Sumikat ang araw. Tumagos sa nakabukas na bintana ang sinag at dumiretso sa nakapikit na si Dahlia. Kaya ay nagising siya mula sa mahimbing niyang pagkakatulog.
"Daniel.. 'diba sinabi ko sa'yong isarado mo ang binatana?" reklamo niya sabay dapa upang protektahan ang mukha niya mula sa init.
Nakapikit pa rin siya at ninanamnam ang kakaibang lambot ng kaniyang unan at higaan.
Ngunit ganun nalang ang pagdilat ni Dahlia sakaniyang mata nung may mapagtanto siyang kakaiba.
Sa bahay nila ay sa matigas na sahig siya natutulog kaya nakakapagtaka kung bakit malambot ang hinihigaan niya ngayon.
Napabalikwas siya ng upo at kaagad na sinuri ang paligid.
"Nasaan ako?"
Nasa loob siya ng eleganteng kwarto at kasalukuyang nakaupo sa isang queen size bed. Ang kwartong 'yon ay 'sing laki ng buong bahay nila kaya hindi niya maiwasang mamangha.
Ngunit naputol 'yon nung maalala niya ang nangyari kagabi. Tinungo niya ang sarili at nakahinga ng maluwag nung malamang suot niya pa rin ang damit niya.
Napatingin siya sa pinto. Kasabay ng pagbukas nito ay ang pagdagundong ng puso niya sa kaba.
Inilugwa nun ang isang lalakeng nakasuot ng eleganteng suit. Bagay na bagay ito sa malaki niyang pangangatawan. Sa mukha pa lang nito at sa uri ng tindig ay malalamang may lahi ito. Tila perpekto ang pagkakagawa ng Diyos sakanya na lahat ng lalake sa mundo ay maiinggit.
Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa maupo sa sofa. Sinenyasan siya nito na pumahik at umupo sa katapat na sofa.
Ang malamig na mata ng lalake ay puno ng awtoridad kaya mabilis na tumayo si Dahlia at sumunod sakaniya.
"Dahlia Ramirez, am I right?" Sigurado si Dahlia na siya ang nagmamay-ari ng tinig kagabi.
Tumango ang babae.
"Azriel Soriano." Nagpakilala ang lalake sakaniya. Naglapag ito ng isang itim na folder sa mesa. "Open it,"
Nag-aalinlangan man ay kinuha pa rin ni Dahlia ang folder. Binuksan niya 'yon at sinuri ang kabuuan ng dokumento. Ang unang kumuha sa atensyon niya ay walong numero na siyang nasa pinakaitaas na parte. Sa pinakaibaba naman ay naroon ang pangalan ng ama niya pati ang pirma nito.
"Your father borrowed money from me." Tuluyang gumuho ang mundo ni Dahlia.
Hindi pa nga niya nababayaran ang ibang mga utang ay may panibago na naman.
"Fifty million to be exact."
Ang mas malala ay napakalaking halaga ang hiniram ng ama niya. Na kahit pa magtrabaho siya buong buhay niya ay hindi niya ito mababayaran ng buo.
"Nagtatago siya at hindi ko mahanap," ani Azriel at humigpit ang pagkakakapit ni Dahlia sa folder. "Kaya ikaw ang sisingilin ko."
Walang mapagsidlan ang galit at inis ng dalaga. Hindi niya alam kung bakit nangutang ng ganitong halaga ang ama niya at kung para saan 'yon iginasta.
"Masyadong.." Tumitibok na ang ulo niya sa sakit. "Masyado 'tong malaki.. hindi ko.. hindi ko alam kung saan ako kukuha ng ganito kalaking pera.."
"That's your problem. Not mine," malamig na ani Azriel.
Nakatitig pa rin sa papel si Dahlia at hindi na malaman ang gagawin.
"But I'm proposing a deal to you." Napatingala sa lalake si Dahlia nung marinig ang mga salitang 'yon.
Naglapag na naman ito ng isa pang itim na folder sa harap niya. Nung buksan at mabasa ang nilalaman ay nanlaki ang mga mata niya at naghiwalay ang mga labi.
