Sa loob ng madilim at nakakatakot na kagubatan na pinasok ng alipin na si Norman ay samut-saring ingay ang sumasabay sa bawat pagtama ng kaniyang mga paa sa malamig na lupa, tumatakbo siya papalayo sa humahabol mula sa kaniyang likuran. Nangyari pa na nadapa siya sa sobrang pagmamadali at pagkataranta, kailangan nga naman niyang magmadali upang hindi maabutan ng mga guwardiya galing sa tahanan ng mayaman niyang pinagsisilbihan, ang pamilya Artemio.
Wala siyang nai-suot na sapin sa paa nang umalis sa malaking bahay. Pinagbintangan siya ng matandang abogado ng pagnanakaw sa nawawala nitong salapi sa kaniyang sasakyan.
Alam niya sa kaniyang sarili na wala siyang ginawang masama. Noon pa man ay pinapahirapan na ng pamilya Artemio ang kaniyang lipi. Ang kuwento pa sa kaniya ng kaniyang ama ay nagsimula ang sigalot sa dalawang partido nang akusahan ng angkan ng De La Cruz ang pamilya Artemio ng pang-aabuso sa kaniyang lola Felicidad. Napasok sa kahihiyan ang mayamang pamilya kaya naman sa lubos na galit ay itinuon ng mga ito ang kanilang mga mata sa pamilya De La Cruz. Inalipin at pinahihirapan sila ng mga ito na kahit lumipas na ang daang taon ay hindi pa rin naputol ang pang-aapi sa kanila.
Dumamba ang pagkagulat sa dibdib ni Norman nang marinig ang paglakas ng sigaw ng kabayo na kanina pa umuusig sa kaniya. isa lamang ang ibig sabihin niyon, papalapit na rin ang kalaban.
Naisipan niyang magtago sa itaas ng matayog na puno, ngunit sa kasamaang palad ay natanaw niya kaagad ang isang makamandag na ahas na nakapulupot sa isang sanga nito. Kaya naman kahit hinahapo na ay nagpatuloy pa rin siya sa pagtakbo.
Punas ng pawis sa noo, sa leeg at sa may batok.
Kailangan niyang mas maging alerto at maliksi, kilala niya ang batang Artemio na iyon, tiyak na hindi ito titigil hanggat hindi siya matutugis.
Tumalon si Norman sa pagitan ng isang nakausling sanga at iniyukyok ang sarili sa likuran ng isang may makapal at matatas na damo. Mas lalo kasing lumakas ang halinghing ng mga kabayong kina-a-angkasan ng mga guwardiya.
PInigil niya saglit ang kaniyang paghinga, tinakpan ang bibig at ipinikit ang mga mata.
Lumakas nang lumakas ang ugong galing sa lupa, tila napakaraming paa ng kabayo ang humahabol sa kaniya.
Dug. Dug.
Ragasa ang kaba sa kaniyang dibdib, pakiramdam niyang doon magkakarera ang mga kabayong kanina pa siya sinisilo.
'Kumalma ka Normal, alalahanin mo na uuwi ka pa sa piling ng iyong mahal na asawa.' Pilit niyang pinapakampante ang kanyang sarili.
Naghintay siya na makarating ang kumpol ng guwardiya at dumaan sa kaniyang gawi at saka siya lalabas sa kaniyang pinagakukublian.
Panting.
Bahagyang sumilip si Norman sa daan na nasa awing likuran niya. Nasaksihan nga niya ang pagdaan ng walong guwardiya na nakaangkas sa malalaking kabayo.
Doon ay naalis ang kaunting takot na kaniyang nadarama. Pumikit siya't nagpasalamat sa maykapal.
At habang pinupuri niya ang Diyos ay sumagi sa kaniyang mata ang sugat na nakuha mula sa pagkakadapla niya kanina.
'Kaya kong tiisin ang kahit na anumang sakit.' saad niya sa sarili. 'makauwi lang ako.' dugtong niya pa.
Ngunit sa hindi inaasahan na pangyayari ay gumulantang sa kaniyang pagtayo ang pigura ng isang guwadiya na nababalutan ng makapal na baluti, at sa may leeg niya ay nakatutok na ang matalim na dulo ng hawak nitong espada.
