"THIS PLACE IS PARADISE, ARNIE. Dito ka ba talaga lumaki?" manghang sabi ni Yago na pumukaw mula sa malalim niyang iniisip. Kanina pa siya tulalang nakatingin sa labas ng bintana habang binabaybay nila ang daan patungo sa bahay ng kaibigan niyang si Shiela.
Nilingon niya ito at ningitian. "This place is perfect for retirement. Maraming lupang ibinebenta rito, baka gusto mong bumili para paghandaan ang retirement?"
Ngumisi ito. "I'm too young to think about retirement, but you're right. Pwede ko nang paghandaan. At pag-iisipan ko 'yang sinabi mo."
Nakangiti niyang ibinalik ang tingin sa daan. Sa gilid ng kalsada ay may mga bata siyang nakikitang naglalakad kasa-kasama ang kanilang mga magulang na maghahatid sa mga ito sa eskwela. Alam niyang may malapit na elemetary school sa bahaging iyon ng San Mateo at karamihan sa mga tagaroon ay nilalakad lang ang papuntang eskwelahan. Parang tulad niya noon.
Ibinaling niya ang tingin sa palayan; sa dako pa roon ay may nakikita siyang kabahayan na gawa sa kawayan at nipa. Magkakatabi, at mukhang payapa ang buhay.
Sa San Mateo siya ipinanganak at lumaki, pero hindi sa bahaging ito ng bayan. She grew up in the slum area, doon malapit sa bayan kung saan ang mga nakatira'y mga umuupa lamang at walang sariling titulo ng lupa. Kabilang ang pamilya nila sa mga hindi kayang bumili ng sariling lote at magpatayo ng bahay noon. They were poor. Isang kahig-isang tuka. Sayang lang at hindi na inabot ng nanay niya ang masaganang buhay na mayroon siya ngayon.
Habang nakatitig siya sa kawalan ay bumalik sa isip niya ang nakaraan.
Nakaraan na kahit anong iwas niya ay pilit na bumabalik at nagpapaalala sa kaniyang hindi naging madali ang buhay na mayroon siya noon bago niya narating ang ngayon...
*
*
*
FIFTEEN YEARS AGO...
Napabalikwas ng bangon ang sampung taong gulang na si Arni mula sa pagkakatulog nang biglang may malakas na ingay na narinig mula sa labas. Pupungas-pungas siyang bumaba sa kawayang papag at hinawi ang kurtinang nakatabing sa pinto ng kwarto nila ng ina.
Pagkalabas ay inabutan niya ang Kuya Jarod niya na pinaghahagis sa lababo ang kalderong walang laman at plastic na plato.
"Wala na namang pagkain!" hiyaw nito.
"Hindi ko pa nakukuha ang sahod ko anak. Mamayang hapon pa darating mula sa Maynila ang mag-asawang Vhan," paliwanag ng ina nila na kakikitaan ng pangamba ang mukha habang pinahihinahon ang panganay na anak.
Alas siete pa lang ng umaga at mukhang lasing na namang umuwi ang tinamaan ng magaling niyang kuya! Tuwing madaling araw ay dumadaan ito sa mga mumurahing bar sa bayan upang ubusin sa alak, sugal, at babae ang kinikitang pera mula sa pinagta-trabahuhang talyer.
"Bakit hindi ka na lang mangutang sa tindahan nina Selly nang may madatnan naman akong pagkain dito?" hasik pa ng walanghiya.
Nagising nang tuluyan ang diwa niya. Araw-araw ay ganito ang nangyayari at nasasanay na siya. Ang konsolasyon lang ay kahit papaano, puro dada lang si Jarod at hindi nananakit. Maya-maya, kapag nahiga na ito sa sofa ay makatutulog na at matatahimik na ulit ang bahay nila.
Si Jarod ay sampung taong gulang nang makilala ng inay niya ang kanyang itay. Anak ito ni Arman, ang kanyang itay, sa unang asawa na namatay sa panganganak. Labing dalawang taon noon si Jarod nang ipanganak siya ng inay niyang si Adelfa, at ito na rin ang tumayong ina kay Jarod habang lumalaki ito.
