Share

Chapter 5

Ako buntis? Paano? Oo nga pala, wala nga pala kaming proteksyon ng gabing iyon. Hindi ko naisip na baka ma buntis ako. Ngunit hindi pwede... Hindi ako pwedeng mabuntis. Kauumpisa ko palang na patunayan ang sarili ko sa mga magulang ko na malayo rin ang marating ko balang araw, ngunit bakit na udlot na naman?

Paano na ako? Paano ang batang nasa sinapupunan ko? Ayoko naman na wala ang batang ito. Wala siyang kasalanan. Hinarap ko si Inay na may takot sa mukha.

"Buntis ka ba? "

Hindi ko magawang sumagot. Hindi ko alam ang isasagot. Wala naman akong nararamdaman na kakaiba sa akin maliban lang sa paglaki ng balakang at boobs ko. Ngayon lang ako nagsuka. Ngayon ko lang hindi nagustuhan ang luto ni Inay gayong paborito ko ang ginataang langka.

"Buntis ka?! " pagalit na tanong ni Itay na kakalabas ng kanilang silid.

Nakatayo lang ako sa tabi ni Inay, kinakabahan, natatakot kay Itay.

Napahawak ako sa aking pisngi nang sampalin niya ako.

"Warlito!" hiyaw ni inay at dinaluhan ako.

Nakayuko, nakahawak lang ako sa aking pisngi pinipigilan ang pagpatak ng luha ko.

Malakas siyang napasinghap sa pagkadismaya. "Wala ka nang narating nagpabuntis ka pa! Wala ka ngang maipagmalaki sa akin tapos heto, malaman namin ng inay mo na buntis ka? Nasaan ba ang utak mo?! "

"Warlito... " saway ni Inay sa kanya.

"Ang bobo mo na nga ang tanga mo pa! Sa inyong tatlo na magkapatid ikaw ang inaasahan ko. Dahil panganay ka! Pero ano? Ikaw pa itong walang narating! "

"Warlito, tama na.. "

"Hindi! " dinuro niya ang sintido ko. "Paano ako maging proud sayo kung ikaw mismo puro kadismayaan ang binibigay mo!"

Tama siya, puro kadismayaan lang ang binibigay ko sa kanila. Hindi ko lang akalain na ganito ka sakit na marinig sa mismong bibig niya. Tanggap ko na ang katotohanan. Hindi na niya iyon kailangan ipagdiinan sa akin dahil subrang sakit sa dibdib.

Hinahagod ni Inay ang likod ko nang makitang tahimik akong umiiyak. Si Itay humahangos sa galit at pagtitimpi na saktan ako.

"Ipakilala mo sa amin ang ama ng anak mo, " mariin na sabi ni Itay. "Dahil wala kang maaasahan na tulong galing sa akin. Tapos na ang obligasyon ko sayo bilang ama. Kung wala kang maipakilala sa amin, magpakaina at ama ka sa anak mo na mag-isa. Sana nag-isip ka bago mo naisipang magpabuntis... " aniya at umalis.

"Tahan na. Makasama sa iyo 'yan, " pagpatahan ni Inay panay hagod sa likod ko. Pinaupo niya ako sa upuan at niligpit ang pinagkainan namin. Nagsalin siya ng tubig sa baso at inabot iyon sa akin.

"Patawad 'Nay... "

"Hindi kita pipilitin na magsabi kung ano ang nangyari sayo. Hihintayin ko kung handa ka ng sabihin iyon. Sa ngayon, alagaan mo ang sarili mo. "

Pumasok parin ako sa trabaho ng araw na iyon. Hindi ko alam ang gagawin ko. Paano ko sasabihin sa mga magulang ko na isang beses ko lang nakasama at nakilala ang taong nakabuntis sa sakin? Pangalan lang niya ang alam ko. Hindi ko rin alam kung saan siya hagilapin upang sabihin sa kanya na nagdadalang-tao ako.

