Share

Pursuing Mr. Chord Sebastian, The Unreachable Man
Pursuing Mr. Chord Sebastian, The Unreachable Man
Author: natatangingdilag

Kabanata 1

last update Huling Na-update: 2021-07-16 22:32:06

Sa sandaling ipinanganak ako rito sa mundo, ang hinuha ko’y hindi isang propesyonal na doktor ang nag-asikaso sa akin nang iluwal ako ng aking ina. Sa sandaling tumapak ako sa lupa, ang hinuha ko’y hindi pa umabot sa bente pesos ang presyo ng saplot ko sa paa. Sa sandaling humawak ako ng laruang manika, ang hinuha ko’y munting regalo lamang iyon sa akin ng isang kabaranggay. Sa sandaling makakita ako ng lobo sa unang pagkakataon, siguro’y manghang pinagmasdan ko lamang iyon na tila ba kahit kaila’y hindi ako makakabili ng ganoong bagay. 

 

“Pero, sir, hindi ba ho ang sabi ninyo noong nakaraang buwan, dadagdagan ninyo iyong sahod ko kapag nag-extend ako ng isang oras tuwing shift ko rito sa trabaho?” nakayukong tanong ko kay Sir Rocky, ang may-ari ng full-service restawran na aking pinagtatrabahuhan, labis na kinakabahan.

 

“Not this month!” mariing sigaw sa akin ng tinanong.

 

Halos mapatakip ako sa aking tainga sa lakas ng sigaw ni Sir Rocky. Lumapit ako sa kanyang lamesa upang magmakaawa.

 

“Sir, pero—”

 

Matalim na tumingin sa akin si Sir Rocky kaya naman wala akong nagawa kundi ang huminto. Sa oras na panlisikan niya ng mata ang kung sinumang empleyado niya, ito ang nararapat na gawin ng napanlisikan: maghunos dili.

 

“No buts. You may go out,” may awtoridad na aniya sabay muwestra roon sa pinto.

 

Bigo, marahan akong tumango at agad na lumabas ng kanyang opisina. Nang makalabas ay dinukot ko ang aking pitaka sa bulsa at halos maitapon ko iyon sa basurahan sa gilid nang makita kung magkano na lamang ang naroon. Halos puro barya na lamang at iyong karamihan ay singkong duling pa.

 

“Ma’am Orange, maaari niyo ho bang kausapin si Sir Rocky patungkol doon sa idadagdag niya sa suweldo ko?” nahihiyang tanong ko sa aming manager. Matapos kong pumunta sa opisina ni Sir Rocky ay sa kanya naman ako nagtungo.

 

“Hindi raw natamaan ang sales quota ngayong buwan,” mula sa pagkakababad sa kanyang cellular phone na Apple ang tatak, tinapunan niya ako nang matalim na tingin. “I suggest extend one hour every night again this coming July then ask Sir Rocky to give you a salary increase. But before that, I know we must hit the target first. So, anong dapat mong gawin? Work like a trojan, Ms. Cruz," masungit na aniya sabay irap sa akin.

 

“T-Trojan?”

 

Ah, ‘yong sa Iliad ni Homer. Napaisip ako bigla roon. May alam naman ako, sa totoo lang, pero sadyang makalilimutin at malilituhin lang talaga. Ang old-fashioned talaga ni Ma’am Orange.

 

Hindi siya kumibo at ibinaling na lamang muli ang atensyon doon sa kanyang hawak.

 

Mapait akong ngumiti at pasimpleng bumuntong-hininga nang ibaling muli ni Ma’am Orange ang atensyon niya roon sa kanyang apple na cellular phone. Tinitigan ko iyong logo na mansanas sa likuran no’n habang sapo ang aking noo. Mapupunta na naman ba sa wala ang lahat ng pinaghirapan ko? 

 

Parang gusto ko na lang maging mansanas.

 

“Diana, puwede ba akong manghiram ng dalawang libo sa iyo?” tanong ko sa isa sa mga katrabaho ko na katulad ko’y isa ring server.

 

“Bayaran mo muna iyong utang mo sa aking limang daan!” Katulad ng mga nakausap ko kanina, mainit din ang ulo nitong si Diana. “Aba, magbayad ka naman. Hindi iyong ikukuwento mo ang talambuhay mo tuwing sinisingil kita.”

 

Muli akong napabuntong-hininga at nagtungo sa huli kong pag-asa. 

