“Bes, kanina pa may tumatawag sa cellphone mo, ayaw mo bang sagutin iyan?”
Napalingon si Maddox sa kan’yang kaibigan, nawala kasi ang pokus niya dahil busy siya sa kakapanuod ng telebisyon sa harap nila.
“Ano ba iyang pinapanuod mo? OMG! Ang tagapagmana ng Xander Company na si Kai Xander ay naaksidente? Mukhang malaki ang tama niya dahil yupi-yupi ang kotse nito. Hindi ba’t siya ang fian—”
Agad na pinatigil ni Maddox sa pagsasalita ang kan’yang kaibigan gamit ang kan’yang kamay at sinagot ang kanina pang nag-ri-ring na telepono. It was her assistant, siguro ay emergency na naman ito.
“Hello? Lena? What’s wrong?” agad n’yang tanong sa dalaga.
“Ma’am, kailangan ka po rito, emergency po… Alam ko pong busy kayo dahil ngayon ang burol ng lola niyo pero wala pong available na doktor sa hospital ngayon, ikaw lang ang naisip kong tawagan.”
Napahinga siya ng malalim saka napailing. Nagsimulang manginig ang kan’yang mga kamay dahil sa narinig. Hindi niya alam kung kaya pa niyang gumamot ng isang pasyente, hindi nga niya nailigtas ang kan’yang pinakamamahal na lola, ang ibang pasyente pa kaya? Naturingan pa siyang isang magaling at sikat na doktor, ni hindi naman niya nailigtas sa bingit ng kamatayan ang Mama-'La niya. Hindi pa nga niya nahahawakan ang scalpel ay nalagutan na ito ng hininga.
Prodigy? Napatawa si Maddox sa kan’yang isipan, malayong-malayo ang sarili niya sa salitang iyon.
Binansagan pa siyang Prodigy Doctor, ni hindi nga niya nailigtas sa kamatayan ang nagpalaki sa kan’ya. Nakarinig siya ng kalabog kaya agad niyang ibinaba ang telepono.
Rinig na rinig ni Maddox ang pagtatalo ng kan’yang mga magulang sa kabilang kwarto. Dahil hindi naman soundproof ang kwarto ng bahay nila ay rinig na rinig niya ang pinaguusapan ng kan’yang ama’t-ina.
“Ano ka ba naman, Sebastian! Hindi pa nga tapos ang burol ng aking ina puro business pa rin ang inaatupag mo! Hindi ba pwedeng patapusin muna natin ang burol ni Mamà? Kahit ngayon lang respetuhin mo naman ang aking ina lalo na’t wala na siya!” galit na sigaw ni Carmina kaya napakuyom si Maddox ng kamao. Kahit kailan wala talagang pakialam ang mga magulang niya. Puro business lamang ang inaatupag at nasa isip nito.
“ Tigilan mo nga ako Carmina! Kailangan na nating umuwi ngayon din! Mayroon akong mahalagang meeting na a-attend-an, mas mahalaga pa iyon kaysa sa burol ng nanay mo. Isa pa, bakit pa ba natin ito ginagawa, eh patay naman na ang Mamá?” katwiran ng kan’yang ama kaya biglang uminit ang ulo ni Maddox.
Bakit pa ba sila pumunta rito kung labag naman iyon sa kalooban nila? Kaya niya namang iburol ng mag-isa ang kan’yang lola, hindi niya kailangan ang mga ito.
Ah, oo nga pala may ibang pakay ang mga magulang niya kaya narito sila.
“Isa lang naman ang pakay natin dito eh, iyang panganay na anak nating si Maddox. Kailangan natin siyang dalhin sa Maynila, ilang araw na lamang ang natitira, ikakasal na siya sa panganay na anak ng pamilyang Xander. Kailangan din natin siyang turuan kung paano makisama sa mga mayayaman lalo na’t laking probinsya ang anak mo.”
Rinig pa niyang dagdag ng kan’yang ama. Gusto magwala ni Maddox at sabihing ayaw niyang ikasal sa hindi naman niya kilala ngunit wala siyang magawa, ito lamang ang paraan para maging malapit sila ng mga magulang niya. Kung siya lang ay ayaw niya itong gawin ngunit iyan ang huling habilin sa kan’ya ng pinakamamahal niyang lola.
Napatingin si Maddox sa kamay na nakapatong sa kan’yang balikat. It was her friend, Heart. Nakalimutan niyang naroon din pala ito sa loob ng kwarto. “Gusto mo bang lumabas na lang, Bes?” tanong nito, kita niya ang malungkot na ekspresyon ng kan’yang kaibigan, halatang naaawa ito sa kan’yang sitwasyon.
