Share

Chapter 3.2

“Nasaan ang anak ko?!” dumagundong ang galit na boses ni Diether sa hardin ng mansyon. 

Agad kasi na itinawag ni Yaya Nancy ang nangyari kay Axel sa kaniya. 

Taranta siyang sinalubong nina Fiona at Mildred. 

“D-Diether…” Hindi alam ni Mildred kung paano kakausapin ang lalaki. Kitang-kita kasi ang galit sa mukha nito. Parang konting-konti na lang ay mapipigtas na ang pasensya nito at makakapatay ng tao. “Pasensya na. Kasalanan ko. A-Ayaw niya kasing lumabas sa kwarto niya kaya hinayaan ko na muna siya roon. H-Hindi ko naman kasi alam na tatalon siya sa kwarto niya. Nalingat lang ako nang kaunti tapos–”

“Ayokong marinig ang paliwanag mo ngayon. Nasaan ang anak ko?” matalim na putol ni Diether sa kaniya. 

“Kumalma ka, hijo. Naisugod naman na ang apo ko sa ospital. Magiging okay rin siya,” sabat ni Fiona. 

Binalingan lang siya nang matalim na tingin ni Diether dahilan para maumid ang kaniyang dila. 

“Ni wala man lang sa inyong dalawa ang sumama kay Axel. Mananagot kayo kapag may nangyaring masama sa anak ko,” banta niya sa dalawa saka nagmamadaling sumakay sa kaniyang sasakyan at nagtungo sa ospital. 

“D-Diether!” sigaw ni Jane na ngayon lang nakabawi sa pagkabigla. Tila ba nakalimutan siya ni Diether na isama. 

Samantala, sa St. Joseph's Medical Hospital…

“Kailangang maging matagumpay ng operasyon na ito, Dra. Villareal dahil kapakanan ng ospital na ito ang nakasalalay rito,” paalala ng medical director kay Stacy, ang doktorang nakatoka sa pag-oopera kay Axel. 

Napakunot ang noo ni Stacy sa sinabi ng nakatataas. “Anong ibig niyong sabihin?”

“Ang pasyente mo ngayon ay anak ng isa sa pinakamakapangyarihang negosyante sa bansa. Kailangang siguraduhin ang kaligtasan ng bata kung hindi ay mananagot ang ospital,” paliwanag nito. 

“Lagi kong ginagawa ang lahat ng makakaya ko bilang doktor ng mga pasyente ko. Pero hindi ho ako Diyos para maipangako ang kaligtasan ng isang tao,” sagot ni Stacy. 

“Alam ko. Pasensya ka na, Dra. Villareal. Hindi ko lang talaga maiwasang mag-alala. Kilala kasi bilang walang awa ang lalaking ‘yon.”

“Sino ho ba ang tinutukoy niyong negosyante?”

“Ang CEO ng Ford Group of Companies, si Mr. Diether Ford.”

Natigalgal si Stacy sa narinig. Para siyang nalagutan ng hininga. 

Pangalan pa lang ng lalaking ‘yon ang nabanggit ngunit sapat na ‘yon para mapaalala sa kaniya ang mapait niyang nakaraan na nais niya nang kalimutan. 

Kinuyom niya ang kamao na nasa bulsa ng kaniyang lab gown. 

Matapos pala siya nitong itapon na parang basura matapos pakinabangan ay nagkaanak pala ito kay Jane. Naging mapakla ang panlasa niya. Bakit pa nga ba siya nagulat? Natural lang naman na magkaanak silang dalawa dahil kailangan nila ‘yon sa negosyo. 

Pero paano kaya nangyari?

Naghimala ba at nabuntis si Jane?

O inulit lang nila ang ginawa nila sa kaniya?

Alin man sa mga ‘yon ay wala na siyang pakialam. 

Taliwas man sa kaniyang paniniwala ay buong lakas niyang sinalubong ang tingin ng medical director. “Pasensya na, dok pero hindi ko magagawang operahan ang batang ‘yon.”

***

“At anong karapatan ng doktor na ‘yon na tanggihan ang paggamot sa anak ko? Hindi ba’t bawal sa inyong tanggihan ang sinomang pasyente? Hindi ba ako kilala ng Dra. Villareal na ‘yan?” angil ni Diether kay Dr. Medina. 

“Huwag po kayong mag-alala. Mayroon naman pong bagong naka-assign sa anak niyo,” alo ng medical director. 