 

“Kuya Jo, may extra po ba kayong pera?” nahihiyang tanong ko sa isa sa mga ka-close ko na security guards. Ang balita ko’y nakatanggap daw ng malaking bonus ang mga security guard dito sa amin noong nakaraang buwan. Ngayon sanang buwan ay kami namang mga server ang makakatanggap, lalo na ako dahil pinakiusapan ko si Sir Rocky kung puwedeng mag-extend ako ng isang oras at ang kapalit ay dadagdagan ang suweldo ko, ngunit sa ‘di inaasaha’y hindi natamaan ang sales quota.

 

“Ay, pasensya na, hija,” panimula ni Kuya Jo. “Kapos ako sa ngayon. Pinambayad kasi sa matrikula ng anak kong kolehiyo iyong extra kong pera. ‘Di bale, kapag mayroon ako, sasabihan kita,” sinserong aniya.

 

Nagpasalamat ako sa kaniya at pagkatapos ay ginawaran siya ng malaking ngiti. 

 

Alas onse y medya na ng gabi nang makaupo ako sa waiting shed na lagi kong pinupuntuhan tuwing nag-aabang ako ng jeep o ‘di kaya’y tricycle. Ang working shift ko ay simula alas sais ng gabi hanggang alas dyes. Pero dahil nga simula nitong Hunyo ay lagi na akong nag-e-extend ng isang oras, nagiging alas onse na ang tapos ng shift ko. Lagi kong pinipilit makauwi ng hindi lalagpas sa alas onse y medya pero dahil naghanap pa ako ng mahihiraman ng pera kanina, late na akong nakalabas. 

 

Sa kasamaang palad, wala rin naman akong nahiraman kaya paniguradong sermon ang aabutin ko nito sa tiyahin ko. Late na ngang makakauwi, wala pang perang maibibigay sa kanya. Ayon kay Ma’am Orange, sa lunes pa maibibigay iyong sahod namin. Ang alam ng tiyahin ko ay ngayon na. Siguradong hinihintay ako noon ngayon sa labas ng bahay, o ang mas malala, sa gate pa. 

 

Ilang minuto pa akong naghintay sa waiting shed. Wala nang sasakyang dumadaan kaya naman napagdesisyunan kong maglakad na lamang. Halos tatlong kilometro ang layo ng bahay namin sa restawran na aking pinagtatrabahuhan. Sa estima ko, mga 35 minuto akong maglalakad bago makarating sa amin. 

 

“Kaya? Kaya,” bulong ko sa aking sarili. “Si Kennedy pa ba…”

 

Nagpakawala ako ng isang malakas na buntong-hininga bago tinahak ang daan pauwi sa amin. Wala pang sampung minuto ay nangalay na agad ang magkabila kong paa, marahil dahil sa pagod na rin dala ng trabaho. Nagtungo ako sa isang maliit na sari-sari store na bukas pa nang makaramdam ng pangangalam ng tiyan.

 

“Magkano po iyon?” turo ko sa isang produkto.

 

“22 lang, hija.”

 

“Uh, puwede pong bente na lang?”

 

Tumango iyong nagbebenta kaya naman pinasalamatan ko siya.

 

Kinain ko muna iyong tinapay bago nagpatuloy sa paglalakad. Nang makakain ay agad kong pinagpatuloy ang paglalakad. Kahit papaano’y naibsan naman ang pangangalam ng aking tiyan nang makakain ng tinapay. 

 

Nang isang kilometro na lamang ang layo ko mula sa bahay ay biglang bumuhos ang malakas na ulan nang wala man lang pagbabanta, kaya naman hindi ako agad nakahanap ng masisilungan. Taranta, nagpalinga-linga ako at halos lumuwa ang aking mga mata nang makitang walang kahit anong establisyementog puwedeng pagsilungan. Puro puno lamang ang nasa paligid. Dali-dali akong tumakbo sa isang puno ng akasya at doon muna sumilong ngunit hindi pa rin iyong sapat upang hindi ako mabasa ng ulan. 

 

Ilang minuto na ang lumilipas ay hindi pa rin tumitila ang ulan kaya naman napagpasyahan kong sumugod na rito. Kinuha ko ang panyo ko at sumbrero at ibinalot ang mga iyon sa aking pitaka’t cellphone bago tuluyang nagpakabasa. Hawak nang mahigpit ang pitaka’t cellphone sa bulsa, tumakbo ako nang mabilis sa abot ng aking makakaya, hindi na alintana ang pagkabasa ng aking buong katawan. 

