Share

WHAT LOVE CAN DO TO US

TINALIKURAN ako ni Jared.

Naiwan akong parang baliw na nagwawala sa galit na walang kaaway.

Nang bumalik, may itinutulak na trolley ng napakaraming pagkain sa mesa na halos dalawang metro ang haba. Parang fiesta ang isang higanteng glass platters ng mga prutas at higanteng basket na may balat pa na sobra pa sa isang buwan kong kunsumo. Naka-disenyo iyon na gaya ng sa mamahaling hotel. Feastive rin ang mga putahe ng karne at seafoods sa mga metal na lalagyan na para bang bibitayin na ako. May makukulay na pastries na sa gutom ko ay parang ang sarap dakutin agad at isubo.

Literal akong naglaway na itinatanggi ng isip ko.

Sa sobrang dami ng mga pagkain na yon ay puede na sa 20 katao.

Hinihingal pa rin ako dala ng galit kaya paano niya naisip na magagawa kong kumain?

Matutunawan ba ako gayong wala pa ring malinaw na sagot kung nasaan si Catherine?

Kanina, nagde-deliryo na yata ako sa galit nang marinig ko na parang binanggit niya si Catherine at isang kasunduan pero malabo sa isip ko.

Gutom ako, stress, puyat at pagod at bigla pang sumulak ang galit.

Ah, para sa bata.

Ginagawa niya at gagawin niya ang lahat para sa bata.

Para sa bata na hindi ko pa rin nararamdaman na bahagi na ng katawan ko maliban sa mga negatibong dala ng hormonal changes dahil sa pagdadalang-tao.

Nagbuntong-hininga ako at nagsikap kumalma.

Gaya nang kung paano ko pinabababa sa 70 ang heart rate ko kapag gumagamit ako ng sniper rifle at kailangan kong bumaril ng target sa layong 1.5 kilometers o higit pa.

Sa dami ng kapatid na ipinakilala sa akin ng pekeng tatay ko, si Diego, ako ang pinakaminahal niya dahil sa magaling kong pulso sa bagay na yon at sa iba pang physical skills na inaasahan sana niya kay Erin.

Humigit ako nang malalim na buntong-hininga at inalis ko sa isip ko ang matindi kong galit kay Jared.

Kailangan kong mabuhay. Magpatuloy. Lumaban, dahil may mga kasamahan ako na nag alaaala sa akin sa mga oras na ito na kailangan kong balikan.

Nakatitig din sa akin si Jared. Tensyonadong naglalaro ang mahahabang daliri sa lower lip niya. Nakatukod sa bewang ang isa pang kamay.

Kilala ko siya noon at ngayon. At palatandaan yon na nag iisip siya ng epektibong taktika kung paano gagana ang mga bagay sa pagitan naming dalawa.

Ewan ko kung bakit parang napakalaki ng tiwala niya sa mga electronic bracelets sa katawan ko na alam naming pareho na kaya kong sirain at matakasan sila ano mang oras na makakita ako ng pagkakataon kasehodang may kadena pang nakalabit doon.

"Kailangan mong kumain, kung hindi mauulit ang migraine mo dahil sa overfatique at kakulangan ng sustansya mo sa katawan." Totoo ang pagmamalasakit niya gaya ng lagi. At isa yon sa kanyang mga kahinaan.

Dahil kung hindi niya ako kayang saktan noong hindi pa ako buntis, mas lalo na ngayong dinadala ko ang anak niya.

"Hindi basta namamatay ang mga anak ng demonyo," inulit ko sa kanya ang mga salitang galing sa bibig ng ilan niyang kamag anak noong mga bata pa kami. "Mataas ang survival rate namin at nakita mo yon mismo."

"Tama," sumang ayon siya sa paraang napakasarkastiko, nakangisi. "...sabi ng babaing hinihimatay na sa gutom at ni walang ideya na buntis siya."

Nakipagtitigan siya sa akin, galit.

Nagtagis ang bagang ko. "Nang matukso tayo sa isa't-isa---hindi---nang ibayad ko sa yo ang sarili ko tulungan mo lang akong mahanap si Catherine, alam na alam mo na ikaw ang unang lalaki sa buhay ko. At kahit walang iba, naging maingat ako sa sarili ko. Imposibleng mabuntis ako dahil karamihan sa shelter ay gumagamit ng calendar method. Kaya paanong hindi ako mabibigla na buntis ako."

O baka may ginawa siya at sinadya niya ito?

Dapat ba nag pills ako?

"Huwag mong galitin ang sarili mo, Anna. Ang pag usapan natin ay sulusyon at hindi ang mga bagay na tapos na."

"Walang natapos doon at sa lintik na pagkabaliw mo na maging babae mo ako!"

"Na nagawa ko kaya sa ayaw at sa gusto mo, baliin mo ang sungay mo para sa amin ng anak mo!"

P*****a.

Umungol ako gaya ng galit na leon sa harap ng usa na hindi ko puedeng silain dahil sa mga lintik na kadena at bracelets.

Nawawala ako sa huwisyo sa tindi ng galit ko sa kanya.

"Huminga ka nang maayos, pakiusap," bigla siyang kumalma. Minamasahe na ang batok niya. "Mag usap tayo gaya ng mga sibilisadong tao."

"Sibilisado na ba sa yo ang ganito? Nakaposas ang mga paa at kamay ko!"

"Dahil tatakas sa lahat ng paraang alam mo, mananakit ka ng kahit sinong nakaharang sa dadaanan mo at papatay ka kung kinakailangan, hindi ba?"

Sandali akong hindi makapagsalita sa sinabi niya.

Mabuti alam niya.

"Anna, walang gumusto nang nangyari. Pero narito na ito at wala na tayong magagawa. Kung talagang gusto mong makaalis dito at ituloy ang buhay mo, papayagan kitang gawin yon pero kapag naisilang mo na ang bata at kung magagawa mong ibigay sa akin ang custody niya."

"Napakahaba ng 9 na buwan," angil ko. "Alam mong nawawala si Catherine at nasa gitna pa lang ako ng pagbuo ng grupo na mapapagkatiwalaan ko."

"At wala kang balak na tumigil kahit ganyan na kalala ang sitwasyon mo?"

"Pamilya ko sila."

"Sino sa kanila maliban kay Catherine?"

Nagbuntong-hininga ako. Hindi makapaniwala. Ito ang problema kapag kilalang kilala ka ng isang tao, wala kang baho at kahinaan na puedeng itago.

"Jared," ang huling lakas ko gusto ko pa sanang gamitin sa pakikipagtalo pero nakakaramdam na naman ako nang pagkahilo, kaya hinilot ko ang sentido ko. "Hindi ito tama," wala na akong ibang masabi, nanghihina.

"Marami tayong pag uusapan, alam ko. Kaya kumain ka muna. At kapag malakas ka na, pangako, sasagutin ko ang lahat ng tanong mo. Alam ko rin na ayaw mo akong makita kaya simula mamaya, iba na ang mag aasikaso ng mga kailangan mo."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status