Share

Chapter 6

One month later..

Nagising siya ng umagang iyon, na masama ang pakiramdam. Umiikot ang kanyang paningin. Pakiramdam niya, gumagalaw ang paligid, kaya hindi niya makuhang bumangon man lang. Sinisikmura pa siya. Dahil ata sa sobrang kape, kaya nakakaramdam siya ng hyper acidity.

Nagpalipas pa siya ng limang minuto, bago tuluyang tumayo. Naaamoy niya ang nilulutong bawang sa kusina ng apartment na tinitirahan niya. Halos bumaliktad ang kanyang sikmura sa amoy na iyon. Sumisigid sa kanyang sentido, ang amoy ng ginisa. Nagmamadali siyang pumunta sa banyo, at pilit isinusuka ang isang bagay na pakiramdam niya ay nakakasama sa kanyang tiyan.

Naluluha na siya sa labis na pagduwal, kahit wala siyang inilalabas. Sa mga nakalipas na araw, nararamdaman niya na rin ito, ngunit agad siyang naglalagay sa tiyan ng vicks vaporub. Dahil siguro sa kanyang pagpayat, kaya pati katawan niya ay naaapektuhan na.

Lumabas na siya ng kwarto, at natanaw na nagluluto ang kaibigan niyang si Lala. Sumasayaw sayaw pa ang babae habang panay ang halo sa sinangag sa kawali. Masarap itong magluto. Lahat ng klase ng pagkain, kaya nitong lutuin. Mahilig mag-imbento ng putahe.

Kaklase niya sa high school si Lala. Masasabi niyang ito ang pinakaclose sa kanya. Noong maulila si Lala, isinama na siya ng tiyahin sa Bataan. Doon na ito nanirahan. Wala na siyang balita. Hanggang sa aksidente niya itong nakita sa opisina kung saan siya nagtatrabaho bilang office staff. Nagbebenta at nagpapaorder ito ng mga lutong ulam at meryenda.

May-ari si Lala ng sampung pintuang apartment na malapit sa building kung saan siya nagtatrabaho. Doon din ito nakatira. Namana niya iyon sa tita niya na nag aruga sa kanya noong maulila siya. Inaya siya ni Lala na doon na lang siya mangupahan, dahil malayo ang kanyang tirahan. Pumayag siya, lalo na, at ang kailangan pala ni Lala ay makakasama dahil nag-iisa ito.

Ang tatlong libong ambag niya kada buwan, ay kulang pa sana kung sa ibang bahay siya nakatira. Limang libo sana ang gusto niyang ibigay, subalit hindi pumayag si Lala. Masaya daw ang kaibigan na nagkita silang muli.

HRM ang natapos nito, subalit ayaw daw nito ng may boss. Dahil likas sa kanya ang hilig sa pagluluto, nagnegosyo na lang ito, at ang tinarget? ang mga opisinang malapit sa kanyang lugar.

Doon siya labis na humanga sa kaibigan, hindi lang ito basta matalino, madiskarte din. May dalawa itong tauhan na pumupunta doon, upang tulungan itong magluto at magdeliver. Nagpapaorder din sila ng mga bilao ng pagkain, or ang tawag ni Lala ay "small catering business."

"Beb, gising ka na pala. Walang pasok ngayon ah," nginitian pa siya ng kaibigan, saka ipinagpatuloy niya ang paghahalo ng sinangag.

Nagmamadaling tumakbo sa lababo si Estella, ng muling humalimuyak ang amoy ng bawang. Para talagang binabaliktad ang kanyang sikmura. Nag-aalalang lumapit sa kanya si Lala at hinagod ang kanyang likod.

"Okay ka lang ba, beb?" hinawakan pa nito ang kanyang leeg at noo, "malamig ang pawis mo ah, ikukuha kitang tubig." Nagmamadali itong lumayo sa kanya at kinuha ang kanyang tumbler sa ref. Binuksan na nito iyon bago iabot sa kanya, "uminom ka muna."

Nilagok niya ang tubig na iyon. Uhaw na uhaw siya. Halos maubos niya ang laman ng tumbler na iyon. Hihinga-hinga siya matapos uminom. Inabot ni Lala ang kanyang lagayan.