 

“Ahhh!” malakas kong sigaw nang bigla ay madulas ako dahil sa kakaripas ng takbo. Ilang segundo kong ininda ang sakit ng aking puwetan at balakang bago tumayong muli upang magpatuloy. Napapikit ako nang makitang putik-putik ang ilang parte ng uniporme ko, lalo na iyong sa bandang likuran. ‘Di bale, wala naman nang ibang makakakita sa akin dahil mag-a-alas dose na rin naman nang madaling araw. Sa aking pagkakatanda, kanina noong nasa waiting shed pa ako ay alas onse y media na nang gabi…

 

Teka.

 

Alas dose.

 

Alas dose?!

 

Alas dose na! Sa unang pagkakataon ay uuwi ako nang hating gabi sa amin! Hindi ko maipagkakailang nakararamdam ako ng kaunting kaba, sapagkat alam kong kahit anong eksplenasyon pa ang sabihin ko sa aking tiyahin, grabeng pagalit at sermon ang matatamo ko mula sa kanya sa oras na makaapak ako sa pintuan ng bahay. 

 

Tagaktak ang patak ng ulan sa aking mukha. Ang aking damit ay kulay kayumanggi na, dala ng pinaghalong tubig at putik. Makalipas ang ilan pang minuto, hindi ko na naiwasang mapaluha habang tinatahak ang daan. 

 

Bakit kailangan ko itong pagdaanan? 

 

Tiningnan ko iyong uniporme kong putikan, mula harap, likod, hanggang sa parteng baba at marahang pinunasan. 

 

Bakit kailangan ko itong maranasan?

 

Tumingala ako sa kalangitan at mariing napapikit nang matuluan ng tubig ang aking mga mata.

 

May natitira pa bang pag-asa?

 

Kakayanin ko ba?

 

Basang basa ako nang makauwi sa amin. Bago ako pumasok sa bahay ay ineksamin ko muna ang aking secondhand phone na kabibili ko lang noong nakaraang buwan. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang gumagana pa iyon. Ngunit bago ko pa iyon maibaba ay halos mapatalon ako nang tumilapon ito at tumama nang pagkalakas-lakas sa sahig. 

 

“Walang hiya kang bata ka, alam mo ba kung anong oras na?! Ha?!” nanggagalaiting sigaw ng tiyahin kong si Tita Liwayway. 

 

Isang malakas na lagapak ng kamay ang tumama sa kaliwang pisngi ko, kasabay nito’y ang mabilis na pagpatak ng luha sa aking mga mata. 

 

Yumuko ako upang pulutin sana iyong cellphone ko nang hilahin ng tiyahin ko iyong buhok ko. Napatingala ako at napapikit sa sakit. Hindi ko naman magawang lumayo dahil sobrang higpit ng kanyang pagkakahawak sa aking buhok.

 

“Tingnan mo nga ‘yang hitsura mo! Parang walang nagpapakain sa iyo, ah! Pilitin mo namang maging presentable! Baka sabihin ng iba, e, inaapi ka! Saan ka ba nagsususuot, ha?! Daig mo pa baboy sa hitsura mong ‘yan!”

 

“Tita, m-masakit po—"

 

“Ah, masakit?” Nilapit niya iyong mukha niya sa akin. Bago pa ako makatango’y hinila niya pa lalo iyong buhok ko na siyang nagpasigaw sa akin sa sakit. “Ayan, para mas masakit!”

 

“Tama na po!” malakas na sigaw ko habang patuloy pa rin sa pag-agos ang luha sa aking mga mata. “Pasensya na po, hindi na po mauulit—"

 

“Hindi na talaga, Kennedy! Sa oras na maulit ‘to, asahan mong wala ka nang mauuwian! Pupulutin ka na lang ng kung sinuman sa lansangan! Naiintindihan mo ba, ha?! Sagot!”

 

“Opo, opo…” nanghihinang sagot ko.

 

Padabog niya akong binitawan. Sa pagod ng aking katawan, isama pa ang sakit ng aking ulo, wala sa sariling napaupo ako sa sahig at napahilamos sa aking mukha. Inabot ko iyong cellphone ko at agad na tumulong muli ang aking luha nang makitang puno na iyon ng gasgas at ayaw nang magbukas. Paulit-ulit kong pinindot iyong mga button sa gilid ngunit walang nangyari. 

 

Akala ko’y pumasok na sa loob ‘yong tiyahin ko. Mula sa pagkakaupo sa lapag ay nag-angat ako ng tingin sa kanya. Taas ang kilay, nakadantay iyong braso niya roon sa pinto. Mataray niya akong tiningnan sabay sabing, “Nasaan na iyong suweldo mo? Huwag mong sabihin wala, ha!”