"Ano.. ano 'to?" Humingi siya ng kompirmasyon.
"A marriage contract." Alam ni Dahlia 'yon. Marunong siyang bumasa ngunit hindi pa rin siya makapaniwala. Baka mali lang ang pagkakarinig niya.
"A-Ano..?"
"I want you to marry me."
Nagdugtong ang kilay ng dalaga at tumitig kay Azriel. Sinusubukang makahanap ng kahit katiting na pagbibiro mula sa ekspresyon ng lalake ngunit nabigo siya. Seryoso ito sa kanyang sinabi.
Inaamin niyang nakakabighani si Azriel ngunit hindi sapat na dahilan 'yon upang gustuhin niyang pakasalan ito. Ngayon lang sila nagkakilala. Tanging pangalan lang ng lalaki ang alam niya. Hindi niya alam kung ano ang tinatago nitong motibo sa pag-aalok ng kasalan.
"Bakit ako?" nagtanong si Dahlia.
Imposibleng namang magkagusto ang isang katulad ni Azriel kay Dahlia kaya hindi niya ito isasali sa posibleng maging dahilan.
"I'm not obliged to answer your question not until you sign that contract," malamig na sagot ng binata.
Muling tumungo si Dahlia sa papel, kung saan nakasaad ang mga kondisyon ng kontrata at ang isang blankong linya sa ibaba kung saan hinihintay ang pagpirma niya.
"Once you agree on the deal you'll be free of the fifty million debt and I can even offer you money if you need it" Sumandal sa likod ng sofa si Azriel. "You're the one who benefits it the most. I'm doing you a favor here."
Totoo ang sinabi ni Azriel ngunit kahit ganun pa man, hindi papayag si Dahlia. Hindi siya pwedeng magpakasal sa lalakeng hindi niya naman mahal o gusto man lang. Lalong lalo na sa binatang nasa harapan niya ngayon.
Isinirado ni Dahlia ang folder.
"Pasensya na pero mas gugustuhin kong maghirap at gumapang sa pagtatrabaho kaysa sa makasal sa lalakeng hindi ko naman kilala."
Inaasahan na ni Azriel ang sagot niya ngunit hindi pa rin nito mapigilang mapabuntonghininga.
"Okay, fine." Nagtaka si Dahlia sa pagsuko kaagad ng binata. "But take this incase you change your mind."
Nag-abot si Azriel ng isang black card na walang ibang laman kundi contact number na nakasulat sa ginto. Kahit alam niyang hindi magbabago ang isip niya ay tinanggap pa rin 'yon ni Dahlia.
"The door is that way," ani Azriel sabay turo sa pinto. "Walk right and you'll see the elevator. You're gonna find your way after that."
Hindi na nagsayang pa ng segundo si Dahlia sa kwartong 'yon at tumayo na upang pumanhik sa pinto. Kinuha niya ang kaniyang bag na nasa ibabaw ng cabinet saka pinihit ang doorknob pabukas.
Bago pa man siya tuluyang makahakbang paalis ay muli siyang bumaling sa lalake na kasalukuyan palang pinapanood ang pag-alis niya.
"Salamat sa pagligtas sa akin kagabi," pagpapasalamat niya.
Bagaman ganito ang sitwasyon ay niligtas pa rin ni Azriel ang buhay niya. Kung hindi ito dumating ay malamang may masama ng nangyari kay Dahlia.
"You can now leave," malamig na tugon ng binata.
Sinunod 'yon ni Dahlia saka tuluyan ng lumabas. Sa pagtahak ng dalaga sa hallway ay pumasok sa opisina ang isang tauhan. Tumungo ito sa boss niyang nakaupo sa sofa.
"Sundan ko ba ang babae, Mister Soriano?" tanong nito.
Umiling si Azriel. "You don't need to," sagot niya. "I'm sure she'll come back to me."
"Masusunod, Mister Soriano."
…
"ATE!"
Nung makarating sa bahay ay binati siya ng kanyang dalawang kapatid na kagabi pa hinihintay ang pagdating niya. Yumakap sa binti niya ang bunsong si Daniel habang nasa harap niya naman si Daisy.