"Okay ka na ba? ano bang nararamdaman mo?" tanong nito."Halika," inalalayan siya nito patungo sa sofa. Tinapatan ng electricfan, "saglit, papatayin ko lang ang kalan. Pagbalik nito, nag-aalala siya nitong tinanong, "ano bang nakain mo kagabi at sumama ang timpla ng tiyan mo?"

"Hi-hindi ko rin alam. Bigla na lang ako nalula ngayong umaga," init na init ang pakiramdam niya. Ang kanyang pawis ay butil butil na bumubukal sa kanyang noo. Sumandal siya sa sofa saka pumikit.

"Kailan mo pa iyan nararamdaman?" nakatingin lang sa kanya ang kaibigan. Nag iisip marahil ito sa kanyang kalagayan. "Dalahin na kaya kita sa hospital?"

"Okay lang ako. Noon pa naman ako inaatake ng acid lalo na kapag nagkakape ng madalas," sagot niya dito, "pahinga lang siguro ang kailangan ko. Isa pa, stress ako sa trabaho. Pakiramdam ko kasi pinagtutulungan nila ako. Ang dami nilang iniuutos sa akin na hindi ko na rin maintindihan kung part pa ba ng aking trabaho." hinawakan niya ang kanyang sentido at hinihilot hilot niya iyon. Ang pintig na nagmumula doon ang labis na nagpapasakit ng kanyang ulo.

"Bakit naman hindi mo isumbong sa supervisor or manager niyo? mali ang ginagawa nila sayo." payo nito sa kanya.

"Hindi na ako bata beb para maging sumbungera. Kailangan ko lang ng ibayong pasensiya. Isa pa, ayokong halukayin pa nila ang tungkol sa akin at baka malaman pa nila talaga kung sino ako. Ayoko naman na hanggang dito, matunton pa ako nina papa. Nagtatago na nga ako eh," katwiran niya sa kaibigan niya, "Hanggang kaya kong magtiis, gagawin ko. Hindi na ako prinsesa ng isang kumpanya, isa na lang akong ordinaryong manggagawa tulad ng iba."

"Minsan, mahirap din maging mayaman no, tapos bigla ka na lang ipagbibili ng magulang mo. Bakit kasi hindi yung mga chaka mong step sister ang gustuhin nung matandang yun. Sa ganda mong yan, luging lugi ka dun," binalikan niya ang kanyang niluluto.

Iminulat ko ang aking mata habang nakatingala. Iniisip niyang unfair ang buhay niya. Magaling siya, kayang kaya niya ang trabaho, subalit ang mga kapatid niya sa labas ay sobrang bulagsak sa salapi. Akala ng mga ito, meron silang pabrikia ng kwarta. Hindi man lang pagtrabahuhin ng tatay niya. Tapos ngayong nagkandaloko loko ang kanilang negosyo, siya ang ipambabayad ng utang o collateral sa merging?

Nagpupuyos pa rin ang kanyang kalooban, at tinanggap na sa kanyang sarili, na ang negosyong naipundar ng kanyang mga magulang, ay mawawala na. Lulubog na iyon ng tuluyan, malabo ng makabangon. Huminga siya ng malalim at mapait na ngumiti. Mababakas sa kanyang mukha ang pait na nangyayari sa kanyang buhay.

Nakatanggap siya ng message mula sa kanilang Supervisor. Pinapapasok siya nito. Napasimangot na lang siya. Minsan, pinapapasok siya ng sabado, at kung kelan may mahahalagang event, saka siya pinapag off ng mga ito na parang nananadya. Lalo na kung ang kanilang president ang kameeting, hindi siya pinapapunta. Hindi niya mawari kung saan nanggagaling ang galit ng mga ito sa kanya. Wala naman siyang ginagawang masama.

"Papasok ako,"paalam niya kay Lala na kasalukuyang nagsasandok ng pagkain.

"Ha? walang pasok ngayon ah?" wika nito sa kanya. Gulat na gulat ito at itinigil ang paghahain sa mesa.

"Inaatake ng kalokohan ang supervisor namin, pinapapasok ako," sagot niya dito, "maliligo muna ako, pero kakain ako bago umalis," nagmamadali na siyang umakyat upang makapaghanda.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status