Nagpanting ang tainga ni Diether nang marinig na hindi pa naaasikaso ang anak niya dahil tinanggihan ng naunang doktor na gamutin ang anak niya. Walang sinoman ang maaaring gumawa n’on sa pamilya niya, lalong-lalo na sa anak niya. 

“Gusto kong makausap ang Dra. Villareal na ‘yon.”

“P-Pero–”

“Ngayon na!”

“M-Masusunod po.” Aligagang tumalima si Dr. Medina. Kinakabahan siya sa kakalabasan ng pag-uusap ng dalawa. Kilala niya si Stacy. Hindi ito ‘yong tipo ng taong aatras hangga’t alam niyang tama ang pinaglalaban niya. 

Sana lang ay para sa kabutihan ng lahat ang maging resulta ng pagbabangga nila. 

Makalipas lamang ang isang minuto ay nasa harapan na ni Diether ang hamak na doktor na tumanggi sa anak niya. Hindi niya alam kung bakit siya nag-aaksaya ng oras para kausapin ito gayong pwede niya naman na itong ipatanggal sa trabaho. Isa kasi siya sa may pinakamalaking share sa ospital na ito kaya pwede niya iyong gawin sa isang pitik lamang ng kamay. Pero ito siya at magsasayang ng laway sa hindi malamang dahilan. 

“Mr. Ford…” wika ng doktorang nasa harap niya. “Nais niyo raw akong makausap?” dugtong niya. 

Hindi agad na nakapagsalita ang lalaki nang marinig niya ang boses ng doktora. Tila may kung anong kumiliti sa loob niya nang marinig niya ang pamilyar na boses na iyon. At nang titigan niya ang mga mata nito ay lalong lumala ang nararamdaman niya. 

Kay ganda ng pares ng kulay tsokolateng mata ng doktora. May naaalala siya sa mga matang ‘yon. 

Kinabahan si Stacy sa reaksyon ng lalaki. Ngunit pilit niya iyong nilabanan at saka tumikhim. “Mr. Ford, wala ho akong panahon para makipagtitigan sa inyo. Kung sasayangin niyo lang ang oras ko ay aalis na lamang ako. Marami pa akong pasyente na dapat asikasuhin,” may lihim na taray sa kaniyang boses. 

Napakurap si Diether, tila natauhan sa pagkatulala. Maya-maya pa ay nagsalita na ito. “Hindi ba kabastusan na makipag-usap habang naka-mask ka pa?”

Gustong umirap ni Stacy sa sinabi ng lalaki ngunit pinigilan niya ang sarili. Kailangan niyang maging professional sa lahat ng sitwasyon. “Isa akong doktor, Mr. Ford. Natural lamang sa akin na makipag-usap nang ganito. Ano bang gusto niyong pag-usapan natin?”

“Bakit mo tinanggihan na operahan ang anak ko?”

Napabuntong-hininga si Stacy. Hindi niya alam kung saan papunta ang usapan nilang ito. “Katulad ng binanggit ko kanina, marami akong pasyenteng inaasikaso. Kaya hindi ko nagawang tanggapin ang case ng anak mo. Mayroon na namang bagong doktor na nakatoka sa kaniya hindi ba? Bakit hindi mo na lang puntahan ang anak mo kaysa sayangin mo ang oras mo rito?”

“I want you to be my son’s doctor,” anito na tila walang narinig. 

Napahilot sa sentido si Stacy. Sumasakit ang ulo niya sa lalaking nasa harapan.

Ano ba ang inaarte nito? 

Hindi ba’t ang mas mahalaga ay mag-oopera na sa anak niya?

What was with the pettiness?

“Hindi niyo ho ba ako narinig, Mr. Ford? Mayroon na hong naka-assign na doktor sa anak niyo. Hintayin niyo na lamang ho ang magiging resulta ng operasyon,” diin ni Stacy. “Kung ‘yon lang ang nais niyong sabihin ay kailangan ko nang umalis.”

Tatalikuran na sana niya ang lalaki ngunit agad siya nitong hinawakan sa palapulsuhan. “Be my son’s doctor or you will be doomed.”

Tinaliman niya ng tingin si Diether. Kung akala niya ay masisindak siya nito nang pagani-ganito lamang ay nagkakamali siya. “Doktor ako rito, Mr. Ford. Hindi ako isa sa mga utusan mo,” sumbat niya saka marahas na inagaw ang kamay sa lalaki.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status