"Saan ka galing, Dahlia?" Sa harap niya ay ang kaniyang matalik na kaibigan na si Enrico. Ito ang nagbabantay sa mga kapatid niya sa tuwing wala siya. "Sinabi ni Daisy sa amin kagabi na pinauna mo siyang umuwi. Saan ka ba nagpunta?"
Nangapa siya ng isasagot. "Ahh.. ano kasi.. uhmm.." Hindi niya alam kung ano ang idadahilan. "..bigla akong pinatawag sa bar. Kailangan daw nila ng dagdag na waitress kasi madaming customer. Alam mo na, dagdag sahod din 'yon."
"Ba't hindi ka man lang nagtext, Ate? Alam mo bang hindi nakatulog si Kuya Enrico sa pag-aalala sa'yo?" Nung marinig 'yon mula kay Daisy ay napalingon si Dahlia sa kaibigan niya.
Napakamot si Enrico sa batok. "Oo.. h-hindi ako nakatulog.. gumagawa din kasi ako ng mga school works.." palusot nito ngunit sa loob-loob ay walang nagawang report ang lalake.
Napangiti si Dahlia saka umupo upang makatapat ang anim na taong gulang na si Daniel.
"Ate.. kain?"
Malakas na natawa ang dalaga nung marinig ang kapatid niyang humingi ng pagkain.
"Lalamon ka naman, Daniel? Kakakain lang natin ng agahan, 'di ba?" singit ni Daisy. "Salamat pala sa pa-bacon at egg, Kuya Enrico."
"Walang anuman." Ngumiti ang binata. Ang guhit sa labi niya ay nawala nung masama siyang tiningnan ni Dahlia.
Napagtanto ni Daisy ang mangyayari kaya hinugot niya si Daniel papunta sa kusina upang bigyan ng privacy na makapag-away ang dalawa.
"Bacon at egg? 'Diba sinabi ko sa'yong wag kang gagastos?" Hindi gusto ni Dahlia na ubusin ng kaibigan niya ang pera nito para sa kapatid niya. Alam niyang naghihirap din ang binata. "Nauubos baon mo samin."
"Ano ka ba, ayos lang 'yon," ani Enrico. "Tsaka may natira pa naman sa akin kaya wag kang mag-alala." Kumindat pa ito. "Alam mo bang tuwang-tuwa si Daniel habang kumakain? First time niya yata makatikim ng bacon!"
First time nga. Dahil sa kaliwa't kanan na bayarin ay hindi sapat ang pera nila para makabili ng ganoong klase ng pagkain. Tanging instant noodles lang o kaya'y mga de lata ang ulam nila. Makakatikim lang ng karne kapag may dalang tira si Dahlia mula sa pinagtatrabahuhang restaurant.
"Salamat Enrico," sinserong aniya na ikinangiti ng binata.
"Wala 'yon," tugon nito.
Sa araw na 'yon ay sandamakmak ang shifts ni Dahlia kaya mabilis siyang naligo at pumunta sa isang mall upang simulan na ang pagtatrabaho niya bilang janitress.
Habang nililinis ang inidoro sa loob ng isang cubicle sa comfort room ay hindi niya maiwasang muling maisip ang nangyari kaninang umaga. Problemado pa rin siya sa babayarang utang at ayaw umalis sa utak niya ang pag-alok ng isang estranghero ng kasalan.
"Ano kayang nakain nun?"
Ang pagmumuni niya ay naisturbo ng pagtunog ng phone niya.
Tumatawag ang ospital.
Sinagot niya 'yon at parang nahulog ang puso niya nung marinig mula sa nurse na inaatake na naman ang kanyang ina.
Hindi na niya magawang makapagpaalam at dumiretso na palabas. Ni ang pagbihis at pagtanggal sa uniporme ay hindi na niya magawa pa.
Nung makarating sa ospital ay diretso siya sa kwarto ng ina. Pinagbawalan siyang pumasok ng mga doktor kaya ay nanatili siya sa labas. Mula sa salamin na bintana ay kita niya ang Nanay na pinagtutulungang sinasalba ng mga doktor.
"N-Nay.. lumaban ka.. p-parang awa mo na.."