Huminga siya ng malalim saka umiling, ayaw niyang umalis dahil gusto pa niyang marinig ang usapan ng kaniyang mga magulang. Gusto niyang malaman kung may pagmamahal pa rin bang natitira sa kan’ya ang mga ito. Ilang taon din siyang naghanap ng kalinga ng magulang dahil bata pa lamang ay ang Mama-La na niya ang nasa piling niya.
“Don’t be too hard on Maddox, anak mo pa rin siya, Sebastian!” saad ng kan’yang ina.
“Kaya nga ibabalik natin siya sa Maynila kasi anak ko rin siya. Kung hindi ko siya tunay na anak, bakit pa ako narito? Bakit pa ako mag-aaksaya ng panahon na tumuntong ulit dito sa Bicol?” tanong ng ama kaya napatahimik ang kan’yang ina.
Natawa si Maddox ngunit mahina lamang. Kaya sila narito dahil may kailangan sila. Huwag silang mag-astang magulang sa kan’ya dahil ni minsan ay hindi sila naging gano’n sa kan’ya.
Ang magulang niya ay nagsimula sa wala, bigla itong yumaman nang mag-boom ang negosyong itinayo nila. Unti-unti ay nakakapundar ito ng mga establisyamento at ari-arian hanggang sa napabilang ang kan’yang mga magulang sa mga grupo ng elitista sa Maynila. Nagkaroon din siya ng isa pang kapatid na si Sapphire. Simula noon ay nawalan na ng atensyon sa kan’ya ang mga magulang niya at naging busy ang mga ito kaya naman ibinigay siya ng mga ito sa Lola niya na naninirahan sa Bicol. Ni minsan ay hindi man lamang siya nito magawang bisitahin, para siyang isang laruan na itinapon na lang dahil ayaw na nilang alagaan. Malinaw na malinaw pa sa kan’yang memorya kung paano siya binigay ng mga ito sa kan’yang Mama-'La, malungkot ang ekspresyon ng kan’yang ina tila ba ayaw siya nitong iwan samantalang ang kan’yang ama ay blangko lamang ang ekspresyon na para bang wala itong pakialam kung mawawalay siya sa kanila.
Paminsan-minsan ay kinakamusta siya ng kan’yang ina ngunit pagkatapos noon ay tungkol kay Sapphire na ang topic nila. Kesyo, valedictorian ang kapatid niya, mataas ang nakuhang grade nito sa lahat ng subject at kung ano-ano pang papuri sa kapatid. Magaling si Sapphire, totoo naman iyon pero pwede bang siya naman ang ipagmalaki ng kan’yang ina? Pwede bang matuwa rin ang kan’yang ina sa mga achievements niya? Valedictorian din naman siya at matataas ang mga grades na nakukuha, mas mataas pa nga kay Sapphire ngunit wala siyang lakas ng loob na sabihin iyon dahil alam niyang si Sapphire pa rin ang magaling sa kanilang dalawa.
Ni isa ay walang alam ang mga magulang ni Maddox tungkol sa kan’ya. Bagama’t gano’n ang trato ng mga magulang niya, maswerte pa rin siya dahil binusog siya ng kalinga at pagmamahal ng kan’yang lola.
Naghintay si Maddox ng ilang segundo ngunit wala na siyang narinig na usapan sa kabilang kwarto siguro’y umalis na ang mga ito. Hinawakan ni Heart ang kamay niya kaya napalingon siya rito. Nagulat siya nang nasa kamay na nito ang hawak-hawak niyang telepono kanina.
“Sorry, girl, kinausap ko na ang assistant mo dahil kanina pa ito hello ng hello, eh hindi mo naman sinasagot. Pokus na pokus ka sa pinag-uusapan ng mga magulang mo kaya hindi mo namalayang kinuha ko sa mga kamay mo ang telepono. Sabi ko kay Lena hindi ka makakapunta sa session niyo dahil hindi maganda ang pakiramdam mo. Okay ka lang? Mukhang namumutla ka?” nag-aalang tanong ni Heart kay Maddox.
Napatango na lamang si Maddox saka napakagat ng labi. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa kaibigan. Ilang araw na lang ay aalis siya sa Bicol kasama ang pamilya niya, iiwan niya ang buhay niya rito at hindi niya alam kung ano ang magiging future niya roon sa Maynila.