Share

TRIPLETS 07: Pasa, Sugat, at Takot

KABANATA 7: PASA, SUGAT, AT TAKOT [Bruises, Wound, and Fear]

  Nakita ng mga staff at nurse sa hospital kung paano tratuhin ni Warren si Allison. Nakakaramdam sila ng awa para kay Doktora, kahit na nagawa naman nito ng maayos ang operasyon sa young master, ay hindi pa rin ito naging mabait sa kaniya.

“Doktora Allison, ayos ka lang ba? Hindi ba't parang grabe naman yata kung saktan ka ni Mr. Harrison.” sambit ni Yanna, isa sa mga nurse.

“Ayos lang naman ako, baka gano'n lang talaga siya dahil din sa inasal ko.” tugon ni Allison at iniwasan na niya ang ilang mga nurse na nagkumpulan at mukhang siya ang laman ng usapan.

Sa totoo lang alam ni Allison na mas matinding hirap pa ang kaniyang daranasin sa kamay ni Warren. Pero handa siyang kalabanin ito, ngipin sa ngipin, pangil sa pangil.

Dumiretso siya kay Doctor Anthony, upang ipagamot ang sugat sa kaniyang braso na gawa ni Warren.

“Doktora Allison, kahit hindi mo sabihin ay alam ko kung sino ang may gawa nito. Dapat ba talagang buhay mo ang maging kabayaran sa kung sakaling hindi mo napagtagumpayan ang operasyon sa bata?” nag-aalalang sambit ni Anthony habang ginagamot ang sugat niya.

“Okay lang naman ako, at saka malayo ito sa bituka. Ang tungkol naman sa operasyon, madali lang naman ‘yon kaya hindi ako nahirapan.”

“Hindi ka nga nahirapan sa operasyon, pero pinahihirapan ka naman ngayon ni Mr. Harrison.”

Hindi na lamang nagsalita pa si Allison at tipid na lamang na ngumiti. Habang si Anthony naman ay labis ang pag-aalala. Hindi niya maatim na ganito pa ang resulta ng ginawa ni Allison. Imbes na magpasalamat si Warren, ay nagawa pa nitong saktan si Doktora.

Nang malaman naman ng Director ang nangyari kay Allison ay dali-dali nitong pinuntahan sa office clinic ni Anthony. Baguhan si Doktora Allison, ngunit isa ito sa pinakamagaling na Doktor na mula pa sa ibang bansa. Malaki itong kawalan sa kanilang hospital kung sakaling ma injured o umalis na lamang itong bigla.

“Doktora Sandoval, ayos ka lang ba, ha?” iyon kaagad ang naitanong ng Director nang makita sila nito.

Nagkatinginan si Anthony at Allison.

“Mukhang nakarating na sa inyo ang nangyari, Director.” sabay buntong hininga ni Anthony.

“Narinig ko sa mga nurse, dahil sila raw ang saksi kanina kung paanong galit na lumabas si Mr. Harrison sa opisina mo.”

“So far, ay ayos lang naman ako Director. Hindi naman niya ako sinaktan ng lubos.”

“Eh, kamusta ang kamay mo? Kakayanin mo pa bang makapagtrabaho? Kung gusto mo ay mag leave ka muna, at bumalik na lang kapag nawala na ang tensyon dito sa hospital. Alam ko naman din kasi na buhay mo ang nakataya sa nakaraang operasyon na ginawa mo.”

Umiling si Allison. “No, ayoko. Kaya ko naman kaya hindi ko na kailangan pa na mag leave. At kung sakaling kailanganin muli ako para sa operasyon, narito naman si Doctor Anthony.”

“Mabuti naman kung gano'n.” nakahinga ng maluwag ang Director.

Napahalukipkip naman si Anthony ng kaniyang braso.

“Wala po ba kayong ibang gagawin or sasabihin man lang sa sinapit ni Doktora Allison? She deserves justice.” tanong ni Anthony.

Napabuntong hininga ang Director. “Sa totoo lang, kahit gusto kong magsalita o may gawin ay hindi ko magawa. Halos kalahati ng hospital ay pagmamay-ari ni Mr. Harrison. Hindi ko siya kayang kalabanin dahil kung gawin ko iyon ay tiyak na lahat tayo ay kaya niyang patalsikin.”

Alam iyon ni Allison, kaya nga hinihiling niya na sana ay makalimutan ni Warren ang kaniyang kapangasahan na ginawa. Gusto niyang mapalapit sa kaniyang anak, at ayaw niyang lumayo sa tabi nito hanggat hindi ito magaling.