Nangatog ang tuhod ni Norman at pa-upong umaatras, halos mapunit na ang kaniyang suot na pantalong kupas sa ginagawa niya. Ilang beses siyang lumunok ng kaniyang laway sa sobrang kaba.
Isang hakbang ng paa mula sa maitim na kabayo, lumalapit ito sa kaniya, nanlilisik ang mga mata.
Dalawa.
Tatlo.
Kumilos paitaas ang kamay ng guwardiya na may hawak ng espadang nakatutok sa kaniya.
Dug. Dug. Dug.
"Nagmamakaawa ako sa inyo, wala akong ginagawang masama," pagmamakaawa niya. Talima siyang lumuhod at pinagdaop ang dalawang palad. Paulit-ulit siyang nakikipag-usap sa nakakatakot na guwardiya.
Hindi nagsalita ang matipunong lalaki, imbes ay tumalon ito sa kaniyang kabayo at lumapit sa kaniya.
"Esclavo, estás siendo castigado por robo." Malaki at buong-buo ang boses ng lalaki sa likod ng metal.
'Alipin, pinaparusahan ka sa pagnanakaw.' Iyong ang wika ng guwardiya sibil.
"Hindi, walang katotohanan ang lahat ng pagbibintang nila sa akin. Inosente ako ginoo." Naintindihan niya ang sinabing iyon ng guwardiya, pero hindi niya kayang magsalita ng 'Spanish'.
"La muerte es lo que tu jefe quiere."
'Kamatayan ang gusto ng amo mo.'
Yumuko si Norman at nagpahiwatig ng pagkadismaya sa nangyayari. Hindi niya matatakasan ang ganitong kamatayan, wala siyang sapat na kakayahan para iligtas ang kaniyang sarili.
Ipinikit na lamang niya ang kaniyang mga mata at humingi ng tawad sa mga pagkakamali na nagawa niya sa kaniyang buhay. Ngunit kasabay niyon ay ang pag-iwaj niya ng mumunting dasal sa hangin.
'Tulungan niyo ako, kung may nakakarinig man sa akin ngayon. Tulong. Gagawin ko ang lahat makaligtas lamang sa tadhana ko na ito. Oh diyos ko, magpadala sana kayo ng anghel na maaaring magligtas sa akin.'
Punong-puno ng takot at kaba ang dibdib ni Norman, napakaraming isipin ang gumugulo sa kaniyang utak ng oras na ito, at isa na roon ay ang asawa niyang si Pilomena.
Hindi na ni Norman binuksan pang muli ang kaniyang mga mata kaya naman hindi niya nasaksihan ang pagtilapon ng guwardiya patungo sa bandang likuran nito. Tila may malakas na puwersang sumipa sa ginoo papalayo sa kaniya.
At nang mamalayang wala pa ring matalas na espadang dumarampi sa kaniyang kaawa-awang katawan ay ginawa na niyang imulat ang kaniyang mga mata. Doon tumambad sa mamasa-masa niyang paningin ang isang lugar na hindi pamilyar sa kaniya.
Labis ang pagtataka sa mukha ni Norman.
Nasaan ang guwardiya sibil na tumutugis sa akin?
Nasaan ako?
Mabilis pa sa kidlat na tumayo siya't nagpalinga-linga ng tingin sa kabuuan ng lugar na kinatatayuan niya. Nalula pa si Norman nang madungawan ang bangin na kinaroroonan niya. Napakatarik niyon, siguradong mamamatay isa ora mismo na madulas siya pababa.
"Ano'ng nangyari?" usal niya. "S-sandali, ito na ba ang langit?" Nakatutok pa rin ang mga mata ni Norman sa ibaba.
"Ito ang dulo ng iyong tadhana."
Kaagad na tumugon ang kaniyang katawan sa boses na nagsalita. Ga-muntik pang madulas pa ibaba si Norman sa sobrang pagkagulat sa dalawang hindi kilalang lalaki na nakatayo sa kaniyang harapan.
"S-sino kayo?" nauutal na tanong ni Norman kasabay pang pagturo ng kaniyang isang daliri rito.
