Share

Chapter 4 – Crazy Parents

Sa isang restaurant kaming apat napadpad. Nakaupo lang kami habang naghihintay na i-serve ang mga pagkain na inorder. Busy si Nathan sa cellphone habang panay ang kwentuhan nila mommy at tita Sherry. Mukhang magkasundo talaga sila. Talaga bang nito lang sila nagkakilala? Maya-maya ay ako naman ang napagdiskitahan ni tita Sherry.

“How about you, hija? Where do you work?” Maging si Nathan ay napatigil sa kung ano man ang inaatupag niya sa cellphone. Mukhang interesado din siyang maki-tsismis sa buhay ko ah!

“Ahh, t-trainer po, s-sa HR Department.” Hanggat maaari, ayokong magkwento ng madami.

“Wow! That’s great! Your dad must be so proud of you, hija. Ang gagaling ng mga anak mo, Trina. At hindi lang ‘yon, ang gaganda pa nila,” papuri ni tita Sherry.

Tipid na ngumiti lang ako habang si Nathaniel sa harap ko ay nakangisi na ikinakunot ng noo ko. Alam mo iyon? Parang gusto niyang kontrahin ang mga papuri sa akin ng mom niya. Sa pagkakangiti niya ay parang sinasabi niyang hindi totoong maganda ako!

Nabaling ang atensyon namin sa waiter na dala na ang mga pagkain na in-order namin. Nakakailang subo pa lang ako nang muling magtanong si tita Sherry.

“So, magkaklase kayo nitong anak ko sa lahat ng subjects?”

Heto na ang mga tanong nila!

“Y-Yes po tita.” Kinakabahang sinulyapan ko si Nathaniel.

“Minors pa lang kasi ang subjects namin mom kaya classmate ko pa siya,” paliwanag naman niya.

“Ashley, kumusta naman itong anak ko? Baka naman babae lang ang inaatupag nito sa grad school niya,” tahasang tanong ni tita Sherry na ikinasamid ni Nathan.

“Mom! Please stop!” saway niya sa ina sa pagitan ng pag-ubo. Hindi ko itinago ang nakakaloko kong ngiti nang sulyapan niya ako. Hindi naman siya nagsalita at tahimik na ipinagpatuloy ang pagkain. Hindi ko mapigilan ang mapangisi. Pakiramdam ko ay nakaisa ako ng pang-aasar.

Mabuti nga sayo!

Syempre hindi ko siya inilaglag kay tita Sherry at baka ikanta pa niya ang karahasang nagawa ko kay Mary Rose. Inabot ko ang juice para uminom habang nagbubunyi ang aking kalooban.

“Hijo, kung hahanap ka ng babae ay ito nalang anak ko. Alam mo bang napakamalas niyan pumili ng lalaki. Ayan, niloko ng boyfriend niya. Ipinagpalit sa iba. Baka sa iyo swertehin,” biglang litanya ni mommy ko na lubos kong ikinabigla.

Halos maibuga ko ang juice na iniinom dahil sa mga sinabi ng madaldal kong ina. Maluha-luha ako habang umuubo. Pagtingin ko kay Nathan ay mas nakakaloko ang ngisi niya. Inis na nilingon ko si mommy pero hindi ako makapagsalita dahil nauubo parin ako. Parang gusto kong itakwil ang ina kong ito, ngayon din!

“Are you okay, hija?” nag-aalalang tanong ng tita Sherry. Tumango lang ako habang si Nathan naman ang naaliw na panuorin ako.

Ang walanghiya!

Sana ay matapos na ang lunch na ito! Bakit naman ikinwento pa ng magaling kong ina ang panloloko sa akin ni Ryan, eh wala namang nagtatanong!

Pero syempre, hindi ako makagalit sa kaniya sa harapan ni Nathan at tita Sherry. Halos mabali ang kutsara at tinidor sa tindi ng pagkakahawak ko habang kumakain. Natapos ang lunch at nang magpaalam sina Nathan ay isang nakakalokong ngiti ang ipinukol niya sa akin. Irap lang ang iginanti ko sa kaniya.

