Share

CHAPTER 2

Eight years ago.

Paulit ulit siyang umiiling habang walang tigil ang pagdaloy ng masaganang mga luha sa kanyang dalawang mata. Hindi siya makapaniwala sa lahat ng sinabi ni Drix, Nagpapaalam na ito sa kanya, nakikipaghiwalay. Hindi na daw nito kaya pang ipagpatuloy ang kanilang relasyon na tumagal ng anim na taon. High School pa lang sila ng maging official ang relasyon nila, ng sagutin niya ito. At sa loob ng mga taon na iyon ay talagang naging napakasaya niya, minahal niya ng lubos ang lalaki, ganun din ito sa kanya. Talagang ipinadama nito na nag-iisa siyang babae sa buhay nito, minahal inalagaan at ipinangako na siya lamang ang mamahalin nito sa habang buhay. Akala niya ay wala ng katapusan ang lahat.

“Hindi na kita mahal Alex, sana ay maintindihan mo.” Iyon na yata ang pinakamasakit na salita ang narinig niya mula kay Drix. Bigla na lang naglaho ang pagmamahal nito sa kanya ng ganoon kadali, hindi talaga siya makapaniwala. Pinahid niya ang dalawang mata niya na tigmak ng mga luha. At saka niya tinitigan ang lalaki. Napakalungkot ng mga matang iyon, yung parang tinakasan na ng buhay.

Alam niya na may dapat siyang malaman, nararamdaman niya na hindi nagsasabi ng totoo ang kaharap niya.

“Drix sabihin mo sa akin ang dahilan, hindi yung ganito na basta basta na lang, na hindi mo na ako mahal.” Kahit anong pagpipigil niya sa kanyang luha ay talagang umaalpas iyon sa mga mata niya. Pilit niyang inabot ang pisngi ng lalaki. “Drix, m-maawa ka sa akin, huwag mo akong iwan. Mahal na mahal kita.” Paos na ang boses niya. Nakita niya inalis ng lalaki ang pagkakatingin sa kanya.

“W-wala na rin kapupuntahan ang relasyon natin Alex.” Napakalungkot ng tinig nito, nanunuot iyon sa kanyang damdamin.

“Dama ko Drix, m-may dahilan kung bakit ka nagsasalita ng ganyan, p-pwede mo naman ipaliwanag sa akin, diba?” Pamimilit niya pa kay Drix. Puno siya ng pagsamo.

Tanda niya pa, nagsimula ang lahat ng magkaroon ng malubhang sakit ang Mama nito. Inatake sa puso, buti na lang at naitakbo sa ospital, at hanggang sa mga araw na iyon ay nananatili pa rin sa ospital. Sa pagkakaalam niya ay napakalaking pera ang kinailangan para maoperahan ang Mama nito sa puso. Kahit siya ay namoblema din talaga, kung may maitutulong lang talaga siya para sa ina ang nobyo niya. Tapos isang araw ay nagsabi si Drix sa kanya na wala na silang dapat ipag-alala dahil may sumagot na ng lahat ng gastos sa ospital.

Tanong siya ng tanong dito kung sino? Dahil wala siyang kilala na kamag-anak o kaibigan nito na mayaman. Ang tatay ng lalaki ay may ilang taon na rin na patay. Panganay si Drix sa apat na magkakapatid at ito pa lang ang naghahanapbuhay sa pamilya. Nakapasok ito sa malaki at kilalang brand ng gumagawa ng mga chichiria sa buong bansa. Sa marketing area ito na-assigned. Kung iisipin ang sinasahod nito o kahit pa magloan ito ay hindi iyon makakasapat sa pagpapagamot ng Mama nito.

“Drix.” Mahina at paos na tawag niya sa lalaki, medyo nakayuko na iyon na parang wala talagang balak na magsabi sa kanya ng totoo.

After one month ay nagsabi na ito sa kanya, gusto na nitong putulin ang anumang namamagitan sa kanila. Bagay na labis niyang ikinagulat.

“Kailangan ko itong gawin Alex, h-huwag mo na akong pahirapan please.” Mahina pero madidiin ang mga salitang iyon. Yung parang hirap na hirap na ang kalooban. Sinagot niya ito ng puno ng pait ang kanyang tinig.