Subalit hindi inaasahan ni Norman ang puwersahang pagbaba ng kaniyang kamay ng ipitik ng isa sa lalaki ang kaniyang kqmay sa hangin. Nanlaki ang mga mata nito sa takot. Takang-taka siya sa nangyari.
"Lapastangan na alipin, ano'ng karapatan mo na duruin ang aking panginoon."
Kinilatis ni Norman ang mga kahina-hinalang lalaki sa kaniyang harapan. Bata pa ang ginoo na nagsalita kanina, kung susumahin ay nasa bente anyos pa lamang ito. Sa likuran niya naman ay nakatayo't nakapamulsa ang lalaki na matured tignan ngunit tiyak na nasa parehas na edad lamang ng nauna. Seryoso ang mukha nito, siguro'y galing sa marangyang pamilya.
"Ano'ng kailangan niyo sa akin?" muli'y tanong niya.
"Akala ko ba'y humihingi ka ng tulong? Rinig na rinig namin ang pagsusumamo mo, panira ka sa pagpapahinga ng panginoon ko."
Hindi lubos maintindihan ni Norman ang mga sinasabi nito, mas gumugulo kasi sa isipan niya kung ano ang ginagawa niya rito ngayon. Mababaliw ata siya kapag hindi nasagot lahat ng kaniyang katanungan.
"Salamangkero ba kayo? Papaano akong napunta rito? Nasaan na ang mga guwardiyang humahabol sa akin?"
"Huwag mo nang alalahanin ang mga iyon, pinatapon na namin sila sa kumukulong baga ng impyerno. At sa tanong mo kung salamangkero kami?" Tumigil sa pagsasalita ang mas batang lalaki't naglakad papalapit kay Norman. Sa takot ay bahagya niyang naihakbang ang isang paa paatras, na muntik nang maging sanhi ng kaniyang kamatayan.
"Hindi. Dahil mas makapangyarihan kami sa isang salamangkero." Puno ng otoridad at lakas ang boses nito.
"K-kung hindi, sino kayo, a-ano kayo?" Walang balak si Norman sa pagtatanong hangga't hindi siya nakakakuha ng sagot sa mga ginoong kaniyang kaharap.
Lumingon ang kausap ni Norman sa makisig na lalaki na nasa likuran nito, tila humihingi ito ng permiso upang sagutin ang itinatanong niya.
Bigla ang pag-ihip ng malakas na hangin, at kasama niyon ang pagkilos na ng lalaki nakasuot ng purong itim na kasuotan. Hindi naman siya isang prayle para sa isang kapa.
"Hindi kami magtatagal tao, ayoko lamang na may dugo na dadanak sa aking palasyo kaya ako nakinig sa idinadaing mo. Subalit ngayon na narito ka na, maaari ka ng mamatay." Kung nakakatakot ang pagsasalita ng nauna ay mas pa sa lalaki na sumunod. Napakalalim ng boses ng misteryosong lalaki, animo'y hinugot pa mula sa pinakailalim ng lupa.
Napakatalim ng pagkakatitig nito sa kaniya, halos ibaon siya ng napakitim nitong mga mata.
"M-mamatay? A-ayoko ko pang mamatay." Umiling-iling pa si Norman.
At sa oras na 'yon ay nagulantang siya nang bigla na lamang ay nasa harapan na niya ang lalaki. Nagawa na nitong sakmalin ang kaniyang leeg at bitbitin siya paangat.
Humawak si Norman sa mga kamay ng malakas na lalaki, pilit niyang inaalis ang pagkakasakal nito sa kaniya habang ang mga paa ay kumakampay na sa hangin.
Umiikot na ang mga mata ni Norman sa nadaramang pagkaubos ng kaniyang hininga. Hindi niya magawang alisin ang ugatang kamay ng lalaki sa kaniya, hindi nga ata salamangkero ang mga ito.
"'Wag kang mag-alala, tiyak naman na hindi sa impiyerno ang diretso mo." Ngumisi ito kay Norman at humakbang patungo sa bukana ng bangin.
Ng oras na iyon kasi'y dapat na mamamatay na talaga ang aliping si Norman, sumawsaw lamang ang dalawang nilalang na kasama niya ngayon.