Natatakot akong sabihin sa mga magulang ko ang dahilan kung bakit nabuntis ako. Ayaw kong dagdagan ang hinanakit nila. Baka sa huli ako pa ang masisi ni Itay. Sasabihin na naman akong tanga at bobo.

Hindi na ako nanibago na parang hangin lang ako kay Itay. Dahil noon pa man ganito na siya sa akin. Nagpapasalamat ako dahil kahit papaano nandito si Itay gumagabay at umaalalay sa akin sa pagbubuntis ko.

Kaya lang tinanggal ako sa trabaho nang malaman ng may-ari na buntis ako. Para raw sa kaligtasan namin ng anak ko baka may mangyari sa akin habang nasa trabaho ako. Kaya namoroblema ako dahil wala na akong pagkakitaan. Ngayon pa talaga na buntis ako nawalan ng trabaho.

Sinubukan kong maghanap ng ibabg trabaho. Baka sakaling tumatanggap sila kahit na buntis ako. Pero laglag ang balikat na umuwi ako ng bahay. Walang may tumanggap sa akin dahil natatakot sila sa responsibilidad kung sakaling may mangyaring masama sa akin habang nagtatrabaho. Naintindihan ko naman sila. Nagbabakasakali lang ako na baka pwede pa.

"Hindi ka papasok sa trabaho? Masama ba ang pakiramdam mo? " nag-alala na tanong ni Inay nang makalabas ako ng silid na naka pambahay lang.

Tumungo ako sa kusina na karugtong ng aming maliit na sala at nagsalin ng tubig sa baso at ininom iyon. "Wala na ho akong trabaho, Nay. " sabi ko sa mahina na boses.

Wala akong narinig na salita galing sa kanya. Nakatalikod ako kaya hindi ko makita kung ano ang reaksyon niya. Isa lang nasisiguro ko, dismayado rin siya. Bago pa tumulo ang luha ko naglakad na ako pabalik sa kwarto ko. Hindi niya ako pinigilan at inalok na kumain ng agahan.

Ang sama ng loob ko sa aking sarili. Dismayado sa lahat ng nangyayari sa buhay ko. Gusto kong magwala, magsumigaw sa subrang sama ng loob na nararamdaman ko ngayon. Naninikip ang dibdib ko sa pagpigil na kumawala ang hikbi ko baka marinig nila.

Ilang minuto na tahimik na umiiyak wala akong narinig na ingay sa labas. Hindi ako nakaramdam ng gutom kaya hindi ako lumabas at nahiga nalang hanggang sa dalawin ako ng antok.

Ang ganitong eksena ay umabot ng dalawang linggo. Hindi ako makaharap sa mga magulang ko sa hiya na naramdaman. Palamunin na nga ako wala pang ambag. May pera pa akong natira galing doon sa bigay ni manager sa akin at sa huling sweldo ko. Hindi ko iyon ginalaw dahil para iyon sa pagbubuntis ko.

"Aanihin na ang mais, Warlito. Kailangan ko ang tulong mo."

Dinig kong sabi ni Inay. Simula nang mamatay ang dalawa kong kapatid hindi na nagtrabaho si Itay sa maisan. Hindi na niya ito dinadalaw araw-araw upang tignan iyon kagaya nang dati na buhay pa ang mga anak niya. Si Inay nalang ang pumaparoon upang tignan ang sitwasyon ng maisan. Kung hindi siya tutulungan ni Itay baka maabutan siya ng paparating na bagyo at ikasira iyon ng pananim.

Lumabas ako ng silid at naabutan ko sila sa harap ng hapag kainan. "Tutulong ho ako, Nay.. "

"Buntis ka-",

"Hindi naman mabigat yun, Nay. Titigil ho ako kapag hindi ko na kaya. "

Napabuntonghininga nalang siya sa kagustuhan ko. Sumabay ako sa kanila sa pagkain. Pagkatapos pumunta na kami sa bukirin. Pinipilit kong huwag mag damdam nang bumalik sa aking alaala na magkasama kaming magkapatid na nagkukulitan at nag-aasaran.