Humagulgol si Dahlia habang pinapanood ang monitor kung saan isang tuwid na linya ang makikita.
"Nay..! Nay..! Wag kang bibitaw! Nandito k-kami.. lumaban ka para sa amin nay..!"
Tila naging bukas ang pandinig ng nanay niya at muling bumundok ang kaninang tuwid na linya. Nakahinga ng maluwag si Dahlia ngunit patuloy pa rin ang kaniyang pag-iyak.
Akala niya kanina ay mawawalan na siya ng isa pang magulang.
Nung masigurong ayos na ang kondisyon ay doon lang nagsilabasan ang mga doktor. Tumigil ang isa sa harap niya.
"Ano pong nangyari, Dok? Ayos lang po ba ang nanay ko?" Pinahid ng dalaga ng luha niya.
"Sa ngayon, oo." Hindi alam ni Dahlia kung masama o mabuting balita 'yon. "Ngunit kailangan na siyang maoperahan sa lalong mabilis na panahon, iha. Ang tumor sa utak niya ay mabilis na lumalaki."
"May posibilidad ho ba na magising siya?"
"I cannot guarantee you," sagot ng doktor. "Pero it will help her live longer. Kritikal ang kondisyon niya. Kapag tumagal pa bago siya maoperahan ay maaaring manganib ang kanyang buhay."
"Magkano ho ba ang kailangan kong bayaran para sa pagpapa-opera niya?"
"Pinakamababa na ang tatlong daang libo, iha."
Tuluyang gumuho ang mundo ni Dahlia nung marinig ang halagang 'yon. Tila siya naparalisa at hindi makakilos.
"Sige ho. Salamat ho, Dok," aniya sa Doktor bago ito umalis.
Napaupo siya sa upuan sa gilid at napahawak sa kumikirot na ulo.
Walang katapusan talaga ang paghihirap niya. Kaliwa't kanan ang problema. Hindi na niya alam kung anong uunahin.
"Pero hindi ako pwedeng sumuko," aniya sa sarili saka pinahid ang mga luha at inayos ang mukha. Muli niyang pinagmasdan ang ina mula sa glass na bintana. "Gagawin ko ang lahat, 'Nay. Kaya kumapit ka lang. Maghahanap ako ng paraan."
Nilisan ni Dahlia ang ospital at nagsimulang kumilos.
Pumunta siya sa mga pautangan. Nagbabaka sakaling makakapag loan siya ng pera. Hindi niya alam kung paano magbabayad ngunit hindi na muna niya inisip ang bukas. Ang tanging inintindi niya ay kailangan maoperahan ang nanay niya sa lalong madaling panahon.
Ngunit mahigit sampung pautangan na ang pinasok niya ay wala ni isa sa kanila ang nagpautang sa kanya. Lalong lalo na at wala siyang stable na trabaho at walang kursong natapos. Sinunod niya naman ang mga pinagtatrabahuan niya.
"Hindi nga pwede, Dahlia."
Kanina pa niya pinapakiusapan ang manager niya sa restaurant at todo tanggi naman ito.
"Masyadong malaki ang singkwenta mil na hinihingi mo."
"Sige na ho... Kailangan ko lang ho talaga ng pera para sa pagpapa-opera ng nanay ko.."
"Wala akong ganoon ka laking halaga!"
"Nagmamakaawa ho a-ako.. pangako ho pagtatrabahuan ko naman ang perang ibibigay niyo. Magtatrabaho ako bente kwatro oras at kahit Sabado't Linggo kaya parang awa niyo na ho.."
Lumuluhod na siya sa harapan ng kaniyang boss habang pinagkikiskis ang kaniyang mga palad. Talagang desperada na ang dalaga.
"Pasensya na talaga, Dahlia. Mabuti kang empleyado pero hindi talaga kita pwedeng pautangin. Pasensya na."
'Yon ang huling sinambit ng manager bago siya iniwang mag-isa. Mula sa pagkakaluhod ay napaupo nalang siya. Napahilamos sa mukha, huminga ng malalim bago muling tumayo.
"Hindi ako pwedeng tumigil."