 

“S-Sa lunes pa raw po, tita.”

 

“Ano?!” Natawa siya sa paraang hindi makapaniwala. “Naubos na ‘yong budget! Pinangbayad ko pa sa inorder ko kay Maricris ‘yong natira!”

 

Dahan-dahan akong tumayo habang iniinda pa rin ang pananakit ng aking ulo maging ng katawan. Sasagot na sana ako nang biglang lumabas ang anak ni Tita Liwayway na si Lakambini. 

 

“Oh, Lucky, anak…” bigla ay maamong ani ng aking tiyahin nang makita ang anak. "Bakit gising ka pa?"

 

“’Ma, may babayaran nga pala kami sa eskuwelahan,” masungit na aniya. Ang mga mata’y nasa akin imbis na sa ina. “650 pesos.”

 

Inilipat ni tita ang tingin sa akin at tinaasaan ako ng kilay. “Narinig mo ba iyon, Ken?” mutawi niya sa matigas at inis na tono. Hindi ako agad nakakibo kaya nagsalita siyang muli, at sa pagkakataong ito ay mas may diin na ang pagkakabigkas niya, “Narinig mo ba?!”

 

Wala sa loob akong tumango. 

 

“Mabuti. Kumilos ka nang naaayon sa posisyon at ambag mo sa pamilyang ito!”

 

Malakas niyang pinalo iyong pinto bago pumasok sa loob at iwan ako rito. Inikutan naman ako ng mata ni Lucky bago siya sumunod sa kanyang ina. Akala ko’y tuluyan nang nakapasok ang huli. Papasok na rin sana ako sa loob nang bigla ay lumabas muli si Lucky nang may dalang maliit na balde na may lamang tubig. Dire-diretso siyang naglakad patungo sa puwesto ko at sadyang itinapon sa akin iyong laman noon.

 

“Hala, sorry!” natatawang aniya. “Pinapatapon kasi ni mama ‘yong laman nito. Hindi ko sinasadyang sa ’yo matapon. Ay, wait, basa ka naman na pala, e. Ayos lang kung tapunan ka ulit,” maarteng dagdag niya sabay buhos muli sa akin no’ng natitirang tubig sa balde. “Sorry ulit!”

 

Hindi ako kumibo at hinayaan na lang siyang gawin ang gusto niya. Kasabay ng paggapang ng mga butil ng tubig sa mukha ko ay ang una-unahang paglabas muli ng luha sa aking mga mata. Pinilit kong huwag ipakita ang aking emosyon at pinigilang humikbi kahit gustong-gusto nitong lumabas sa aking bibig. Hinayaan ko lamang tumulo ang aking luha na nagtatago roon sa tubig na dumadaloy sa aking mukha, hindi na alintana ang mapang-inis na mga mata ni Lucky na nakatingin sa akin ngayon.  

 

“Serves you right,” aniya sabay sipa sa tagiliran ko. Nilagpasan niya ako at nagmartsa palayo. “’Ma, natapon ko na ‘yong tubig dito sa halamanan! Ipapakuha niyo ba ‘yong mga natirang damit na nakasampay dito sa labas? Nakalimutan yatang akasin kanina ni kuya!” sigaw niya. 

 

Pumasok na ako sa loob ng bahay at dire-diretsong pumunta sa aking kuwarto.

 

Habang tinatahak ang daan ay hindi ko maiwasang magpasuray-suray sa paglalakad. Nang makapasok sa kuwarto, hindi pa ako nakakaabot sa kama ko nang bigla ay mapaluhod ako sa sahig dala ng labis na kapaguran. 

 

Magbabago pa kaya ang takbo nitong buhay kong walang kasiguraduhan? 

 

Napapikit ako nang mariin. Tinakpan ko ang bibig ko at saka sumigaw nang sumigaw sa abot nang aking makakaya. Paulit-ulit. Palakas nang palakas. Hanggang sa maubusan ako ng lakas. 

 

Magkakaroon pa ba ng wakas?

 

Magkakaroon pa ba ng wakas itong mga pagsubok na kinahaharap ko?

 

Mayroon pa bang liwanag na naghihintay sa akin sa dulo ng lahat ng ito?

 

“Mayroon pa…” wala sa sariling bulong ko sa sarili ko. Napangiti ako habang inaalala ang lahat nang pinagdaanan ko noon. “Mayroon pa, Ken. Magpatuloy ka lang,” dagdag ko na animo’y naririnig ako ng dating ako. ‘Yong dating Kennedy na walang-wala, hinang-hina, at sukong-suko na.