“A-akala mo hindi ako nahihirapan, akala mo ikaw lang Drix?” Kasabay ng malalakas na paghagulgol. Wala siyang pakialam kahit pa may tao sa paligid. Naroon sila sa lugar na kanilang tambayan lagi, relaxing ang lugar doon, maraming puno at halaman, maraming bench na pwedeng maupuan. “H-hindi lang ako nahihirapan Drix, n-nagdurusa din ako, ang puso ko pinapatay mo ng dahan dahan.” Puno ng pait na sumbat niya.

“K-kaya nga Alex, tapusin na natin ito, hindi na kita kayang panindigan.” Gulat talaga siya sa narinig napamaang siya dito. Naalala niya ang bagay na iyon. Napakaraming ulit na isinuko niya sa lalaki ang kanyang katawan, paulit ulit iyon ito ang nakauna sa kanya. Tapos ngayon, sasabihin nito na hindi na siya paninindigan. Para na siyang pinatay sa sobrang sakit. Dama niya ang pamamaga ng magkabila niyang mata gayon din ang hapdi sa bahaging dibdib niya parang may sumasaksak doon.

“Drix.” Hindi siya makapaniwala na darating ang pagkakataon na iyon sa kanilang dalawa. “Bakit?” Halos hindi na iyon lumabas sa kanyang bibig.

Nakita niyang nagpipigil na maiyak ang lalaking kaharap niya, pinipigil nito ang sarili. Huminga siya ng malalim at pilit na pinigilan ang pag-iyak. Kita niya na naghihirap din ang kalooban ni Drix. “Sabihin mo ang dahilan.” Utos niya, matigas na ang tinig niya. Dama niya na may nagpapahirap dito at nakakaramdam na siya ng galit. Pero ayaw pa rin umamin ni Drix. Hinawakan niya ito sa magkabilang braso. “Drix sabihin mo ang dahilan,” humugot siya ng hangin sa kanyang dibdib. “K-kapag nalaman ko ang dahilan, pangako iintindihin ko, u-unawain ko kahit mahirap.” Dagdag na samo niya.

Dahil sa pangako niya ay tinitigan siya ng lalaki sa mga mata. Kasunod ay katahimikan, mukha pa rin alanganin ito. Inilipat niya ang dalawa niyang palad sa magkabilang pisngi nito. Kaya mas lalo niyang nadama ang paghihirap ng kalooban ng lalaki.

“Sabihin mo please.”

“I-ikakasal na ako Alex, I-im sorry.” Shock siya sa nalaman. Naguluhan siya dahil ni hindi pa naman nagpopropose sa kanya ito, tapos ay ikakasal na. Sa dami ng problema nito sa buhay, buti ay magagawa pa nitong magpakasal.

Napaatras siya dito ng dahan dahan kasabay ng marahang pag-iling, hindi siya makapaniwala sa narinig. Pero inulit nito ang mga salitang iyon. “Ikakasal na ako sa iba Alex, hindi sa iyo.” Tuluyan na siyang napahagulgol dahil doon, napaupo siya sa lupa dahil sa matinding panghihina. Agad naman siyang dinamayan ni Drix, itinayo siya nito at inilipat siya sa isang bench na malapit doon. “A-alex, kailangan ko itong gawin.” Mahina ang mga katagang iyon. “Please initindihin mo ako, para kay Mama, p-para sa pamilya ko.” Paliwanag nito sa kanya. Dapat ay maintindihan niya iyon, pero ewan ba niya, parang namanhid ang buong katawan niya kasama ang kanyang isip.

Hindi na niya alam kung paano siya nakauwi ng bahay, wala na halos siya matandaan. Dahil ang tanging laman ng isip niya ay ang mga sinabi ni Drix, at ang tanging nararamdaman ng puso niya ay ang sakit ng pang-iiwan sa kanya ng lalaki.

Nalaman na niya ang lahat ng dahilan ng nobyo niya, kaya masyado siyang nasasaktan. Wala kasi siyang magagawa, hindi niya alam kung makakaya ba niyang ipaglaban si Drix dahil ang lalaki na mismo ang sumuko. Isinuko na siya nito.

Gusto na rin nito na makasal sa matandang babae na iyon. Para daw sa kapakanan ng pamilya nito. Para daw sa ina nito ay gagawin ng lalaki ang lahat mabuhay lamang ito. Sana daw ay maintindihan niya iyon, kung talagang mahal niya ito. Idinagdag pa ng lalaki na alam daw nito na maiintindihan niya ito, sa kalagayan na gayon, dahil kilala daw siya nito.