Sunod niyang pinuntahan ang pinagtatrabahuhang bar.
"Tatlong daang libo ba kamo?" paghingi ng kompirmasyon ng kanyang manager. Kasalukuyan itong nakaupo sa mesa habang pinagmamasdan ang mga alahas sa isang kahon.
Sa harap niya nakaupo si Dahlia.
"Pwede kong maibigay sa'yo 'yan, Dahlia."
Muling napuno si Dahlia ng pag-asa ngunit kasing bilis ng pagtaas nito ay siya ring bilis ng pagkakabagsak.
"Pero kailangan mong magtrabaho sa VIP."
Alam ni Dahlia kung anong ibig nitong sabihin. Ang pagtatrabaho sa VIP ay may parehong kahulugan ng pagiging bayarang babae.
"To tell you the truth, I can give you much more than you need."
Sa ilang taon niyang pagtatrabaho bilang waitress sa bar ay walang tigil na nag-alok ang kanyang boss tungkol sa trabahong 'yon.
"Alam mo bang maraming nagrerequest sa'yo gabi-gabi?" ani manager. "There are people who are willing to even pay millions for a night with you, Dahlia. Are you not really interested?"
Tumayo ang dalaga. "Alam niyo na ho ang sagot ko diyan." Akma siyang tatalikod nung muling nagsalita ang manager.
"Think about it." Napatigil si Dahlia. "Sayang ang ganda mo kung hindi mo lang din naman magagamit."
Hindi na napigilan ni Dahlia na mainis ngunit pinilit niya pa ring kumalma.
"Mawalang galang na ho.. pero hindi ko ho magagawang ipagbili ang katawan ko sa kahit anong halaga," pranka niyang ani bago yumuko. "Aalis na ho ako. Salamat sa oras niyo."
Lumabas na si Dahlia sa opisina at dumiretso na sa sakayan ng bus. Doon siya hinang-hinang umupo. Malalim na ang gabi at malakas ang ihip ng hangin.
Ang kaninang katiting niyang pag-asa ay tuluyan ng napawi. Sinuyod na niya ang buong lugar. Pinuntahan ang lahat ng pwedeng mahingan ng tulong ngunit wala.
Pati mga kamag-anak ay kinontak na din ni Dahlia ngunit tumanggi sila. Ang iba nama'y hindi man lang sinagot ang tawag niya.
Nakompirma niyang may galit talaga ang kapalaran sakaniya nung biglang bumagsak ang ulan at lumakas ang hangin. Hindi sapat ang maliit na bubong ng bus stop upang protektahan siya mula sa mga patak ng ulan.
Nababasa na si Dahlia ngunit nawalan na siya ng pakialam.
Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan ay ang pagtulo din ng mga luha niya sa mata.
"H-Hindi ko na alam anong gagawin k-ko…" hikbi niya habang sapo ng dalawang palad ang kaniyang mukha
Yumugyog ang mga balikat niya sa pinaghalong hagulgol at lamig na dulot ng panahon.
Sa gitna ng miserableng senaryong 'yon, may naalala siya.
Kinuha niya ang itim na card mula sa bulsa kung saan nakatala sa ginto ang numero ng taong makakapagbago sa buhay niya. Pwede siyang makahingi ng tulong kay Azriel.
Desidido na si Dahlia. Wala na siyang maisip pa na ibang paraan. Ayaw niyang mawala ang nanay niya at mapunta sa wala ang pinaghirapan niya sa loob ng limang taon.
Kaya kinuha niya ang selpon mula sa bulsa saka nanginginig na tinipa ang numero at tawagan ito. Sa unang ring pa lang ay kaagad na 'yong sinagot ni Azriel.
"So, did you think it through?" tanong ng binata.
Matagal bago sumagot si Dahlia. Naisip niya ang nanay niya, ang mga kapatid niya at ang kinabukasan ng buong pamilya niya. Isasantabi na muna niya ang sarili at uunahin sila. Para sa ikabubuti ng lahat.
"Oo," tango niya sabay singhot. "Pipirma ako.."
Gumuhit ang ngiting tagumpay ni Azriel Soriano sa kabilang linya.
"Good.."