Share

Chapter 4

HINDI MAPAKALI si Clea habang nasa loob siya ng cubicle sa isang comfort room. Wala naman siyang ibang gagawin ngunit naisip niyang magtago sa loob at doon muna manatili ng ilang minuto. Hindi niya kasi alam kung ano ang dapat niyang gawin. Nagtagpo sila ulit ng lalaking nakatalík niya ng isang gabi at sa hindi inaasahang pagkakataon ay ito ang kaniyang naging amo. Ngayon ay hindi niya alam kung mayroon ba siyang mukhang maihaharap dito; lalo na ngayong sekretarya pa siya nito. Napapasabunot siya sa kaniyang buhok. “Anong gagawin ko? Dito na lang ba ako maghapon?” Hindi siya mapakali. Nakaupo lamang siya sa ibabaw ng takip ng toilet bowl.

Nagmuni-muni siya roon ngunit hanggang sa inabutan siya ng limang minuto ay wala naman siyang matinong naisip. Lumabas siya ng cubicle. Sakto namang wala pa ring katao-tao sa loob. Humarap siya sa salamin at inayos ang sarili. “Gosh!” bulalas niya. Namumula ang magkabila niyang pisngi. Mas matindi pa ang pamumula nito sa pinahid niyang blush on kanina. “Kaya mo ‘to, Cle! Trabaho lang, walang personalan.” Pinalakas niyang muli ang loob bago tuluyang lumabas ng palikuran at bumalik sa kaniyang lamesa.

Malayo pa lang ay sumisilip-silip na siya sa hallway. Ayaw niyang makasalubong man lang ang lalaki, ngunit alam niyang imposible iyong mangyari; kahit anong gawin niya ay magkikita at magkikita pa rin sila. Ang kailangan niya lamang gawin ngayon ay lakasan ang kaniyang loob at tuluyang kalimutan ang gabing iyon. Naalala niya ang bilin kanina ng babaeng nagturo sa kaniya ng kaniyang mga dapat gawin. Sa oras daw na pumasok sa opisina ang presidente ay ora mismo kailangan niya na itong dalhan ng kape sa loob. Dumagungdong ang kaniyang dibdib ngunit kailangan niya iyong labanan. Tinungo niya ang kitchenette upang gumawa ng kape na siyang ihahatid niya sa loob ng opisina ni Elias.

Maya-maya ay naabutan niya na lamang ang sarili na nakatayo sa harap ng pintuan ng lalaki habang hawak-hawak ang tasa at ang saucer nito. Ilang minuto na siyang nakatayo roon ngunit hindi magawang kumatok. Tila ba may kung anong pumipigil sa buo niyang katawan. Huli na niyang na-realized na nakabukas na ang pintuan at nakatayo na sa kaniyang harapan si Elias Adamson.

“Do you have plan to give me a coffee or tatayo ka lang d’yan buong araw?” wika nito at nakatitig lamang sa kaniya.

Napalunok si Clea ng sariling laway. Nakatutunaw ang tingin ng lalaking ito. Nanlalambot tuloy ang kaniyang tuhod ngunit hindi ito pupwede. Kailangan niyang isipin ang trabaho bago ang kung ano man niyang nararamdaman ngayon. “I-I’m sorry, Mr. President.” Pinilit niyang ngumiti. “Here’s your coffee, Sir.” Itinaas niya nang bahagya ang hawak. “Baka gusto n’yo pong tikman muna para malaman ko kung ano ang gusto n’yong timpla?”

Hindi ito sumagot. Nakatitig lamang sa kaniya at mabilis na tumalikod. Bumalik ito sa loob ng opisina at naupo muli sa office chair nito.

Sumunod naman si Clea sa loob datapwat napakabigat ng mga hakbang niya at nanlalambot ang mga tuhod. Ipinatong niya sa ibabaw ng lamesa ang tasa ng kape at humakbang palayo. “May kailangan pa po ba kayo, Mr. President?”