Limang taong gulang naman siya nang mamatay ang itay nila sa sakit sa baga. Simula noon ay naiwan silang dalawang magkapatid sa kanilang inay na itinaguyod sila sa pangangamuhan sa mayayamang pamilya sa bayan nila.
Kasalukuyang namamasukan si Adelfa bilang labandera ng pamilya Vhan. Mag-da-dalawang taon na itong nagta-trabaho roon, at dahil isang sakay lang ng tricycle ang bahay nila sa mansion ng mga Vhan ay umuuwi rin ito tuwing hapon.
Apat na beses sa isang linggo lang naglalaba ang inay niya roon at tuwing Sabado at Linggo ay isinasama siya nito.
Mabait ang mag-asawang Vhan at natutuwa ang mga ito sa kabibuhan niya; hindi problema sa mga ito ang mga pagdalaw niya dalawang beses sa isang linggo. Sa katunayan ay lagi siyang binibigyan ng mga ito ng karagdagang allowance sa tuwing dumadalaw siya. Kung hindi man allowance ay pagkain, tsokolate, o mga bagong damit.
"Mahaba na ang listahan ng mga utang natin kina Aling Selly," aniya na hindi na napigilang makisali sa usapan ng matatanda. "Ayaw nang mangutang ni Nanay roon dahil nalulugi na rin ang tindahan."
Marahas siyang nilingon ni Jarod. "Hoy bubwit, hindi kita kinakausap kaya h'wag kang sumabat d’yan!"
"Kung nagbibigay ka ba naman sana kahit kaunti kay Inay para makabili naman ng kahit tatlong lata ng sardinas nang sagayon ay may maabutan kang pagkain, 'di sana'y hindi ka nagwawala ng gan'yan." Humakbang siya patungo sa banyo para doon ay maghilamos, nilampasan ang nanggagalaiting kapatid na nakasunod lang ang tingin sa kaniya.
"Itikom mo 'yang bunganga mo kung ayaw mong masaktan!"
Napalabi siya. Alam niyang hindi iyon gagawin ni Jarod. Kahit noong mga bata pa sila'y ni minsan, hindi siya nakatikim ng pitik mula rito. Sa katunayan ay ito pa nga ang tagapag-tanggol niya noon sa tuwing may nang-aaway sa kaniya. Kaya lang, habang tumatanda ito'y nagiging bugnutin. Epekto marahil ng alak. Magkaganoon man ay hindi siya natatakot sa kapatid, dahilan kaya nagagawa niyang magsalita nang ganoon sa harap nito.
Si Jaron ay pasalampak na nahiga sa sofa na yari sa kawayan. "Ang ingay ng bunganga mo'ng bata ka; paluin kita r'yan, eh."
"Gusto mo bang bilhan na lang kita ng pandesal para may makain ka?" tanong pa ng inay nila.
"H'wag na! Hayaan mo na lang akong mamatay sa gutom! Pareho kayong dalawa! Mga wala kayong kwenta."
Habang nagsasabon ng mukha ay lumingon siya sa pinto kung saan nakikita niya ang eksena sa labas. Si Jarod ay nahiga na sa kawayang sofa at iniunan ang mga labahang kakakuha lang ng Inay nila sa sampayan. Ang inay naman niya'y napabuntonghininga na lang bago kinuha ang kalderong tumaob sa lababo.
Hindi pa ito nakapagsaing dahil wala rin naman talaga silang sasaingin. Sabado ng araw na iyon at maya-maya'y aalis na rin sila papunta sa malaking bahay ng pamilya Vhan; doon na siya mag-aalmusal. Bahala na si Jarod na mamroblema ng kakainin nito sa araw na iyon.
Matapos niyang maghilamos at magsipilyo ay kaagad siyang lumabas mula sa banyo. Paglabas ay nakita niya ang ina na nakaupo sa silya kaharap ng mesa at nakatunghay sa ngayon at natutulog nang si Jarod. Nasa mukha nito ang lungkot.
"'Nay?" nilapitan niya ang ina at hinawakan sa balikat.
