Share

Chapter 3.1

Makalipas ang limang taon…

“Axel, magpalit ka na at malapit nang magsimula ang party,” ani Yaya Nancy sa limang taong batang lalaki na si Axel. Ngunit nanatiling nakatalikod ang munting binata sa kaniya. 

Abala ito sa pagpipinta. Malapit niya na itong matapos. At ayaw niyang paistorbo sa kahit ninoman. Para sa kaniya ay mas mahalaga ang kaniyang ipinipinta kaysa sa birthday party niya sa labas. 

Sa loob kasi ng limang taon ay palaging magarbo ang handaan para sa kaniyang kaarawan. Iyon kasi ang nais ng kaniyang mommy at daddy. At dahil doon ay unti-unti na rin siyang nanawa. Hindi niya rin kasi maramdaman ang kaniyang kaarawan dahil puro matatanda ang dumadalo rito. Ni wala nga siyang kakilala sa mga ito maliban lamang sa kapamilya niya. 

“Axel, hijo, halika na at magbihis ka na. Hinihintay ka na nila mommy mo sa baba,” muling kumbinsi ni Yaya Nancy rito. Ngunit umiling lamang si Axel. 

“Pwede po bang ‘wag ma lang akong lumabas, yaya? Mas gusto ko na lang pong magkulong sa kwarto at tapusin itong painting ko,” pakiusap niya. 

Lumamlam ang tingin ni Yaya Nancy rito. Alam niya ang nararamdaman ng bata. At nais niya man itong pagbigyan sa hinihiling ay wala naman siya sa lugar para gawin ‘yon. “Pasensya ka na, hijo. Alam mo naman na wala akong magagawa pagdating d’yan.”

Naglakad si Yaya Nancy palapit kay Axel. Pinagmasdan niya nang mabuti ang ipinipinta ng bata. Isa iyong larawan ng isang masayang pamilya sa tabing-dagat. Muli ay nakaramdam siya ng habag. Alam niyang nangungulila ang bata sa kalinga ng magulang dahil parehas na may pinagkakaabalahan si Diether at Jane na halos hindi na nila mabigyan ng atensyon si Axel. 

“Kay ganda namang pinta niyan, Axel,” puri niya. 

“Salamat po, Yaya Nancy. Konti na lang po. Matatapos ko na rin ito. Ipapakita ko po agad kina mommy at daddy para maging proud sila sa ‘kin,” puno ng pag-asang sambit niya. 

Ginulo ni Yaya Nancy ang buhok niya. “Pwede mo naman ituloy bukas, Axel. Sa ngayon ay kailangan mo munang magpakita sa labas. Sige ka. Gusto mo bang magtampo ang mommy at daddy mo kasi hindi ka nagpakita sa birthday party mo?”

Napayuko si Axel. “Pero ayoko po talaga. Wala naman po kasi akong kakilala sa mga–”

Hindi pa natatapos sa pagsasalita si Axel nang pabalang na nabuksan ang pinto. Mula roon ay pumasok si Mildred na kanina pang nakikinig sa usapan ng dalawa. Nainip at nainis na ito sa sobrang tagal ni Axel. 

“Ano na naman bang drama mong bata ka?” irita nitong bungad. “At bakit hindi ka pa nakakapagpalit? Limang minuto na lang ay mag-uumpisa na ang party. Ano ba?!”

Ayaw na ayaw niya talaga kapag nagpapabebe ang batang ito. Kung hindi niya lang talaga ito napapakinabangan ay hindi niya ito pagtitiisan. Ito lang kasi ang susi para mapanatili niya ang kapit ng kanilang pamilya sa mga Ford, ang pamilyang nangunguna sa larangan ng negosyo sa bansa. 

Ang maging partner pa lang ng mga Ford ay malaking tulong na para mas makilala ang isang kompanya. Paano pa kaya kung kasal ka sa isa sa mga ito?

“Huwag niyo naman pong bulyawan ang bata,” maingat na saway ni Yaya Nancy sa kaniya. 

Inirapan niya ito. “Makakaalis ka na. Ako na ang bahalang kumausap kay Axel. Tumulong ka na lang d’on sa baba.”

“P-Pero–”

“Hindi mo ba ako narinig?”

“O-Opo,” nakayukong tugon ni Yaya Nancy. 

Nang makaalis ang yaya ay saka muling hinarap ni Mildred ang bata. “Magpapalit ka ba o hindi?” taas-kilay niyang tanong. 

“T-Tita… ayoko pong bumaba.” 

“Ayaw mo talaga?”

“O-Opo,” takot ngunit lakas-loob na sagot ni Axel sa nakakatakot niyang tiyahin. 

“Okay,” walang-emosyong sambit ni Mildred saka dinampot ang painting na tinatapos ni Axel. 

“Tita, saan niyo po dadalhin ‘yan?” tarantang tanong ni Axel. 

“Ito ang dahilan kung bakit ayaw mong bumaba ‘di ba? Pwes akin na ‘to. Kung ayaw mong bumaba, ‘di wag. Dito ka sa kwarto mo buong magdamag!” aniya saka dali-daling sinara ang pinto.

Sinubukan ni Axel na pigilan ito ngunit mas malakas si Mildred sa kaniya. Ini-lock siya ni Mildred mula sa labas. 

“Tita! Buksan niyo po ang pinto!” sigaw ni Axel habang sunod-sunod na kinalampag ang pinto. 

“Manigas ka r’yan! ‘Yan ang gusto mo ‘di ba?” 

Maya-maya pa ay biglang namatay ang ilaw sa kwarto ni Axel. Kaagad na nilukob ng takot ang bata. Bumilis din ang paghinga niya. 

Ayaw ni Axel sa madilim. Takot rin siyang makulong sa isang silid nang walang kasama. 

Unti-unti siyang nanghina. Nangangatal na rin siya sa sobrang takot. “T-Tita… Pagbuksan niyo po si A-Axel… Magbabait na po ako…” hikbi niya. 

Samantala sa hardin ng Ford Mansion kung saan gaganapin ang kaarawan ni Axel…

“Ano na, Mildred? Nakapagbihis na ba si Axel?” tanong ni Fiona Andres, ang kanilang ina ni Sophia. 

Napaismid siya bago uminom ng wine. “As usual, ang tigas na naman ng ulo. Naiinis na ako sa batang ‘yon. Manang-mana siya sa walang kwenta niyang nanay. Buti na lang talaga at namatay na ‘yon. Bawas sa sakit sa ulo.”

Pasimpling siniko ni Fiona ang anak. “‘Wag ka ngang masyadong maingay. Baka may makarinig pa sa ‘yo d’yan.”

“Totoo naman kasi.”

“Paano na ‘yan? Kailangan natin siyang mapababa rito bago pa dumating si Diether. Asan na ba kasi si Jane. Dapat siya ang narito para kumbinsihin ang anak niya.”

“Magkasama sila ni Diether ngayon. Alam mo naman ‘yon. Laging nakabuntot sa asawa.” 

“Hayaan mo na. Mas okay na ring nababantayan niya ‘yon at baka kumaliwa pa. Mahirap na. Ako na lang muna ang aalo kay Axel–”

BLAG!

“Mr. Axel!”

Nagulat ang mag-ina sa sigaw ng bodyguard ni Axel. 

“Anong nangyari?” kaagad na tanong ni Mildred. 

“Si Mr. Axel po! Nahulog mula sa kwarto niya!” sagot ng bodyguard.

“A-Ano?!” sabay at gulat na sambit ng mag-ina. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status