Walang ka-emo-emosyon na tinitigan ng demonyong galing sa angkan ni Beelzebub ang lalaking hawak niya sa leeg ngayon. Kailangan niyang mapatay ang aliping tao bago pa sila matunton ng mga taga-sundo galing sa kabilang mundo at masabihan na naman siyang nangingialam sa hindi namann niya gawain. At isa pa, hindi pu-puwedeng magkaroon ng dungis ang pagtingin ng kaniyang ama sa kaniya, dahil siya dapat ang pagsasalinan nito ng kaniyang kapangyarihan at trono.
Subalit narito na naman ang tinig ng alipin sa kaniyang diwa. Nagsusumamo.
Pabalang niyang inilapag ang katawan nito, tuloy-tuloy naman ang pag-ubo ni Norman.
"Nakikipagkasundo ka ba sa 'kin?" Malamlam ang mga mata ng demonyong prinsipe, narinig niya mula sa kaniyang diwa na nais gawin ng lahat ng alipin ang kaniyang nais kapalit ng kalayaan nito.
"Nagmamakaawa ako sa inyo, b-uhayin niyo a-ako," pumiyok pa si Norman. Hindi pa rin niya naibabalik ang dating pagdaloy ng hangin sa kaniyang sistema.
"Handa akong magsilbi sa inyo kapalit ng kalayaan ko." Ngayon ay naiyukyok na niya ang kaniyang ulo pahalik sa lupang kinaaapakan niya.
"At ano naman ang maibibigay ng isang hamak na alipin lamang?" Ang lalaking kaninang unang nagsalita naman ngayon ang nagwika sa kaniya.
"Magta-trabaho ako, ipagluluto ko kayo ng makakain at lilinisan ang inyong tahanan. K-kahit ano," sagot ni Norman sa dalawa.
"Kaya kong gawin ang lahat ng iyon para sa aking panginoon sa isang pitik lamang ng aking daliri." Ipinitik nga ng ginoo ang kaniyang daliri sa ere. Agad na nagbago ang lugar na kanilang kinaroroonan. Ang kaninang matarik na bangin ay naging isang tila dambuhalang kawa na may umaapaw na baga at apoy.
At sa pagkakataon na 'yon ay napagtanto na ni Norman na hindi normal na tao ang kaniyang mga kasama. Hindi sila salamangkero, ngunit tiyak si Norman na sila'y kakaiba.
'Sugo ba sila ng Diyos?'
Isang malutong na mura ang binitiwan ng malakas na lalaking bumalibag sa kaniya. "Hindi kami sugo ng panginoon mo. Ako ay galing sa aking ama sa kailaliman ng lupa."
Nabasa nito ang nasa isipan ni Norman kaya agad niya itong binara. "Pagbibigyan kita sa iyong nais na mabuhay, kapalit ng isang kundisyon."
Nabuhayan ng lakas ng loob ang aliping si Norman kaya naman dali-dali siyang gumapang patungo sa kinatatayuan ng lalaki.
"Kahit ano, sabihin niyo lang kung ano 'yon, gagawin ko."
Ibinaba ng makapangyarihang lalaki ang kaniyang sarili upang magkatapat ang mukha nila ni Norman. Sumilay ang kakatwang ngiti sa labi nito, at ang itim nitong mga mata ay biglang nagbago at naging pula.
"Ibibigay ko ang kalayaan mo, ang kapalit ay ibibigay mo sa akin ang babae sa angkan mo. Kailangan ko ng asawa na maihaharap sa aking ama, nais kong manggaling sa lipi ng tao ang makakaisang dibdib ko."
"B-babae? Ng-ngunit wala pa kaming anak ng asawa ko."
"Wala kang kailangang ipag-alala, dahil darating ang panahon na may isisilang na babae mula sa iyong angkan. At siya ang ibibigay mo sa akin, kapalit ng iyong buhay. Pumapayag ka ba sa nais ko, alipin?"
Pinag-isipang mabuti ni Norman ang nais ng ginoo. Kung hindi siya papayag ay ngayon na matatapos ang kaniyang buhay. Kung sasang-ayon naman siya'y makakaisip pa siya ng paraan kung papaano makakatakas sa nilalang na kasama niya.
"Pumapayag ako," sagot ni Norman sa kaniya.
"Kung gayon ay mayro'n na tayong kasunduan."