Sumilong ako sa punong manga. Dito lang raw ako sabi ni Inay. Naghakot siya ng mga pinutol na mais at dinala sa akin upang balatan iyon. Silang dalawa ni Itay doon sa dulo nag umpisa.

Mabagal ako magbalat dahil hindi ako sanay. Nagkapaltos pa ang kamay ko dahil hindi ako maalam ano ang gagawin. Hindi naman kasi pwede na hindi ko sila tutulungan.

Nang magtanghali nakalahati ko na ang akin. Sabay rin kaming tatlo na tahimik na kumain. Pagkatapos mananghalian bumalik kaagad sila sa pag ani.

Pagod na pagod ako pagka uwi sa bahay. Pagkatapos maghapunan nakatulog ako kaagad. Tanghali na ako nagising. Wala na sila Inay. Kumain ako ng agahan bago sumunod sa kanila. May nakatambak ng pinutol na mais doon.

Si Inay ang nag aani at si Itay ang taga silid ng mga mais sa sako. Apat na araw ang lumipas malapit na naming matapos. At talagang sinuwerte kami dahil marami kaming na ani sa kalahating ektarya na maisan.

Hapon na. Patuloy parin si Itay sa pagsisilid dahil makulimlim ang kalangitan. Si Inay tinulungan ako. Kapwa kami nagtaka ng humahangos si Itay at galit na galit at malaki ang hakbang papunta sa kinaroroonan namin.

"Papatayin ko ang Juancho na yun!"

Sambit ni Itay. Ang kanyang mga mata nag aapoy sa galit. Mabilis na tumayo kami ni Inay nang magtuloy-tuloy sa paglakad si Itay pauwi sa bahay.

"Warlito, " nag alaala at taranta na tawag ni Inay ngunit hindi siya nito.

Nang makarating sa bahay nadatnan namin na hinahanap ni Itay ang kanyang itak. At lahat ng kanyang mahahawakan binabalibag niya sa subrang galit na naramdaman.

"Ano bang nangyayari sayo, Warlito!" nanginginig ang boses ni Inay. Natatakot siya sa inasta ni Itay.

"Ang Juancho na yun ang pumatay sa mga anak ko!" saad nito na puno ng hinanakit. "Ito ang patunay, " tukoy niya sa itim pitaka na kanyang bitbit. "Sa kanya 'to. Narito ang lahat ng katibayan niya. "

"Pero hindi sapat na ebidensya yan, Itay, " hindi ko napigilan na sumagot.

Matalim ang tingin na bumaling siya sa akin. "Ano pa bang ebidensya ang gusto mo, ha?!"

" Anak yun ng mayor, 'Tay. Mayaman yun. Kung iyan lang ang ebidensya ang ipakita natin malamang madali lang yan nilang malusutan iyan. "

"Ang sabihin mo ayaw mo lang mabigyan ng hustisya ang mga kapatid mo! Eto na oh! Hustisya na ang lumalapit tapos iyan ang sasabihin mo sa akin? Ang kontrahin ako? Sino ka ba sa inaakala mo? Sa ayaw at sa gusto niyo ilalaban ko ang hustisyang nararapat para sa mga anak ko! "

"Ikaw ang inaalala ko, 'Tay, " nabasag ang boses ko ngunit sinikap kong hindi maluha sa harap niya. "Maari ka nilang baliktarin. Maari ka nilang kasuhan dahil sa pag-akusa mo na walang sapat na ebidensya. Baka anong gawin nila sayo. "

"Tama ang anak mo, Warlito, " sagot ni Inay na ngayon ay lumuluha na.

