Share

Chapter 4

“Dra. Villareal, kailangan talagang ikaw ang magsagawa ng operasyon. Wala tayong oras na dapat sayangin. Buhay ng bata ang nakasalalay rito,” muling pakiusap kay Stacy ni Dr. Medina. 

“Ano po ba kasing trip ng lalaking ‘yon at siya ang namimili ng mag-oopera sa anak niya gayong may naka-assign na?” inis na tanong ni Stacy. 

“Hindi ko rin alam. Pero kailangan natin siyang sundin. Nagbanta na siyang babawiin niya ang shares niya sa ospital kapag hindi ikaw ang naging doktor ng anak niya. Kapag nangyari ‘yon, hindi kakayanin ng ospital na makapaghanap agad ng kapalit niya.”

Kita sa itsura ni Dr. Medina ang stress dahil sa pabor ni Diether. Pati ito ay hindi maintindihan kung anong nasa isip ng negosyante. Nagawa nitong ilagay sa panganib ang anak niya para sa walang kakwenta-kwentang dahilan. 

Nang marinig ni Stacy ang pagbabantang ginawa ni Diether ay lalong nagpuyos ang kaniyang galit. Sa isip niya, iba na talaga ang takbo ng isip ng mga mayayaman. Akala nila ay makukuha nila ang lahat ng gusto nila sa pamamagitan ng pera. 

Pilit niyang kinalma ang sarili at inisip ang magandang rason para sundin ang pabor ng aroganteng bilyonaryo na ‘yon. Una, itong hospital na ito ang pangarap niyang pagtrabahuhan noon pa man. At pangalawa, buhay ng isang inosenteng bata ang nakasalalay rito. Napagtanto niya rin kasi na anoman ang naging atraso sa kaniya ng mga magulang nito ay hindi niya pa rin dapat idinadamay ang bata sa mga ‘yon. 

Kaya naman hindi na nag-aksaya pa si Stacy ng panahon at naghanda na para sa operasyon. Nang makarating siya sa operating room ay nakahanda na ang lahat. Naaawa siya sa bata dahil sa sinapit nito. Ang dami nitong natamong sugat at marami rin siyang natamong bali sa buto. 

Paano ito nangyari sa bata? 

Napakapabaya naman ng mga magulang nito. Ani sa isip ni Stacy. 

Naging matagumpay ang operasyon makalipas ang ilang oras. Nailipat na rin sa isang private room ang bata. Makalipas ang ilang sandali ay binisita ito ni Stacy para i-check ang kalagayan niya. 

Mabuti na lamang at ang bodyguard lang nagbabantay sa bata ngayon. Pagkapasok niya pa lang ng silid ay nakita niya na si Axel na mahimbing na natutulog. Maayos na ang itsura nito kaysa kanina kung saan punong-puno siya ng dugo. 

Habang papalapit ay unti-unting kumunot ang noo ni Stacy. Dahan-dahan siyang lumapit sa gilid ng kama nito. At nang isang metro na lang layo niyo mula rito at napatutop siya sa kaniyang bibig. 

Hindi niya tinitigan nang maayos ang mukha ng bata kanina habang inooperahan niya ito dahil mas nakapokus siya sa paggamot sa mga natamo nitong sugat. At isa pa, punong-puno pa ng dugo ang mukha niya kanina.

“P-Paano?” Halos walang boses na lumabas sa kaniyang bibig. 

Akala niya ba ay anak nina Diether at Jane ito? 

Pero bakit kamukhang-kamukha ng batang ito ang isa niyang anak na si Athena?

Limang taon na ang nakalipas…

“Maraming salamat, dok. Salamat po sa pagtulong sa ‘kin. Tatanawin ko pong utang na loob ito,” iyak ni Anastacia kay Santi. Ito ang naging kasabwat niya sa plano niyang pagtago sa kambal niya. 

Nang malaman ni Anastacia ang balak na pag-angkin nina Diether at Jane sa anak niya pagkatapos niya itong iluwal ay kaagad na may namuong plano sa kaniyang isipan. Ipinangako niya sa sarili niya na walang ninoman ang makakakuha sa anak niya. 

Noong una, akala niya ay isang sanggol lang ang nasa sinapupunan niya. Subalit nasorpresa siya nang malamang dalawang kambal pala ang mga ito. Laking pasasalamat niya na lamang at si Nancy lang ang sumasama sa kaniya tuwing nagpapatingin siya sa doktor. 

