Share

Chapter 3

"Chichay, ilang taon ka na nga ba?"

Natigil ako saglit sa pagbubuhat ng mga basket ng gulay ng magtanong sa akin si Aling Terry. Andito ako ngayon sa pwesto niya sa palengke nagbubuhat ng mga gulay na delivery para sa kanya. 

Madaling araw palang kanina gising na ako para magtrabaho dito sa palengke. Ikalawang raket ko na itong pagbubuhat ng mga gulay. Kaninang madaling araw yung mga isda ni Aling Mayang ang binuhat ko. 

Kargador ako dito sa palengke. Kahit babae ako batak na ang katawan ko sa mga ganitong uri ng trabaho. Sanay na ako magbuhat ng mga mabibigat na bagay. Nagsimula akong maging kargador noong labing dalawang taong gulang ako. Ito ang trabahong naisipan kong pasukin simula ng magbagong buhay ako. 

Dati akong snatcher dito sa palengke.

Wala akong ibang alam na pwedeng pagkuhanan ng pera noong tumakas ako sa bahay ampunan. Noong una, namamalimos ako pero ilang beses akong natutulog ng gutom at kumakalam ang sikmura. Naalala ko ilang beses akong nagkasakit, nanginginig ako dahil sa sakit at sa gutom. Wala akong kapera-pera nun, kahit pambili lang ng gamot. 

Paswerte-swerte lang ang pagmamalimos, minsan may nagbibigay, minsan naman wala. May mga nakakaluwag luwag sa buhay na nagbibigay ng barya at pagkain pero meron din iba na wala na ngang maibigay ang sasama pa ng ugali. 

Sabagay hindi ko naman sila masisisi, mga dugyot kasi kami kaya sa tingin nila para kaming mga may dalang mikrobyo sa katawan. Diring-diri sa na malapitan namin. 

Naalala ko may kasamahan pa akong namatay dahil sa sobrang gutom at sakit at dahil sa pangyayaring yun nasabi sa sarili kong kailangan kong maging wais para mabuhay. Dito sa lansangan hindi pwede ang mahihina. Dahil kung mahina ka, mamamatay kang walang laban. 

Ang pagiging snatcher ang una kong naisipan gawin noon. Easy money, sabi nga nila at tama nga dahil simula nung naging snatcher ako, kahit papano nakakain ko na ang mga pagkaing gusto ko. Hindi na ako natutulog ng gutom. Minsan nakapagbigay pa ako sa mga batang gaya kong dito sa lansangan nabubuhay. 

Ang hirap ng buhay. Mahirap na kami dati nung nabubuhay pa si Tatay at si Ate Jing-jing pero mas mahirap ngayon. Dati kahit papano may nakakain kami sa araw-araw, pero ngayon pahirapan ang paghahanap ng pangkain ko sa araw-araw. Para akong nakikipagpatintero sa mga pulis, sa mga ninanakawan ko at sa mga kapwa ko snatcher.

Hindi lang ako snatcher,  magnanakaw din. Kung ano-anong bagay lang ang ninakaw ko para magkapera pang-survive sa araw-araw. Nung una nakokonsensya pa ako pero kalaunan nasanay na rin. 

Pero hindi ako nagsisisi na ganito ang naging buhay ko. Hindi ako nagsisisi tumakas ako sa bahay ampunan dahil dito sa lansangan ang dami kong natutunan. 

At least dito masasabi kong akin ang buhay ko. Kung may mangyari man sa akin, kasalanan ko na yun. Hindi kagaya sa bahay ampunan na ginamit lang kami sa mga pansarili nilang interes. Kunwari mga mababait para makakuha ng donasyon pero ang totoo mga wala silang puso. 

Ilang bata din ang umiiyak dun sa gabi dahil pinaparusahan ng mga madreng kulang sa dilig. Ilang beses pinatulog sa labas si Cara ng hindi pinapakin dahil pinaprusahan sa kasalanang hindi nya naman ginawa. Kaya de bale nalang maghirap ako dito sa labas kesa mabaliw ako doon at baka kung ano pa ang magawa ko sa kanila.

Isa ako sa pinaka matinik na snatcher dito sa palengke. Tahimik at malinis akong kumilos at dahil nga sarili ko lang ang dala ko, wala akong kahati.  Natigil lang ako nung ang huli kong ninakawan ay studyante. 

Nakalayo na ako sa kanya at hawak ko na ang pera nya pero bumalik ako dahil nakita ko itong desperadang umiiyak sa kalsada. Nang tinanong ko bakit sya umiiyak sinabi nya sa akin na nawala nya ang perang pambili ng gamot ng lola nya. Yun lang daw ang pera na meron sya at kinita nya pa yun buong araw sa pagtitinda sa paaralan nila. Iyak siya ng iyak. Hindi niya alam na ang perang hinahanap nya ay nasa akin. 

Kaya, sa halip na ako ang  magnakaw bandang huli ako pa ang nagbigay sa kanya. Lahat ng kinita ko sa pagnanakaw ng araw na yun binigay ko sa kanya. Sinundan ko pa sya hanggang sa bahay nila para alamin kung nagsasabi sya ng totoo pero nang makita kong nandun nga ang lola nyang may sakit ay umalis na ako agad. 

