Share

Chapter 6

“Ms. Cattleya, hindi pa po ba kayo babangon riyan?”

Kumunot ang aking noo dahil sa tinig na narinig ko ngunit nanatili lamang na nakapikit ang aking mga mata.

Ang sakit ng katawan ko ngayong araw na ito. Lalo na ang mga paa kong halos hindi ko na maramdaman. Daig pa nito ang magdamag na pagsusuot ng mataas na takong sa sapatos.

Bahagya akong umikot ng pwesto ng pagkakahiga dahil nakaramdam ako ng pangangalay sa kabilang balikat ko.

Ginapang ko ang aking kamay upang haplusin ang malambot na hinihigaan ko dahil tila kakaiba ito. Naramdaman ko ang gusot sa aking noo ng makaamoy ako ng hindi pamilyar na bango.

“Kung ako sa iyo, Cattleya, Hija. Mas bubutihin kong tumayo na para makapag-ayos ng sarili bago pa kayo tawagin para bumaba sa garden.”

Sandali…

“Manang Elsie?” marahas akong napabangon kasabay ng paglipad ng aking kamay sa ulo ko nang makaramdam ako ng bahagyang pananakit nito.

“Ako nga, Cattleya. Umakyat na ako dito dahil ang sabi niya ay hindi ka pa rin bumababa. Hindi ka na nakasalo sa agahan ng pamilya Madrigal kanina. Pero, ang bilin sa akin ni Matienzo ay kailangan mo raw dumalo sa kanilang tanghalian.” malumanay na paliwanag ni Manang Elsie.

Teka muna sandali, bakit ako nandito sa kama natutulog?

Sa pagkakatanda ko ay doon ako sa gumagalaw na sofa natulog kagabi. Hindi kaya nananaginip lang ako nun? Mukha naman kasing normal ang sofa na nakapwesto sa gilid katabi ng malaking pintuan.

Paano naman ako nalipat sa kama na ito?

Hindi kaya… Si Jaxson?

“Ms, Cattleya. Kailangan niyo na po mag-ayos ng sarili at bumaba para sa salu-salo.” sambit ng isang dalaga sa tabi ni Manang Elsie. Sa palagay ko ay nasa edad ko lamang ang tanda niya.

“Ah, heto nga pala ang anak kong si Lovely. Naninilbihan rin siya dito kasama ko.” sabat ni Manang Elsie na sinuklian ko naman ng ngiti.

“Hindi biro ang magtrabaho sa murang edad. Kaya naman, hanga ako sa'yo Lovely.” ani ko bago nag-umpisang tumayo para sundin ang mga sinabi nila sa akin.

___________________________

Hindi na ako nagtagal sa pag aayos at sinuklayan na lamang ang aking kulot na buhok. Nagsuot rin ako ng isang bistidang puti na pinahiram pa sa akin ni Manang Elsie. Ang sabi niya ay ito raw ang pinakamagandang damit ni Lovely na pinag-ipunan pa nila upang mabili. Medyo nahiya nga ako sa kanila pero sila ang nag pumilit sa akin na suotin ko daw ito.

Nakaramdam na rin ako ng gutom kaya naman hindi ko na rin masyadong inayusan ang sarili ko kagaya ng dalawang oras kong pagaayos bago magtungo sa night club.

Nang makababa ako at natungo ang lamesa kung saan kami nag-dinner kasama ang pamilya Madrigal, ay ipagtaka ko kung bakit wala namang tao rito para kumain ng tanghalian.

Hindi kaya tapos na rin sila?

Huwag naman sana dahil kumakalam na talaga ang sikmura ko sa gutom.

Nahagip ng aking tingin ang mga tao sa labas ng salaming bintana. Tila yata maraming bisita ang pamilya nila. Sino kaya ang may birthday?

Teka, hindi ba nabanggit ni Manang Elsie na tatawagin ako para bumaba sa garden? Hindi kaya diyan gaganapin ang tanghalian?

Pero grabe naman ang dami ng tao? Hindi ko alam na buong barangay ng mayayaman pala ang kasama namin na kumain ng tanghalian.

Bagaman ay nahihiya ako, sinimulan kong maglakad patungo sa garden kung saan may nakita akong mga tao.

Bago makalapit ay pinagmasdan ko muna ang sarili ko sa repleksyon ng salamin. Siguro naman ay hindi nila ako mapapansin kapag lumakad ako doon at kumuha ng makakain, hindi ba?

Kaya lang, masyadong kapansin pansin itong kulot kong buhok.

“Cattleya! There you are,”

Nilingon ko ang boses ng tumawag sa pangalan ko at natanaw ang step-mother ni Jaxson.

Hindi ko alam kung gusto ko bang tumakbo papasok muli ng bahay nila o kaya naman ay lamunin na lang diretso ng lupa.

Sa lahat ng taong makakasalubong ko ay ang masungit pa niyang ina sa labas.

“Good afternoon, Mrs. Madrigal.” bati ko ng may pilit na mga ngiti nang makalapit na siya sa kinatatayuan ko.

“Oh my goodness. What's good in the afternoon?” maarte niyang salubong sa akin.

Iginala ko ang aking mga mata upang tingnan kung may tao ba sa paligid namin na makakarinig sa kanya dahil kakaibang tono ng pananalita niya sa akin.

“— And where did you get that filthy dress?” dagdag niya.

