Share

Chapter 2

“Hayop kang babae ka!” Pabulusok na sinugod ni Mildred si Anastacia. Nagpupuyos ito sa galit na sumugod sa mansyon nang mabalitaan ang nangyari sa kaniyang kapatid na si Jane. 

“Maniwala ka sa ‘kin, Mildred. Hindi ko sinasadya ang nangyari,” depensa ni Anastacia. 

Isang oras na ang nakalipas mula nang aksidenteng mahulog si Jane sa hagdan. Agad naman siyang naisugod sa ospital ng mga tauhan ng Ford. 

Galit man siya kay Jane ay sobrang nag-aalala pa rin siya para rito. Hindi niya kailanman hiniling na may mangyaring masama sa babae sa kabila ng lahat. 

“Sinungaling! Kung alam ko lang, sinadya mo ‘yon dahil sa sobrang galit at inggit mo sa kaniya!” ayaw paawat na sumbat ni Mildred. “Hindi mo matanggap na ginamit ka lang ni Diether para magkaanak. Ganiyan ka na ba talaga kadesperada ha?! Talagang aabot ka sa sukdulang pumatay ng tao para lang hindi siya maging sagabal sa inyo ni Diether?”

“Aksidente ang nangyari, Mil–”

Ngunit bago pa matapos ni Anastacia ang sasabihin ay sinalubong na siya ng napakalakas na sampal ni Mildred. Sa sobrang lakas no’n ay agad na nalasahan ni Anastacia ang dugo sa labi niya. 

“Akala mo ba ay babalikan pa ni Diether ang isang basurang katulad mo kapag nawala si Jane?! Para sabihin ko sa ‘yo, walang lalaking papatol sa isang katulad mong walang kayang ipagmalaki sa buhay! Pinakasalan ka lang ni Diether, masyado nang tumaas ang pangarap mo!” 

Sa loob ng halos siyam na buwan ay walang araw na hindi siya nakarinig ng pang-iinsulto mula sa pamilya ni Jane. Sa tuwing dumadalaw ang mga ito sa mansyon ay hindi sila pumapalyang ipamukha sa kaniya na isa lang siyang gamit para sa kanilang mayayaman. 

Unti-unti ay nasanay na siya. Pero hipokrita siya kung sasabihin niyang hindi na siya nasasaktan sa mga sinasabi ni Mildred ngayon. 

Parang patalim na tumutusok sa kabuuan niya ang bawat insultong ibinabato sa kaniya ni Mildred. 

Muling namuo ang luha sa mga mata niya pero pilit niyang tinatagan ang loob. Hangga’t maaari ay ayaw niyang maramdaman ng kambal niya ang nararamdaman niya ngayon. Pinagngalit niya ang kaniyang panga at mabilis na kumurap para paglahuin ang luha sa mga mata niya. 

“Ma’am Mildred! Tama na po ‘yan. Buntis po si Ma’am Anastacia.” Kaagad na umawat si Nancy, ang naging yaya ni Anastacia sa mansyon ng mga Ford, sa pagitan ng dalawa. 

“Manahimik ka, tanda! Alam mo ang ginawa niyang babaeng ‘yan sa kapatid ko!”

“Naiintindihan ko po ang nararamdaman niyo, Ma’am Mildred. Pero hindi po sinasadya ni Ma’am Anastacia ang nangyari. Buntis po siya. At makakasama po sa bata kapag patuloy pa kayong nagtalo,” paliwanag niya. 

Sobrang nag-aalala ang matanda sa kalagayan ng alaga. Alam niya ang sitwasyon na kinalalagyan nito. Hindi niya lang kinakampihan si Anastacia dahil alaga niya ito at napamahal na siya rito. Pumapanig din siya rito dahil alam niyang ang alaga niya ang naagrabyado sa lahat ng ito. 

Napakabait ni Anastacia. Sa loob ng halos dalawang taon ay napatunayan niya ‘yon. Itinuring niya na rin itong parang anak. Akala niya talaga ay maayos ang samahan nila ni Diether. Kaya naman nagulantang din siya nang biglang iuwi ni Diether si Jane sa mansyon. 

Akala niya ay aalis na sa mansyon si Anastacia nang tuluyan na silang maghiwalay ng amo niya. Pero nagulat siya nang malaman ang naging usapan nila Anastacia at Diether. 

Awang-awa siya sa babae. Napakabait nito para tratuhin siya nang gano’n, gawing paanakan. Kaya ipinangako niya sa sarili na hangga’t kaya niya, dadamayan niya ang babae. 

