"Kailangan ko ng anim na libo!”
Nang gabi ng Lunes, inasahan ko agad na inaabangan ako ng aking tiyahin sa labas ng bahay namin. Hindi nga ako nagkamali dahil nang makauwi ako nang saktong alas onse y medya’y nadatnan ko ang taas-kilay na si Tita Liwayway roon sa pinto, nakatayo’t may hawak na dilaw na abaniko.
Lumapit ako sa kanya at magmamano sana nang palisin niya ang kamay ko.
“Anim na libo,” pag-uulit niya, binalewala ang pagmamano ko.
Napahalakhak siya sabay ayos ng pagkakatayo. “P-Po?” panggagaya niya sa akin. “Anong po ka riyan?! Maayos ang usapan natin no’ng Biyernes!”
Sunod-sunod akong tumango. “Pero, Tita, hindi pa po pumatak sa sampung libong piso ang suweldo ko ngayong Hunyo—"
“Oh, anong problema roon?! May mahigit tatlong libo ka pa!”
“H-Hindi po puwedeng kahit apat na libo muna po ang ibigay ko sa inyo sa ngayon? May kailangan din po kasi akong pagkagastusan sa eskuwela—"
“Anim na libo, Kennedy. Huwag mo nang hintayin pang makaapat na ulit ako! Alam mo ang mangyayari kapag sinuway mo ako!”
Agad-agad kong dinukot ang pitaka sa bulsa ko at inilapag sa nakalahad na kamay ng tiyahin ko ang anim na libong pinaghirapan ko. Napatitig ako sa tatlong libo at limang daang pera na natira sa pitaka ko at agad nakaramdam ng lungkot sa loob ko. Paano ko ito mapagkakasya sa lahat ng gastusin ko sa loob ng isang buwan?
“’Yong 650 pesos, ibigay mo kay Lucky bukas.”
“’Di mo ba talaga narinig o sadyang nagbibingi-bingihan ka lang?”
“Tita, baka naman po puwedeng isama niyo na riyan sa anim na—”
Natahimik ako at walang nagawa kundi ang tumango na lang ulit. Kahit kaila’y ‘di ko nagawang suwayin ang tiyahin ko. Ni isang beses ay hindi ko nagawa. Ni isang beses ay ‘di ko napagtangkaan.
Hindi lamang malalang sermon ang aabutin ko kundi pisikal na pananakit na rin sa oras na suwayin ko siya. Katulad na lamang ng nangyari noong Biyernes. Hindi ko naman siya sinuway noon, sa totoo lang. Sadyang inabot lang talaga ako ng hating gabi noong pauwi ako dala ng paglalakad lamang at malakas na ulan.
“Ayusin mo ‘yang lukot mong mukha,” wika ni tita bago ako iniwan dito sa labas. Ni simpleng ‘salamat’ ay wala akong natanggap mula sa kanya.
Kumurap-kurap ako at napabuntong-hininga. Nang mabalik sa wisyo’y pumasok na ako ng bahay at agad nagtungo ng kuwarto. Plakda agad ako sa kama ko nang makapasok, ang magkabilang kamay ay magkasalikop at nakapatong sa noo.
Katulad kahapon, pinilit kong maagang magising muli. Alam kong halata na ang dahilan kahit hindi ko na banggitin pa. Nang hingin sa akin ni Lucky ‘yong 650 pesos na kailangan niya sa eskuwelahan niya’y ‘di ko mapigilang mapangiti na animo’y masaya pa akong nakuhanan ng pera. Magkasalubong ang kilay ng pinsan ko habang nakatitig sa akin. Aniya’y mukha raw akong baliw na pangiti-ngiti. Agad kong inayos ang ekspresyon ng mukha ko at pilit tinago ang ngiting epekto ni Chord sa akin. Inikutan naman niya ako ng mata at agad umalis nang makuha ang pera. Katulad ng ina’y wala rin akong narinig ni simpleng pasasalamat mula sa kanya.
Grabe. Kahit wala ako sa mood, basta si Chord ang usapan, napapangiti na lang ako nang wala sa oras. Hindi ko na talaga alam kung normal pa ba ito o kailangan ko na talagang magpatingin sa espesyalista. Minsan nga’y kahit umiiyak ako dala ng mga problema sa buhay, magugulat na lang ako tuwing napapansin ko ang sarili kong napapangiti na lang bigla tuwing sumisingit sa isipan ko si Chord.
