-late pa tayo sa flight natin,” saad ni Nanay Lucy sa kanya.

“Mukhang excited po talaga kayo na umuwi ng bansa.”

“Oo naman. Bakit? Ikaw ba ay hindi?”

Hindi siya nakasagot. Well, masaya naman siya dahil iba pa rin naman talaga kapag nasa sarili mong bansa ka. Kaya lang, hindi niya alam kung anong buhay ay ang naghihintay para sa kanila ng kanyang anak sa probinsyang uuwian nila. Matagal nang panahon mula nang huli siyang makarating doon. At ang huling beses na iyon ay nang mamatay ang kanyang Lola Prima. Bata pa siya noon at mula nang mawala ang kanyang Lola Prima ay hindi na siya ulit nakabalik pa sa lugar na iyon. Sa lugar na kung saan ay minsan niyang itinuring na tila isang paraiso. Kaya ano pa nga ba ang aasahan niya ngayon? Ilang taon na ang lumipas at sigurado siyang madami na ang nagbago. Tulad na lamang niya na hindi na isang munting bata na palaging masaya sa lahat ng bagay. Dahil madami na siyang iba't ibang naranasan sa paglipas ng madaming taon sa kanyang buhay.

Mas maaga ng tatlong araw ang uwi nila ngayon sa Pilipinas kaysa sa inaasahan ng kanyang mga magulang. Plano kasi niyang bisitahin muna sa Manila ang kanyang mga kaibigan doon na matagal na niyang hindi nakikita. At isa pa ay gusto din kasing makita at makasama ni Ethan ang anak nila, kaya sa loob ng tatlong araw ay doon muna uuwi si Eros kina Ethan, habang siya ay doon naman mag-iistay sa kanyang kaibigan. Si Nanay Lucy naman ay uuwi muna sa kanyang pamilya at susunod na lamang sa kanila ni Eros sa probinsya pagkatapos ng walong araw.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status