"Baka patayin ka rin nila katulad sa mga kapatid ko-, "

"Mas mabuti nga iyon!" sigaw niya. "Ang mamatay ako na ipinaglaban ang hustisya nila. Dahil araw-araw rin akong namamatay kung wala akong gagawin! Mga anak ko yun-, "

"Anak mo rin ako, Tay. Nag alala ako para sayo. Gusto ko rin ng hustisya para sa mga kapatid ko. Pero kung iyan lang ang panghawakan natin hindi tayo mananalo, " pinahid ko ang luha na pumatak sa mga mata ko. "Pero kung iyan ang gusto mo, sige ho, tutulungan ka namin. Sasamahan ka namin kay Juancho. Hindi mo kailangan na mag-isa para sa hustisya na pinaglalaban mo. Nandito kami ni Inay, Tay."

Kung si Juancho nga ang may gawa nito sa mga kapatid ko, nasisiguro ko na hindi kami mananalo. Madali lang nila malusutan kung iyon lang ang ebidensya na hawak namin. Maimpluwensiya silang tao samantalang kami isang mababang nilalang lang.

Gusto ko rin mabigyan ng hustisya ang mga kapatid ko. Gusto kong malaman kung bakit nila iyon ginawa sa mga kapatid ko. Anong kasalanan nila? May atraso ba kami sa kanila?

Nang gabing iyon pumunta ako kung saan inilibing ang mga kapatid ko. Inilapag ko ang santan na bulaklak na pinitas ko sa bakuran namin. Nagsindi ako ng kandila sa kanilang dalawa.

"Pasensya na kung ngayon lang ulit ako nakadalaw sa inyo. Miss na miss na kayo ni ate, " pumiyok ang boses ko at nag unahan na pumatak ang mga luha ko. "May pamangkin na kayo. Sayang lang dahil hindi niyo siya masisilayan" hinaplos ko ang kanilang lapida. "Hangad namin ang hustisya para sa inyo. Pero hindi namin alam kung paano iyon makuha. Tulungan niyo kami, Maureen, Beatriz. Alam ko nasa mabuting kalagayan na kayo ngayon. Pero si Itay hindi matahimik, hindi kami matahimik hangga't hindi napagbayaran ng taong iyon ang ginawa nila sa inyo. "

Para sa mahirap na katulad namin mahirap makuha ang hustisya na hinahangad namin. Sa abogado palang wala na kaming sapat na pera. Kung tatanggap kami ng libre hindi rin kami papansinin kaagad. Para sa mahirap na katulad namin wala kaming matakbuhan na mahingian ng tulong. Swertehan lang kung may maawa sa inyo at hindi nababayaran ng pera ang kanilang dangal at prensipyo.

Alas otso ng umaga pumaroon kami sa bahay ni mayor para kausapin ang anak niyang si Juancho. Ngunit wala doon ang binata. Hinarap kami ni Mayor Sandres na may pagtataka sa mukha bakit hinahanap namin ang anak niya.

"Magandang araw sa inyo. Anong mayroon at hinahanap niyo ang anak ko?" aniya.

"May itatanong lang sana ako sa anak ninyo, Mayor. " sagot ni Itay nakakuyom ang kanyang kamao.

Isinuksuk ng mayor ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa at umayos ng tindig. "Maari ko bang malaman kung ano ang itatanong niyo sa kanya? "

"Tungkol sa pagkamatay ng dalawa kong anak, " derestang sagot ni Itay.

Biglang nag iba ang ekspresyon ng mukha ni mayor. Kita ko ang pag igting ng kanyang panga at ang mariin nitong paglunok. Sumeryoso ang kanyang mukha ngunit mababalas roon ang galit.

"Naikuwento kasi ng anak kong si Maureen na nanliligaw ang anak ninyo sa anak ko. Kaya ako pumarito dahil may itatanong ako sa kanya, " saad pa ni Itay.

Magsalita sana si mayor nang may dumating na sasakyan. Huminto iyon sa harapan namin. Tumangis ang ngipin ni Itay nang lumabas doon si....Juancho.

.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status