Itinapat nito ang kaniya kanang kamay pahilis kay Norman. Idinaop naman ng lalaki ang kaniyang kamay rito na naging sanhi ng pagkakaroon niya ng itim na tinta sa may palapulsuhan. Parehas sila nagkaroon ng tila binuhol na laso na isinulat sa magkabilang kamay nila, at pagkaraang naglaho iyon na para bang s******p ng kaniyang balat.
"'Yan ang selyo ng kasunduan ninyo ng aking panginoon. Ang selyo ay magsasalin-salin sa bawat henerasyon ng angkan mo hanggang sa umabot sa babae na ipambabayad mo. 'Wag mong isipin na makakatakas ka, dahil hindi."
Kaagad na tumayo si Norman at yumukod sa nilalang hindi niya pa rin malaman ang tunay na katauhan.
Ang tanging alam niya na lang ngayon ay makakaalis na siya.
"Umalis ka na't huwag nang magpapakita pa sa akin, mas lalong 'wag na 'wag kang tatawag para sa tulong, dahil hindi ako lilitaw sa harapan mo, naiintindihan mo ba?" Diretsa ang tingin at wala pa ring kabuhay-buhay ang kaniyang mga titig.
Tumango-tango si Norman, napapaisip pa rin siya sa kung sadyang tunay ba ang lahat ng nangyayaring ito sa kaniya, o baka'y isa lamang iyong panaginip.
Lumakas ang ihip ng hangin, kahit na nasa itaas sila ng bangin ay umaaangat pa rin ang mga piraso ng dahon at alikabok na isinasabay ng hangin patungo sa kanila. Naitabing ni Norman ang isang braso patungo sa kaniyang mga mata. Mawawalan siya ng access sa kaniyang mga mata kapag pumasok ang kahit na kaunting gabok man lamang.
"Narito na sila panginoon, kailangan na nating makaalis."
Bahagyang isinilip ni Norman ang kaniyang mata mula sa pagkakatakip niyon, kailangan niyang makita ang bawat detalye ng mangyayari.
Tumango ang ginoo sa kaniyang kasama, at sa isang iglap nga'y nawala na sila sa matarik na banging kinatatayuan. Hindi na rin nagngangalita ng panahon, nagpalinga-linga si Norman, at saka niya napansin na nasa dulo na siya ng syudad papasok kung nasaan ang kaniyang asawa.
Manghang-mangha siya sa kaniyang nasaksihan, ni hindi niya sukat akalaing makaktagpo siya ng nilalang na may pambihirang kapangyarihan.
"Maghintay ka rito, darating ang asawa mo, umalis kayo, magpakalayo-layo at bumuo mg pamilya. Uusigin kayo ng mga guwardiya sibil at maging ng mga taga-sundo." Ang nagsalita ay ang kanang kamay ng ginoong nababalutan ng itim na kasuotan.
Nakatitig lamang siya rito habang nagsasalita, pinapakinggang mabuti ang direksiyon nito sa kaniya.
"Kunin mo ang salapi sa ilalim ng isang punong Narra isang kilometro ang layo rito. Makikita mo ang ahas na ang nagbabantay sa itaas ng punong iyon, humingi ka ng pahintulot at sabihin iyon ay utos ng kaniyang amo."
"M-maraming salamat po, mga ginoo. Gagawin ko ang lahat upang makapagsimula ng bagong buhay. Salamat po." Labis na umaapaw ang galak sa kaniyang puso. Maluha-luha pa ang mga mata ni Norman na nagpapalit-palit ng tingin sa dalwang nilalang na kanina pa niya kasama.
"Tandaan mo ang kasunduan natin, babalik ako upang maningil ng dapat ay para sa akin." Ngayon ay ang makapangyarihang ginoo naman ang nagsalita. Nakatanaw na ito sa malayo.
Yumukod lamang siya upang maipakita ang paggalang at pasasalamat sa mga ito. Akmang paalis na rin sila ng biglang maalala ni Norman na itanong ang kanilang pangalan.
Ang mas batang lalaki ay hindi sumagot sa itinanong niya, ngunit ang isa'y tumigil at nilingon siya, ibinuka nito ang kaniyang bibig at nagwika.
"Joaquin, ang prinsipe ng impyerno."