Pagkaalis na pagkaalis pa lang nila ay kinompronta ko na kaagad ang madaldal kong ina.

“Bakit naman kinwento mo pa ang breakup ko kay Ryan?”

“Hija, feeling ko type ka ni Nathan,” excited na sagot ni mommy.

Ano? Napakalayo ng sagot niya sa tanong ko! Hindi lang pala sosyalera ang mommy ko, feelingera din pala! Kung ano-anong ini-imagine nito sa buhay.

“Mom! Hindi mo alam ang sinasabi mo! Kung alam mo lang—“

“Ashley Nicole! Nakita ko ang mga tingin ni Nathan sa iyo kanina. Hindi ako maaaring magkamali, type ka niya,” putol niya sa sinasabi ko at para pa siyang kinikilig.

Napailing ako. Kung nakita niya talaga ang tingin sa akin ni Nathan sana napansin niya ang lihim naming asaran kanina. At hindi nakangiti sa akin si Nathan! Nakangisi siya! Mapang-asar na ngiti! Malabo na yata ang mata ni mommy para hindi mapansin iyon. O baka naman akala niya lahat ng ngiti ng isang lalaki ay ngiti ng paghanga?

“Mom, alam mo ba kung gaano ka-popular si Nathan sa mga classmates kong babae? May chix na nga agad iyon kahapon eh! Oh, baka naman ikwento mo kay tita Sherry.”

“Natural popular siya sa mga babae. Gwapo kasi siya. Ikaw naman hija, maganda ka naman. Bakit ba hindi ka mag-ayos ng kaunti? Sayang ang gandang pamana ko sa iyo. How about next week, pumunta tayo sa saloon?”

May patutunguhan ba ang usapang ito? Paanong napunta na sa pagbisita sa saloon ang usapan namin? At bakit bigla ay gusto niya akong magpaganda? Masama ang kutob ko sa itinatakbo ng utak ni Mommy.

“Ah bahala ka nga mom! Nakakaasar ka eh!” Tinalikuran ko na siya at naglakad papalayo. Naririnig ko pa ang pagtawa niya habang nakasunod sa akin. Mahal ko si mommy at alam kong mahal din niya ako, pero, saan ba pwede magbenta ng ina?

MAKALIPAS ang isang linggo ay nakareceive ako ng message buhat kay daddy. Nakabalik na siya buhat sa conference na pinuntahan niya. Pinapapunta niya ako sa bahay na labis kong ipinagtataka. May problema kaya?

Nadatnan ko sila ni mom na seryosong nakaupo sa sofa.

“Oh anak. Andiyan ka na pala,” nakangiting bati sa akin ni Mommy.

“Sit down, hija,” utos sa akin ni Daddy.

Kinakabahang naupo ako sa sofa na katapat nila. “Dad, b-bakit po?”

“Ashley, I am aware of your breakup with that boyfriend of yours,” simula ni dad. Bakas ang disappointment sa kaniyang mukha. May kakaibang kirot sa puso ko sa tuwing makikita ang reaksyon niyang iyon.

Naalala ko noong araw na ipakilala ko si Ryan kay dad. He obviously liked Ryan due to his family status and career. Sa kauna-unahang pagkakataon, pakiramdam ko ay may nagawa akong ikinatuwa niya. Siguro dahil doon kaya lalo kong minahal si Ryan. Isa siya sa mga maipagmamalaki ko sa pamilya. Lahat kasi ng ginagawa ko noon ay ang sumunod lang sa yabag ni Ate Eloise. Simula sa mga achievements sa school hanggang sa trabaho. Lahat ng accomplishments ni ate, pinilit kong abutin. Kahit napapagod na ako kahahabol sa kaniya.