So ano pa nga ba ang magagawa niya?

Kahit gusto niyang sugurin ang boss ni Drix at sabihan o magmakaawa pa siya na huwag nitong kunin si Drix sa kanya ay kaya niya sigurong gawin, ang kaso ay ayaw ni Drix. Nagmakaawa ang lalaki sa kanya na huwag na huwag daw niyang gagawin iyon, alang alang dito kung may respeto pa daw siya dito ay hindi niya gagawin iyon. Huwag daw sana niyang ipahiya ang lalaki lalo na ang boss nito, dahil utang daw ni Drix ang buhay ng kanyang ina sa boss nito.

Nagpapaalam naman daw ito ng maayos sa kanya, kaya sana ay irespeto daw niya ang desisyon nito, hayaan na daw siya nito.

Maghiwalay na daw sila ng landas dahil magkakaron na daw ito ng sariling buhay. Lumuhod pa nga ito sa kanya para daw pakawalan na niya ito ng maayos.

Wala na siyang naitugon kundi mga pagluha.

Hinalikan siya nito sa noo ng madiin, kasabay ng kanyang paghikbi.

Malabo ang tingin niya kay Drix habang papalayo iyon sa kanya. Walang tigil kasi ang pag-agos ng kanyang mga luha. Tanging mga luha ang nakikiramay sa kanya ng mga sandaling iyon. Hindi maipaliwanag na sakit ang nararamdaman niya na halos ikamatay pa niya. Ang totoo ay parang nawalan ng kwenta ang buhay niya ng mga sandaling iyon, dahil nawala na ang buhay niya, si Drix. Iniwan na siya nito dahil sa matandang babae na boss nito na siyang nakatulong dito para madugtungan ang buhay ng Mama nito. At siya, wala siyang naitulong kasi, hindi naman kasi siya mayaman, wala siyang pera na maiibigay sa pagpapagamot. Kaya ang tingin niya sa sarili ay walang kwenta, wala siyang silbi kaya mas pinili ni Drix ang magpakasal sa matandang babae na iyon.

Sa araw ng kasal ng pinakamamahal niyang lalaki ay siya namang pagluluksa niya. Nasa pinakadulo siya ng simbahan kung saan ang venue.

Halos takluban na niya ang kanyang mukha sa ayos niyang iyon. Ayaw niya kasi na may makakilala sa kanya, wala siyang balak na mang-gulo. Nirerespeto niya si Drix at kahit sa huling sandali ay ipaparamdam niya iyon sa lalaki.

Gusto niya lang na makita ito. Iyon na ang pinakahuling sandali na makikita niya ang kanyang ex-boyfriend.

Kita niya kung gaano kagwapo ang lalaki sa suot nitong tuxedo. Siya sana ang babaeng kasama nito pero wala siyang pera. Iyon ang katotohanan. Di gaya ng pinakasalan nito.

Kita din niya na nakangiti ang lalaki pero hindi naman iyon umaabot sa mata nito. Dama niya mahal pa rin siya ng lalaki natatakluban lang ng kadahilanan na naoperahan ang Mama nito dahil sa pera ng babaeng iyon. At ang kapalit ng paggastos ng malaking halaga ng boss nito ay ang magpakasal nga si Drix dito.

Batid niya kasi mula noon pa kung gaano kamahal ni Drix ang ina nito. Napakabait naman kasi ng nanay ng lalaki. Kaya dapat lang siguro na gawin ni Drix ang lahat para mabuhay si Tita Agnes.

Hindi na niya namalayan na natapos na ang kasal, hanggang sa nagpicture taking na. hindi niya iwinawaglit ang kanyang paningin kay Drix, kaya nakita niya na napatingin ito sa gawi niya tapos ay natigilan. Kaya minabuti niyang umalis na sa lugar na iyon. Siguro hinintay niya lang na makita siya ni Drix at maipaabot niya ang kanyang pasasalamat sa anim na taon ng pagmamahal nito sa kanya.

Hindi na siya lumingon pa habang papalayo siya sa simbahan na iyon. Balak na niyang isara ang anuman na mayroon sila ng lalaki. Tutuldukan na niya ang pag-iibigan nila, at gusto na rin niyang palayain ang sarili at maging tahimik na magmove-on. Umaasa siya na magagawa niya iyon para kay Drix. Para sa kapakanan ng lalaki.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status