Sa kabila no'n, hindi alam ni Nancy na kambal pala ang anak ng alaga niya. Ang alam ng lahat ay iisa lang ang iluluwal ni Anastacia paglipas ng ilang buwan. 

Ginawa ni Anastacia ang lahat para mapapayag si Santi sa plano. At 'yon ay ang palabasin na namatay silang mag-ina sa panganganak. 

Naawa ang doktor nang sabihin ni Anastaciang kukunin ng dating asawa nito at ng babae niya sa kaniya ang mga anak niya. Kaya labag man sa sinumpaan niyang tungkulin ay nagawa niyang palabasin na patay na si Anastacia sa harap ng dalawang pamilyang kinasusuklaman nito. 

Tinulungan din niya itong makalabas ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalit ng pangalan ni Anastacia. Mula sa pagiging Anastacia Cruz, siya na ngayon si Stacy Villareal. 

At ang kaniyang kambal naman ay sina Athena at Collins Villareal. 

Sa kasalukuyan…

Unti-unting pumatak ang luha sa mga mata ni Stacy. 

Ang sabi sa kaniya ni Santi ay dalawa lang ang anak niya. 

Pero ito at kamukha ni Axel Ford ang babaeng anak niya?

Ano ba talaga ang totoo?

Hahaplusin na sana ni Stacy ang pisngi ni Axel nang marinig niya mga tinig na nagmumula sa labas ng silid. Kaagad niyang pinunasan ang luha at saka muling sinuot ang kaniyang facemask. 

Ilang sandali lamang ay bumukas na ang pinto at iniluwa sina Diether, Jane, Mildred, at si Fiona. Kung sinuswerte nga naman siya.

‘Ano ‘to? Grand reunion?’ aniya sa isip.

“Axel!” si Jane.

"Ang apo ko!” si Fiona.

Kaagad na lumapit ang dalawa sa nahihimbing na bata. 

Tumikhim si Stacy. “Hangga’t maaari ay huwag niyo siyang gigisingin. Kailangan niyang magpahinga pagkatapos ng mahabang operasyon,” payo niya. 

Doon na napatingin ang tatlong mag-iina. 

Hilaw na ngumiti si Fiona sa kaniya. “Pasensya na kayo, dok. Sobra lang po kasi kaming nag-alala sa apo ko. ‘Di ba, anak?” Siniko pa nito si Jane na matiim na nakatingin sa kaniya. 

Napakurap si Jane nang matauhan. “A-Ah eh opo, dok. Maraming salamat po pala sa paggamot sa anak ko. Nakahinga ako nang maluwag nang marinig kong ligtas na siya.”

Tumango lang si Stacy sa kaniya. Hindi niya na kaya pang magtagal sa loob ng silid na ito kasama ang mga taong nanakit sa kaniya limang taon na ang nakakalipas. Kaya’t kahit marami siyang tanong sa isipan ay binalewala niya na lang muna ito. 

“Babalik ako mamaya para i-check ulit ang bata. Mauna na ako.”

Tahimik siyang lumabas ng pinto at hindi man lang tinapunan ng tingin si Diether. Ramdam niya ang pagsunod ng tingin ni Diether sa kaniya hanggang sa tuluyan na siyang makalabas ng pinto. Doon na lamang siya nakahinga nang maluwag. 

Sa loob naman ng silid ay nakatitig pa rin si Diether sa pintong nilabasan ng doktora. Hindi niya namalayan na matagal na pala siyang nakatitig doon kung hindi pa tumikhim si Mildred. 

“Sino ‘yon? Kilala mo ba ‘yong babaeng ‘yon?” mahinang usisa ni Mildred sa kaniya. Pansin niya ang kakaibang tingin ng lalaki sa doktora kanina kaya pumakla ang timpla niya. “‘Wag mong sabihing tipo mo ang babaeng ‘yon? May asawa ka na Diether, baka lang nakakalimutan mo,” makahulugang paalala niya rito. 

Binalingan siya ni Diether ng masamang tingin. “Manahimik ka. Kung akala mo ay nakakalimutan ko na ang kapabayaan mo sa anak ko, nagkakamali ka. Ipagdasal mo lang na sana ay magising na si Axel dahil kung hindi ay ikaw ang mananagot sa nangyari sa kaniya,” mariin niyang sumbat rito saka lumapit sa kinaroroonan ni Axel. 

Tigalgal naman na napako si Mildred sa kinatatayuan niya habang sina Fiona at Jane ay nakatingin sa kaniya nang may pagtataka. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status