ANG PIYAYA NI PIPAY
“Pipay!” galit na sigaw ng aking madrasta mula sa kanyang silid habang abala sa pag-aayos ng kanyang mukha. Halos magputok ang ugat sa kanyang leeg, na para bang ako ang dahilan ng lahat ng problema niya sa buhay.
“Bakit po, Madam?” mahinahon kong sagot habang tuloy sa paglalampaso ng sahig. “Madam”—iyon ang itinawag niya sa akin mula pa noong una, at dahil sa takot, hindi ko na rin inusisa kung bakit.
Ako nga pala si Piazza Fontana Vega, o mas kilala bilang Pipay. Dalawampu’t dalawang taong gulang na ako, ngunit hanggang Grade 5 lang ang naabot ko. Natigil ako sa pag-aaral noong mag-asawa muli ang aking ama. Simula noon, naging parang alipin na ako ng aking madrasta.
Araw-araw, pareho lang ang eksena sa bahay. Ako ang gumagawa ng lahat ng gawain habang si Madam at ang kanyang anak na si Claire ay nag-e-enjoy sa luho ng buhay. Pero kahit ganoon, may lihim akong pangarap. Minsan, sa mga tahimik na gabi, iniisip ko kung darating ba ang araw na makakawala ako sa ganitong sitwasyon.
“PIPAY!” muling sigaw ng aking madrasta, na tila mas nagiging galit pa.
Agad kong iniwan ang mop at tumakbo sa kanyang kwarto. Kailangan kong magmadali. Kapag natagalan ako, mas matindi ang parusa.
“Madam, may kailangan po ba kayo?” magalang kong tanong sa aking Madrasta.
"Bakit ba ang bagal mong kumilos? HETO! Labhan mo pati ang damit ng anak ko!” sigaw niya, sabay hagis sa akin ng maruruming damit. Tumama ito sa aking mukha, pero wala akong nagawa kundi damputin ang mga ito.
“Opo, Madam,” sagot ko, habang pinipigil ang pagbagsak ng luha.
10415 viewsOngoing