Nang makapasok sa unibersidad ay animo kinikiliti ang aking tagiliran at puwetan dala ng labis na kasiyahang nadarama. Sa totoo lang, dapat nga’y problemado ako dahil bukod sa sobra iyong hininging pera sa akin ng tiyahin ko, ako pa ang nagbayad ng kailangang bayaran ni Lucky sa eskuwelahan. Kulang na lang ay ako na ang siyang tumayong ina sa pamilyang iyon.
Mabuti na lang talaga at nariyan si Kuya Lukas na kahit papaano ay mabuti naman ang pakikitungo sa akin.
Nang madaan sa field ay awtomatikong napahinto ang magkabila kong paa nang makitang hindi mahulugang tinik ang paligid no’n. Hindi na ulit ako nagtaka nang makitang ang dami nang estudyante kahit maya-maya pa naman ang umpisa ng mga klase. Dala ng kuryosidad, nagtungo ako roon at nakipagsiksikan sa mga tao. Kasabay ng pagkislap ng mga mata’y napaawang ang bibig ko nang makita ang isa sa mga manlalaro na naroon sa football pitch.
Naglalaro ng football sina Chord kasama ang kanyang mga kaibigan. Nasa iisang team sila, samantalang ‘yong kabilang team ay ‘yong mga manlalaro talaga ng football dito sa H.U. Bukod sa mga matatalik na kaibigan ni Chord, ‘yong pito sa kanilang team ay ilan sa mga taong nasa circle of friends din nilang magkakabarkada.
Nang mapunta ang bola kay Chord ay wala sa sarili akong napapalakpak. Nang magkalapit sila ng defender ay isang suwabeng step over ang kanyang ipinamalas.
“Napakaangas, bro!” ani Noah na hindi na napigilang mag-react. “Pa-kiss nga!”
Napasigaw rin ako nang magsigawan ang mga tao sa paligid. Hindi isang propesyonal na manlalaro si Chord, pero halimaw kung gumalaw tuwing nasa football pitch na.
Habang nanunuod ay unti-unti akong nauhaw at pinagpawisan. Dali-dali akong nagtungo sa cafeteria upang bumili ng bottled water. Buti na lang at walang tao. Halos lahat ay naroon sa field.
Isang sigawan mula roon sa field ang nagtulak sa ‘king tumakbo nang mabilis pabalik doon. Nang makabalik sa bleachers ay nakahinga ako nang maluwag. Himala! Walang umagaw sa puwesto ko.
“Chord Sebastian! Iniwan ko ang boyfriend ko para sa ‘yo!”
Nagtawanan ang mga tao matapos isigaw ‘yon ng isang babae na naroon sa pinakaunahan. May hawak pa itong pompoms na gawa sa papel. Ito yata ‘yong babaeng nakipag-break sa nobyo niya kahapon. Sa totoo lang, kaya ko ring gawin ‘yon para kay Chord! Wala nga lang akong boyfriend.
“Pansinin mo naman ako, oh! Isang sulyap naman diyan!” dagdag no’ng babae.
“Ay, ate, pumila ka!” sabat ng isang babae na nasa gawing unahan din.
Muling napuno ng tawanan at hagikhikan ang bleachers. Maski ako’y natawa na rin, lalo na no’ng nagsisisigaw na naman ang babae hanggang sa bawalin na siya ng mga tao.
Nang mag-break muna’y pumunta sa isang gilid ng bleachers sina Chord at ang kanyang ka-team. Naghiyawan naman ang mga babaeng naroon sa gawi kung saan sila nagpahinga. Medyo malapit ito sa amin kaya naman tanaw na tanaw ko ang pawisang si Chord. Wala kaya silang klase ngayong umaga? Ang aga-aga, nagpapapawis na.
Basang-basa ang buhok ni Chord na side parted quiff ang istilo at sa totoo lang ay isa ito sa mga kinahuhumalingan ng mga taga-hanga niya, lalo na tuwing pinapasadahan niya ito ng kanyang mga daliri. Animo bawat hibla ng kanyang buhok ay napakaperpekto ng hulma na sa bawat pasada ng kanyang daliri ay nakabubuo ito ng harmoniya. Sabay-sabay ang kumpas, sabay-sabay ang galaw.