Sa kabila ng mga tagumpay ko, pakiramdam ko kulang pa rin para kay daddy. I have matched all of my sister's accomplishments, yet I still feel that my father is dissatisfied. Si ate lang ang pinupuri niya, habang ako ay sinasabihan niya ng mga pagkukulang ko. Ngayon nga ay alam na ni daddy na hiwalay na kami ni Ryan. Si Ryan na lang ang meron ako na ikinatuwa niya, pero hindi ko pa nagawang mag-stay.

“Pinagbigyan ka naman namin na gawin mo ang gusto mo, pero ngayon ay kailangan na naming makialam. Kapag hinayaan ka lang namin, siguradong mapupunta ka na naman sa mga walang kwentang lalaki.”

Kunot-noong sinulyapan ko si mommy na noon ay naging malikot ang mga mata. Ipinatawag ba nila ako dahil sa hiwalayan namin ni Ryan? Hindi maganda ang pakiramdam ko sa pagpapatawag ni dad sa akin dito.

“D-Dad, w-what do you mean?”

“Anak mahalaga ka sa amin at hindi namin gusto ang nakikita naming sitwasyon mo ngayon dahil sa hayop na lalaking ‘yon! Ang totoo ay nakukulangan ako sa lalaking ‘yon, tapos siya pa ang may ganang magloko sayo? Kaya napag-usapan namin ng mommy mo na ipagkasundo ka sa anak ng kaibigan namin.”

“Ho?” malakas na tanong ko at napatayo. “Anong ibig nyong sabihin?”

“The Torres family has a solid reputation. They own hundreds of jewelry businesses across the country. At ang kanilang panganay na anak, he is starting to make a name for himself in the construction industry—”

Sa bawat katagang binibitawan ni daddy, unti-unting umaahon ang galit ko at nanginginig ang buo kong katawan. Kung makapagsalita sila, parang simpleng bagay lang ang kasal! Paano nila nagagawa sa akin ito? Para bang wala akong pakiramdam para sa kanila.

“No dad! Hindi ako magpapakasal sa kung sino mang lalaking sinasabi mo!”

“Ashley Nicole,” simula ni Daddy. Tinitigan niya ako, iyong klase ng tingin na hindi ko kayang tagalan. Iyong klase na mapapasunod ako sa gusto niya dahil alam kong hindi siya magpapatinag. “I am not asking for your approval. Magpapakasal ka kay Nathaniel whether you like it or not.”

Lalo akong nangilalas sa narinig. “Nathaniel Torres?”

Agad akong napasulyap kay mommy na bakas ang guilt sa mukha. Sinasabi ko na nga ba!

“H-Hija, iniisip lang namin ang makabubuti sayo—”

“I can’t believe you mom!”

Hindi ko alam kung paano ilalabas ang galit nang hindi nagiging bastos at walang galang sa kanila. Marahas kong dinampot ang bag na dala at walang salitang lumabas ng aming bahay. Napansin ko pa ang ilang katulong na nakamasid sa akin. Malamang na narinig nila ang mga sigaw ko sa sala. Inis na sumakay ako sa kotse.

Hindi ako papayag na pakialaman nila ang buhay ko! Lalo na ang makasal sa Nathaniel na iyon!

Biglang bumalik sa ala-ala ko ang tagpo nila ni Mary Rose sa library at agad tumirik lahat ng balahibo ko sa katawan.

No way! Hindi ang babaerong iyon ang pinapangarap kong makasama!

Mga Comments (15)
goodnovel comment avatar
Wilma Llona
ganun talaga Ang mayaman nag pipili Ang magulang kung sino pakasalan kahit Hindi mo Siya gusto... baka magbago si Nathan sayo Ashley pag kinasal na kayo
goodnovel comment avatar
MaristellaMonterde
kung pwede nga lang mgbenta ng magulang tiyak ikaw ung nangunguna sa pila Ashley..Hays bkit kasi nagmamadali kyong mag asawa na siya ..Bkit kayon mayayaman puro yaman nlang iniisip pati buhay ng anak pinakikilaalaman
goodnovel comment avatar
Russell Alabado
maharot din tong mommy mo ashley eh.....marites din........baka nmn magbago si nathan pag naging mag asawa na kayo
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status