Inabot ni Adelfa ang kamay niya at malungkot na ngumiti. "Nanghihinayang ako sa kuya mo. Kung tinapos man lang sana niya ang high school ay maari siyang makahanap ng mas maayos na trabaho sa bayan. Kung hindi lang sana niya nakilala ang mga barkada ay—“
"Matanda na 'yan, 'Nay, hayaan na po natin siya sa mga gusto niya."
Napatitig ang kaniyang ina sa kaniya bago ito nagpakawala ng banayad na ngiti. "Kay talino at maunawain mong bata, Arni. Pasensya ka na, anak. Nang dahil sa hirap ng buhay ay maaga kang namulat. Dapat ay paglalaro lang ang iniisip mo ngayon, hindi ang ganito." Napabuntong-hininga ito. "Kung nabubuhay lang sana ang itay n'yo..”
"Kung nabubuhay pa ang itay ay tiyak na mamamatay siyang muli dahil d’yan sa mga kalokohan ni Kuya. Hali na po kayo." Hinila niya sa kamay ang inay. "Nagugutom na po ako, baka masarap ang ulam nila roon sa malaking bahay.”
Lumapad ang ngiti ng inay niya saka tumayo na. "Sige, hali ka na at nang makapag-almusal ka na roon."
*
*
*
"'NAY, DOON MUNA PO AKO SA POOL AREA."
Mula sa pagbabanlaw ng mga labahin sa laundry area ng mansion ng mga Vhan ay napalingon si Adelfa sa anak.
"H'wag makulit doon, Arni, ha? Alam ko ang binabalak mo kaya gusto mong pumunta roon. Kapag nakita mong nag-aaral si Nathan ay h'wag mong abalahin, naiintindihan mo ba?"
Napangisi si Arni nang marinig ang sinabi ng ina. Katulad niya'y narinig din nito ang pagdating ng sasakyan na naghatid kay Nathaniel mula sa basketball practice nito sa eskwelahan.
Si Nathaniel ay anak ng mag-asawang Natalie at Christian Vhan; ang mga amo ng nanay niya.
Walong taong gulang siya nang una niyang makita si Nathan noong unang beses na isinama siya ng ina sa mansion. Unang kita niya pa lang dito ay natulala na siya dahil noon lang siya nakakita ng ganoon ka-poging lalaki. Ang sabi sa kanya ng kaibigan niyang si Shiela ay 'crush' daw ang tawag sa ganoon.
Ayon sa kanyang inay ay banyaga ang ama ni Nathan na si Sir Christian, at dahil marahil sa banyagang dugo kaya naiiba ang mukha ni Nathan sa lahat. Matangkad ito at mapusyaw ang balat na namumula kapag nabibilad sa init ng araw. Hindi ito sobrang puti pero kung itatabi sa kanya na ipinanganak na baluga ay maputi ito.
Simula noong walong taong gulang siya ay hindi niya itinago ang pagkagusto niya rito. Kahit ang matandang kusinera sa mansion na si Nana Lumen ay alam ang pagkahumaling niya sa alaga nito. Ang mag-asawang Vhan ay alam din ang pagkakaroon niya ng crush kay Nathan, pero katulad ni Nana Lumen ay natatawa at naaliw na lang ang mga ito sa kanya.
Habang lumilipas ang mga araw ay lalong lumalalim ang pagkakagusto niya kay Nathaniel. Bakit hindi? Maliban sa pogi ay matalino rin ito.
Parati ay sinasadya talaga niyang magpapansin dito. Natutuwa siya kapag nakukuha niya ang atensyon nito. Sa tuwing nasa mansion siya ay hinahanap niya si Nathan saka sisilipin. Kapag nakainipan niya ang paninilip dito ay saka siya lalapit para kausapin ito ng mga walang kabuluhang bagay dahilan upang iwasan s'ya nito o madalas ay pagagalitan. Makita lang siya nitong palapit ay napipikon na ito. At alam ng inay niya ang mga kalokohan niya kaya siya pinagsasabihan ngayon.