“Sa ngayon ay ilang linggo nating hindi makikita si Mr. Harrison kaya naman matatahimik muli ang hospital. Tanging nga tauhan niya lamang ang siyang magiging bantay ng young master.”

Napakuyom ng kamao si Allison. Agaw buhay ngayon ang kanilang anak, pero hindi mananatili si Warren sa tabi nito? Walang kuwenta talagang ama ito.

Mas lalong tumindi ang galit ni Allison kaya kahit na pagod at wala pang maayos na tulog ay lumabas na siya ng opisina ni Anthony. Inayos niya ang gamit niya at saka dumiretso sa kuwarto ni Wesley.

Mahimbing pa rin itong natutulog. Makalipas ng isang araw ay humupa na rin sa wakas ang lagnat nito at tuluyan ng nagising.

“Ah! A–ang sakit!” tila maluha-luhang sambit ni Wesley habang nakahawak ito sa kaniyang ulo.

Mabilis na kumilos si Allison at tiningnan ang vital signs niya.

“Huwag ka munang gumalaw. Huwag mong biglain ang sarili mo.” sambit ni Allison saka ito may tinurok sa swero ni Wesley.

“N–Nasaan po ako?”

“Narito ka sa hospital.” napakaamo ng boses ni Allison at iniiwasan niyang mapiyok dahil sa nagbabadya niyang luha.

Napakagat sa ibabang labi si Wesley. Naalala niya ang nangyari, at hindi niya maiwasang hindi indahin ang kaniyang mga sugat.

Nang maging maging maayos na ang pakiramdam ni Wesley ay kaagad na tumawag si Allison sa isang nurse upang magdala ng pagkain para kay Wesley.

“Ako nga pala si Doktora Allison, ako ang mag-babantay at mag-aalaga sa iyo rito sa hospital.” sambit ni Allison at iniiwasan na yakapin ang bata.

Napangiti naman si Wesley dahil nararamdaman niya sa kaniyang puso na mabuting tao ang Doktora. Magaan ang pakiramdam niya rito kaya nang subuan siya nito ng lugaw ay kinain niya iyon nang walang pag-aalinlangan.

“Mabuti naman at malakas kang kumain, mas mabilis kang gagaling kapag palagi kang ganyan.”

“Masarap po ang pagkain, kaya nagustuhan ko po talaga ito.”

“Simpleng lugaw lamang ito, kaya paanong nasarapan ka? Hindi ba masarap ang pagkain na kinakain mo sa mansion?”

Napayuko si Wesley at kaagad na napansin ni Allison ang biglang pagbabago ng emosyon nito. Balak sanang hawakan ni Allison ang kamay ni Wesley, pero bigla na lang tumilapon sa kung saan ang hawak niyang mangkok dahilan kung bakit natapon ang lugaw sa sahig.

“Anong pinapakain mo sa kaniya?!” sigaw nito sabay malakas siyang sinampal dahilan kung bakit nagulat din ang bata.

Nang tingnan ni Allison kung sino iyon ay kaagad na napakuyom siya sa kaniyang kamao.

“Tita Scarlet, lugaw po ang pinapakain niya sa akin! Huwag niyo po siyang saktan dahil wala siyang ginagawang masama sa akin!” pagtanggol ni Wesley kay Allison.

Ayaw ni Wesley na may masaktan pang iba dahil lang sa pagkakamaling ginawa niya.

“Bakit mo naman hinayaang pakainin ka niya ng lugaw?! Hindi ka nag-iingat, Wesley! Paano pala kung may lason ‘yon?! Gusto mo bang mamatay?!” galit na sigaw ni Scarlet.

“Huwag mong sigawan ang bata! At bakit ko naman lalagyan ng lason ang pagkain niya? Gawain mo ba ‘yan kaya alam na alam mo ang pamamaraan sa paglalason?!” galit na tanong ni Allison.

Napangisi si Scarlet. “Wala kang karapatan para pagsalitaan ako ng ganyan! Ako ang guardian ni Wesley, kaya ako rin ang masusunod sa mga kakainin niya!”

Napatingin si Allison kay Wesley na ngayon ay nakayuko, at tila mababakas ang takot sa mukha nito.

“Ako ang kaniyang Doktor, at iniuutos ko na umalis ka na ngayon din, o gusto mong isumbong pa kita kay Mr. Harrison?”

Namutal bigla si Scarlet. “A–Anong pinagsasasabi mo? Baka hindi mo kilala kung sino ako?!”

Napangisi si Allison. “Kilalang-kilala kita, Scarlet, pero baka ako ang hindi mo kilala?!” nakatitig siya kay Scarlet at nagpipigil na saktan niya ito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status