“Guys, do you have an extra bottled water? Naubusan si Chord!” wika ni Aki.
Napatingin ako sa hindi pa nabubuksang mineral water sa kamay ko at agad na napatayo. Pumunta ako sa unahan at hindi na hinayaang makalapit pa ang sa estima ko’y anim na babaeng tumayo para ibigay din sana kay Chord iyong tubig nila. Ako na ang nagbukas no’ng mineral water at agad inabot iyon kay Chord, bahagyang nanginginig ang kamay. Hinawakan ko ang palapulsuhan ko upang pigilan ang panginginig pero sadyang hindi ito maihinto kaya naman hinayaan ko na lang. Pinilit ko na lang na hindi matapon iyong tubig na hawak ko.
Isang sulyap ni Chord doon sa tubig na inaabot ko sa kanya’y halos lumabas na ang puso ko sa aking dibdib nang bigla ay lumakas ang kabog nito. Animo nakipagkarera ako sa lakas ng pintig. Hinawakan ko ang bandang dibdib ko at pasimpleng kinabog iyon nang marahan.
Kumalma ka, Ken. Parang-awa mo na. Si Chord ang kaharap mo!
Pumikit ako saglit at inisip ang nanlilisik na mga mata ni Sir Rocky. Kahit papaano’y nakatulong naman iyon para kumalma ang naghuhuramentadong puso’t nanginginig na kamay ko.
Isang minuto na yata ang lumipas, ganoon pa rin ang posisyon ko. Ni hindi man lang ako tinapunan ng tingin ni Chord.
“Bro.” Siniko siya ni Noah sabay nguso sa kinaroroonan ko.
Tumingin si Chord kay Noah at pagkatapos ay bumaling naman sa akin, halong inis at pagod ang makikita sa mga mata. Nang magtama ang aming mga mata’y nagsimula na namang manginig ang kamay ko.
“Not thirsty anymore,” paos at walang ganang aniya.
“C-Chord, kunin mo na ito…” nauutal at nakayukong wika ko. “A-Alam kong nauuhaw ka.”
“Lakas talaga sa mga babae, e, ‘no,” rinig kong natatawang bulong ni Aki kina Noah at Hux, tinutukoy si Chord.
Hindi na muling kumibo si Chord kaya naman mas lumapit ako sa kanya ngunit hindi pa rin iyon naging sapat upang kunin niya iyong bottled water sa kamay ko. Kaya naman bumaba na ako sa bleachers kahit na labis-labis ang kabang nadarama ko.
Nang kalahating dipa na lamang ang layo ko kay Chord ay sakto namang may dumaang isang manlalaro mula rin sa team nila. Nagkabangga kaming dalawa at muntikan pa akong matumba sa lakas ng pagkakasalpok ko sa kanya. Buti na lang ay nahawakan ako agad nito sa braso. Napahawak ako sa aking noo at napapikit. Ang sakit no’n, ah!
Naghiyawan ang mga tao at akala ko’y dahil iyon sa banggaan sa pagitan namin ng lalaki. Napaangat ako ng tingin sa harapan ko at halos lumuwa ang aking mga mata nang makita ang basa at nakapikit na si Chord.
Taranta, agad ko siyang dinaluhan at dali-daling kinuha ang panyong nasa bulsa.
“S-Sorry! Sorry, C-Chord! Pasensya na! Hindi ko sinasad—"
Hindi ko pa siya napupunasan nang bigla ay palisin niya ang kamay ko kaya naman agad akong napaatras palayo sa kanya. Pinulot ko ang nalaglag na panyo ko at hiyang inabot sa kanya ‘yon ngunit hindi niya man lang ito tinapunan ng tingin.
“Bro, ayos ka lang?” tanong ni Noah na may hawak ding panyo. Parang may tumusok sa loob ko nang abutin iyon ni Chord sa halip na tanggapin iyong inaalok ko.
“Get this girl away from me,” mahina ngunit may awtoridad na utos ni Chord sa mga kaibigan.
Napalunok ako at unti-unting nakaramdam ng pagkabahala nang marinig iyon lalo na nang lapitan ako ng ibang ka-team niya.
“P-Pasensya na ulit, Chord, p-pero sana kunin mo muna ito.” Inabot ko sa kanya iyong bottled water.
Pailalim siyang tumingin doon sa bottled water na inaalok ko at agad namang nabunutan ng tinik ang dibdib ko nang kunin niya iyon.