Kaugnay na kabanata

  • Pursuing Mr. Chord Sebastian, The Unreachable Man   Kabanata 2

    One of the young highest-paid models in the United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, Chord Sebastian Harris, bids farewell to the country and flies back to his motherland, the Philippines, after staying in the UK for a year and a half.Chord’s upcoming projects remain unrevealed. As expected to his fans all over the globe, they have been demanding some updates for quite a long time now. However, he had been silent since he flied off to the UK. His name created a massive noise again just right after her theater actress girlfriend, Elizabeth Escareal, posted a silhouette picture on one of her social media accounts with the caption “Who’s gonna return home?” According to his fans’ speculation, it seems like Chord is gearing up for a huge project here in the Philippines.Sabado ng umaga.

    Huling Na-update : 2021-07-16
  • Pursuing Mr. Chord Sebastian, The Unreachable Man   Kabanata 3

    "Kailangan ko ng anim na libo!”Nang gabi ng Lunes, inasahan ko agad na inaabangan ako ng aking tiyahin sa labas ng bahay namin. Hindi nga ako nagkamali dahil nang makauwi ako nang saktong alas onse y medya’y nadatnan ko ang taas-kilay na si Tita Liwayway roon sa pinto, nakatayo’t may hawak na dilaw na abaniko.Lumapit ako sa kanya at magmamano sana nang palisin niya ang kamay ko.“Anim na libo,” pag-uulit niya, binalewala ang pagmamano ko.“P-Po?”Napahalakhak siya sabay ayos ng pagkakatayo. “P-Po?” panggagaya niya sa akin. “Anong po ka riyan?! Maayos ang usapan natin no’ng Biyernes!”

    Huling Na-update : 2021-07-26

Pinakabagong kabanata

  • Pursuing Mr. Chord Sebastian, The Unreachable Man   Kabanata 3

    "Kailangan ko ng anim na libo!”Nang gabi ng Lunes, inasahan ko agad na inaabangan ako ng aking tiyahin sa labas ng bahay namin. Hindi nga ako nagkamali dahil nang makauwi ako nang saktong alas onse y medya’y nadatnan ko ang taas-kilay na si Tita Liwayway roon sa pinto, nakatayo’t may hawak na dilaw na abaniko.Lumapit ako sa kanya at magmamano sana nang palisin niya ang kamay ko.“Anim na libo,” pag-uulit niya, binalewala ang pagmamano ko.“P-Po?”Napahalakhak siya sabay ayos ng pagkakatayo. “P-Po?” panggagaya niya sa akin. “Anong po ka riyan?! Maayos ang usapan natin no’ng Biyernes!”

  • Pursuing Mr. Chord Sebastian, The Unreachable Man   Kabanata 2

    One of the young highest-paid models in the United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, Chord Sebastian Harris, bids farewell to the country and flies back to his motherland, the Philippines, after staying in the UK for a year and a half.Chord’s upcoming projects remain unrevealed. As expected to his fans all over the globe, they have been demanding some updates for quite a long time now. However, he had been silent since he flied off to the UK. His name created a massive noise again just right after her theater actress girlfriend, Elizabeth Escareal, posted a silhouette picture on one of her social media accounts with the caption “Who’s gonna return home?” According to his fans’ speculation, it seems like Chord is gearing up for a huge project here in the Philippines.Sabado ng umaga.

  • Pursuing Mr. Chord Sebastian, The Unreachable Man   Kabanata 1

    Sa sandaling ipinanganak ako rito sa mundo, ang hinuha ko’y hindi isang propesyonal na doktor ang nag-asikaso sa akin nang iluwal ako ng aking ina. Sa sandaling tumapak ako sa lupa, ang hinuha ko’y hindi pa umabot sa bente pesos ang presyo ng saplot ko sa paa. Sa sandaling humawak ako ng laruang manika, ang hinuha ko’y munting regalo lamang iyon sa akin ng isang kabaranggay. Sa sandaling makakita ako ng lobo sa unang pagkakataon, siguro’y manghang pinagmasdan ko lamang iyon na tila ba kahit kaila’y hindi ako makakabili ng ganoong bagay.“Pero, sir, hindi ba ho ang sabi ninyo noong nakaraang buwan, dadagdagan ninyo iyong sahod ko kapag nag-extend ako ng isang oras tuwing shift ko rito sa trabaho?” nakayukong tanong ko kay Sir Rocky, ang may-ari ng full-service restawran na aking pinagtatrabahuhan, labis na kinakabahan.&ldq

DMCA.com Protection Status