Share

Kabanata 3 Layas

SINISTER'S POV:

Nagising ako sa lamig ng aircon na siyang lumulukob sa aking katawan kaya naman iminulat ko ang aking mga mata ngunit ganun na lamang ang gulat ko nang mabungaran ang braso ng isang lalaki na nakadantay sa aking tyan.

Sinundan ko ng tingin ang braso nito patungo sa katawan nito ngunit nakadapa itong natutulog at nasa gawing kaliwa nakaharap ang mukha nito kaya hindi ko makita ang itsura nito.

Marahan kong inalis ang kanyang braso at saka walang ingay na bumangon mula sa kama at napapikit ako nang makita ang mantsa ng dugo sa kama.

"Ano na namang katangahan ang ginawa mo kagabi Sinister Creige!?" bulong ko sa aking sarili. Umalis ako mula sa kama at hinanap ang damit ko at nang makuha ko 'yon, agad akong nagbihis at kinuha ang pouch bag na pagmamay-ari ko at saka ako lumabas ng kwarto at kumaripas ng takbo papuntang elevator.

Nang makapasok ako ay agad akong napasandal sa pader ng elevator at parang gusto kong iuntog ang ulo ko dahil sa katangahan. Ni wala akong maalala sa nangyari sa akin kagabi ngunit sigurado akong naisuko ko ang sarili ko sa lalaking 'yon dahil sa mantsa na naiwan sa kama mula sa akin.

Malaking problema na nga ang kakaharapin ko, nadagdagan pa nang isuko ko ang kayamanan ko sa estrangherong tulad niya ngunit saka ko na lamang iisipin 'yon dahil uunahin kong magpakalayo-layo at magtago mula sa pamilya ko.

Nang huminto ang elevator sa mismong ground floor ay agad akong lumabas at tinahak ang daan hanggang sa makalabas ako ng building. Tiningala ko pa ang gusali at nakita ko ang pangalang Fullentes Hotel dahilan para mapangiwi ako.

Fullentes ang isa sa mga kakompetensiya ng Creige Corp at walang sinuman ang nakakatalo sa Fullentes.

Iwinaksi ko na lamang sa aking isipan ang pangalan ng gusali at saka ako nagpara ng taxi at sumakay doon at nagpahatid papuntang bus terminal. I want to go somewhere where no one knows who am I and this will be my crucial decision in my life.

Ito ang unang beses na maglalayas ako mula sa aming bahay at wala na akong pakialam doon. Ang gusto ko lang ay makalaya mula sa toxic mindset ng aking pamilya at gusto kong mamuhay nang mag-isa.

Nang marating ko ang bus terminal. Agad akong nagbayad kay Manong at mabuti na lamang ay meron pa akong natitirang cash. Paglabas ko ng taxi, agad akong dumiretso sa malapit na ATM machine at kinuha ang laman ng cards ko bago ko 'yon itinapon sa malapit na basurahan dahil sigurado akong gagamitin 'yon ni Mommy para mahanap ako.

Matapos kong mag-withdraw, pumasok ako sa isang ukay-ukay at bumili ng isang tshirt, pantalon, sapatos at ilan pang kagamitan na pwede kong magamit sa oras na umalis ako ng Maynila. Nang masiguro kong maayos na ang lahat, agad akong sumampa sa isang bus papuntang probinsiya.

"O, Buenavista! Buenavista kayo dyan!" rinig kong sambit ng konduktor sa ibaba ng bus. Pinili kong pumwesto sa pangdalawahan sa pinakadulo ng bus at naupo ako sa malapit sa bintana at saka niyakap ang bag na naglalaman ng ilang pirasong damit, undies at pera na huling alas ko upang makalayo sa lugar na ito.

Nang mapuno ang bus, agad na umandar ito at saka unti-unting umalis mula sa terminal at nagsimula na ring maglibot ang konduktor para humingi ng bayad. Hindi ko naman alam kung saan ang lugar ng Buenavista ngunit wala na akong pakialam doon dahil ang gusto ko lang ay makalayo.

"Saan ka ineng?" ani ng konduktor.

"Sa Buenavista ho," sagot naman ng katabi ko kaya ginaya ko na lang din siya.

Nang makaalis ang konduktor ay agad kong isinandal ang aking likod sa sandalan ng upuan at napabuga ako mula sa malalim na paghinga. Ngayon pa lang ay kinakabahan na ako sa pwedeng mangyari sa akin sa lugar na pinili ko lalo na't hindi naman ako sanay sa buhay na pipiliin ko. Ang alam ko lang naman ay magwaldas ng pera at magpakasaya mula hapon hanggang umaga.

"Ang lalim yata ng hugot mo?" sambit sa akin ng katabi ko kaya naman napalingon ako rito.

Mula sa buhok nitong nakapusod, simpleng puting tshirt, denim jeans at sapatos. Ang kulay ginto na mga mata nito ang mas nakaagaw ng atensyon ko.

"Medyo lang. Tinakasan ko kasi ang magulang ko dahil gusto nila akong ipakasal sa mas matanda sa akin para maisalba ang papalugi naming kompanya," sagot ko.

"Hirap sa mayayaman ay ginagawang asset ang mga anak. Ni hindi nila naisip na may damdamin rin naman kayo at sariling desisyon sa buhay."