Kapag wala naman si Nathan sa mansion ay naiinip siya at halos magkanda-haba-haba ang ulo kalilingon sa gate para bantayan ang pagbalik nito mula sa kung saan. Ayon kay Gigi, ang kasambahay ng mga Vhan, kapag ganoong wala sa mansion ang binata ay malamang na nasa bayan kasama ang mga kaibigan, nasa practice game sa school, o nag-iikot lang gamit ang motorbike nito.
Para sa kaniya, si Nathaniel Vhan lang ang tanging lalaking pahihintulutan niyang maging parte ng buhay niya. At kung hindi lang din naman ito ang makakatuluyan niya balang araw ay ‘di bale na.
"Hindi ko siya kukulitin, 'Nay, promise. Sisilipin ko lang."
Napailing ito saka itinuloy ang paglalabada, habang siya nama'y tumalikod na at sa malalaking mga hakbang ay tinalunton ang footwalk patungo sa pool area. Dinaanan muna niya ang backdoor ng kusina at doon ay napansin siya ni Nana Lumen at tinawag.
"Saan na naman ang punta mo, Laarni?"
Nakangisi siyang sumagot, "Kay Sir Nathan po."
"Naku, magrereklamo na naman iyon mamaya kay Ma'am Natalie," nakatawang wari ng matanda habang naghihiwa ng mga rekados sa lulutuing ulam para sa pananghalian.
"Hindi ko po siya guguluhin, sisilipin lang."
Lalong natawa si Nana Lumen. "O siya, sandali ka lang doon at bumalik ka rito sa kusina, ha? May isinalang akong baked macaroni sa microwave, para sa iyo 'yon kaya madali ka."
"Opo, balik po ako sa inyo kaagad." Madali siyang tumalikod at itinuloy ang paghakbang hanggang sa marating ang pool area. Tulad ng inasahan niya, naroon si Nathan at nakaupo sa harap ng pabilog na mesa; nakayuko sa libro at tahimik na nagbabasa.
Lumapad ang ngisi niya.
"Hello, Sir Nathan..." nangangarap niyang bulong sa sarili bago kumubli sa likod ng malaking halaman. Sandali lang siya roon. Sandaling-sandali lang talaga…
***
Nathan could feel someone was staring at him from afar. He could feel those tiny eyes studying his every move, and watching him with curiousity. At alam na niya kung sino iyon. Minsan ay kinaiinisan niya pero binabalewala na lang dahil nakakasanayan na rin naman. Ibinalik niya ang pansin sa binabasang aklat at itinuloy ang pagbabasa. Magpapanggap siyang hindi ito napansin. Magpapanggap na naman siyang hindi alam na nasa paligid ito at nagmamatyag.Hanggang sa... “Hi!" Sinasabi na nga ba. Bagot niyang nilingon ang pinanggalingan ng maliit na tinig na iyon. Arni was standing a few feet from where he was sitting, wearing a faded black shirt and a white jogging pants. Ang mahaba at tuwid nitong buhok ay nakalugay, ang mga kamay ay nakatago sa likuran.She was smiling from ear to ear, and he couldn't help but shake his head."Ano na naman ang kailangan mo?" aniya rito bago ibinalik ang tingin sa binabasang libro."Wala lang, napadaan lang.
“A friend invited you to a wedding?" Kunot noong nag-angat ng tingin si Yago at sandali siyang sinulyapan bago muling ibinalik ang pansin sa binabasang dokumento. He paused for a while before asking, "That’s a first. Hindi ka mahilig pumunta sa mga ganiyang klaseng okasyon…”“Well, I guess there’s always a first time for everything…” nakangiti naman niyang sagot.Nagkibit-balikat si Yago, ang tingin ay pinanatili nito sa dokumentong hawak. “Ilang araw ka namang mawawala?”"Hmm. Just three days top, I guess? Or two, kung hindi ako pipilitin ni Shiela na manatili.”“Si Shiela ba talaga ang magpupumilit na manatili ka roon? I guess there’s someone else…”Nawala ang ngiti niya sa mga labi matapos marinig ang sinabi ni Yago. She knew what and who he was talking about, pero kung inaasahan nitong bubuksan niya ang topiko tungkol sa taong tinutukoy nito ay nagkakamali si Yago. She would never speak of that bastard ever again.Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa single sofa na nakaha