Hindi ko na napigiling mangiti habang hinihintay siyang inumin ang tubig ngunit agad ding naglaho ang ngiti sa aking labi nang ibigay niya iyong bote kay Noah.
“Oh? Bakit—" gulat na ani Noah na walang nagawa kundi kunin na lang iyong inaabot ni Chord.
“I think you need it more than me,” ani Chord.
Aangal pa sana ang inutusan pero sa huli’y wala rin itong nagawa kundi inumin ang tubig doon sa bottled water. Agad naman akong nakaramdam ng pagkadismaya’t lungkot hindi lang dahil sa ibinigay ni Chord iyong tubig na ibinigay ko sa kaibigan, kundi dahil na rin sa huli niyang sinabi.
“Baka nainuman na, e,” mahinang aniya sabay tawa. Nagtawanan silang magkakaibigan pwera kay Hux na tahimik lang na nagpupunasa ng pawis sa isang gilid. Nagbangayan naman silang dalawa ni Noah na umaaktong idudura sa kanya iyong tubig.
Kahit kinakain na ng hiya’y nagawa ko pa ring magpaalam sa kanila. Nginitian ko si Chord ngunit hindi niya iyon ibinalik. Wala man lang kare-reaksyon ang kaniyang mukha habang nakatingin sa akin.
“Uhaw sa atensyon ni Chord si ate mo girl,” wika ng isang babae na nakauo sa harap ng bleachers.
Sinundan ako ng mga nanlilisik at nanunumbat na mga mata ng mga kababaihan sa magkabila kong gilid, na animo’y may ginawa akong karumal-dumal na krimen. Napayuko ako habang naglalakad, nagmadali, at hindi na lamang sinalubong ang kanilang mga tingin.
Nais ko na lang magpakain sa lupa dahil sa labis na kahihiyan na nararamdaman. Ano na lang ang tingin ni Chord sa akin ngayon? Wala na! Unang impresyon pa lang, palyado na.
“Which of the following is or are true about Florence Nightingale? The mother of modern nursing, daughter of John Nightingale, called as the lady with the lamp, or born on August 10, 1820? Choose.”
Lutang ako noong klase namin. Ang dahilan? Walang iba kundi si Chord.
“Ms. Cruz, answer my question!”
Dali-dali akong napatayo. “T-True po.”
Napuno ng tawanan ang silid kaya naman bigla ay nagtaka ako. Inulit ng professor namin ang tanong at doon ay nalaman ko kung bakit ako pinagtatawanan ng blockmates ko.
Nang mag-break time, animo’y isa akong artista na sinusundan ng tingin ng lahat tuwing tinatahak ang corridor o kahit saanmang lugar dito sa unibersidad. Kulang na lang ay takpan ko ang buong mukha ko para walang makapansin sa akin.
Wala naman akong kaibigan na maaaring magtanggol sa akin mula sa mga mapanghusgang mata ng mga tao sa paligid. Wala akong nakakasama na kahit sino, marahil dahil hindi ka-lebel ng pamumuhay ko ang pamumuhay ng mga estudyante rito kaya walang nagtatangkang makipagkaibigan sa akin.
Ayos lang naman dahil kagaya nga ng nabanggit ko noon, mas payapa kapag ang sarili ko lang ang kasama ko. Siguro para sa iba, kapag mag-isa ka, matamlay, malungkot, at nakakabagot. Pero para sa akin, iyon ay katahimikan, kapanatagan, at iwas ‘di pagkakaintindihan.
Nang makapasok sa cafeteria, as usual, ‘di mabil ang pares ng mga matang napatingin sa akin. ‘Yong isa ay kulang na lang patayin ako sa paraan ng pagtingin niya. Napalunok ako at nagpanggap na lamang na hindi sila napapansin.
Bumili ako ng isang pirasong monde special mamon classic at tahimik na kinain iyon sa isang gilid. Tila bawat kagat ko sa tinapay ay inaabangan din ng mga tao sa paligid. Maging paghinga ko siguro’y bilang nila!
Nang nasa kalagitnaan na ako ng pagkain ay halos malaglag ako sa kinauupuan ko nang bigla ay may umupo sa aking tapat.
“Kumusta, Madam Saraya Kennedy Cruz?”