Bumaba ang tingin ko sa damit na aking suot upang tingnan kung marumi nga ito.

Nagkaroon ng kunot sa aking noo pero pilit kong ipinapanatili ang aking mga pekeng ngiti upang hindi maging bastos sa kanya.

“Hindi naman po marumi itong suot ko, Ma'am Eve-”

Ikinabigla ko ang pagtapon niya ng inumin sa damit na suot ko.

“Now it is filthy.”

Hindi ko siya pinansin at sa halip ay agad na pinunasan ang damit na namantiyahan ng red wine na iniinom niya.

“Naku, hindi sa akin ang damit na 'to…” anas ko habang patuloy na pinupunasan ito. “Lagot ako nito kay Manag Elsie…”

“Hey, everyone! The person you all are anticipating is here!”

Mistulang na-estatwa ang katawan ko ng marinig ang matinis na boses ng step-mother ni Jaxson upang tawagin ang atensyon ng lahat papunta sa amin.

Hindi ako mangmang para hindi maintindihan kung ano ang gusto niyang palabasin.

Marahang umangat ang aking mga mata at natagpuan ang mga mapanghusgang tingin ng mga tao sa akin.

Para bang pinandidirihan at kinasusuklaman nila ako kung tingnan.

Gusto kong tumakbo at magtago pero pakiramdam ko ay nakapako ang mga paa ko sa lupa at hindi ako makagalaw.

Muling bumaba ang mga tingin ko sa aking paa. Wala nga pala akong suot na sapin sa paa dahil ang akala ko ay sa loob lamang kami ng bahay kakain.

Pinagdikit ko ang mga ito dahil sa naramdaman kong kahihiyan gawa ng magaganda nilang saplot sa paa.

Tanggap ko naman na hindi ako kabilang sa mga taong mararangya na gaya nila. Hindi ko pinagsisiksikan ang sarili ko sa estado ng pamumuhay nila. Ang gusto ko lang, ay tuluyang gumaling ang kapatid ko.

Pinagmasdan ko lamang ang h***d kong mga paa nang unti unting mag-init ang aking mga mata kasabay ng panlalabo ng mga ito.

Naaninag ko ang mga paang humakbang papalapit sa aking harapan. Hindi ko ito masyadong makita ngunit alam kong meron din itong marangyang sapin sa paa katulad ng iba.

Tuluyang tumulo ang aking mga luha nang masilayan ko ang wangis ni Jaxson sa pagluhod niya sa aking harapan.

Halos hindi ko malaman ang mararamdaman ng buksan niya ang maliit na kahon at ipinakita nito ang isang makinang na singsing.

Hindi ito gaya ng pinapasuot niya sa akin kagabi. Mas simple ito kung ikukumpara sa singsing na may dyamanteng bato.

“Cattleya, I know we just found each other for a very short time. But from then, I know I found the right person to love.”

Nagsalubong ang kilay ko dahil hindi ko maintindihan ang ipinararating niya.

Bakit ginagawa 'to ni Jaxson?

“Cattleya, I want to ask you in front of these people who value me.” mahinang sambit niya. Nagniningning ang kanyang mga mata habang diretsong nakatingin sa akin. “Will you marry me?”

Isang ngiti ang sumilay sa kanyang labi,

Hindi ko akalain na gagawin niya ito para sa akin. Alam ko na kasinungalingan lamang ang mga salitang lumalabas sa bibig niya. Pero, sapat na ito upang pagaanin ang aking loob at pasayahin ang puso ko.

Ang akala ko ay nawala na sa akin ang napaka espesyal na sandaling ito dahil hindi ko naman papakasalan ang lalaking tunay na mahal ko. Pero, ibinigay pa rin ito sa akin ni Jaxson.

Hinayaan niya na maranasan ko pa rin ito sa unang pagkakataon.

Kahit na paano, masaya ako na siya ang unang lalaking napili kong pakasalan.

Galak akong tumango sa kanya. “Yes,” anas ko.

Parang sasabog ang puso ko nang maramdaman kong dumulas ang singsing sa pagitan aking mga daliri at tuluyang umabot sa dulo ng aking palasingsingan.

Ganito pala ang pakiramdam ng unang beses na masuotan ng singsing ng taong papakasalan mo.

Nang tuluyang tumayo si Jaxson mula sa pagkakaluhod, ay nagtama ang aming mga mata na may mga ngiti sa aming labi. Pakiramdam ko ay mapupunit na ang mga labi ko dahil sa lawak ng aking pagkakangiti.

Nang muling ilapit ni Jaxson ang mukha niya sa akin ay agad akong nakaramdam ng kaba.

Tumigil ang paghinga ko kasabay ng pag-angat ng aking dib.dib. At tila ba wala na akong ibang naririnig sa paligid kundi ang pagpapalitan namin ng malalalim na paghinga at ang malakas na kabog ng puso ko.

Bahagyang tumagilid ang kanyang ulo upang hindi mabangga ang aming mga ilong. Napapikit na lamang ako dahil sa sobrang lapit mukha ni Jaxson sa akin pati na ang mga labi naming halos magkatama na. Hindi ako makagawa ng kahit na anong galaw.

Marahang bumukas ang aking mga mata ng tuluyan kong maramdaman ang malambot niyang mga labi na dumampi sa aking noo.

“Thank you…” rinig kong bulong niya sa akin, “—for playing along.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status