Simula nung araw na yun, nagbagong buhay ako. Masama akong bata inaamin ko pero pagdating sa matatanda at mga batang lansangan na tulak ko may parte dito sa puso ko na tumitibok at hindi ko kayang ipaliwanag.

Nakapagdesisiyon akong tumigil na sa pagnanakaw at maghanap na lang ng ibang trabaho. Itong pagiging kargador nga ang napasok ko. 

Noong una alangan pa silang tanggapin ako dahil babae ako pero kalaunan pumayag na rin. Ilang beses pa akong nagkasakit dahil hindi kaya ng mura kong katawan ang mabibigat na gawain pero wala akong choice. May mga panahon gusto kong bumalik sa pagnanakaw dahil ang hirap ng trabaho ko, para akong nahihilo sa bigat ng mga binubuhat ko pero ganun talaga eh. Kailangan kong magpalakas at magpakakatag para mabuhay. Wala naman kasing ibang tutulong sa akin  kundi ang sarili ko lang. 

Bakit ba kasi hanggang ngayon buhay pa rin ako?

Ayoko naman na talagang mabuhay pero hanggang ngayon buhay pa rin ako. Ilang beses ko nang hiniling kay Tatay at Ate Jing-jing na kunin na nila ako pero ayaw naman nila. Kung sana sinama nalang nila ako noon, hindi ako nag-iisa ngayon. Hindi ako naghihirap ng ganito. 

Pero siguro ganito nga ang disenyo ng buhay ko. Siguro para talaga ako sa ganito, yung mag-isa lang. Siguro pabigat lang ako para sa kanila. Siguro napagod na si Tatay at Ate Jing-jing sa pag-aalaga sa akin. Siguro nga pati sila ayaw din sa akin. Kasi kahit sa ampunan walang gustong umampon sa akin. Walang gustong maging parte ako ng mga buhay nila. Walang gustong tumanggap na pamilya.

Pero sige lang, ganun talaga ang buhay. Hintayin ko na lang kung saan ako dalhin ng kapalaran.

"Sixteen po." Tipid kong sagot ng mapansin kong hinihintay ni Aling Terry ang sagot ko. 

Sa katanuyan birthday ko ngayon pero walang nakakaalam at wala din naman akong balak na ipaalam. Wala namang espesyal sa araw na 'to, maliban sa madagdagan lang ang edad ko. 

I don't celebrate my birthday because it only reminds me of the last birthday I had with my family. Kung alam ko lang na yun na pala ang huling birthday na makakasama ko sila sana pala hindi na ako nagpalibre sa kanila dun sa mamahaling kainan. Sana pala nagpaluto nalang ako kay Tatay ng specialty niyang chicken manok at pansit at doon na kami sa bahay nagsalo-salo. 

"Ang bata mo pa pala, pero malaki ka tingnan sa edad mo." Narinig kong komento ni Aling Terry pero tumingin lang ako sa kanya. 

Napansin ko ang pagpasada niya ng tingin sa kabuuhan ko saka tumango. Bahagya akong yumukod sa kanya bago ako tumalikod para tapusin na ang pagbuhat ng huling apat na basket. 

Pagkatapos nito balik naman ako doon sa pwesto ko sa isdaan para mangaliskis ng isda sa mga gustong magpalinis. Ito ang araw-araw kong trabaho para mabuhay. Hindi lang para sa sarili kundi para na rin sa mga batang lansangan na  walang makain. 

Nag-iipon ako hindi para sa sarili ko dahil hindi ko naman alam kung bukas makalawa buhay pa ako. Nag-iipon ako para sa mga batang umiiyak sa madaling araw dahil nagugutom, sa mga matandang nagtitiis sa sakit dahil walang pambiling gamot. 

Hindi ako nagbibigay dahil naawa ako sa kanila. Hindi ko alam kung ano ang salitang awa. Wala akong nararamdaman ganun. Nagbibigay lang ako dahil ayokong marinig na may umiiyak dahil sa gutong sa tuwing natutulog ako sa gabi. 

I hate hearing people cry. I hate seeing tears. 

Lahat ng kita ko sa araw-araw ay doon napupunta at wala akong pakialam basta ayoko ng may naririnig akong umiiyak.

Sa katanuyan walang natitira sa akin at ngayon kailangan ko pang magdoble kayod dahil kailangan ko pang bayaran yung natapon kong bagoong nung nakaraang buwan. Mabuti nalang at napakiusapan ko si Aling Arseng na unti-untiin ko lang ang pagbayad. Yun nga lang may tubo na. Ang five hundred ay naging six hundred plus bayad pa sa balde niyang nasira ko naging sixhundred seventy lahat. 

"Oh Chichay, ito bayad mo. Balik ka ulit bukas ah, agahan mo para mas maaga akong makapagbukas ng tindahan."

Tango lang ang sagot ko bago tinanggap ang eighty pesos na bayad nya sa akin. Eighty peso para sa sampung malalaking basket na binuhat ko. 

"Salamat po. Alis na po ako." Paalam ko sa kanya bago tumalikod pero ilang hakbang palang ang nagawa ko tinawag niya ako ulit. 

"Chichay, saglit." Lumingon ako sa kanya at bumalik dahil sinenyasan niya akong lumapit. "Gusto mo bang kumita ng extra?" 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status