“So, ikaw pala ang bago kong sekretarya,” hindi iyon patanong. Pinag-ekis nito ang mga binti at prenteng isinandal ang likuran sa backrest ng upuan. Muli siyang pinagmasdan simula ulo hanggang paa. Masusing inaalala ni Elias ang una nilang pagkikita na nauwi sa tinatawag na one-night-stand. “Clea Buenaventura.” Tumango-tango ito nang marahan habang hindi inaalis ang tingin sa kaniyang magandang pangangatawan. “You have a nice name, and a nice body.” Pilyo itong ngumiti.

Kaagad siyang nag-iwas ng tingin. Hindi niya naman akalaing magtatagpo muli ang kanilang landas matapos ang gabing iyon, at mukhang magkakasama pa sila nang matagal. “T-thank you, Sir.” Hindi niya alam kung matutuwa ba siya sa papuri nito o hindi. Paano ay napakalagkit ng tingin nito sa kaniya. Kung pupwede nga lamang na lumabas na siya ng silid nang hindi nagpapaalam ay kanina niya pa ginawa.

Sinimulang tikman ni Elias ang dinala niyang kape. Huminto ito at ibinaba ang tasa nang makahigop ng isa at nilasahan ang kape na itinimpla niya.

Kinakabahan siya sa maari nitong sabihin ngunit nakahinga siya nang maluwag nang tumango-tango ito at tila ba nagustuhan iyon.

“I like it,” wika nito, “Sakto lang, hindi masiyadong matamis at hindi rin masiyadong mapait.” Ibinalik nito ang tingin sa kaniya.

Nakabukas naman ang air conditioner ng silid ngunit bakit tila napakainit? Namumuo ang pawis sa kaniyang noo.

“I love it.”

Pilit ang kaniyang naging ngiti. “T-thank you, Sir.” Ito na lamang ba ang mga salitang alam niya? Makalawang ulit niya na itong sinabi at nauutal pa. Namilog ang kaniyang mga mata nang tumayo ang lalaki at naglakad papalapit sa kaniya. Magkakasunod ang kaniyang naging paglunok. Bumilis din ang tibok ng kaniyang puso, lalong-lalo na nang tuluyang makalapit sa kaniya ang lalaki.

Tumayo ito sa kaniyang harapan at pinagmasdan ang kaniyang mukha.

Todo iwas si Clea ng tingin. Ang puso niya ay nais nang kumawala. Namumuo na ang pawis sa kaniyang buong katawan; lalong-lalo na sa kaniyang noo. Napakainit!

Tumaas ang palad ng lalaki at dumapo sa kaniyang pisngi upang hawiin ang ilang hibla ng buhok. Iniipit nito iyon sa likod ng kaniyang tainga.

Nanigas siya sa kinatatayuan at tila ba napapaso siya sa palad nito. Bakit ba ganito ang nararamdaman niya? Wala siyang ibang magawang kilos upang iwasan ang lalaki hanggang sa ilapit nito ang mga labi sa kaniyang tainga at mayroong ibulong, “I can still hear your moan in my head, and I can still see you perfect body, Ms. Clea Buenaventura,” halos pabulong iyon na kumikiliti sa kaniyang tainga.

Hindi niya inaasahan ang sinabi nito. Nanlambot nang tuluyan ang kaniyang mga tuhod at kamuntik nang matumba. Napahawak siya sa balikat ng lalaki at nasalo nito ang kaniyang baywang.

Tinulungan siya ng lalaki na muling tumayo nang maayos. Nang makasigurong maayos na ang pagkakatayo niya ay bumalik ito sa study table at sinimulang buklatin ang ilang papeles na nasa ibabaw ng lamesa. “You can go now. Tatawagin kita kapag may kailangan ako.”

Nagdadalawang isip siyang tumango at nanghihinang lumabas ng silid ng lalaki. Napasandal siya sa pintuan nang tuluyang makalabas. “Oh, God!!”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status