“Wala akong pakialam kung nagdadalang-tao ka. Pero ito ang tatandaan mo, Anastacia. Kapag may nangyaring masama sa kapatid ko, sisiguraduhin namin ni Diether na mabubulok ka sa kulungan,” mariing banta ni Mildred na may kasamang pagduro bago ito mabilis na umalis ng mansyon. 

Tinanaw pa nina Anastacia at Nancy si Mildred na lumabas ng pinto. 

Nang tuluyan na itong maglaho sa kanilang paningin ay saka lang napagtanto ni Anastacia na kanina niya pa pinipigilan ang paghinga niya. Hingal na hingal siya na para bang nakipaghabulan siya sa toro. 

Naramdaman niya ang paghagod ni Nancy sa likod niya. “Pasensya na hindi ako nakadating agad, Ma’am Anastacia. Hindi ko aakalaing susugod dito ngayon si Ma’am Mildred.”

Tipid na ngumiti si Anastacia sa matanda. “Ayos lang po, Yaya Nancy. Maraming salamat po sa pagtanggol sa ‘kin.”

Sa kabila ng mga pasakit niya sa mga kamay ng Ford at Andres ay may mabuti pa rin namang nangyari sa kaniya rito. At ‘yon ay nang makilala niya si Nancy, ang nag-iisang kakampi at pinagkakatiwalaan niya sa loob ng mansyon. 

“Nga pala, nakahain na ang almusal. Halika na at kumain. Sigurado akong gutom na ang baby mo,” yaya ng matanda. 

Tumango si Anastacia. Ngunit nakakaisang hakbang pa lang siya nang bigla siyang makaramdam ng matinding sakit. Para bang hinihiwa ang mga lamang loob niya. Napakapit siya kay Nancy dahil para siyang mawawalan ng malay-tao sa sakit. 

“Ahh!” hiya ni Anastacia. 

“M-Ma’am, Anastacia! A-Ano pong nangyayari?” 

“Ahhh! M-Masakit po, Yaya!” iyak ni Anastacia. Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang pag-agos ng mainit na likido sa pagitan ng mga hita niya. Parang luluwa ang mga mata niya nang mapagtanto ang nangyayari. 

“Diyos ko po!” tarantang sigaw ni Nancy. “Ang panubigan niyo po, ma’am! Pumutok na!”

***

“D-Dok, hindi po pwede…” Mabilis na umiling si Anastacia. “H-Hindi po ako pwedeng manganak ngayon. H-Hindi ko pa po kabuwanan,” pagmamakaawa niya. 

Hindi siya maaaring manganak ngayon. Alam niyang ang ika-walong buwan ang pinakadelikadong buwan para magluwal ng bata.

“Paumanhin, Anastacia. Pero kailangan mong iluwal ang mga bata kundi parehong mga buhay niyo ang malalagay sa panganib,” paghingi ng paumanhin ni Santi, ang kaniyang OB-GYN.

“Dok…” puno ng pagmamakaawang tawag ni Anastacia kahit alam niyang wala na siyang magagawa pa. Unti-unting bumigat ang mga talukap ng mga mata niya. “A-Ang mga anak ko…” sambit niya pa bago siya tuluyang lamunin ng dilim. 

Samantala, sa loob ng delivery room…

“Isa na lang…” bulong ni Santi. Tagumpay nilang nailuwal ang unang baby ni Anastacia.

Ipinapanalangin niya na sana ay tagumpay rin nilang maipalabas ang huling anak ng pasyente sa kabila nang maaga nitong paglabas sa sinapupunan ng ina. 

Ngunit laking panlulumo niya nang lumabas ang sanggol na walang heartbeat. Nanlambot siya sa nalaman. 

Patawad, Anastacia.’

Akala niya ay tapos na ang lahat. Subalit makalipas ang ilang sandali ay isang sorpresa ang bumulaga sa kaniya. 

“Bakit po, dok?” tanong ng isang nars. 

“M-May isa pang sanggol sa sinapupunan ng pasyente.”

***

Makalipas ang ilang oras…

“Anong nangyari sa kaniya?” walang amor na tanong ni Mildred sa doktor ni Anastacia. Halos kanina niya lang nalaman na nanganak na pala ang babae. Wala naman siyang pakialam kahit mamatay pa ito pero kailangan niya pa ring makibalita para alam niya kung anong ipaparating niya kay Diether mamaya. 

“Pasensiya na, miss. Ginawa po namin ang lahat pero hindi na po kinaya ni Ms. Cruz. Wala na po siya,” nakikisimpatyang sagot ng doktor. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status