Mula sa pagkakayuko’y nag-angat ako ng tingin sa taong umupo sa harapan ko at agad na nabilaukan nang makita kung sino iyon.
“B-Bakit ka nandito?” lito at kabadong tanong ko kay Noah matapos kumalma ng lalamunan.
“Nakita kitang mag-isang nakaupo rito sa gilid, e, kaya naisipan kong samahan ka.”
“H-Ha? Teka, paano mo nalaman—”
“Ang pangalan mo? Connections, be,” putol niya sa sasabihin ko sana.
Napakunot ako ng noo. Ano ang kailangan ng isang ‘to sa akin?
Akala ko’y siya lang ang manggugulo rito sa tahimik kong puwesto nang biglang sumulpot din sina Akihiko at Huxley. Napaatras ako sa kinauupuan ko hanggang sa mapunta ako sa pinakasulok. Umupo si Aki sa tabi ni Noah samantalang si Hux ay nanatiling nakatayo sa gilid ng dalawa.
“Oh, wala ka yatang tubig?” puna ni Aki, ang mga mata’y gumagala sa lamesa sa gitna namin.
Napatingin ako sa kanya. “H-Ha? Ahh, n-nalimutan ko. B-Bibili ako mamaya…”
Nahinto ako, kasabay no’n ay ang biglaang pagbilis ng tibok ng puso ko. Boses pa lang, kilalang-kilala ko na.
Isang tingin sa nagsalita na ‘yon ay halos matunaw ako lalo na nang magkasalubong ang mga mata namin.
Mamatay sa halong kilig at kabang nadarama!
Tumayo si Aki at si Chord ang pumalit sa puwesto niya. Napatingin ako sa paligid at dumoble lang ang kabang nararamdaman ko nang makitang lahat, as in lahat, ng estudyante maging ang mga tindera’t tindero’y nakatingin dito sa gawi namin.
“I noticed you got something caught in your throat a while ago.” Nalipat ang atensyon ko kay Chord nang magsalita siya. “Here.” Nagpatong siya ng bote ng tubig, na sa pagkakaalam ko ay isa sa mga mahal na bottled water na tinda rito sa cafeteria, sa lamesa sabay salikop sa kanyang mga kamay.
Tumitig siya sa akin at hinintay akong kunin iyong bote. Napaiwas ako ng tingin nang makaramdam ng pagkailang at hiya. Kinutkot ko ang maliit na kalyo sa daliri ko at pinakinggan ang bawat pagkabog ng dibdib ko na ayaw magpaawat.
Ano bang kailangan ng mga ito sa akin?
“Kunin mo na, be,” singit ni Noah.
Nagsinghapan ang mga tao, dahilan ng biglang pag-angat ng tingin ko sa harapan ko. Sunod-sunod akong napalunok nang tumayo si Chord at umikot papunta sa puwesto ko, ang isang palad ay nakalapat doon sa lamesa.
Napasipol sina Noah at Aki. Ang mga tao sa paligid ay halo-halo ang reaksyon. Napaiwas naman ako ng tingin at yumuko na lamang na animo’y ‘di napansin si Chord na nasa tabi ko na ngayon.
Pumikit ako at hindi nagtangkang tumingin sa katabi ko.
Makalipas ang ilang segundo, napamulagat at napapitlag ako nang may maramdamang kung anong malamig sa katawan ko. Unti-unting lumakas ang tawanan at hiyawan sa paligid, kasabay no’n ay ang unti-unti ding paglamig at pagkabasa ng katawan ko!
Gulat akong napalingon kay Chord. Ang labi niyang angat ang isang sulok ang unang bumungad sa akin, sunod ay ang mga mata niyang mapang-inis.
“Touché,” aniya sabay ngisi. Pinaikot-ikot niya ang boteng wala nang laman doon sa lamesa at manghang tiningnan ang hitsura kong basang-basa.
Maya-maya’y tumayo siya at inayang umalis ang mga kaibigan na tatawa-tawa sa gilid.
Napapikit-pikit ako nang pumasok sa loob ng mata ko ang ilang butil ng tubig. Napatingin ako sa kalahating special mamon na nasa lamesa at inabot iyon. ‘Di alintana ang tawanan at mga matang nakatingin sa akin ngayon, kinain ko ‘yong tinapay na animo’y walang nangyari sa akin.
Mapait akong napangiti at napailing na lamang.
Oh, all the crazy things that I did for him.