Every Second Count
AI Ragas
Sa inis ni Aura Beatriz Diaz, nakuha niyang makipag-usap sa kaklase at kapitbahay niyang iniiwasan ng lahat. Sa ngalan ng plus points, pinilit niya si Shintaro Terrano na magpalit sila ng points sapagkat ito ang dahilan kung bakit siya na-late sa klase.
“Sino naman ang nagsasabi sa iyong ayaw ko ng points? Pasensiya ka na, ‘di ko magagawa iyan...” Sagot ni Shintaro sa kanya. “Pero may ibang paraan ako para makakuha ka nito...”
Namangha niya nang namalayan niyang kaya naman palang makipag-usap nito sa mga tao.
“Babaguhin natin ang nakaraan.” Sinabi pa nito.
Napatigil siya nang hawakan nito ang kamay niya at literal na umikot ang kanyang mundo. Pumikit siya ng mariin at noong sa tingin niya'y tumigil na ang pag-ikot. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Wala na sila sa paaralan. Nasa waiting shed na sila kung saan sila nag-agawan ng pwesto sa jeep kanina.
“P-Paano mo nagawa ito? I-Isa ka bang w-wizard? G-Guardian? Guardian angel?!” Halos pasigaw na tanong niya. Mababaliw na siya.
Paano ito nagawa ng isang Shintaro Terrano? Ano nga ba si Shintaro Terrano?
Umangat ang gilid ng labi nito. “Akala ko ba matalino ang isang Aura Beatriz Cortes Diaz? Bakit hindi mo napagtagping maaaring isa akong manglalakbay sa kahapon, kasalukuyan at hinaharap… Oo, manlalakbay ako. Kaya kong baguhin ang nangyari na. Itong kaharap mo ngayon ang totoong Shintaro. Ikaw lang ang nakakaalam ng totoong Shintaro Terrano… Ikaw lang ang hahayaan kong makaalam.”