Tama siya. Hindi man pare-pareho ang mind set ng ibang tao, sadyang naipit lang kami sa sitwasyong malapit nang lumubog ang kabuhayan na matagal nang naipundar mula pa sa aking kanununuan na tanging pamana sa aming angkan.

"Oo, kaya wala kaming choice kundi ang sundin ang gusto nila but that won't apply to me. Kaya nga nandito ako sa bus para takbuhan ang responsibilidad na hindi naman naangkop sa bagay na gusto ko."

Maraming pagpipilian ang pwede kong gawin. Una, suwayin ang gusto ng mga magulang ko. Pangalawa, pwede ko silang pakiusapan na huwag akong ibenta at pangatlo, ang maglayas na lang at piliin ang tahimik kong mundo. Syempre, pipiliin ko ang huli kaysa ang una at pangalawang pagpipilian ko.

Hindi ako tanga na basta na lang magpapatali sa taong wala akong kasiguraduhan kung mamahalin at aalagaan ba ako?

"May mga bagay kasi talaga na dapat ay bigyan ng limitasyon ngunit ang nakikita ko sa estado ng buhay mo ay tila sapilitan kang ipapakasal sa taong hindi mo naman mahal?"

Napalingon ako sa labas ng bintana habang tinatahak ang daan patungong probinsiya.

"Paano ko naman mamahalin ang isang lalaking mas doble pa ang taon ng edad sa akin?" mapaklang wika ko.

"Biyudo ba?" pang-uusisa nito.

"Oo, eh. Tyaka yung mga anak niya halos kaedad ko lang," nakangiwing sagot ko.

"Ang malas mo naman."

Natawa na lang kaming pareho sa kanyang tinuran at dahil magaan ang loob ko sa kanya naglakas loob akong magtanong.

"Ano nga palang pangalan mo?"

"Tres Encarnacion," aniya.

"Ako naman si Sini-- I mean, Sin Evangelista," pagpi-peke ko sa aking pangalan.

"Parang makasalanan ang pangalan mo, ah? Hindi ka pa ba kinukuha ni Satanas?"

Pagak akong tumawa. "Gaga! Hindi ako tatanggapin ni Satanas sa teritoryo niya."

Nagtawanan na lang kami ni Tres at mabilis kaming nagkapalagayan ng loob at puro kwentuhan ang inatupag namin hanggang sa marating namin ang mismong lugar na tinahak ng bus na aming kinalulunaran.

"Saan ka na niyan?" usisa ni Tres nang makababa kami ng sasakyan.

"Uhm, maghahanap siguro ako ng bahay na pwedeng rentahan? Alam mo namang naglayas ako," nakangiwing sambit ko.

"Sa amin ka na lang tumuloy," walang kagatol-gatol na wika nito.

"Ha? Sigurado ka ba?"

"Psh! Tara na. Ako lang ang kakilala mo rito sa Buenavista at isa pa alam ko ang kwento ng buhay mo kaya halika ka na."

Bago pa man ako makatutol, hinila na ni Tres ang aking braso at saka kami sumakay ng tryasikel papunta sa mismong baryo nila. Ito ang unang beses na sumakay ako sa mga pampublikong sasakyan dahil puro taxi at grab lang naman ang inaatupag ko noon.

At dahil si Tres nga lang ang kilala ko ay hinayaan ko na siya hanggang sa huminto ang traysikel sa isang maliit ngunit konkretong bahay kaya naman nagbayad na ang babae at saka ako hinila palabas.

"Ate!" sigaw ng isang binatilyo na siyang sumalubong sa amin kaya naman napangiti ang kasama ko.

"Quatro, nandyan ba si Nanay?" ani ni Tres.

"Opo. Pati sina Kuya Uno at Kuya Dos kasama ang pamilya nila," bumaling ang atensyon sa akin ni Quatro at saka nito tinignan ang kapatid. "Ate, sino siya?"

Lumingon sa akin si Tres. "Sin Evangelista, kapatid ko nga pala si Quatro. Anim kami sa loob ng bahay at ako lang at si Nanay ang babae. Tara na?"

Tinanguhan ko si Tres at saka kami naglakad papasok ng bahay at nadatnan namin ang ilang bata na naglalaro sa kanilang bakuran. Kung susumahin, simpleng bahay lamang ito ngunit malaki ang nasasakop ng kanilang bakuran. Pagpasok namin sa loob ng bahay nila ay tila moderno 'yon mula sa kagamitan hanggang sa dekorasyon kaya hindi ko maiwasang mamangha.

"Ang ganda naman ng bahay niyo," namamanghang wika ko.

"Pinagtulungan naming maipundar ang bahay na 'to sa tulong na rin ng boyfriend ko. Tara sa kwarto ko para makapagpahinga ka?" anyaya ni Tres.

"Hindi ba natin kakausapin ang Nanay mo? Baka magalit siya na nagdala ka ng estranghero sa loob ng bahay niyo?" nag-aalangang wika ko.

"Ano ka ba? Anak-mayaman ka lang pero sigurado naman akong hindi ka magnanakaw kahit na makasalanan ang pangalan mo."

Humagalpak ako ng tawa sa tinuran ni Tres at nakilala ko rin ang nanay niyang si Aling Primera at ang nakatatanda nitong kapatid na si Kuya Uno at Kuya Dos kasama ng mga asawa nito.

Ito na siguro ang panibagong buhay na tatahakin ko kasama ang pamilya Encarnacion.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status